Ang Mahiwagang mga Sakit sa Guam
Ang Mahiwagang mga Sakit sa Guam
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GUAM
ITO ang hinala niya. Gayunpaman, ang mga salita ng doktor ay totoong nakasisindak. “Lahat ng aming pagsubok ay waring nagpapatunay na ang iyong ama ay may lytico at bodig.” Talos niya na ito ay kapuwa wala nang lunas.
Ang Guam ang may pinakamaraming paglitaw ng mga sakit na ito sa daigdig, maraming ulit na mas mataas kaysa Estados Unidos. Subalit ano ba itong kinatatakutang mga sakit na ito na sa dakong huli ay papatay sa ama ng babaing ito? Ano ang mga sanhi nito? At ano ang magagawa niya upang makaya ng kaniyang ama ang nalalabing panahon?
Ano ba ang Lytico at Bodig?
Kapuwa ang lytico at bodig ay lumalalang mga sakit ng sistema ng nerbiyo at kalamnan. Ang lytico ay kilala sa daigdig ng medisina bilang amyotrophic lateral sclerosis (ALS), o Lou Gehrig’s disease. Nang ang kilalang manlalaro ng baseball ng New York Yankee na si Lou Gehrig ay namatay dahil sa sakit na ito noong 1941, ito’y nakilala sa pangalan niya. Lytico ang tawag sa ALS sa Guam.
Apektado ng ALS ang mga motor neuron at mga nerbiyo sa kordon ng gulugod. Ang mga kalamnan ng mga kamay, binti, at lalamunan ay unti-unti at patuloy na napaparalisa. Gayunman, sa loob ng ilang panahon ang kakayahang makadama, gayundin ang kakayahang mag-anak at kontrol sa pag-ihi at pagdumi ay kumikilos nang maayos. Oo, maraming bata ang isinilang sa mga pasyenteng may ALS. Isang babae ang nagsilang ng anim na normal na mga anak sa loob ng 14 na taon na siya ay pinahihirapan ng ALS bago siya namatay sa gulang na 43. Gayunman, kapag grabe na ang ALS, mga impeksiyon sa daanan ng ihi, pulmunya, o kinakapos na paghinga ay maaaring humantong sa kamatayan. Ang ALS ay kadalasang lumilitaw sa mga adulto sa pagitan ng 35 at 60 taóng gulang. Sa Guam ang pinakabatang biktima ay isang 19-anyos na babae.
Ang bodig ang lokal na tawag para sa atropya sa utak. Medikal na tinatawag na Parkinsonism-dementia (PD), ito ay inilalarawan bilang kombinasyon ng mga sintoma ng Parkinson’s disease at Alzheimer’s disease. Maaaring mauna ang mga sintoma ng Parkinson’s (mabagal na pagkilos, paninigas ng kalamnan, panginginig) o ang mental na mga pagbabago (pagkawala ng alaala, pagkalito, mga pagbabago sa personalidad). Kung minsan, ang mga sintoma ng dalawang sakit ay sabay na lumilitaw. Kapag grabe na, ang pasyente ay nagkakaroon ng mga sugat sa likod dahil sa kahihiga, hindi na mapigil ang pag-ihi at pagdumi, osteoporosis, pagkabali ng mga buto, at anemya at sa wakas ay namamatay dahil sa mga impeksiyon.
Ang lytico at bodig ay itinuturing na dalawang sakit. Gayunman, ang pananaliksik ay umakay sa ilan na maniwalang ito ay isang sakit lamang na may iba-ibang sintoma.
Ang Hiwaga ay Sumisidhi
Kabilang sa mahahalagang tanong na sinasaliksik ay ang sumusunod: (1) Bakit nga 98 porsiyento ng mga biktima ng ALS at PD ay mga katutubong Chamorro ng Mariana Islands at ang iba pang biktima ay ang mga Pilipinong matagal nang nakatira sa Guam? (2) Bakit ang tanging iba pang dako na marami rin ang may sakit na ganito ay mga lugar na nasa iisang longitude? (3) Bakit ang maraming biktima sa Mariana Islands ay mayroong kapuwa ALS at PD, samantalang ang mga pasyente sa ibang dako ay mayroon lamang isa rito? (4) Paano napupunta ang matapang na aluminyo sa sentro ng sistema nerbiyosa ng mga biktimang ito? (5) Bakit may nasumpungang kaunting zinc sa mga selula ng utak kung saan mataas ang antas ng aluminyo? Ang mga pagsusuring pangkapaligiran sa mga dako sa kanlurang Pasipiko kung saan laganap ang sakit na ito ay nagpapakita ng mataas na mga antas ng aluminyo, manganese, at iron subalit kaunti lamang kalsiyum, magnesiyum, at zinc sa lupa at tubig.
Pagsisikap na Lutasin ang Hiwaga
Sa loob ng maraming taon sinikap ng mga mananaliksik sa Guam, Hapón, at Canada na lutasin ang mga bagay-bagay tungkol sa hiwaga ng mga sakit na ito. Sa ilang mga teoriya na itinaguyod ng mga pangkat na ito ng pananaliksik, iba’t ibang salik ang binanggit: isang pambihirang henetikong salik, isang mabagal na impeksiyon na dala ng virus, at matagal na pagkalason sa metal.
Iginiit ng isang parmakologo na kahit na ang dalawa hanggang tatlong miligramo lamang ng aluminyo sa mga selula ng utak ay maaaring sumira sa normal na pagkilos ng utak. Bukod sa lupa at tubig, maraming sangkap ng aluminyo ang idinagdag sa mga pampaalsa (baking powder), cake at pancake mixes, arinang may halong lebadura at asin, frozen dough, ilang antacid, mga deodorante, at mga gamot para sa almuranas. Pinagmumulan din ng aluminyo ang mga pambalot at lutuang yari sa aluminyo, sapagkat ang aluminyo ay tumatagas, lalo na kung maasim o may alkalinong pagkain ang niluluto rito.
Si Dr. Kwang-Ming Chen, isang neurologo at awtoridad tungkol sa pambihirang mga sakit na ito, ay nagsabi: “Hindi gaanong nalutas ng malawakang pagsusuring isinagawa ng National Institute of Neurological and Communicative Diseases and Stroke (NINCDS) sa nakalipas na 30 taon ang hiwaga ng lubhang pagdami at ang dahilan ng pinakamapangwasak at mahirap ilarawang mga sakit na ito sa sentro ng sistema nerbiyosa (CNS) na nakilala ng tao.” Gayunman, ipinahiwatig niya na ang matagal nang natunton na pagkalason sa metal ay mas kapani-paniwala kaysa isang pambihirang henetikong salik o isang mabagal na impeksiyon na dala ng virus. Ang pananaliksik ay nagpapatuloy pa. Hanggang sa masumpungan ang lunas, ang magagawa lamang ng isa ay sikaping harapin ang mga problema at gawin ang lahat ng magagawa upang tulungan ang pinahihirapan nito.
Kung Ano ang Aasahan at Kung Paano Haharapin
Bagaman natakot at nalungkot nang malaman nila ang rekunusi, sinabi ng mga pamilyang kinapanayam sa Guam ang kanilang saloobin ay ang tanggapin ito. Alam nilang wala nang lunas.
Matinding kabiguan at kawalan ng pag-asa ang nararanasan kapuwa ng pasyente at ng kaniyang pamilya. Nang tanungin kung ano ang nagdulot sa kaniya ng higit na panlulumo, isang biktima ng PD ang nagsabi: “Ang hindi makapagsalita nang malinaw at makakilus-kilos sa bahay ay nagdudulot ng kabiguan sa akin.” Ang mga pagbabago sa personalidad at pagkawala ng alaala ay nagpapahirap sa pamilya na harapin ito. Ang mga sugat dahil sa kahihiga at kawalan ng kontrol sa pag-ihi
at pagdumi ay gumagawa sa pangangalaga na lalong mahirap. Sapagkat ang pasyenteng may ALS ay alisto ang isip, ang kaniyang saloobin ay karaniwan nang higit na nakikipagtulungan, subalit siya’y ganap na walang-kaya kapag grabe na ang sakit.Kadalasang kailangan ang isang suction pump upang tulungan na mawala ang bara sa lalamunan ng pasyenteng may ALS o PD. Ang pagkain ay dapat na malambot, at kutsa-kutsarita ng pagkain lamang ang dapat isubo sa lalamunan upang iwasan na mahirinan. Ang oksiheno ay kailangan kapag nahihirapang huminga.
Ang physical therapy, pagsupil sa impeksiyon, at emosyonal na alalay ay pawang inilalaan ng Home Care Service Agency. Kabilang sa ibang mga pangangailangan, ang Guam Lytico and Bodig Association ay naglalaan ng mga brace, balangkát, mga kamang naitataas o naibababa at mga kutsón, mga silyang de gulong, at mga arinola o tsata. Mula noong 1970, ang mga pasyenteng may PD ay ginagamot ng L-dopa, na nagpapalambot sa paninigas ng kalamnan at pinabubuti ang mabagal na mga kilos. Nakalulungkot naman, walang mabisang gamot para sa mga pasyenteng may dementia o ALS.
Ang malapit na pakikipagtulungan ng pamilya ay karaniwang mahalaga kapag dumapo ang mga karamdamang ito. Pinapurihan ng isang babae ang kaniyang pamilya na namatayan ng kaniyang ama, isang ate, at anim pang miyembro ng kaniyang pamilya dahil sa ALS o PD, na ang sabi: “Lahat sila ay pawang mabait na tumulong.” At nagsasalita na may magiliw na gunita tungkol sa tulong mula sa asawa ng kaniyang ateng maysakit, sabi niya: “Siya’y nagpakita ng gayong dakilang pag-ibig! Araw-araw ay inilalagay niya si ate sa silyang de gulong at ipinapasyal siya.”
Pinili ng isang babae na manatiling walang asawa sa loob ng maraming taon upang alagaan ang kaniyang ina. Ang kaniyang pamilya ay namatayan na ng tatlong miyembro dahil sa ALS, at ang iba pa ay nagsimula nang magpakita ng mga sintoma. Isa namang babae, ganap na paralisado sa loob ng mahigit na 24 na taon, ay nagkaroon ng tatlong anak na babae, at dalawa sa kanila ay huminto ng pag-aaral upang bigyan ang kanilang ina ng mahalagang pangangalaga. Siya’y ibinabaling-baling tuwing 30-minuto araw at gabi. Dahil sa hirap ng walang-tigil na pangangalaga, nasumpungan ng ilang pamilya na makabubuting ipasok sa ospital ang mga pasyente kung saan isang sanáy na tauhan sa ospital ang maaaring magbigay ng kanilang mga pangangailangan.
Ang mga pamilyang matagumpay na naharap ang ALS at PD ang nagbibigay ng mga mungkahing ito: Maging maibigin ngunit matatag. Huwag magpakita ng kawalan ng pasensiya o umasa nang labis mula sa pasyente. Magtiwala sa Diyos. Manalangin nang madalas. Magsaayos ng ilang pribadong mga sandali para sa mga miyembro ng pamilya na gumugol ng maraming panahon na kasama ng pasyente. Isama ang pasyente sa mga pamamasyal kung minsan at tulungan siyang dumalo sa sosyal na mga gawain o pagtitipon sa nayon. Huwag mahiya sa pagkakaroon ng isang pasyente sa pamilya. At himukin ang mga anak, apo, at mga kaibigan na dumalaw, sapagkat ang mga biktima ay kadalasang nangungulila.
Bagaman wala pang nasumpungang isang tiyak na paliwanag ang siyensiya ng medisina para sa mga sakit na ito, may pag-asa kapuwa sa mga dinapuan ng sakit na ito at sa kanilang mga pamilya. Ipinakikita ng Bibliya na malapit na, sa bagong sanlibutan ng Diyos, lahat ng sakit, kirot, at kamatayan ay aalisin na magpakailanman. Sa halip, magkakaroon ng kasakdalan ng isip at katawan, taglay ang buhay na walang-hanggan sa hinaharap. Kahit na ang mga namatay na minamahal ay bubuhaying-muli sa buhay sa lupa. Pakisuyong basahin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa isang maysakit na minamahal upang malaman niya ang tungkol sa kahanga-hangang pag-asa sa hinaharap.—Awit 37:11, 29; Isaias 33:24; 35:5-7; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3-5.
[Larawan sa pahina 20]
Nasusumpungan ng mga miyembro ng pamilya na isang hamon na harapin ang gayong mga karamdaman na wala nang lunas na gaya nito