Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Mina sa Lupa—Isang Pangglobong Panganib

Mga Mina sa Lupa—Isang Pangglobong Panganib

Mga Mina sa Lupa​—Isang Pangglobong Panganib

LIBU-LIBONG walang-malay na mga lalaki, babae, at mga bata sa mahigit na 60 bansa ang napipinsala, at ang ilan ay napapatay, buwan-buwan sa pamamagitan ng mga mina sa lupa. Tinatayang ang mga minang laban sa mga militar ay pumatay o puminsala ng mas maraming tao kaysa kimikal, biyolohikal, at nuklear na labanan. Ayon sa organisasyon ng pananaliksik na Human Rights Watch, mga 30,000 tao ang napinsala ng mga mina sa Cambodia lamang.

Ang maliliit na mga eksplosib na ito ay ibinaon sa lupa noong panahon ng iba’t ibang digmaan, at ang karamihan dito ay hindi kailanman inalis. Tinatayang 100 milyon nito ang nananatiling nakabaon sa mahigit na 60 bansa. Ang mga ito ay maaaring sumabog sa pamamagitan lamang ng isang tapak ng paa at popular sa labanan sapagkat ito ay mura at mabisa. Ang isang uri nito ay nagkakahalaga lamang ng $3 (U.S.). Ang isa pa, na nagbubunsod ng 700 bolang bakal at pumapatay hanggang sa layong 40 metro, ay nagkakahalaga lamang ng $27. Ang pangangailangan ay napakalaki, ulat ng The New York Times, anupat 48 bansa ngayon ang gumagawa at nagbibili ng 340 iba’t ibang uri ng mga mina. At higit pa ang ibinabaon araw-araw kaysa napapawalang-saysay ng mga operasyong alis-mina.

Ang pag-aalis ng mga mina ay mahirap at magastos, yamang maraming hukbong sandatahan ang hindi nag-iingat ng mga rekord kung saan ibinaon ang mga mina; at parami nang paraming mina ang yari sa kahoy, plastik, at iba pang materyales na hindi natutunton ng mga detektor ng metal. Ang senador ng E.U. na si Patrick Leahy, na nanawagan para sa pagbabawal sa pagluluwas ng mga sandatang ito, ay nagsabi: “Sa Netherlands, ang mga tao ay napapatay pa rin ng mga minang ibinaon ng mga Aleman noong Digmaang Pandaigdig II. Isip-isipin kung gaano pa kalala ito sa Afghanistan, Cambodia, Angola, Bosnia at sa lahat ng iba pang bansa na lubhang maraming ibinaon na mga mina.”

Tanging ang dumarating na bagong sanlibutan lamang ng Diyos ang lulutas sa mga problemang iyon. Ang kaniyang Salita ay nangangako: “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo [ng digmaan] ay kaniyang sinusunog sa apoy.”​—Awit 46:9.