Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Credit Card Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Perang Plastik—Para sa Iyo ba Ito?” (Disyembre 8, 1993) Ilang taon na ang nakalipas, kaming mag-asawa ay napabaon sa nakapanlulumong utang sa credit card na napakatagal naming nabayaran, maging pagkatapos naming sirain ang aming mga kard. Gayunman, para lamang maging maalwan, kumuha kami kamakailan ng bagong kard. Ang inyong napapanahong mga paalaala tungkol sa perang plastik at sa mga panganib nito ay nakatulong sa amin na maging matatag na huwag gamitin ito sa maling paraan sa pagkakataong ito.
M. B. at D. B., Estados Unidos
Mga Kuwento sa Hayop Salamat sa artikulo tungkol sa mga osong polo na pinamagatang “Kahanga-hangang mga Higante sa Kahilagaan ng Canada.” (Disyembre 8, 1993) Totoong napakaganda ng pagkasulat sa artikulong ito. Ang mga bagay na tinalakay ay tunay na nagpangyari sa akin na pahalagahan kung gaano kamapagmahal si Jehova upang lumikha ng mga hayop para sa ating ikasisiya.
D. C., Estados Unidos
Ang inyong artikulong “Hiniya ng Isang Kudu ang mga Leon” (Nobyembre 22, 1993) ay nakakatawa. Nakikini-kinita ko ang galit na galit at napahiyang barakong kudu na nakikipagbuno sa di-natitinag na tansong kudung ito. At kung paano nito pinatalilis ang pulutong ng mga leon—talagang nakakatawa! Ipinakikita nito na ibig ni Jehova ang pagpapatawa.
A. L., Estados Unidos
Ako’y tuwang-tuwa sa inyong paraan ng masusing pagsisiyasat sa paksang “Pagsusuri sa mga Lihim ng Igat.” (Oktubre 22, 1993) Ipinakikita ng mga nilalang na ito ang pagiging totoo ng ulat ng Bibliya hinggil sa paglalang at pinabulaanan ang lahat ng mga pagsisikap na patunayan ang teoriya ng ebolusyon.
C. S. S., Brazil
Ako’y 11 taóng gulang, at talagang naibigan ko ang tudling sa “Pagmamasid sa Daigdig” na pinamagatang “Pagsamba sa Daga.” (Nobyembre 8, 1993) Ipinaliwanag ng artikulo na ang mga pari sa templo sa India ay naniniwala na kapag sila’y namatay, sila’y makapagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsilang-muli bilang mga daga! Sinasabi nila na sila’y hindi talaga mga daga kundi sila’y mga sugo ng Diyos. Nakapangingilabot!
E. L., Estados Unidos
Mga Kapistahan Lubos ko kayong pinasasalamatan sa seryeng “Mga Kapistahan—Kung Bakit ang Ilang Bata Ay Hindi Nagdiriwang ng mga Ito.” (Nobyembre 22, 1993) Napaluha ako sa bahaging “Hindi Kami Pinagkakaitan!” Maraming ulit na nadarama kong ako’y nag-iisa sa pagpapahayag ng aking mga paniniwala sa mga kaeskuwela, at ang artikulong ito ang nakatulong sa akin na maunawaan na hindi ako kailanman nag-iisa at hindi kailanman mag-iisa.
B. P., Estados Unidos
Sa abot ng aking naaalaala, hindi ako kailanman nagdiwang ng Pasko. May mga pagkakataon na ako’y naiinggit sa ibang mga bata. At bago lumabas ang artikulong ito, ako’y naimbitahan sa isang Christmas party. Tinanggihan ko ito at sinikap kong ipaliwanag kung bakit buhat sa dati ko nang alam. Ngunit ang pagkaunawa kung paanong ang Pasko, na naging taunang pagdiriwang maging sa Hapón, ay isang paganong pagdiriwang na may kaugnayan sa mga demonyo, ako’y nakapagtitiwala na ginawa ko ang tamang bagay.
K. I., Hapón
Dalawang-Uring Pamumuhay Salamat sa inyong paglalathala ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dalawang-Uring Pamumuhay—Bakit Hindi?” (Disyembre 22, 1993) Ako’y 15 taóng gulang at pinalaki bilang isang Kristiyano. Subalit hindi gaanong mahusay ang aking espirituwalidad, at palagi kong nadarama na unti-unti akong napapawalay sa katotohanan. Ang isa sa mga dahilan ay na ang aking mga magulang ay napakahigpit, at kalimitang nadarama ko na kailangan kong gawin ang isang bagay na kanilang ipinagbabawal, bagaman alam kong ito’y mali. Habang binabasa ko ang artikulo, natanto ko na nagpapaabot ang Diyos na Jehova ng tulong sa akin. Alam kong hindi lamang ako ang naglilihim sa aking mga magulang. Subalit habang ipinagpapatuloy ko ang pagbabasa, nagulat ako kung paano nakakatulad sa iba ang nadarama ko. Alam kong hindi madali ito, subalit umaasa ako na mababago ko ang istilo ng aking buhay sa tulong ni Jehova.
K. J., Estados Unidos