Mapangwasak na Tagtuyot sa Katimugang Aprika
Mapangwasak na Tagtuyot sa Katimugang Aprika
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA APRIKA
MARAMI ang nagsabi na ito ang pinakagrabeng tagtuyot sa siglong ito. Sinabi pa nga ng ilan na ito ang pinakagrabe sa kasaysayan ng katimugang Aprika. Ang dalawang-taon na tagtuyot na humampas sa katimugang Aprika ay nag-iwan ng isang bakas ng malaking kapahamakan. “Malala ito, lalong malala ito kaysa aming inaasahan,” sabi ng pinuno ng Operation Hunger, isang pribadong pangkat sa Timog Aprika na tumutulong. “Ang mga ekspedisyon na ginawa ay mga paglalakbay ng pagtuklas sa dating hindi naulat na tindi ng kahirapan, ang pagdurusa at paghihikahos ng tao.”
“Wala kang maitatanim na anuman. Ang lupa ay patay,” walang pag-asang nasabi ng isang magsasaka sa nayon. Sa ilang lugar ang gutóm na mga taganayon ay kumain ng putik o mga ugat ng mga halamang ligáw. Ang mga ahensiyang nagbibigay ng tulong na pagkain ay natabunan ng pangangailangan. Ayon sa The Guardian Weekly, “nawala ng katimugang Aprika ang mas malaking porsiyento ng mga pananim nito kaysa Ethiopia at Sudan sa matinding tagtuyot ng 1985.”
Ang tagtuyot ay nagdala sa halos 18 milyong tao sa bingit ng pagkagutom. Sa Angola ang krisis ang pinakagrabe sa kasaysayan ng bansa. Tinatayang isang milyong baka ang namatay, at sa loob ng isang taon halos 60 porsiyento ng mga pananim ay nasalanta. Ang mga taong lubhang naapektuhan ay hindi marating upang mabigyan ng tulong. Noong Agosto 1992, dalawang-katlo ng pananim ng Zambia ay nasalanta, at ang inaasahang pag-aangkat ng isang milyong toneladang mais ay kinailangan. Halos 1.7 milyong tao ang nagugutom.
Sa Zimbabwe, minsang tinawag na “breadbasket” ng katimugang Aprika, apat na milyon ang nangangailangan ng tulong na pagkain—halos kalahati ng populasyon. Sa isang dako isang guro sa paaralan ang nagsabi: “May kaunting tubig at halos walang anumang suplay ng pagkain ang natitira. Wala man lamang isang dahon ng damong natira sa lupa.”
Sa ilang nayon ang mga taganayon ay umaakyat ng mga punungkahoy upang mamitas ng mga dahon upang iluto at kainin. Kailangang bawasan ng gobyerno ang tulong nitong pagkain mula sa 15 kilo tungo sa 5 kilo bawat tao isang buwan. Ang malaking gawang-taong lawa ng Kariba ay nasa pinakamababang antas nito kailanman, at ang tubig ay limitado sa Bulawayo.
Libu-libong hayop sa mga hayupan sa Zimbabwe ay kailangang barilin, yamang walang sapat na tubig para sa kanila. Isang pahayagan ang nag-ulat: “Mga ibong patay ang nahuhulog sa tuyot na mga punungkahoy, ang mga pagong, ahas, daga at mga insekto ay naglaho.”
Ang Mozambique ang may pinakagrabeng kalagayan sa mga bansang apektado ng tagtuyot. Ang bansa ay nakakuha ng 80 porsiyento ng pagkain nito mula sa internasyonal na tulong, at ayon sa isang tantiya 3.2 milyong tao ang nagugutom. Ang mga takas ay dumagsa sa Malawi, Timog Aprika, Swaziland, at Zimbabwe. Subalit sa paghupa kamakailan ng tagtuyot, maraming takas ang nagbalik na.
Ang mga naninirahan sa lungsod ay kadalasang walang kaalam-alam tungkol sa epekto ng tagtuyot sa buhay ng mga tao sa bukid. Isang opisyal na kasangkot sa pagbibigay ng tulong na pagkain ay nagsabi: “Ang mga pagkawasak na pinangyari ng tagtuyot ay waring malayo sa karamihan ng mga tao sa metropolitan na mga dako na nakaligtas sa kakapusan ng pagkain at kakulangan ng tubig.”
Bagaman ang ulan ay nagdala ng ilang ginhawa sa maraming dako, ang mga bahagi ng Mozambique,
Swaziland, at Timog Aprika ay nangangailangan ng higit pang ulan. Tiyak na ang mga epekto ng tagtuyot na ito ay madarama sa mga taóng darating.Maliwanag, kung gayon, ang isang sanhi ng tagtuyot ay ang kawalan ng ulan. Subalit ang mga epekto nito ay pinasisidhi ng iba pang mga problema na kailangang isaalang-alang.
Iba Pang mga Komplikasyon
Sa Aprika ang epekto ng tagtuyot ay lalo pang pinarami ng di-katatagan sa pulitika. Ang mga bansang dumanas ng pinakamatinding kakapusan ng pagkain ay yaong sinalot ng gayong di-katatagan. Ang mga halimbawa ay ang Angola, Ethiopia, Mozambique, at Somalia. Sinira ng mga digmaan ang agrikultura at maraming magsasaka ang napilitang tumakas, iniiwan ang kanilang mga bukid na walang nag-aasikaso.
Isang kontrobersiyal na salik sa tagtuyot ang pagpaparumi ng tao sa atmospera at ang sinasabi ng ilan na ang resultang pag-init ng mundo. Ang isa pang salik ay ang pagdami ng populasyon. Ang katamtamang taunang bilis ng pagdami sa Aprika ay 3 porsiyento, isa sa pinakamataas sa daigdig. Upang makayanang pakanin ang mas maraming tao, sinasaka ng mga magsasaka ang lupa na hindi angkop para sa agrikultura at hindi nag-iiwan ng lupang binungkal na walang tanim upang ito ay makabawi.
Isa pa, ang mga kagubatan ay sinisira, pangunahin na upang hawanin at linisin ang higit pang lupa para sakahin. Ayon sa magasing African Insight, 20 taon ang nakalipas 20 porsiyento ng Ethiopia ay kagubatan; ngayon 2 porsiyento na lamang ang kagubatan. Sa lahat ng mga problemang pangkapaligiran na nagbabanta sa lupa, sinasabi ng ilang awtoridad na ang pagkalbo sa kagubatan ang pinakamalala. Apektado nito ang lagay ng panahon at nagiging sanhi ng pag-agnas ng lupa, gayundin ang paglawak ng disyertong mga rehiyon.
Pinanatili ng ilang pamahalaan sa Aprika ang mga presyo ng pagkain at karne na mababa upang makamit ang pabor ng mga mamimili sa lungsod. Ito’y nakapanghihina ng loob ng mga magsasaka,
na hindi makikinabang sa pagsasaka. Ang gobyerno ng Zimbabwe ay tumugon sa pamamagitan ng pagpapataas sa presyo ng mais nang 64 na porsiyento bilang isang pangganyak sa mga magsasaka na magtanim nang higit.Ano ang Lunas?
Maraming mungkahi ang mga dalubhasa. Subalit kung minsan pinayuhan nila ang mga bansa sa Aprika na itaguyod ang Kanluraning mga paraan ng pagsasaka, na hindi angkop sa kapaligiran sa Aprika.
Kailangan karaka-raka ang praktikal na mga lunas. Isang nakatataas na Aprikanong opisyal ng UN Economic Commission for Africa ang nagsabi: “Batay sa lahat ng mga tantiyang pangkabuhayan na nakita na namin, ang Aprika sa taóng 2000 ay mawawala na sa malagim na kalagayang kinaroroonan nito sa ngayon. Ang kalagayan nito ay lalo pang sasamâ.”
Isang maliwanag na kahilingan ang pulitikal na katatagan at ang wakas sa karahasan at digmaan. Mahalaga rin ang pakikipagtulungan sa kalapit na mga bansa.
Ayon sa UN Food and Agriculture Organization, ang Aprika ay maaaring magpakain ng tatlong ulit ng kasalukuyang populasyon nito. Subalit ang produksiyon nito ng pagkain ay humihina sa nakalipas na mga dekada, at sa kasalukuyang bilis ng pagdami, ang populasyon nito ay maaaring dumoble sa loob ng 30 taon.
Tiyak na nailigtas ng tulong na pagkain buhat sa mga bansang dayuhan ang marami buhat sa pagkagutom. Gayunpaman, ang regular na tulong na iyon ay hindi siyang lunas at may negatibong epekto sa bagay na pinahihina nito ang loob ng mga magsasaka na magtanim. Maaaring hindi maipagbili ng mga ito ang kanilang pananim sa makatuwirang halaga, at ang mga tao ay kadalasang mas naiibigan ang inangkat na mga pagkain at ayaw na nila ang lokal na mga binutil.
Ano ang Ginagawa?
Ang walang-tigil na mga pagsisikap niyaong taimtim na nagnanais tumulong sa bayang Aprikano ay kapuri-puri. Sa ilang dako ang gayong mga pagsisikap ay nagbunga. Sa Zimbabwe isinagawa ng isang internasyonal na pangkat ng mananaliksik ang isang pamamaraan na magtanim ng mga punungkahoy na lumalaki nang husto at mabilis sa tuyong mga dako. Ang idea ay magtanim ng mga punong ito nang malawakan upang mapagtagumpayan ang krisis sa panggatong, yamang 80 porsiyento ng mga tao ay gumagamit ng kahoy bilang gatong sa pagluluto.
Sa nayon ng Charinge sa sinalot ng tagtuyot na dako ng Masvingo, Zimbabwe, ang mga magsasaka ay pinalakas-loob na gumamit ng mga bato na pinaka-kilib (mulch) para sa kanilang mga gulay at mga punong namumunga. Bunga nito, ang mga pananim ay hindi gaanong nangangailangan ng maraming tubig, at ang mga pananim ay lumaki nang husto. Nakapagbenta pa nga ang mga magsasaka ng pagkain sa iba na nangangailangan.
Sa Timog Aprika binago ng isang malaking kompanya ang planta nitong ginagawang petrolyo ang karbón upang ang lahat halos ng tubig na ginagamit ay nareresiklo pagkatapos ng ganap na paglilinis sa tubig. Bagaman mahal ang pagdalisay ng industriyal na tubig, binabalak sa wakas ng Timog Aprika na dalisayin ang halos 70 porsiyento ng industriyal na tubig nito.
Sa Luanshya, Zambia, ang soya beans o balatong ay ipinakilala bilang isang mapagpipiliang masustansiyang pagkain. Isang aid worker ang nagsabi: “Karamihan ng mga kamatayan dahil sa malnutrisyon ay nangyayari kung Marso at Hunyo kung kailan kapos ang pangkaraniwang pangunahing pagkain. Gayunman, ang soya ay inaani kung Abril at natitinggal nang mas mahusay kaysa pangunahing mga pagkaing gaya ng mais at sorghum.”
Gaano man kahalaga ang gayong mga pagsisikap upang mapagtagumpayan ang mga problema ng tagtuyot at kakapusan ng pagkain, ang tao, taglay ang lahat ng kaniyang teknolohiya at pagsulong, ay hindi nalunasan ang tagtuyot sa Aprika. Isa lamang ang nakauunawa sa lahat ng mga implikasyon, at malaon na niyang inihula ang lunas. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo, ang mga salita ni propeta Isaias ay malapit nang literal na matupad sa buong mundo: “Sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa malawak na disyerto. At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig. Sa tahanan ng mga chakal, na dakong pahingahan nila, magkakaroon ng luntiang damo pati ng mga tambo at mga papiro.”—Isaias 35:6, 7.
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga taganayon ay nakikipagkompitensiya sa mga hayop para sa kaunting tubig na natitira sa mga putikan
[Credit Line]
The Star, Johannesburg, S.A.