Magandang Asal na Tinanggihan ng “Bagong Moralidad”?
Magandang Asal na Tinanggihan ng “Bagong Moralidad”?
‘Sa aba nila na nagsasabing ang masama ay mabuti, na inaaring liwanag ang dilim, na inaaring matamis ang mapait.’—Isaias 5:20.
NAKITA ng ika-20 siglo ang mabilis na mga pagbabago sa mga asal at moral. Sa mga dekada na kasunod ng dalawang digmaang pandaigdig, ang dating mga sistema ng pagpapahalaga ay unti-unting minalas bilang lipás na. Ang nagbabagong mga kalagayan at bagong mga teoriya sa mga larangan ng paggawi ng tao at siyensiya ay kumumbinsi sa marami na ang dating mga pamantayan ay hindi na mabisa. Ang asal na dati’y lubhang pinahahalagahan ay inalis na para bang sobrang bagahe. Ang mga panuntunan ng Bibliya na dati’y iginagalang ay tinanggihan bilang lipás na. Ang mga ito ay masyadong mahigpit para sa maluwag, malayang lipunan ng napakamodernong mga tao sa ika-20 siglo.
Ang taon na nakakita sa malaking pagbabagong ito sa kasaysayan ng tao ay ang 1914. Ang mga akda ng mga mananalaysay tungkol sa taóng iyan at ang Digmaang Pandaigdig I ay punô ng kanilang mga obserbasyon na nagpapahayag na ang 1914 ang taon ng napakahalagang pagbabago, isang tunay na palatandaan na humahati sa mga panahon sa kasaysayan ng tao. Ang “Roaring Twenties” ang sumunod karaka-raka sa digmaan at sinikap ng mga tao na punan ang katuwaan na hindi nila natamasa noong mga taon ng digmaan. Ang dating mga pamantayan at mahirap na mga pagbabawal sa moral ay isinaisang-tabi upang bigyang-daan ang pagpapakalabis sa kasiyahan. Isang bagong moralidad, na nagpapakalabis sa makalamang mga hangarin, ay di-pormal na inilagay—pangunahin nang isang pamamaraan na kahit-ano-puwede. Tiyak na dala ng bagong kodigo sa moral ang isang pagbabago sa asal.
Ang mananalaysay na si Frederick Lewis Allen ay nagkokomento tungkol dito: “Isa pang resulta ng pagbabago ay na ang asal ay hindi lamang naging kakaiba, kundi—sa loob ng ilang taon—walang-modo. . . . Noong dekadang ito nasumpungan ng mga maypabisita . . . na ang kanilang mga bisita ay hindi man lamang nakikipag-usap sa kanila pagdating o bago umalis; na ang ‘pagpuslit’ sa mga sayawan ay naging isang tinatanggap na gawain, ang mga tao’y ‘sumusunod sa kausuhan na dumating nang huli’ sa mga sosyal na okasyon, nag-iiwan ng nakasinding mga sigarilyo, nagkakalat ng mga abo ng sigarilyo sa mga alpombra, nang hindi humihingi ng paumanhin. Ang dating mga pagbabawal ay ibinaba, walang bagong mga pagbabawal ang isinaayos, at ang walang-modong mga tao ay malayang nagagawa ang balang maibigan nila. Balang araw, marahil, ang sampung taon na kasunod ng digmaan ay maaaring angkop na makilala bilang ang dekada ng Masamang Asal. . . . Kung ang dekada ay walang-modo, ito rin ay hindi maligaya. Kasamang naglaho ng matandang kaayusan ng mga bagay ang isang kalipunan ng mga pamantayan na nagbigay ng kasaganaan at kabuluhan sa buhay, at ang kahaliling mga pamantayan ay mahirap matagpuan.”
Ang kahaliling mga pamantayan na nagsauli ng kasaganaan at kabuluhan sa buhay ay hindi kailanman nasumpungan. Ang mga ito’y hindi hinanap. Ang kapana-panabik na kahit-ano-puwede na
istilo ng buhay ng Roaring Twenties ay nagpalaya sa mga tao sa moral na mga pagbabawal, ang kalayaan na gusto nila. Hindi nila inaalis ang moralidad; kanila lamang nirerebisa ito, medyo niluluwagan ito. Nang maglaon ay tinawag nila ito na ang Bagong Moralidad. Dito ay ginagawa ng bawat isa ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata. Siya ang numero uno. Ginagawa niya ang maibigan niya. Sinusundan niya ang landas ng pagsasarili.O gayon ang akala niya. Sa katunayan, tatlong libong taon na ang nakalipas, ang pantas na Haring Solomon ay nagsabi: “Walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” (Eclesiastes 1:9) Bago pa nito, noong panahon ng mga Hukom, ang mga Israelita ay may kalayaan ng pagkilos sa kung susundin ba nila ang Batas ng Diyos o hindi: “Nang mga araw na yao’y walang hari sa Israel. Ginagawa ng bawat isa ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata.” (Hukom 21:25) Subalit ang karamihan ay ayaw sumunod sa Batas. Dahil sa paghahasik sa ganitong paraan, ang Israel ay umani ng daan-daang taon ng pambansang mga kapahamakan. Sa katulad na paraan, ang mga bansa sa ngayon ay umani ng mga dantaon ng kirot at pagdurusa—at ang pinakamasama ay darating pa.
May isa pang termino na mas espesipikong nagpapakilala sa Bagong Moralidad, alalaong baga, ang “relativism.” Ganito ito binibigyan-kahulugan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary: “Isang palagay na ang etikal na mga katotohanan ay depende sa mga indibiduwal at mga pangkat na nanghahawakan dito.” Sa maikli iginigiit ng mga tagasunod ng relativism na anumang mabuti sa kanila ay etikal sa kanila. Pinalawak pa ng isang manunulat ang tungkol sa relativism nang sabihin niya: “Ang relativism, malaon nang nagkukubli sa ilalim, ay lumitaw bilang ang nangingibabaw na pilosopiya ng ‘dekada ng ako-muna’ ng mga taóng setenta; ito’y naghahari pa rin sa mga taong nakaluluwag sa buhay ng mga taóng otsenta. Maaaring sinasabi nating pabor pa rin tayo sa tradisyunal na mga pamantayan, ngunit sa gawain, ang tama ay kung ano ang mabuti sa akin.”
At kasali riyan ang asal—‘Kung pabor sa akin, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko gagawin. Hindi magiging tama para sa akin, kahit na kung ito ay tama para sa iyo. Sisirain nito ang aking radikal na indibiduwalismo, magtitingin akong mahina, gagawin ako nitong walang-saysay.’ Maliwanag, para sa gayong mga tao ito ay kumakapit hindi lamang sa magagaspang na pag-uugali kundi rin naman sa madali, pang-araw-araw na mga kaasalan na gaya ng ‘Pakisuyo, Ikinalulungkot ko, Paumanhin po, Salamat po, Hayaan po ninyong buksan ko ang pinto para sa inyo, Kayo na po ang maupo rito, Hayaan po ninyong dalhin ko ang balutang iyan para sa inyo.’ Ang mga ito at ang iba pang parirala ay tulad ng banayad na langis na umaayos at gumagawang kaaya-aya sa ating mga kaugnayang pantao. ‘Subalit ang pagpapakita ng mabuting asal sa iba,’ tutol ng mga naniniwala sa ako-muna, ‘ay magkakaroon ng negatibong epekto sa aking pamumuhay at pagpapakita ng aking pagiging numero uno.’
Ipinalalagay ng sosyologong si James Q. Wilson ang dumaming igtingan at masamang paggawi sa pagguho ng kung ano ngayon “ay mapanghamak na tinutukoy bilang ‘mga pamantayan ng mga taong nakaluluwag sa buhay,’ ” at ang ulat ay nagpapatuloy: “Ang pagkabigo ng mga pamantayang ito—at ang pagdami ng moral na relativism—ay lumilitaw na may kaugnayan sa mas mataas na bilang ng krimen.” Tiyak na ito ay may kaugnayan sa modernong kausuhan na tanggihan ang anumang pagpipigil sa pagpapahayag-ng-sarili, gaano man ito kawalang-modo o kasamâ. Katulad ito ng sinabi ng isa pang sosyologo, si Jared Taylor:
“Ang ating lipunan ay patuloy na nagbago mula sa pagpipigil-sa-sarili tungo sa pagpapahayag-ng-sarili, at pinawalang-saysay ng maraming tao ang makalumang mga pamantayan bilang mapanupil.”Ang pagsasagawa ng relativism ay gumagawa sa iyo na maging hukom ng iyong personal na pag-uugali, binabale wala ang hatol ng sinuman, pati ang sa Diyos. Ikaw ay nagpapasiya sa iyong sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali para sa iyo, gaya ng ginawa ng unang mag-asawa sa Eden nang tanggihan nila ang utos ng Diyos at nagpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. Dinaya ng Ahas si Eva sa pag-iisip na kung susuway siya sa Diyos at kakain sa ipinagbabawal na prutas, kung gayon ito ay magiging gaya ng sinabi niya sa kaniya: “Madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Kaya si Eva ay kumuha ng ilang prutas at kinain ito at ibinigay niya ang ilan nito kay Adan, at kinain niya ito. (Genesis 3:5, 6) Ang pasiya nina Adan at Eva na kumain ay isang nakapipinsalang pasiya para sa kanila at kapaha-pahamak para sa kanilang supling.
Pagkatapos ng isang mahabang ulat ng katiwalian na masusumpungan sa gitna ng mga pulitiko, negosyante, manlalaro, siyentipiko, isang nagwagi ng gantimpalang Nobel, at isang klerigo, isang nagmamasid ang nagsabi sa isang talumpati sa Harvard Business School: “Ako’y naniniwala na nararanasan natin sa ating bansa ngayon ang tinatawag kong isang krisis ng karakter, isang kawalan ng kung ano ang dating itinuturing ng Kanluraning kabihasnan na panloob na mga pagpipigil at panloob na mga kagalingan na humahadlang sa atin sa pagbibigay-kasiyahan sa ating masamang katutubong ugali.” Binanggit niya ang “mga salita na halos ay lubhang di-pamilyar kapag binigkas sa mga kapaligirang ito, mga salitang gaya ng katapangan, karangalan, tungkulin, pananagutan, kahabagan, pagkamapitagan—mga salitang halos ay hindi na ginagamit.”
Sa mga kampus ng unibersidad noong mga taon ng 1960, sumabog ang ilang isyu. Sinasabi ng marami na ‘walang Diyos, ang Diyos ay patay, walang anumang bagay, walang nakahihigit na pamantayan, ang buhay ay ganap na walang kabuluhan, madaraig mo ang kawalang-kabuluhan ng buhay tanging sa pamamagitan ng dakilang indibiduwalismo.’ Itinuring ito ng mga hippie na hudyat ng pagsang-ayon at kanilang dinaig ang kawalang-kabuluhan ng buhay sa pamamagitan ng ‘pagsinghot ng cocaine, paghitit ng marijuana, pagsasama nang hindi kasal, at paghahanap ng kapayapaan ng isip.’ Kailanman ay hindi nila nasumpungan ang kapayapaan ng isip.
Pagkatapos ay nariyan ang mga kilusang nagpoprotesta noong mga taon ng 1960. Higit pa kaysa kausuhan lamang, itinaguyod ito ng kasalukuyang kulturang Amerikano at humantong sa dekada ng Ako-muna noong mga taon ng 1970. Sa gayo’y pumasok tayo sa isang dekadang tinawag ni Tom Wolfe, ang kritiko sa lipunan, “ang dekada ng Ako.” Iyan ay nagtapos sa dekada ng 1980, mapang-uyam na tinawag ng ilan, “ang ginintuang panahon ng kasakiman.”
Ano ba ang kinalaman ng lahat ng ito sa asal? Ito ay tungkol sa pag-una sa sarili, at kung inuuna mo ang iyong sarili, hindi ka madaling padaig sa iba, hindi mo maaaring ilagay sa una ang iba, hindi ka makapagpakita ng kagandahang-asal sa iba. Sa katunayan, sa pag-una mo sa iyong sarili, maaaring ikaw ay nagsasagawa ng isang anyo ng pagsamba-sa-sarili, isang pagsamba sa Ako. Paano inilalarawan ng Bibliya ang isa na gumagawa niyan?Efeso 5:5; Colosas 3:5) Sino talaga ang pinaglilingkuran ng mga taong iyon? “Ang diyos nila ay ang kanilang tiyan.” (Filipos 3:19) Ang hamak na kahaliling mga istilo ng buhay na pinili ng maraming tao bilang moral na matuwid para sa kanila at ang kapaha-pahamak, nakamamatay na mga resulta ng mga istilo ng buhay na iyon ay nagpapatunay lamang sa pagiging totoo ng Jeremias 10:23: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”
Bilang isang “taong sakim—na nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo,” na nagpapakita ng “kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Patiunang nakita ng Bibliya ang lahat ng ito at inihula ito bilang isang nagbababalang bahagi ng “mga huling araw,” gaya ng nakatala sa 2 Timoteo 3:1-5, New English Bible: “Dapat ninyong harapin ang katotohanan: ang wakas ng sanlibutang ito ay magiging isang panahon ng kahirapan. Ang mga tao ay walang iibigin kundi ang salapi at ang sarili; sila’y magiging arogante, mayabang, at abusado; na walang paggalang sa mga magulang, walang pagtanaw ng utang na loob, walang kabanalan, walang katutubong pagmamahal; sila’y magiging walang habag sa kanilang poot, mapagkalat ng iskandalo, walang pagpipigil at mabagsik, hindi nakakikilala ng kabaitan, mga traidor, mga abenturero, maka-ako. Sila’y magiging mga taong inilalagay ang kalayawan sa dako ng Diyos, mga taong iniingatan ang panlabas na anyo ng relihiyon, subalit tinatanggihan naman ang katotohanan nito. Huwag kayong makisama sa mga taong gaya nito.”
Malayo na ang inilayo natin sa kung ano ang pagkalalang sa atin—sa larawan at wangis ng Diyos. Ang mahalagang mga katangian ng pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan ay nasa atin pa rin subalit naging di-timbang at pilipit. Ang unang hakbang upang makabalik ay inihahayag sa huling pangungusap ng teksto sa Bibliya na sinipi sa itaas: “Huwag kayong makisama sa mga taong gaya nito.” Humanap ng isang bagong kapaligiran, isa na magbabago maging sa iyong panloob na mga damdamin. Nakapagtuturo sa layuning ito ang pantas na mga salitang isinulat mga taon na ang nakalipas sa The Ladies’ Home Journal ni Dorothy Thompson. Ang kaniyang sinipi ay nagsisimula sa pagsasabing upang madaig ang delingkuwensiya ng mga kabataan, mahalagang turuan ang mga damdamin ng isang kabataan sa halip na ang kaniyang pag-iisip:
“Ang kaniyang mga kilos at mga saloobin bilang isang bata ay lubhang tumitiyak sa kaniyang mga kilos at mga saloobin bilang
isang adulto. Subalit ang mga ito ay hindi inudyukan ng kaniyang utak, kundi ng kaniyang mga damdamin. Siya ay nagiging kung ano ang hinimok at sinanay sa kaniya na ibigin, hangaan, sambahin, mahalin, at isakripisyo. . . . Sa lahat ng bagay na ito ang asal ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi, sapagkat ang kagandahang-asal ay walang iba kundi ang pagpapakita ng konsiderasyon sa iba. . . . Ang panloob na mga damdamin ay nababanaag sa panlabas na gawi, subalit ang panlabas na gawi ay nakatutulong din sa paglinang ng panloob na mga damdamin. Mahirap makadama ng kapusukan samantalang kumikilos nang may kaunawaan. Ang kagandahang-asal ay maaaring panlabas lamang sa pasimula, subalit ito’y bihirang nananatiling gayon.”Sinabi rin niya na, maliban sa ilang eksepsiyon, ang kabutihan at kasamaan “ay hindi nakondisyon ng utak kundi ng mga damdamin” at na “ang mga kriminal ay nagiging gayon hindi dahil sa pagtigas ng mga arteriya kundi sa pagtigas ng puso.” Idiniin niya na kinokontrol ng damdamin ang ating paggawi nang higit kaysa pag-iisip at na ang paraan ng pagsanay sa atin, ang paraan ng pagkilos natin, kahit na pinilit sa simula, ay nakaiimpluwensiya sa panloob na mga damdamin at binabago ang puso.
Gayunman, ang Bibliya ang nakahihigit sa pagbibigay ng kinasihang pormula para baguhin ang panloob na pagkatao ng puso.
Una, ang Efeso 4:22-24: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa kaniyang mapanlinlang na mga nasa . . . Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.”
Ikalawa, ang Colosas 3:9, 10, 12-14: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito. Alinsunod dito, bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”
Ang mananalaysay na si Will Durant ay nagsabi: “Ang pinakamalaking problema ng ating panahon ay hindi ang komunismo laban sa indibiduwalismo, hindi ang Europa laban sa Amerika, hindi pa nga ang Silangan laban sa Kanluran; ito’y kung ang mga tao ay maaaring mabuhay nang wala ang Diyos.”
Upang mamuhay ng isang matagumpay na buhay, dapat nating sundin ang kaniyang payo. “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan, at ingatan sana ng iyong puso ang aking mga utos, sapagkat ang maraming mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay idaragdag sa iyo. Huwag kang pabayaan ng maibiging-awa at katotohanan. Itali mo sa palibot ng iyong leeg. Isulat mo sa tapyas ng iyong puso, sa gayo’y makasusumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao. Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:1-6.
Ang mabait at mapagbigay na kagandahang-asal na natutuhan sa loob ng mga dantaon ng pamumuhay ay hindi sobrang bagahe lamang, at ang mga panuntunan ng Bibliya para sa pamumuhay ay hindi lipás na kundi mapatutunayang para sa walang-hanggang kaligtasan ng sangkatauhan. Kung wala si Jehova, hindi sila maaaring patuloy na mabuhay, sapagkat ‘nasa kay Jehova ang bukal ng buhay.’—Awit 36:9.
[Blurb sa pahina 11]
Ang paraan ng pagkilos natin, kahit na pinilit sa simula, ay nakaiimpluwensiya sa panloob na mga damdamin at binabago ang puso
[Kahon sa pahina 10]
Tamang Asal sa Hapag Kainan na Dapat Tularan ng mga Tao
Ang mga cedar waxwings, maganda, mapitagan, palakaibigan, ay kumakaing sama-sama sa isang malaking palumpon na hitik ng hinog na mga berry. Nakapila sa isang hanay sa kahabaan ng isang sanga, sila’y kumakain ng prutas, subalit hindi sinasabsab. Sa tukâ at tukâ, paroo’t paritong ipinapasa nila ang berry sa isa’t isa, hanggang sa wakas ay mahinay na kinakain ito. Hindi nila kailanman kinaliligtaan ang kanilang “mga anak,” walang-sawang dinadalhan ng pagkain, berry at berry, hanggang sa ang lahat ng bibig na walang laman ay magkaroon.
[Credit Line]
H. Armstrong Roberts
[Larawan sa pahina 8]
Sabi ng ilan: ‘Itapon mo ang Bibliya at ang mga pamantayang moral’
[Larawan sa pahina 9]
“Ang Diyos ay patay.”
“Walang kabuluhan ang buhay!”
“Humitit ka ng marijuana, suminghot ka ng cocaine”
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Kaliwa: Life; Kanan: Grandville