Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Isang-Milyong-Porsiyentong Implasyon
Ang pagtaas ng implasyon sa Pederal na Republika ng Yugoslavia ay umabot sa isang milyong porsiyento noong Disyembre 1993, ayon sa Federal Statistics Bureau ng bansa. Ang halaga ng pamumuhay ay 2,839 beses ang kahigitang taas kaysa noong nakaraang buwan, at 6 na trilyong ulit na mas mataas kaysa bago magpasimula ang taon. Bilang resulta ang inimprentang mga salaping papel ay ipinalagay na walang halaga sa loob ng ilang araw paglabas nito. Upang makaagapay, inalis ng bangko sentral ang mga zero mula sa dinar. Sa loob lamang ng tatlong buwan, ang 5 trilyong dinar ay bumaba sa 5 dinar lamang.
Relihiyosong Pagkasangkot
Sa isang surbey, mahigit na 90 porsiyento ng mga Amerikano ang nagsabing sila’y naniniwala sa Diyos, at mahigit na 40 porsiyento ang nag-aangking dumadalo sa mga serbisyo sa simbahan bawat linggo. Ipinakita ng 1992 surbey ng Gallup na 45 porsiyento ng mga Protestante sa Estados Unidos at 51 porsiyento ng mga Katoliko ang nagsisimba sa anumang nabanggit na linggo. Gayunman, ipinakikita ng bagong mga pagsusuri na higit na maraming tao ang nag-aangking relihiyoso at nag-aangking regular na mga nagsisimba kaysa talagang gumagawa nito. Ayon sa isang pangkat ng mga mananaliksik, tanging 20 porsiyento ng mga Protestante at 28 porsiyento ng mga Katoliko ang aktuwal na nagsisimba linggu-linggo. Natuklasan ng isa pang pangkat na 36 na milyong adultong Amerikano lamang—19 na porsiyento—ang palagiang nagkakapit ng kanilang relihiyon at na halos sangkatlo ng mga Amerikano na mahigit na 18 ang lubusang walang relihiyosong pangmalas. “Bagaman ang relihiyon ay karaniwan sa larangan ng gawain ng mga Amerikano, kakaunti lamang ang dumidibdib dito,” sabi ng Newsweek. “Kalahati ng populasyong Amerikano ang nag-aangkin ng isang relihiyon na walang impluwensiya sa uri ng kanilang saloobin at pag-uugali.”
Unti-unting Lumilitaw ang Kakulangan sa Tubig
“Dahil sa ang niyebe at ulan ay di-gaanong namamalagi, ang nalilinis-muling tubig ay totoong limitado,” sabi ng magasing Science. “Sa taóng 2025, ang bilang ng mga taong naninirahan sa mga bansang kapos sa tubig ay aabot sa 3 bilyong dami,” at halos “sa taóng 2000, ang mga bansa sa Aprika at Gitnang Silangan ay lalong malubhang maaapektuhan.” Ayon sa isang ulat mula sa Population Action International, maraming bansa ang may nasasaid nang mga panustos na tubig, at maraming bansa ang hindi makapagsabi ng pagkakaiba sa pagitan ng hindi nalilinis-muli at nalilinis-muling tubig sa kanilang pangmahabang-panahong pagpaplano. Bagaman ginawa ang lahat upang mapaunlad ang panustos na tubig, hanggang sa ngayon ang mga pagsisikap ay napawalang-saysay dahil sa pagdami ng populasyon.
Pagpinid ng Pinto Para sa mga Takas
Dumami nang mahigit na walong ulit ang mga takas sa kanilang mga bansa sa nakaraang dalawampung taon, sabi ni Sadako Ogata, ang UN High Commissioner for Refugees, at ito’y nagbunga ng “nakababahalang biglang pagsiklab ng digmaan at pagkatakot sa mga banyaga.” Sa pagtatapos nang nakalipas na taon, 19.7 milyong takas ang namuhay sa labas ng kanilang inang bayan, at 24 na milyon pa ang nagsipangalat sa kanilang sariling mga hangganan. Sa buong daigdig, 1 sa bawat 125 katao ang sapilitang nililisan ang normal na buhay dahil sa karahasan, gera sibil, o pag-uusig. Nahigitan nito “ang kakayahan ng daigdig na tumugon” at ang “kaugalian ng tao na magkaloob ng kanlungan,” ulat ng The Washington Post, na nagkokomento sa unang pangglobong pagsusuri sa mga takas sa kanilang bansa. Maraming bansa, na nabibigatan na dahil sa pagliit ng pambansang kita at hirap sa waring di-malutas na mga alitan, ang nagpinid na ng kanilang mga pintuan sa pagtanggap sa mga takas. “Halos lahat ng mga alitang dahil sa mga takas na nagaganap sa daigdig sapol noong . . . 1993 ay sa loob ng bansa mismo sa halip na sa pagitan ng mga bansa,” sabi ng isang pagsusuri, na nananawagan para sa isang pandaigdig na patakaran upang tapusin ang mga gera sibil. Samantala, napapaharap ang mga takas sa isang “di-gaanong mainit na pagtanggap na kalagayan.”
Sinusuportahan ng Papa ang Gawaing Pagbabahay-bahay
Palibhasa’y tinatanggap ang mga paghimok ni John Paul II, sumang-ayon ang maraming tagasunod ng kilusang Katolikong Neo-Catechumenal na mangaral sa bahay-bahay at sa mga kalye ng Roma at sa mga arabal nito. Gaya ng iniulat sa pahayagang La Repubblica, ang “masasalitang karibal [na ito] ng mga Saksi ni Jehova” ay “magsasalaysay tungkol sa talambuhay ni Jesus.” Ang unang grupo ay binubuo ng 15 pamilya lamang, subalit umaasa ang papa na ang proyekto ay “magsisibol ng saganang bunga saanman.” Bakit may ganitong bagong hakbang ng pangunguna? Natanto ng Katolikong hirarkiya na “nawala na ang kakayahan nito, ang relihiyosong pang-akit nito,” sabi ng sosyologong si Maria Macioti, at hinihimok pa ng papa ang gayong mga kilusan na “kuning muli ang loob ng mga kumberte sa pamamagitan ng matinding emosyonal na pagdulog.” Ang Katolikong manunulat na si Sergio Quinzio ay nagsabi pa: “Para bang hindi niya ibig na malampasan ang anumang pagkakataon, na umaasa, o nag-iilusyon, na maaaring maging kapaki-pakinabang ang anumang bagay.”
Ekolohikal na Kapahamakan sa Russia
“Ipinahayag ni Viktor Danilow-Daniljan, ang Minister sa Kapaligiran
ng Russia, na 15 porsiyento ng lupa ng Russia ay magiging lugar ng ekolohikal na kapahamakan,” ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung sa Alemanya. Ayon sa isang ulat, kalahati ng pang-agrikulturang lupa sa Russia ay hindi magagamit upang maging bukirin, at mahigit na 100,000 katao ang nabubuhay sa mga lugar kung saan may napakataas na radyaktibidad. Higit pa, sampu-sampung libong tao ang napaulat na namatay dahil sa pagkalason sa mga pabrika kung saan dating ginagawa ang kimikal na mga armas. Si Lew Fjodorow, pangulo ng Union for Chemical Safety, ay nagsabi: “Kung titingnan mula sa medikal na pangmalas, ang ating mga paghahanda para sa isang digmaang kimikal ay may nakapipinsalang mga kahihinatnan.”Mararahas na Bata
Ang mga bata na pumapatay, nagnanakaw, nanghahalay, at nagpapahirap nang labis ay nasusumpungan sa maraming bansa, at ang kaganapan ng karahasan at pagmamalupit ay dumarami. Ang dami ng pagpatay na naisagawa sa Estados Unidos ng mga kabataang wala pang 18 taóng gulang ay tumaas nang 85 porsiyento sa nakaraang limang taon. Nakababahala rin ang nakamumuhing saloobin ng mga gumagawa ng kasamaan. Ano ang sanhi ng ganitong mga pagbabago? “Ang ating mapusok na lipunan, pati na ang bulok na mga pamantayan nito, ang nagpangyaring maging kanais-nais ang karahasan,” sabi ng magasing Der Spiegel sa Alemanya. “Ang malinaw na mga pamantayan ng tama at mali, mabuti at masama . . . ay mahirap nang makilala.” Sinabi pa nito: “Ang mga kabataang gumagawa ng kasamaan ay mga biktima rin. Sinasalamin nila ang daigdig ng mga adulto na kanilang kinalakhan. . . . Ang bawat bata na may marahas na paggawi ay nakapagmasid at naihubog sa kanila ang di-kapani-paniwalang dami ng karahasan.” Dahil sa TV, nakikita ng mga bata ang “karahasan ng buong mundo.” Sila’y naiimpluwensiyahan ng mararahas na video, mga laro sa computer, at mga awitin na lumuluwalhati sa pagpatay at iba pang mga gawa ng karahasan. Pinalalaganap ng mga programa sa TV ang karahasan bilang makatuwirang paraan upang lutasin ang mga problema at tapusin ang mga alitan. “Tayo’y naging di-makataong lipunan,” sabi ng propesor sa sikologo sa Hamburg na si Stefan Schmidtchen, “at lumalaki ring ganiyan ang ating mga anak.”
Pagtulog na Kasama ng Sanggol
“Hindi lamang natin mababawasan ang SIDS (Sudden Infant Death Syndrome), kundi tayo’y makapagpapalaki ng mas malusog, mas masayang mga sanggol kung gagawin lamang ng mga ina ang isang bagay: Itabi nila ang kanilang mga sanggol sa paghiga sa unang taon, sa halip na ibukod ang mga sanggol sa kanilang sariling mga kuna,” sabi ni James McKenna, isang propesor sa Pomona College sa California. Ang pagtulog na kasiping ang magulang ay “tumutulong na mabantayan ang pisyolohiya ng sanggol sa buong magdamag,” ulat ng The Dallas Morning News. Tiniyak ng mga pagsusuri na kapag ang sanggol ay natutulog na katabi ng ina nito, ang “paraan ng paghinga, tibok ng puso at mga yugto ng tulog [ng mga sanggol] ay nakasusunod sa ina nito.” At kapag ang mag-ina ay magkaharap na matulog, madaling makasususo ang sanggol kailanma’t gustuhin nito. “Ang mga sanggol na nag-iisa sa mga kuna ay napagkakaitan ng haplos,” sabi ni G. McKenna. “Ipinalalagay namin na maaaring umakay ito sa kakulangan ng mahalagang intelektuwal na paglaki at posibleng sa mga kalagayan na magiging sanhi ng SIDS.” Ipinakikita ng estadistika na sa mga bansa kung saan ang mga sanggol ay karaniwang itinatabi sa kanilang mga ina, ang bilang ng SIDS ay mas mababa.
Lumagda ng Kasunduan ang Israel at Vaticano
Pagkalipas ng mga taon ng pagtanggi at 17 buwan ng pag-aayos, lumagda ang Vaticano ng isang diplomatikong kasunduan sa Israel. Ang mga delegado sa magkabilang panig ay nagsuot ng mga kap habang ang Deputy Foreign Minister na si Yossi Beilin ay lumagda para sa Israel at ang Pangalawang Kalihim ng Estado na si Monsenyor Claudio Celli ay lumagda para sa Vaticano. “Ang Banal na Sede,” sabi ni Celli, “ay kumbinsido na ang pag-uusap at may paggalang na pakikipagtulungan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Judio ang magbibigay ngayon ng bagong sigla at lakas kapuwa sa Israel at sa buong mundo.” Naobligahan ng kasunduan ang Vaticano na sugpuin ang pagkapoot laban sa mga Judio, at sumasang-ayon ang Israel na pahintulutan ang relihiyon na magkaroon ng kalayaan na magpahayag at ng karapatan na magsagawa ng panlipunang mga programa sa Israel. Ang ilang bagay ay kailangang ayusin pa rin, gaya ng pagbubuwis sa mga ari-arian ng simbahan sa Israel at pagpasok sa banal na mga dako. Bagaman ang usapin tungkol sa Jerusalem ay hindi nabanggit sa kasunduan, umaasa ang Vaticano na ito’y magkakaroon na ngayon ng karapatang magpasiya sa pangkatapusang katayuan ng lungsod.
Naging Batas ang Biyolohikal na Kasunduan
Isang kasunduan na nilagdaan ng 167 bansa sa Brazil noong Hunyo 1992 ang naging pandaigdig na batas sa pasimula ng taóng ito. Tinatawag na Convention on Biological Diversity, inobligahan ng kasunduan ang mga bansang lumagda na gumawa ng mga paraan upang mapangalagaan ang mga hayop, mga halaman, at mga microorganism sa loob mismo ng kanilang mga hangganan at gayundin ang kinakailangang tirahan. Ang mga bansang lumagda ay hinilingan na magpanukala ng batas upang maingatan ang nanganganib na mga uri ng hayop at upang mapasulong ang kaalaman ng publiko sa tamang paggamit ng biyolohikal na mga pinagkukunan at ang pangangailangan para sa pangangalaga. Ang kasunduan ay naudyukan ng kaalaman na ang pagkalipol ng mga uri ng buhay ay tumitindi sa nakababahalang dami at ng pangamba na kalahati ng lahat ng natitirang mga uri ng buhay ay maaaring maglaho sa taóng 2050. Ang mga lumagda ay magtatagpo sa dulo ng taóng ito upang pagpasiyahan kung paano talagang maisasakatuparan ang kasunduan.