Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga “Gingerbread House” ng Haiti

Ang mga “Gingerbread House” ng Haiti

Ang mga “Gingerbread House” ng Haiti

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAITI

ANG magagandang gingerbread house ng Haiti ay hindi basta nagmula sa kuwentong engkantada. Ang mga ito ay tunay. Bagaman may pintang berde, dilaw, pula, asul, at pulang magulang, ang waring mula sa ibang panahong karingalan at kakaibang ganda ng mga ito ang nagbibigay sa mga ito ng tila kuwento sa aklat na katangian.

Ang arkitekturang istilo ng mga ito ay pinagsamang kaakit-akit na mga guhit na may matatag na kayarian na maaaring yari sa kahoy, ladrilyo, o ang pinagsamang dalawang gamit na ito. Ang ilan ay may malalaking bintana na bumubukas sa nakalabas, nabububungang balkonahe na nakatukod sa kahoy na mga poste na para bang nakatungtong sa mga tiyakad. Kung minsan ang semento o kahoy na mga haligi na may mga bakal sa gitna ang nagpapalamuti sa mga galerya na patungo sa mga halamanan. Ang lahat ay napalalamutian ng maganda, kahoy na may disenyong puntas, at ang maliliit na bilugang bintana, girimpula, at mga simboryo ang nagdaragdag ng katangiang gaya sa kuwentong engkantada.

Sa pasimula ng dekada ng 1900, ang mga gingerbread house ay napakapopular sa katamtamang klase ng mga tao sa lipunan sa bansang ito sa West Indies. Ang halaga sa pag-aangkat ng gayong mga materyales gaya ng dilaw na ladrilyo, manipis na piraso ng asbestos, at ang punong pitch pine sa Amerika ang nagpamahal sa mga ito anupat hindi makayanan ng karaniwang mga tao. Sa ngayon, ang mga ito ay makasaysayang itinatanghal na gusali na umaakit sa mga namamasyal sa Port-au-Prince at sa iba pang lungsod. Hinahangaan ng mga bumibisita ang gawang kahoy nito na may mapalamuting ukit na kilala bilang ang Carpenter Gothic. Naging posibleng gawin ang maraming palamuting istilong ito ng gingerbread na sumulong sa mga lupain ng Amerika pagkatapos na maimbento ang kagamitang pantorno ng kahoy.

Impluwensiyang Pranses

Binabanggit ang isa pang impluwensiya sa pag-unlad ng mga gingerbread house sa Haiti, ang arkitektong si Paul Mathon, na ang ama, si León, na isang tagapanguna sa arkitektura ng gingerbread, ay minsang nagsabi sa Gumising!: “Bagaman di-pangkaraniwan para sa gusaling wala pang isandaang taóng gulang, ang pinagmulan nito ay di-tiyak. Bagaman hindi namin maikakaila ang impluwensiyang Carpenter Gothic, maiuukol natin ang pinagmulan sa mga paaralang nagtuturo ng kasanayan na laging pinupuntahan ng mga tagapasimuno ng mga gingerbread house. Ang impluwensiya ng Pranses ay waring litaw, bagaman ginawa ang pagbabago ayon sa buhay, kultura, at klima ng Haiti.”

Ipinakilala ng mga arkitekto na taga-Haiti na nagsanay sa Pransiya ang istilong ito ng gusali sa Haiti. Sinabi ni Paul Mathon: “Sinanay nila ang mga inhinyero at mga kapatas upang isagawa ang kanilang mga plano. Lumikha ang mga paaralan sa karpentirya ng tunay na mga dalubhasa sa gawaing pangkahoy. At mayroon ding artistikong katangian na namayani na humimok sa paglaganap ng istilong ito ng arkitektura. Sa paglipas ng panahon, nawala ang lahat ng ito. Ang mga paggaya ay naging mahinang klase.”

Ang arkitektura ay napakahusay ng pagkadisenyo upang maglaan ng sapat na lamig sa mga tirahan sa tropikal na klima. Ang mga kisame ay makalawang ulit ang taas samantalang ang makabagong mga gusali ay naglalaan ng higit na lugar para sa sirkulasyon ng hangin, pinahuhusay ang paglabas ng init. Ang maluluwang na pinto at bintana na may mga Venetian shutter na buong tumatabing ang tumitiyak ng mabuting paglipat-lipat ng hangin sa bawat silid. Ang saganang paggamit ng kahoy sa sahig at dingding ay nagdudulot din ng mabuting insulasyon laban sa init sa labas. Subalit ang mga bahay na ito ay nadaraig ng mas bagong mga istilo.

Mga Bagay na Pangmuseo

Ang pagdating ng modernong air-condition ay maliwanag na nakabawas sa kaakit-akit na katangian ng mga ito. Ang mga gusaling yari sa semento ay higit na nagugustuhan dahil sa pagiging matibay ng mga ito, yamang ang mga yari sa kahoy ay unti-unting nagiging panlabas na balangkas na lamang, dahil sa kinakain ng anay. Mangyari pa, inilalakip ng ilang arkitekto ang mga istilo ng gingerbread sa bago, mas matitibay na bahay na ito, at pinananauli naman ng iba ang lumang mga gingerbread house, na ginagamit ang semento upang gawing mas matibay ang balangkas.

Magkagayon man, hindi na muling mabibihag ng mga gingerbread house ang nakaraang kabantugan nito, bagaman ang ilan ay nananatiling kahanga-hangang mga tahanan. Ang mga ito ay waring nilayon na manatili na sa wakas ay maging mga bagay na pangmuseo​—maganda, maringal na mga paalaala ng isang kakaibang arkitektura ng mga taga-Haiti.