Nasumpungan ni Addie ang Sagot sa Dakong Huli ng Kaniyang Buhay Ngunit Hindi Pa Totoong Huli
Nasumpungan ni Addie ang Sagot sa Dakong Huli ng Kaniyang Buhay Ngunit Hindi Pa Totoong Huli
Ito ang kuwento ng 87-taóng paghahanap ng isang babaing itim para sa katarungang panlipunan. Siya’y nakaupo sa isang troso na nangingisda sa gilid ng isang latian. Ang kaniyang balat ay malambot, ang kaniyang isip ay malinaw, at ang kilos niya ay tulad ng isa na may karangalan. Siya’y malakas, may karanasan, maraming nalalaman, subalit sa kaniyang mga mata ay makikita mo ang talino at pagpapatawa, at isang kanais-nais na kapakumbabaan. Magaling siyang magkuwento. Kitang-kita ang kaniyang pamanang Aprikano, na hinaluan ng mga alaala ng Katimugan ng Estados Unidos. Pakinggan habang ginugunita niya ang kaniyang buhay.
“ANG lola ko ay isinilang sa isang barkong naghahatid ng mga alipin na naglalayag mula sa Aprika patungong Georgia. Napakahina niya anupat walang umaasang siya’y mabubuhay pa. Kaya nang ipagbili ang kaniyang ina, ibinigay rin nila ang masakiting bata na kasama ng kaniyang ina. Ito’y noong mga 1844. Ang bata’y pinanganlang Rachel.
“Si Dewitt Clinton ang namamahala sa isang asyenda para sa kaniyang tiyo. Sa pamamagitan ni Dewitt, ipinaglihi ni Rachel ang aking ama, si Isaiah Clinton, na isinilang noong Hunyo 1866. Tinawag nila siyang Ike. Bilang isang bata, madalas siyang sumakay sa iisang kabayo na kasama ni Dewitt at tinuruan siya ng lahat ng dapat niyang malaman tungkol sa pagpapatakbo ng isang asyenda. Pagkaraan ng ilang taon, sinabi ni Dewitt kay Ike: ‘Dumating na ang panahon para magkaroon ka ng sarili mong kabuhayan.’ Saka niya inalis ang isang sinturon na pinaglalagyan ng pera mula sa kaniyang baywang at ibinigay ito kay Ike.
“Pagkatapos nito ang aking ama ay nagtrabaho sa isang taong nagngangalang G. Skinner, naging tagapangasiwa sa asyenda Skinner, at napangasawa si Ellen Howard. Ako’y isinilang noong Hunyo 28, 1892, sa Burke County, malapit sa Waynesboro, Georgia. Ang buhay ay kahanga-hanga sa akin. Hindi ako makahintay na lumabas sa pinto sa harapan. Pipigilan ako ni nanay hanggang sa maitali niya ang mga laso ng aking damit sa likod, at araw-araw ay naririnig ko siyang nagsasabi: ‘Itali mo ang laso niya at payaunin siya.’ Aakyat ako sa pagitan ng dalawang ugit ng araro upang maging malapit ako sa aking ama.
“Isang araw noong panahon ng bagyo sa tag-araw, tinamaan ng kidlat si G. Skinner at ang kaniyang kabayo sa bukirin. Sila kapuwa ay namatay. Si Gng. Skinner ay isang babaing puti mula sa Hilaga at kinapopootan ng lahat ng tao sa Burke County dahil sa ginawa ni Heneral Sherman nang sunugin niya ang Atlanta. Kaya kinamuhian ng mga puti si Gng. Skinner nang higit sa pagkapoot nila sa mga itim! Si Gng. Skinner ay naghiganti sa mga taong napoot sa kaniya. Bilang pang-inis, nang mamatay ang asawa niya, ipinagbili niya ang asyenda sa aking ama, isang taong itim. Isip-isipin ang isang taong itim na nagmamay-ari ng isang asyenda sa pagtatapos ng dantaon sa Georgia!”
Si G. Neely at ang Malaking Tindahan
“Kapag may kailangan si Papa na anumang bagay, siya ay nagtutungo kay G. Neely, na nagmamay-ari ng malaking tindahan. Mayroon sila ng lahat ng bagay. Kung kailangan mo ng doktor, magpunta ka sa malaking tindahan. Kung kailangan mo ng kabaong, magpunta ka sa malaking tindahan. Hindi mo kailangang magbayad; ilista mo lamang ito sa iyong kuwenta hanggang sa anihan ng bulak. Nalaman ni Neely na si Papa ay may pera sa bangko, kaya dinadala niya sa amin ang lahat ng bagay, mga paninda na hindi namin kailangan—kahon na lalagyan ng yelo, makinang pantahi, mga baril, mga bisikleta, dalawang mola. ‘Hindi namin kailangan ito!’ sasabihin ni Papa. Ang
sagot naman ni Neely: ‘Ito’y isang handog. Ililista ko na lamang ito sa inyong kuwenta.’“Isang araw ay dumating si Neely sa aming bukid na may malaking itim na Studebaker. Sabi ni Papa: ‘G. Neely, hindi namin kailangan iyan! Walang marunong magmaneho niyan o mangalaga niyan, at takot ang lahat diyan!’ Hindi iyan pinansin ni Neely. ‘Kunin mo na ito, Ike. Ililista ko na lamang ito sa inyong kuwenta at patuturuan ko sa trabahador ko ang mga trabahador mo kung paano ito paaandarin.’ Hindi namin ito ginamit. Nagsumamo ako kay Papa na hayaan akong sumama sa isa sa mga upahang manggagawa na magpakarga ng gasolina isang araw. Sabi ni Papa: ‘Huwag mong patakbuhin ito; kilala kita!’ Nang hindi na kami makikita ni Papa, sabi ko: ‘Pasubok namang magmaneho. Alam ni Papa na gagawin ko ito.’ Ang kotse ay agad na tumakbong matulin, pinaliko ko ito sa kaliwa’t kanan pagkatapos tuluy-tuloy sa palumpon at sa mga punungkahoy. Pinasadsad ko ito sa sapa.
“Tinanong ko si Papa kung bakit hindi niya tinanggihan ang mga bagay na dinadala ni G. Neely, at ang sagot niya’y: ‘Iyan ay magiging isang malaking pagkakamali, isang insulto. Isa pa, hindi sinasaktan ng KKK [Ku Klux Klan] ang sinuman sa mga kaibigang itim ni G. Neely.’ Kaya binayaran namin ang lahat ng bagay na ito na hindi namin kailangan. At pinag-iisipan ko ang laging sinasabi ni Papa: ‘Huwag mong bilhin ang hindi mo kailangan, o hindi magtatagal mababaon ka sa utang at hindi mo mabibili kung ano ang gusto mo.’ Kinayamutan ko si G. Neely!
“Nang ipinagdiriwang ng lahat ang pagpasok ng dantaon, Enero 1, 1900, ang aking nanay ay namatay sa panganganak ng kaniyang ikaapat na anak. Ako ay walong taon lamang noong panahong iyon, subalit sinabi ko kay Papa sa libingan na aalagaan ko siya.
“Kaming mga bata ay tinulungan ng lola ko sa ina. Ang kaniyang pangalan ay Mary. Napakarelihiyosa niya, at napakahusay ng kaniyang memorya, subalit hindi siya makabasa o makasulat. Ako’y nasa kusina na hindi siya tinitigilan ng mga tanong. ‘Bakit ayaw ng mga puting maabala ng mga itim, yamang sinasabi nila na ang lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos? Pagpunta natin sa langit, naroroon din po ba ang lahat ng mga puti? Naroroon din po ba si G. Neely?’ Si Mary ay sasagot: ‘Ewan ko. Lahat tayo ay masisiyahan.’ Hindi ko tiyak iyan.
“‘Lola, ano po ang gagawin natin sa langit?’ ‘Oh, maglalakad tayo sa mga lansangang nalalatagan ng ginto! Magkakaroon tayo ng mga pakpak at lilipad sa puno at puno!’ Naisip ko: ‘Gugustuhin ko pang maglaro sa labas.’ Tutal kailanma’y ayaw ko namang magtungo sa langit, ngunit ayaw ko namang magpunta sa impiyerno. ‘Lola, ano po ang kakainin natin sa langit?’ Sagot niya: ‘Oh, kakain tayo ng gatas at pulut-pukyutan!’ Ako’y sumagot: ‘Ngunit ayaw ko ng gatas, at ayaw ko ng pulut-pukyutan! Lola, mamamatay ako sa gutom! Mamamatay ako sa gutom sa langit!’”
Sinimulan Ko ang Aking Edukasyon
“Gusto ni Papa na ako’y mag-aral. Noong 1909 ipinadala niya ako sa Tuskegee Institute sa Alabama. Si Booker T. Washington ang naglalaan ng intelektuwal gayundin ng emosyonal at moral na patnubay sa paaralan. Tinatawag siya ng mga estudyante na Papa. Naglakbay siya sa iba’t ibang lugar upang mangilak ng salapi para sa paaralan, karamihan nito mula sa mga puti. Nang siya ay nasa paaralan, ipinangaral niya ang mensaheng ito sa amin: ‘Mag-aral kayo. Magtrabaho kayo, at ipunin ninyo ang inyong pera. Pagkatapos ay bumili kayo ng isang pirasong lupa. At huwag na huwag ninyo akong padalawin sa inyo at masumpungang hindi tabas ang inyong damo, walang pintura ang bahay, o ang mga bintana ay sira at may pasak na basahan upang huwag pumasok ang lamig. Ipagmalaki ang inyong sarili. Tulungan ninyo ang inyong mga kapuwa itim. Tulungan ninyong umangat ang
kanilang buhay sa pamamagitan ng edukasyon at pagpapagal. Kayo ay maaaring maging isang halimbawa.’“Talagang kailangan nilang ‘umangat.’ Sila’y mabubuting tao—maraming mabubuting katangian sa kanila. May mga bagay na dapat tandaan ng mga puti tungkol sa nakaraan kapag isinasaalang-alang niya ang mga Negro. Ang mga Negro ay hindi binigyan ng pagkakataong matuto. Labag sa alituntunin ng pang-aalipin na magturo sa isang Negro. Kami lamang ang bayang nagpunta sa bansang ito nang labag sa aming kalooban. Ang iba ay sabik na magtungo rito. Kami’y hindi. Ikinadena nila kami at dinala kami rito. Inalipin nila kami sa loob ng 300 taon nang walang bayad. Nagtrabaho kami ng 300 taon para sa taong puti, at hindi niya kami binigyan ng sapat na pagkain o sapatos na maisusuot. Pinagtrabaho niya kami mula umaga hanggang sa gabi, hinagupit kami sa pinakabahagyang kapritso. At nang palayain niya kami, hindi pa rin niya kami binigyan ng pagkakataong matuto. Gusto niyang magtrabaho kami sa bukid at ang aming mga anak ay magtrabaho rin at mag-aral tatlong buwan sa isang taon.
“At alam ba ninyo kung anong uri ng paaralan ito? Isang munting simbahan sapagkat walang paaralan para sa mga Negro. Mga bangkô. Hunyo, Hulyo, at Agosto, ang pinakamainit na mga buwan ng taon. Walang mga iskrin sa mga bintana. Ang mga bata’y nakaupo sa sahig. Isang daan at tatlong estudyante sa isang guro, at maraming insekto ang pumapasok sa silid dahil sa walang iskrin. Ano ang maituturo mo sa isang bata sa loob ng tatlong buwan? Isang bakasyon noong tag-araw sa Tuskegee, ako’y nagturo sa 108, mula sa lahat ng baitang.
“Ako’y nagtapos noong 1913 bilang isang nars. Noong 1914, ako’y nagpakasal kay Samuel Montgomery. Nang maglaon siya’y umalis para sa Digmaang Pandaigdig I, at ako’y nagdadalang-tao sa aking nag-iisang anak. Mga ilang panahon pagbalik ni Samuel, siya’y namatay. Dala ang aking batang anak na lalaki, ako’y nagbiyahe sakay ng tren upang dalawin ang aking nakababatang kapatid na babae sa Illinois, umaasang makasusumpong ng trabaho roon. Lahat ng itim ay pinapunta sa kotse ng tren na nasa likod ng makina ng tren na pinatatakbo ng karbón. Mainit, ang mga bintana ay bukás, at kami’y natakpan ng uling at abó. Noong ikalawang araw kami ay wala nang pagkain at wala nang gatas para sa sanggol. Sinikap kong makarating sa kotse ng tren kung saan may pagkain subalit ako’y sinita ng isang itim na portero. ‘Hindi kayo puwedeng pumasok dito.’ ‘Puwede bang pagbilhan lamang nila ako ng gatas para sa aking sanggol?’ Ang sagot ay hindi puwede. Ang unang pang-aapi na pumukaw ng aking matinding galit ay si G. Neely. Ito ang ikalawang pang-aapi.
“Noong 1925, ako’y nagpakasal kay John Few, isang portero sa tren. Siya’y nakatira sa St. Paul, Minnesota, kaya lumipat ako roon. Ito ang nagdala sa akin sa ikatlong pang-aapi na pumukaw ng aking matinding galit sa isyu tungkol sa katarungang panlipunan. Sa St. Paul, ako’y nasa gawing hilaga, subalit ang pagtatangi ng lahi ay masahol pa sa mga estado sa Timog. Ayaw akong irehistro ng ospital sa bayan bilang isang nars. Sinabi nila na hindi pa sila kailanman nakarinig ng tungkol sa isang itim na nars. Sa Tuskegee kami ay sinanay na mainam, at ang pasyente ang mahalaga, subalit sa St. Paul, ang kulay ng balat ay isang tiyak na salik na pinagbabasehan. Kaya ibinenta ko ang munting bahay ko sa Waynesboro at ginamit ko ang pera bilang paunang bayad sa isang lote at gusali. Nagtayo ako ng isang talyer, umupa ako ng apat na mekaniko, at di-nagtagal ay nagkaroon ako ng maunlad na negosyo.”
Natuklasan Ko ang NAACP
“Halos mga 1925 nang matuklasan ko ang NAACP [National Association for the Advancement of Colored People] at ako’y lubusang nasangkot dito. Hindi ba sinabi ni Booker T. Washington: ‘Tulungan ninyo ang inyong kababayan. Tulungan ninyo silang umangat’? Ang unang bagay na ginawa ko ay magtungo sa gobernador ng estado na may mahabang listahan ng mga botanteng itim na nagmamay-ari ng mga bahay at nagbabayad ng mga buwis. Siya’y nakinig, at binigyan niya ng trabaho ang isang itim na nars sa mismong ospital ng bayan na tumanggi sa akin. Gayunman, ang mga nars na puti ay napakasama ng pagtrato sa kaniya—binubuhusan pa nga siya ng ihi na nakasuot ng uniporme—anupat siya’y umalis patungong California at naging isang doktor.
“Kung tungkol naman sa aking negosyong talyer, napakahusay nito hanggang isang araw noong 1929. Kadedeposito ko pa lamang ng $2,000 sa aking bangko, at habang ako’y naglalakad, ang mga tao’y sumisigaw na nalugi ang mga bangko. Dalawang hulog pa ang kulang ko sa talyer. Nawala ko ang negosyo kong talyer. Hinati ko sa aking mga mekaniko ang anumang perang naisalba ko.
“Walang sinuman ang may pera. Binili ko ang aking unang bahay sa pagpapapalit ko ng aking
polisa sa seguro sa halagang $300. Nabili ko ang bahay sa halagang $300. Nagtinda ako ng mga bulaklak, manok, at itlog; tumanggap ako ng mga nangangasera; at ginamit ko ang sobrang pera upang bumili ng bakanteng mga lote sa halagang $10 ang bawat isa. Ako ay hindi kailanman nagutom at hindi kailanman nabuhay sa tulong ng gobyerno. Kumain kami ng mga itlog. Kumain kami ng mga manok. Giniling namin ang mga buto nito upang gawing pagkain ng aking mga baboy.“Nang maglaon naging kaibigan ko si Eleanor Roosevelt at naging matalik na kaibigan si Hubert Humphrey. Tinulungan ako ni G. Humphrey na bumili ng isang malaking gusaling apartment sa kabayanan ng mga puti sa St. Paul. Ang ahente ng bahay at lupa ay takot na takot na baka manganib ang kaniyang buhay sapagkat ibinenta niya ang gusali sa isang itim, anupat pinapangako niya ako na huwag gagamitin o titirhan ang apartment sa loob ng 12 buwan.”
Isang Malaking Pagbabago sa Buhay Ko
“Mayroong di-pangkaraniwang bagay na nangyari noong 1958 na hinding-hindi ko malimutan. Dalawang lalaking puti at isang lalaking itim ang lumapit sa akin na naghahanap ng isang lugar na matutuluyan sa isang gabi. Akala ko ito ay isang panlilinlang upang magkaproblema ako sa batas, kaya kinapanayam ko sila sa loob ng ilang oras. Ang kuwento nila ay na sila’y mga Saksi ni Jehova na naglalakbay sa bansa tungo sa isang kombensiyon sa New York. Ipinakita nila sa akin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa layunin ng Diyos para sa isang lupang paraiso kung saan wala nang iiral na pang-aapi. Isang kapatiran ng mga tao. Naisip ko, ‘Taglay kaya nila ang pinaghahanap ko sa buong panahon?’ Wari ngang sila’y tulad ng sinasabi nila—magkakapatid. Ayaw nilang magkahiwa-hiwalay sa gabi.
“Pagkalipas ng ilang taon ay dinalaw ko ang isa sa mga umuupa sa apartment ko na nalalaman kong malapit nang mamatay. Ang pangalan niya ay Minnie. Nang tanungin ko siya kung ano ang magagawa ko para sa kaniya, sinabi niya: ‘Pakisuyong basahan mo ako mula sa maliit na asul na aklat na iyon.’ Ito Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, isang aklat na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova. Kaya tuwing dadalaw ako ay binabasahan ko siya ng higit at higit mula sa munting asul na aklat na iyon. Isang araw si Minnie ay namatay, at nang magtungo ako sa kaniyang apartment, isang puting babae na nagngangalang Daisy Gerken ay naroon. Siya ay halos bulag. Sinabi niya sa akin na siya’y nakipag-aral kay Minnie sa munting asul na aklat. Tinanong ako ni Daisy kung mayroon ba akong naiibigang kunin sa bahay ni Minnie. Sabi ko: ‘Ang kaniyang Bibliya at ang munting asul na aklat lamang.’
“Batid ko na kung itataguyod ko ang mga bagay na nasa asul na aklat na iyon, kailangan kong huminto sa lahat ng gawain ko para sa aking mga kababayan. Hindi ko mailarawan ang lahat ng mga bagay na ginagawa ko na inaakala kong kapaki-pakinabang. Nag-organisa ako ng isang unyon para sa mga portero ng tren. Ipinaglaban ko sa hukuman at naipanalo ko ang mga karapatang sibil ng mga portero sa tren. Nagsaayos ako para sa mga demonstrasyon, kung minsan sa ilang bahagi ng bayan sa iisang panahon. Tinitiyak ko na hindi nilalabag ng aking mga kababayan ang batas, at kapag nilabag nila, inilalabas ko sila ng piitan. Kasali ako sa mahigit na sampung samahan subalit yaon lamang gumagawa ng gawaing sibiko.
“Kaya inakala ko na hindi ko na kailangang pag-isipan pa ang tungkol sa kinabukasan. Ang aking mga kababayan ay naghihirap ngayon! Marami akong kawani sa NAACP, pati na ang puting sekretarya. Mula noong 1937 hanggang 1959, ako’y naglingkod bilang bise presidente ng NAACP sa St. Paul at mula 1959 hanggang 1962 bilang presidente nito. Inorganisa ko ang apat na estado sa isang komperensiya at naglingkod doon upang sa wakas ay makuhang idaos ng NAACP ang pambansang kombensiyon nito sa St. Paul. Maraming labanan habang daan, bawat isa’y isang kuwento sa ganang sarili. Bago ako nagretiro sa edad na 70 anyos noong 1962, dinalaw ko si Pangulong John F. Kennedy. Nakalulungkot sabihin, nang panahong iyon ako ay lubusang sangkot sa paghahanap ng katarungan sa aking paraan anupat wala akong pagkakataong alamin ang paraan ng Diyos.”
Sa Wakas Natuklasan Ko ang Tanging Paraan sa Katarungang Panlipunan
“Kami ni Daisy Gerken ay laging nag-uusap sa telepono, at siya ay dumadalaw sa akin taun-taon. Hindi pa natatagalan pagkatapos kong magtungo sa Tucson, Arizona, ang aking regalong suskrisyon sa Ang Bantayan ay natapos na. Isang mahinang tuhod ang nagpanatili sa akin sa bahay, kaya nang dumalaw si Adele Semonian, isa sa mga Saksi ni Jehova, mabuti na lamang at ako’y nasa bahay. Sinimulan namin ang pag-aaral ng Bibliya na magkasama. Sa wakas, ang buong katotohanan ay naging maliwanag sa akin. Natanto ko na hindi ko maaaring lutasin ang lahat ng problema ng aking mga kababayan at talagang ‘iangat sila.’ Ang problema ay mas malaki kaysa kay G. Neely. Mas malaki kaysa Timog. Mas malaki kaysa Estados Unidos. Sa katunayan, mas malaki kaysa daigdig na ito.
“Isa itong pansansinukob na problema. Sino ang may karapatan na mamahala sa daigdig? Ang tao ba? Ang kaaway ng Diyos na si Satanas? O karapatan ba ito ng Maylikha? Mangyari pa, sa Kaniya! Minsang malutas ang isyung ito, kung gayon ang mga sintoma ng kawalang-katarungan sa lipunan na aking ipinakikipaglaban sa buong buhay ko ay mawawala na. At anuman ang nagawa ko, para sa mga itim o puti, tayo ay tumatanda pa rin at namamatay. Gagawin ng Diyos ang lupa na isang paraiso na may katarungang panlipunan para sa lahat. Tuwang-tuwa ako sa pag-asang mabuhay magpakailanman at pangalagaan ang mga halaman at mga hayop at ibigin ang aking kapuwa na gaya ng aking sarili—sa gayo’y tinutupad ang orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa lalaki at babae rito sa lupa. (Awit 37:9-11, 29; Isaias 45:18) Tuwang-tuwa rin akong malaman na hindi ko na kailangan pang magtungo sa langit at mamuhay sa gatas at pulut-pukyutan o mamatay sa gutom!
“Nakapanghihinayang nga lamang, lalo na’t ginugol ko ang karamihan ng buhay ko sa paghahanap ng katarungang panlipunan sa maling pinagmumulan. Sana’y naibigay ko sa Diyos ang lakas ng aking kabataan. Sa katunayan, akala ko’y ginawa ko iyon, sa pagtulong sa ibang tao. Tumutulong pa rin ako, subalit sa ngayon ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao sa pag-asa ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus, ang tanging pangalan na ibinigay sa silong ng langit kung saan tayo ay maaaring iligtas. (Mateo 12:21; 24:14; Apocalipsis 21:3-5) Madalas sabihin ni tatay habang ipinakikita niya sa akin ang isang kamao: ‘Kung hihigpitan mo ang hawak sa iyong kamay, walang makapapasok at walang makalalabas.’ Nais kong buksan ang aking kamay upang tulungan ang iba.
“Ako’y nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa gulang na 87. Hindi ako maaaring magmabagal ngayon sapagkat alam kong maikli na ang panahon ko. Aktibo pa rin ako subalit hindi kasing-aktibo na gaya nang dati. Hindi ko nadaluhan marahil ang dalawa lamang pulong ng kongregasyon sa nakalipas na dalawang taon. Kailangan kong matutuhan ang lahat na matututuhan ko upang maturuan ko ang aking pamilya sa buong makakaya ko kapag sila’y binuhay-muli. Gumugugol ako sa pagitan ng 20 at 30 oras sa paglilingkod sa larangan sa isang buwan, sa tulong ni Adele.
“Ngayon, ang mga bagay na ito na sinabi ko ang tampok na bahagi ng aking buhay. Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat, baka maupo tayo rito sa trosong ito sa loob ng ilang linggo sa pagkukuwento lamang.”
Saka dumulas palabas ng troso ang isang malaking water moccasin, at sumigaw si Addie: “Saan nanggaling ang ahas na iyan?” Sinunggaban niya ang kaniyang pamingwit at ang nakataling isda na nahuli niya at biglang umalis. Tapos na ang panayam.—Gaya ng inilahad ni Addie Clinton Few sa isang reporter ng “Gumising!” Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos ng panayam na ito, si Addie ay namatay sa gulang na 97.