Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Magulang—Tangkilikin ang Inyong Anak

Mga Magulang—Tangkilikin ang Inyong Anak

Mga Magulang​—Tangkilikin ang Inyong Anak

NAIS ng mga magulang ang pinakamagaling para sa kanilang mga anak na lalaki at babae. Oo, tinagubilinan ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang mga ama na palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina ng Diyos. (Efeso 6:4) Si Haring Solomon noong una ay nagpayo sa mga kabataan: “Makinig ka sa sinasabi sa iyo ng iyong ama at ina. Pagbubutihin ng kanilang turo ang iyong pagkatao.”​—Kawikaan 1:8, 9, Today’s English Version.

Saan, kung gayon, pumapasok ang mga paaralan sa mga kaayusan ng magulang para sa edukasyon? At ano ang dapat na maging kaugnayan sa pagitan ng mga magulang at ng mga guro sa paaralan?

Ang mga Papel ng mga Magulang at ng mga Guro

“Ang mga magulang ang . . . pinakamahalagang mga tagapagturo ng kanila mismong mga anak,” sabi ni Doreen Grant, awtor ng isang pagsusuri tungkol sa impluwensiya ng paaralan sa kapaligiran ng tahanan. Subalit bilang isang magulang, maaaring masumpungan mong mahirap tanggapin ang ideang iyan.

Marahil ay napansin mo na malaki ang ipinagbago ng mga paraan ng pagtuturo mula nang kayo ay mag-aral. Sa ngayon, ang mga paaralan ay nagtatampok ng mga asignaturang hindi alam noon, gaya ng mga pag-aaral sa media, edukasyong pangkalusugan, at microelectronics. Ito ang nagpangyari sa ilang magulang na hindi gaanong makipag-ugnayan sa paaralan. “Ang pakikipag-usap sa mga guro ng kanilang anak ay maaaring magpangyari sa adultong may pagtitiwala sa sarili na para bang siya’y munting bata,” sulat ni Dr. David Lewis sa Help Your Child Through School. “Sa halip na talakayin ang mga problema o mga alalahanin sa mga guro bilang dalawang maygulang na mga adulto, ang ilan ay bumabalik sa ugaling-bata.”

Oo, kapag may nangyari lamang na malulubhang problema saka nakikipagkita ang ilang magulang sa mga guro ng kanilang mga anak. At pagkatapos, kadalasan na, ito ay upang magreklamo. Gayunpaman, ang mga magulang ay maaari, at maraming magulang ang gumagawa nito, sila’y gumagawa ng malaking tulong sa edukasyon ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga guro.

Pananagutan ninyo bilang magulang na suriin at magkaroon ng interes sa kung ano ang natututuhan ng inyong anak sa paaralan. Bakit gayon? Sapagkat ang mga guro, sa kanilang katayuan bilang mga guro, ay may impluwensiya sa moral ng inyong mga anak. Apektado ng mga pamantayan na kanilang itinataguyod ang kanilang mga mag-aaral, sapagkat itinuturing ng mga bata ang mga guro bilang mga huwaran. Sa kanilang bahagi naman, tinatanggap ng karamihan ng mga guro ang pakikipagtulungan ng mga magulang ng kanilang mga mag-aaral.

Isang prinsipal sa gawing timog ng Alemanya ang sumulat sa mga magulang: “Naging maliwanag sa aming mga guro, kaysa noong nakalipas na mga taon, na ang lahat ng aming mga mag-aaral, lalo na yaong nagsisimulang mag-aral [sa Alemanya, sa gulang na anim na taon], ay higit sa lahat walang habag at walang pakiramdam, lubusang walang-modo. Marami ang ganap na hindi masawatâ, hindi nalalaman kung saan magtatakda ng hangganan; hindi nakadarama ng pagkakasala; lubhang maka-ako, hindi mahilig makipagkaibigan; at nagiging palaaway nang walang dahilan, sinasakal at sinisipa [ang iba].”

Ang gurong ito ay nagpatuloy: “Kahit na kaming mga guro ay higit na nahihirapan bunga nito, ayaw naming magreklamo. Subalit kailangan nating kilalanin na, sa kabila ng lahat ng pagsisikap, hindi matuturuan at mapalalaki ng paaralan ang mga bata sa ganang sarili. Nais naming palakasin-loob kayo aming mahal na mga magulang na kumilos upang kayo mismo ay gumawa nang higit pa sa pagpapalaki ng inyong mga anak at huwag hayaang agawin ng telebisyon o ng kapaligiran ang inyong pananagutan sa pag-unlad ng kanilang personalidad, tinuturuan sila ng mga pamantayan ng paggawi.”​—Amin ang mga italiko.

Kahit na kung ang mga guro ay gumawa ng gayong pagsamo para sa pakikipagtulungan, maraming magulang ang atubili pa ring tumulong. “Hindi dahil sa hindi sila nagmamalasakit, lubhang abala o walang pagtitiwala,” sabi ni David Lewis, “kundi dahil sa kanilang matibay na paniniwalang gaano man kabuti, o kahina, ang ginagawa ng isang bata sa klase ay walang gaanong kaugnayan sa pagpapalaki at pawang may kaugnayan sa kanilang mga gene.” Subalit ang ideang ito ay maliwanag na hindi totoo.

Kung paanong ang mga problema sa tahanan ay kadalasang nakaaapekto sa gawain ng bata sa klase, gayundin na ang mabuting buhay pampamilya ay makatutulong sa isang bata na makamit ang pinakamabuti sa paaralan. “Ang pamilya ang may pananagutan sa edukasyonal na tagumpay o kabiguan kaysa ang paaralan,” hinuha ng isang surbey na pang-edukasyon. Ang aklat na How to Help Your Child Through School ay sumasang-ayon: “Dapat kilalanin kahit na ng pinakaabalang magulang na ang kanilang saloobin​—ang interes at pampatibay-loob na kanilang ipinakikita, at ang alalay na kanilang ibinibigay, kahit na sa malayo​—ay mahalaga sa pag-unlad ng mga bata.”

Kung gayon, paano ninyo magagawa ang mabuting pakikipagtulungan sa mga guro ng inyong anak?

Tangkilikin ang Inyong Anak

(1) Maging interesado sa kung ano ang natututuhan ng inyong anak sa paaralan. Ang pinakamabuting panahon upang magsimula ay kapag nagsimula nang pumasok sa paaralan ang inyong anak. Karaniwan nang mas tinatanggap ng nakababatang mga anak ang tulong ng magulang kaysa mga tin-edyer.

Magbasa na kasama ng inyong anak. “Mga 75 porsiyento ng pormal na pagkatuto,” ayon kay David Lewis, “ay nangyayari sa pamamagitan ng pagbabasa.” Sa gayon ikaw ay gumaganap na mahalagang papel upang ang iyong anak ay maging matatás sa pagbasa. Iminumungkahi ng pananaliksik na ang pag-unlad ng mga bata na tinulungang magbasa sa tahanan ay kadalasang nakahihigit sa mga kabataang tumanggap ng tulong buhat sa mga gurong nagdadalubhasa sa pagtuturo ng kasanayan sa pagbasa sa paaralan.

Sa katulad na paraan, matutulungan din ninyo ang inyong anak sa pagsulat at, oo, sa aritmetika. “Hindi ninyo kailangang maging henyo sa matematika upang tumulong sa panimulang matematika,” sabi ng gurong si Ted Wragg. Mangyari pa, kung kailangan ninyo mismo ng tulong sa mga larangang ito, huwag hayaang ang kakulangan ninyo ng kasanayan ang magpahina sa inyo ng loob na magkaroon ng tunay na interes sa kung ano ang natututuhan ng inyong anak.

(2) Sangguniin ang guro ng inyong anak tungkol sa kurikulum. Sa pamamagitan ng pagbasa sa prospekto ng paaralan, alamin ninyo kung ano ang ituturo sa inyong anak. Ang paggawa ng gayon bago ang pasukan ay maghahanda sa inyo sa mga problema. Pagkatapos, ang pagdalaw sa guro upang talakayin kung paanong nais ninyong igalang ang mga nais ninyo bilang mga magulang ay magbubukas ng daan para sa mabuting pagtutulungan. Samantalahin ang mga miting na isinasaayos ng paaralan upang makilala ng mga guro ang mga magulang. Kung pantanging mga araw na ang mga magulang ay inaanyayahang magtungo sa paaralan at magmasid sa mga klase, dumalaw sa paaralan, at makipag-usap sa mga guro ng inyong anak. Ang gayong mga pakikipagkita ay napakahalaga, lalo na kapag bumabangon ang mga problema.

(3) Tulungan ang inyong anak na pumili ng kaniyang mga mapagpipilian. Alamin ang mga asignaturang naiibigan at hindi naiibigan ng inyong anak. Ipakipag-usap ang tungkol sa karapat-dapat na mga tunguhin. Sangguniin ang mga guro upang malaman ang lahat ng maaaring pagpilian. Malalaman nila ang tungkol sa anumang problema sa pag-iskedyul na humahadlang sa pagpili ng mga asignatura.

Ang mga sama ng loob ay maiiwasan sa pamamagitan ng malinaw na komunikasyon. Ginigipit ng maraming paaralan ang mas matatalinong mag-aaral na magpatuloy sa kolehiyo. Ngunit karaniwang iniiwasan ng mga estudyanteng pinipili ang ministeryong Kristiyano bilang kanilang bokasyon ang pagkuha ng mahabang edukasyon sa unibersidad. Sa halip, kung nais nila ng karagdagang edukasyon, pinipili nilang mag-aral ng mga asignatura na tutulong sa kanila na makakuha ng trabaho para masuportahan ang kanilang sarili. Kung minsan may kamaliang minamalas ito ng taimtim na mga guro bilang isang pagtanggi sa lahat ng pinagsikapan nilang ituro. Ang inyong matiyagang paliwanag sa mga guro tungkol sa mga posibilidad ng karagdagang edukasyong bukás sa inyong anak sa napiling larangan ng inyong anak ay tumitiyak sa mga guro na nais ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak na patuloy na matuto. a

Ang Tamang Paraan

Maiiwasan ninyo ang maraming problema at sama ng loob tungkol sa edukasyon ng inyong anak sa pamamagitan ng pag-alaala na ang matagumpay na samahán ay itinatayo sa mabuting komunikasyon.​—Pakisuyong tingnan ang kahon na pinamagatang “Mga Hakbang sa Mabuting Komunikasyon ng Magulang-Guro.”

Sa halip na magreklamo at mamintas, tangkilikin ang inyong anak sa pamamagitan ng pagsangguni at pakikipagtulungan sa mga guro. Sa paggawa niyaon, matutulungan ninyo ang inyong anak na makamit ang pinakamabuti sa paaralan.

[Talababa]

a Ang mga Saksi ni Jehova na pinipili ang ministeryong Kristiyano bilang kanilang karera at naglilingkod bilang buong-panahong mga ministro ay may pagkakataon na mag-aral sa dalawang-linggong kurso sa Pioneer Service School. Ang ilan ay maaaring maging kuwalipikado sa dakong huli para magpatala sa limang-buwang kurso ng pagsasanay misyonero na isinasaayos ng Watchtower Bible School of Gilead upang sangkapan sila bilang mga misyonero.

[Kahon sa pahina 10]

Mga Hakbang sa Mabuting Komunikasyon ng Magulang-Guro

1. Kilalanin ang mga guro ng inyong anak.

2. Suriing mabuti ang mga bagay bago gumawa ng anumang reklamo.

3. Kung balisá o galít, hayaang humupa ang negatibong mga damdamin bago makipag-usap sa guro.

4. Bago makipagkita sa guro, isulat ang mga tanong na nais ninyong itanong, at ilista ang mga tunguhin na inaasahan ninyong matamo.

5. Banggitin ang inyong katayuan nang matatag at maliwanag, at pagkatapos ay makipagtulungan sa guro upang makita kung anong praktikal na mga hakbang ang maaaring gawin upang mapagtagumpayan ang anumang problema.

6. Ilagay ang inyong sarili sa katayuan ng guro. Tanungin ang inyong sarili kung ano ang gagawin ninyo kung kayo ang nasa kaniyang kalagayan. Tutulong ito sa inyo na makipag-ayos para sa isang kasiya-siyang resulta.

7. Matamang makinig at magsalita kung nararapat. Huwag matakot magtanong kung mayroon kayong hindi maunawaan. Kung kayo ay hindi sang-ayon sa sinabi, sabihin ninyo, at magalang na ipaliwanag kung bakit.

​—Batay sa Help Your Child Through School, ni Dr. David Lewis.

[Larawan sa pahina 9]

Magbasa na kasama ng inyong anak

[Larawan sa pahina 9]

Dalawin ang mga guro upang talakayin ang kurikulum ng paaralan

[Larawan sa pahina 9]

Tulungan ang inyong anak na pumili ng mga mapagpipilian