Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Lindol sa California—Kailan Darating ang Malakas na Lindol?

Mga Lindol sa California—Kailan Darating ang Malakas na Lindol?

Mga Lindol sa California​—Kailan Darating ang Malakas na Lindol?

ANG lupa ay umuga. Ang mga tubo ng gas sa ilalim ng lupa ay nasira. Gumuho ang mga gusali. Nagngalit ang apoy. Ito ba ang lindol kamakailan sa Los Angeles? Hindi. Ito ang lindol na humampas sa San Francisco noong Abril 18, 1906. Ang lindol na iyon, at ang tatlong-araw na sunog na kasunod nito, ay nagwasak ng 512 bloke sa sentro ng bayan at sumawi ng 700 buhay.

Ano ang mga sanhi ng gayong malalaking kapahamakan?

Sinisikap ipaliwanag ito ng mga siyentipiko sa paggamit ng teoriya ng plate tectonics. Sinasabi nila na ang ibabaw ng lupa ay nakapatong sa mga 20 matitigas na plate, o malapad at makapal na tipak, ng bato na marahang kumikilos, dumadausdos lampas at sa ilang punto ay nagpapatung-patong. Ang plate sa Pasipiko ay marahang dumadausdos pahilaga, lampas sa plate sa Hilagang Amerika. Ang sona ng pagdausdos sa pagitan ng dalawang plate na ito ay tinatawag na San Andreas Fault. Ito’y umaabot ng mga 650 milya pahilaga, mula sa uluhan ng Golpo ng California, naglalaho sa Karagatang Pasipiko malapit sa San Francisco.

Ang mga plate na ito ay kumikilos nang napakarahan, tulad sa bilis ng paghaba ng iyong kuko​—ilang centimetro o higit pa sa isang taon. Sa nilakad-lakad ng mga taon ang presyon ay tumitindi kapag ang mga plate ay nagdirikit habang sinisikap nilang dumausdos lampas ng isa’t isa. Pagkatapos ang mga ito ay maaaring umalpas taglay ang malakas na pagsabog.

Ang San Andreas Fault ay dumaraan mga 53 kilometro sa hilagang-silangan ng Los Angeles at dumaraan sa Karagatang Pasipiko malapit sa San Francisco. Nakapagtataka ba na ang mga taga-California ay nababahala tungkol sa tinatawag na Malaking Lindol?

San Francisco

Pagkatapos ng lindol noong 1906, ang hilagang dulo ng San Andreas Fault ay nanatiling lubhang tahimik. Pagkatapos, noong ika–5:04 n.h. ng Oktubre 17, 1989, tinatayang 50 milyong Amerikano ang nakatutok sa kani-kanilang mga TV upang panoorin ang World Series ng baseball mula sa San Francisco. Walang anu-ano, ang mga kamera ng TV ay nagsimulang tumalbog. Mga 100 kilometro sa gawing timog ng San Francisco ang dalawang panig ng San Andreas Fault ay mabilis na naglampasan sa isa’t isa, na nagpangyari ng lindol na sumawi ng 63 tao, sinira ang mga haywey, inipit ang mga kotse, at iniwan ang libu-libo na walang tirahan. Subalit ang lindol na iyon ay hindi gaanong malakas kaysa inihuhulang magnitude 8 sa Richter scale para sa inaasahang Malaking Lindol. a

Noong tagsibol ng 1985, inihula ng U.S. Geological Survey na isang lindol na magnitude 6 ay mangyayari sa loob ng limang taon pasimula ng 1988 malapit sa maliit na bayan ng Parkfield, halos kalagitnaan sa pagitan ng Los Angeles at San Francisco. Sa pamamagitan ng patiunang pag-aaral sa kilos ng lupa tungkol sa hinihintay na lindol, inaasahan nilang malalaman kung paano huhulaan ang mga lindol at makapagbigay ng babala marahil mga ilang oras o araw pa nga bago humampas ang lindol. Ang pag-aaral na ito ay nagkakahalaga ng $15 milyon, subalit ang lindol ay hindi kailanman nangyari. Gaya ng minsa’y sinabi ni William Ellsworth ng U.S. Geological Survey, “ang interpretasyon ng karaniwang seismikong pagyanig ay isang di-eksaktong siyensiya.”

Lindol sa Landers

Kaya, noong Hunyo 28, 1992, walang sinuman ang umaasang hahampas ang magnitude 7.5 na lindol sa hindi mataong rehiyon malapit sa Landers, sa gawing timog ng Disyerto ng Mojave sa California. Tungkol sa lindol na ito ang magasing Time ay nagsabi: “Sa loob ng ilang nakatatakot na segundo, nireruta nito ang mga daan, muling pinantay ang mga paradahan at muling hinubog ang tanawin sa di-mabilang na pabagu-bagong paraan, makahimalang sumawi ng isa lamang buhay.” Sa isang lindol na ganito kalakas, ang pinsala ay bahagya.

Kaya ito man ay hindi ang Malaking Lindol. Sa katunayan, hindi pa nga ito sa San Andreas Fault kundi sa isa sa mas maliliit na fault na nakapaligid dito.

Gayunman, posibleng ang lindol sa Landers, pati na ang maliliit na lindol malapit sa Big Bear, ay maaaring makaapekto sa kalapit na mga bahagi ng San Andreas. Sinabi ng mga siyentipiko na ang nagdikit na mga plate sa kahabaan ng pinakatimog na bahagi ng San Andreas ay may 40 porsiyentong tsansa na biglang malagot sa loob ng susunod na 30 taon. Iyan ay maaaring pagmulan ng malaon nang kinatatakutang Malaking Lindol, na magnitude 8 na mga limang ulit ng lakas niyaong sa Landers.

Los Angeles

Pagkatapos, noong Enero 17 nang taóng ito, ang Los Angeles ay niyanig noong ika–4:31 n.u. Mga 18 kilometro sa ilalim ng lupa ng mataong San Fernando Valley sa Los Angeles, isang patse ng bato ay inaakalang dumausdos nang mga 5.5 metro sa kahabaan ng isang malalim ang pagkakalubog na fault. Ang sampung-segundong yanig na ito na magnitude 6.6 ay sumawi ng 57 buhay. Kalunus-lunos, 16 katao ang namatay sa isang gumuhong apartment. Isang lalaking nakaligtas ay nakulong ng walong oras sa ilalim ng 20 toneladang kongkreto sa isang bumagsak na kongkretong gusaling paradahan. Isang gumuhong haywey ang pumutol sa pangunahing daanan ng lungsod patungo sa hilaga. Nagsara ang mga simbahan, paaralan, tindahan, at isang malaking ospital. Gaya ng karaniwang kaso, ang mababang-kita na mga pamilya ang naghirap nang husto dahil sa paninirahan sa mas matandang mga gusali na naitayo bago naitatag ang modernong mga kodigong pangkaligtasan para sa pagtatayo.

Ipinakita ng lindol na ito ang mga problema na maaaring mangyari kahit na sa mas maliliit na lokal na mga fault na tuwirang nasa ilalim ng isang malaking lungsod. Kung mga tao ang pag-uusapan, ang anumang lindol ay Malaking Lindol sa kanila kung sila ay nakatira sa sentro nito!

Ang pagkawasak ay mas malaki pa sana kung hindi dahil sa mahigpit na lokal na mga kodigo sa pagtatayo. Ang bawat lindol ay nagtuturo ng aral upang sa susunod ay hindi na gaanong malaki ang pinsala. Ang ilang daanan sa ibabaw ng haywey na lalong pinagtibay pagkatapos ng naunang mga lindol ay naligtasan ang isang ito; ang iba ay hindi. Subalit ang tunay na pagsubok ay darating kung isang lalong malakas na lindol​—isang tunay na malaking lindol​—ay humampas malapit sa isang malaking lungsod. Ang Los Angeles muli, marahil?

Isang Ikalawang Malaking Lindol na Darating?

‘Oh, hindi! Huwag na sanang maulit pa! Ang isang iyon ay sobra na!’ Gayunpaman, isa pang malaking lindol ang nakikita ng ilang geologo na nalalapit. Ang magasing New Scientist, Enero 22, 1994, ay nagsabi: “Ang mapanganib na mga fault line na tumatakbo sa ilalim ng Los Angeles ay maaaring pagmulan ng isang ‘Malaking Lindol’ na sa lahat ng paraan ay mapangwasak na gaya niyaong lindol na inaasahan sa San Andreas fault, babala ng mga eksperto. . . . Ang lunas sa Los Angeles ay lalo nang sagana sa mga thrust fault, dahil sa ang San Andreas fault​—na sa karamihan ng mga dako ay bumabagtas mula hilaga patimog ng estado​—ay lumiliko sa kanluran sa Los Angeles, lumilikha ng karagdagang puwersa sa lugar na iyon. Sa paano man, ang lumilipat na lupa sa plate ng Pasipiko ay dapat na lumampas sa kurbadang iyon at magpatuloy pahilaga.”

Habang kumikilos ang plate sa Pasipiko, inaakala ng mga geologo, ang kawing-kawing na mga thrust fault ay nalikha sa lunas ng Los Angeles, isa na siyang sanhi ng lindol na nadama roon maaga nang taóng ito. Tungkol sa lindol na iyon sinundan ng magasing New Scientist ang unang ulat nito ng isang ito pagkaraan ng isang linggo: “Naniniwala pa rin ang mga siyentipiko na ang fault na may pananagutan ay isang thrust fault​—isa kung saan ang isang malaking tipak ng bato ay dumausdos sa isa pa. Noong panahon ng lindol ng nakaraang linggo, ang Kabundukan ng Santa Susana sa hilaga ng sentro ng lindol ay naitaas ng di-kukulanging 40 centimetro [16 na pulgada] at kasabay nito’y kumilos mga 15 [6 na pulgada] centimetro pahilaga.”

Si Kerry Sieh, isang geologo buhat sa Caltech, ay nag-aakalang ang mas maliliit na thrust fault na naglalagusan sa lunas ng Los Angeles ay maaaring kasimpanganib ng inaasahan pa ring magnitude 8 sa San Andreas. Saka nagtanong si Sieh na nasasaisip ang Los Angeles: “Posible kaya na magkaroon tayo ng isang tunay na malaking lindol, isa na ang magnitude 8, na ang sentro ay sa ilalim ng downtown ng Los Angeles?” Isang nakatatakot na tanong, kung iisipin ang milyun-milyong tao sa Los Angeles!

Ang mga taga-California ay wari bang namumuhay na kasama ng mga lindol, kung paanong ang ibang tao ay namumuhay na kasama ng mga bagyo, baha, o buhawi.

[Talababa]

a Ang “magnitude” ay tumutukoy sa sandaling sukatan ng magnitude. Ang sukatang ito ay tuwirang batay sa pagdausdos ng bato sa kahabaan ng fault. Sinusukat ng Richter Scale ang mga along seismiko at samakatuwid ay isang di-tuwirang sukat sa lakas ng isang lindol. Ang dalawang sukatan ay karaniwang nagpapakita ng magkahawig na mga resulta sa karamihan ng mga lindol, bagaman ang sandaling sukatan ng magnitude ay mas tama.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga thrust fault line sa lunas ng Los Angeles

San Andreas Fault

Los Angeles

KARAGATANG PASIPIKO

[Larawan sa pahina 15]

Napinsalang haywey na dulot ng lindol ng 1994 sa Los Angeles

[Credit Line]

Hans Gutknecht/Los Angeles Daily News

[Larawan sa pahina 17]

Bumubugang apoy mula sa isang tubo ng gas na sinira ng lindol ng 1994

[Credit Line]

Tina Gerson/Los Angeles Daily News

[Larawan sa pahina 18]

Ang gumuhong bahaging ito ng haywey sa Los Angeles ang naiwan pagkatapos ng isang sampung-segundong yanig ng lakas na 6.6

[Credit Line]

Gene Blevins/Los Angeles Daily News