Mga Paaralang Nasa Kagipitan
Mga Paaralang Nasa Kagipitan
Pinag-aaral ng mga magulang ang kanilang mga anak upang matuto nang higit pa kaysa pagbasa, pagsulat, at aritmetika. Inaasahan nilang ang mga paaralan ay maglaan ng isang malawak na edukasyon, isa na magsasangkap sa mga kabataan na maging mga adultong maipagmamalaki ng mga magulang. Subalit ang kanilang mga inaasahan ay kadalasang hindi natutupad. Bakit? Sapagkat ang mga paaralan sa buong daigdig ay nasa kagipitan.
SA MARAMING bansa ang kakulangan kapuwa ng salapi at mga guro ang nagsasapanganib sa edukasyon ng mga bata. Halimbawa, sa buong Estados Unidos, dahil sa pinansiyal na resesyon ng nakalipas na mga taon ang ilang paaralan ay napilitang muling pabalatan ang ‘lumang mga aklat-aralin, hayaang gumuho ang patse sa kisame, alisin ang mga klase sa sining at mga programa sa isports, o magsara sa loob ng mga araw sa isang panahon,’ sabi ng magasing Time.
Sa Aprika, ang mga pondo para sa edukasyon ay hindi rin sapat. Ayon sa Daily Times ng Lagos, ang bansang Nigeria ay mayroon lamang 1 guro sa bawat 70 mag-aaral, “at malamang na isa sa bawat tatlong guro ay hindi kuwalipikado.” Sa Timog Aprika—bukod sa kakulangan ng mga guro—ang siksikang mga silid-aralan at pulitikal na kaguluhan ang dahilan ng kung ano ang tinatawag ng South African Panorama na “ang malaking kaguluhan sa mga paaralan para sa mga itim.”
Mangyari pa, ang paaralang may sapat na dami ng kuwalipikadong mga guro at sapat na mga kagamitan ay hindi gumagarantiya ng edukasyonal na tagumpay. Sa Austria, halimbawa, halos sangkatlo ng mga 14-anyos ang iniulat na hindi makatuos ng simpleng aritmetika o makabasa nang wasto. Sa Britaniya, ang pasadong marka ng mga mag-aaral sa matematika, siyensiya, at ang pambansang wika ay “totoong nahuhuli roon sa mga
marka ng mga estudyante sa Alemanya, Pransiya at Hapón,” sabi ng The Times ng London.Sa Estados Unidos, ang mga guro ay nagrereklamo na bagaman ang mga mag-aaral ay nakakukuha ng matataas na marka sa mga pagsubok, marami ang hindi makasulat ng isang mahusay na sanaysay, lumutas ng mga problema sa math, o maghanda ng isang buod ng mahahalagang punto ng iba’t ibang leksiyon o dokumento. Dahil diyan, ang mga awtoridad sa edukasyon sa buong daigdig ay aktuwal na muling isinasaalang-alang kapuwa ang kurikulum ng paaralan at ang mga paraang ginagamit upang tasahin ang pagsulong ng isang mag-aaral.
Karahasan sa Paaralan
Isinisiwalat ng mga ulat ang nagbábantâ ng masama at dumaraming karahasan sa mga paaralan. Sa Alemanya, binanggit sa isang komperensiya ng mga guro na 15 porsiyento ng mga batang mag-aaral sa anumang espesipikong taon ay “handang bumaling sa karahasan—at 5 porsiyento ang hindi umuurong kahit na mula sa mga gawa ng labis na kalupitan, halimbawa ay kanilang sisipain ang isang walang kalaban-labang tao na nakahandusay sa sahig.”—Frankfurter Allgemeine Zeitung.
Ang indibiduwal na mga kaso ng labis na kalupitan ay pumupukaw ng matinding pagkabahala. Ang paghalay sa isang 15-anyos na dalagita ng apat na kabataan sa isang palikuran sa isang mataas na paaralan sa Paris ay nag-udyok sa mga estudyante na magprotesta sa madla para sa mas mahigpit na seguridad sa paaralan. Ang mga magulang ay nag-aalala tungkol sa pagdami ng seksuwal na mga pagkakasala, panghuhuthot, at emosyonal na karahasan. Ang gayong mga insidente ay hindi lamang nangyayari sa Europa kundi nagiging pangkaraniwan sa buong daigdig.
Ang Ministri ng Edukasyon sa Hapón ay nag-uulat ng pagdami ng karahasan na kinasasangkutan kapuwa ng mga estudyante sa ikatlo at ikaapat na taon ng high school. Inihalintulad ng pahayagan sa Timog Aprika na The Star, sa ilalim ng ulong-balita na “Mga Mag-aaral na Nagdadala ng Baril ang Kumukontrol sa mga Paaralan,” ang eksena sa maraming silid-aralan sa Soweto sa “the Wild West” sa Estados Unidos noong ika-19 na siglo. Maging ang reputasyon ng Lungsod ng New York sa karahasan ay umabot sa, ayon sa The Guardian ng London, “isang antas na mas mataas kaysa rati dahil sa paghahayag ng isang kompanya ng seguridad tungkol sa isang apurahang pidido para sa mga damit na hindi tinatamaan ng bala para sa mga batang mag-aaral.”
Ang Britaniya ay pinahihirapan din ng isang salot ng karahasan sa paaralan. “Sa nakalipas na 10 taon,” sabi ng isang opisyal ng unyon ng mga guro, “nakita natin ang lumalagong hilig na bumaling sa mga sandata. Ang hilig na gumamit ng mga sandata ay nangyayari rin kahit sa gitna ng mga nakababata at hindi lamang ang mga lalaki ang gumagamit ng mga sandata kundi ang kababaihan din.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang ilang magulang ay nagpapasiyang alisin ang kani-kanilang mga anak sa mga paaralan at turuan sila sa tahanan. a Yaong nakasusumpong dito na hindi praktikal ay kadalasang nag-aalala tungkol sa masamang epekto ng paaralan sa kanilang mga anak, at sila’y nagtatanong kung paano hahadlangan ito. Ano ang magagawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang mga problemang nakakaharap sa paaralan? At paano makikipagtulungan ang mga magulang sa mga guro upang matiyak na nakukuha ng mga bata ang pinakamabuti buhat sa paaralan? Ang susunod na mga artikulo ay nagbibigay ng mga kasagutan sa mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang artikulong “Pag-aaral sa Bahay—Ito ba’y Para sa Iyo?” inilathala sa Abril 8, 1993, na Gumising! ay sumusuri sa mapagpipiliang ito.