Isang Panghimagas na Makakain Mo Habang Nagkukuwentuhan
Isang Panghimagas na Makakain Mo Habang Nagkukuwentuhan
PANGHIMAGAS? . . . PANGHIMAGAS! . . . Nakapagplano ka na ba ng isang hapunan para sa mga bisita at pagkatapos ay tinanong mo ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang ihahain ko para sa panghimagas?’ Marahil ang karaniwang problemang ito ang nag-udyok sa iyo na halughugin ang iyong mga resipe at lahat ng iyong aklat sa pagluluto sa paghahanap ng napakasarap na panghimagas para sa inyong salu-salo.
Ibig mo bang subukin ang fondue? Hindi lamang ito natural na panghimagas habang nagkukuwentuhan kundi ito’y mabilis at madali ring gawin. Ano ba ang fondue? Walang iba kundi, ito’y isang halo ng mga sangkap na tinunaw sa isang kaldero. Pagkatapos, ang ibang pagkain, na ating tataguriang “mga isinasawsaw,” ay isinasawsaw sa halo at kinakain. Ang salitang fondue ay nagmula sa salitang Pranses na fondre na nangangahulugang “tunawin.” Halimbawa, sa panghimagas na tsokolateng fondue, ang halo ay pangunahin nang ang tinunaw na tsokolate, at ang mga isinasawsaw ay pasteleriya at sariwang prutas.
Panghimagas na Tsokolateng Fondue
Nasa kaliwa ang resipe ng panghimagas na tsokolateng fondue. Kung hindi mo pa nasusubukan ito, tiyak na magugulat ka sa masarap na sorpresang ito!
Tunawin ang tsokolate sa isang kaserola. Ihalo ang natitirang (mga) sangkap. Haluin ang sangkap hanggang sa lumapot. Ilipat ang halo sa isang kaldero ng fondue, at panatilihin itong mainit sa kalan na may mahinang apoy.
Bago mo isawsaw sa fondue, baka ibig mong haluan ito ng dalawang kutsarita ng madaling tunawing kape o sangkapat na kutsarita ng cinnamon. Upang maiwasang mangitim ang mga prutas na isinasawsaw, wiligan ang mga ito ng katas ng kalamansing may halong tubig. Kung ang halo ng tsokolate ay napakalabnaw, dagdagan pa ng tsokolate. Kung ito’y napakalapot, palabnawin ito sa gatas.
Kung gumagamit ka ng de-kuryenteng kaldero para sa fondue o ligtas na naisasalang sa kalan na kaldero para sa fondue, maaari kang maghanda at maghain sa kaldero mismong ito. Igitna sa mesa ang kaldero ng fondue na madaling maabot ng sinuman. Ang isang kaldero ay maihahain para sa anim hanggang walong tao.
Kung may natirang halo ng tsokolate, tumatagal ito sa palamigan at napakasarap na pang-ibabaw sa sorbetes.
Suisong Keso na Fondue
Ibig mo bang subukin ang kesong fondue? Nasa kanan ang resipe alinman sa pampagana o pang-ulam.
Kuskusin ang loob ng kaserola ng hiniwang bawang, pagkatapos ay itapon ang bawang. Ibuhos ang alak at katas ng kalamansi sa kaserola, at painitin ito sa bahagyang lakas na apoy. Bubula ito at matatakpan ang ibabaw. Huwag hayaang kumulo ang alak.
Sa isang mangkok paghaluin ang cornstarch o arina na may ginadgad na keso, at haluin.
Habang patuloy na hinahalo ang halo na alak, lagyan ng isang dakot na keso. Pagkatapos na matunaw ang keso, dagdagan pa ng isang dakot na keso, at haluin hanggang sa matunaw. Ipagpatuloy ang ganitong paraan hanggang sa matunaw ang lahat ng keso. Kung ibig pa, timplahan ng pamintang puti at nutmeg o paprika at giniling na clove.
Isalin ang halong ito sa kaldero ng fondue, at isalang ito at lakasan ang apoy. Ang bawat tao ay may sariling mahabang hawakang tinidor para sa fondue, plato, at tinidor. Tinidurin lamang ang isa sa mga isasawsaw na pagkain at isawsaw ito nang
paikot o pa-otso sa fondue. Ilagay ang isinawsaw na pagkain sa iyong plato, at kainin ito sa pamamagitan ng iyong tinidor.Kung ang fondue ay napakalabnaw, dagdagan pa ng keso. Kung ito’y lumapot nang husto, haluan ito ng pinainit na alak. Kung pumaibabaw ang alak sa halo ng keso, initin ito sa malakas na apoy, batihin ito, at pagkatapos ay hinaan ang apoy. Ang halo ay hindi dapat maghiwalay kapag hinalo mo ang pagkaing isinasawsaw sa tuwing magsasawsaw ka.
Kung mas gusto mong walang alak sa iyong fondue, ihanda ang resipe ng sawsawang keso lamang. Ihalo ang apat na kutsarang mantikilya at apat na kutsarang arina. Lutuin ang halo sa mahinang apoy. Lagyan ng dalawang tasang malamig na gatas, unti-unting pakuluin, at lutuin sa loob ng dalawang minuto. Unti-unting lagyan ng isa at kalahating tasa ng masangsang ang amoy na keso (ginadgad) at haluin hanggang sa ito ay matunaw. Timplahan ng asin at paminta. Isawsaw gaya ng inilarawan sa itaas.
Matamis na Pansara
Sa susunod na mapaharap ka sa problema hinggil sa panghimagas, maaaring ipasiya mo na ihanda ang tsokolateng fondue. O para sa hapunan, marahil ay ihahain mo ang beef fondue.
Walang alinlangan ang tunawang kalderong ito ng masasarap na timpla ay magiging paborito mo at ng iyong mga kaibigan. Ang halina nito ay nagmumula sa karaniwang kaldero. Lahat ay nagsasawsaw, lumilikha ng masiglang kapaligiran ng pagkakaibigan, ang pangunahing sangkap ng panghimagas na ito na makakain mo habang nagkukuwentuhan!—Isinulat.
[Kahon sa pahina 22]
Resipe Para sa Panghimagas na Tsokolateng Fondue
170 gramong walang asukal na tsokolate
1 1/2 tasang asukal
1 tasang di-gaanong malapot na cream
1/2 tasa ng margarine o mantikilya
1/8 kutsaritang asin
o kaya:
340 gramong medyo matamis na tsokolate
mga piraso ng tsokolate o matamis na tsokolateng panluto
1/2 tasa tigkakalahati (cream at purong gatas)
Mga Isinasawsaw na Pasteleriya:
Angel food cake, broas, mga doughnut, kinudradong pound-cake
Mga Prutas na Isinasawsaw, alinman o lahat:
Mansanas, saging, cherry, date, ubas, dalandan, melon, papaya, peach, peras, mga hiwa ng pinya, strawberry
[Kahon sa pahina 23]
Resipe Para sa Suisong Keso na Fondue
1 ulo ng bawang, hatiin
1 1/2 tasa ng dry, puting alak
1 kutsarang katas ng kalamansi
1 1/2 hanggang 2 kutsarang cornstarch o arina
435 gramo ng Suisong keso, ginadgad (o pinagsamang kesong Suiso at Gruyère)
2 hanggang 3 kutsarang kirsch (opsyonal)
Pamintang puti at nutmeg o paprika at clove, kung nais
Mga Isinasawsaw na Pagkain:
2 pan ng malutong na French bread (o Italian bread o matitigas na roll) na pakudradong hiniwa nang 1 pulgada, na may malutong na magkabilang dulo
Nilutong manok, hamon, hipon
Hilaw o nilutong mga gulay
[Kahon sa pahina 24]
Mga Sawsawan:
Sawsawang Horseradish
3 kutsarang nakabotelyang horseradish
1 tasang dairy sour cream
1 kutsaritang katas ng kalamansi
1/8 kutsaritang paprika
Haluin ang mga sangkap
Sawsawang Mayonesa at Curry
1/2 tasa ng mayonesa
1/2 tasa ng dairy sour cream
1 kutsaritang katas ng kalamansi
1 kutsaritang curry powder
Haluin ang mga sangkap
Timplahan ng asin at paminta
Sawsawang Mustard
3 kutsaritang nakabotelyang mustard
2 kutsarang tinadtad na sibuyas
1 tasang dairy sour cream
Haluin ang mga sangkap
Timplahan ng asin at paminta
Resipe Para sa Beef Fondue
1 kilo ng karneng walang taba, solomilyo, o walang butong lomo
mantika
Paunawa: Ang kaldero para sa fondue ay dapat na yari sa hinulmang bakal, tanso, o asero. Ang mga kalderong seramik ay hindi ligtas para sa fondue na may mantika. Ang mantika ay napakainit, at mababasag ang kaldero
[Larawan sa pahina 23]
Panghimagas na Tsokolateng fondue
[Larawan sa pahina 24]
Suisong keso na fondue