Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pagpokus Nang Wasto
Pagkatapos ng ilang nakahihiyang kabiguan, waring nagawa ng NASA, ang ahensiyang pangkalawakan ng E.U., na magtagumpay ang isang kabiguan. Ang Hubble Space Telescope, na inilunsad ng ahensiya sa orbita noong 1990, ay nagkaroon ng sira sa pinakamalaking salamin nito, na siyang humadlang sa teleskopyo na magpokus nang wasto. Kaya naman, noong Disyembre 1993 ang nakapaglalakad sa kalawakan na mga astronaut ay gumugol nang 30 oras sa pagkakabit ng pangwastong lente o salamin sa sirang teleskopyo at pagpapalit ng lumang mga instrumento. Ang mga resulta? Nag-uulat ang magasing New Scientist: “Sa ilang bahagi ang Hubble ay gumagana nang mas mahusay kaysa dating inaasahan.” Ayon sa magasing Newsweek, “ang napakalinaw na kuha ng Hubble ay ubod ng liwanag anupat maaaring makita nito ang isang alitaptap sa layong 14,000 kilometro.” Pagkatapos na makita ang mga larawan mula sa pinaghusay ngayong teleskopyo, si Duccio Macchetto ng European Space Agency ay iniulat na bumulalas: “Ang tanging masasabi ko ay pambihira talaga.”
Mga Maton sa Paaralan sa Australia
Ang mga batang nag-aaral sa Australia ay umaasal nang marahas sa napakabatang edad, ulat ng pahayagang The Australian. Sa bansang iyan sinasabi ng 20 porsiyento ng mga bata na nadarama nilang hindi sila ligtas sa paaralan; 1 sa 7 bata ang laging nabubugbog. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang mararahas na bata ay waring ang hindi mahuhusay sa klase na kulang sa paggalang sa sarili. Sinasabi ng mga pagsusuri na ang pelikula, video, at mga pagtatanghal ng karahasan sa media ang tiyak na may impluwensiya sa mga kabataan. Ang mga batang lalaki ang pinakamaton, at ang mga batang babae at kawani sa paaralan ang pinakamalimit na mga biktima. Maging ang mga guro ay nabubugbog ng mga maton sa paaralan, at marami ngayon ang atubiling harapin ang magugulong estudyante dahil sa takot na mapaghigantihan. Isang samahan ng mga guro ang humiling na magkaroon ng mga two-way radio ang mga guro na nagbabantay sa mga paligid ng paaralan kung tanghalian.
Caffeine at Pagdadalang-tao
Noong 1980 iminungkahi ng U.S. Food and Drug Administration na limitahan ng mga babaing nagdadalang-tao ang kanilang pagkonsumo ng caffeine, isang kimikal na taglay ng kape, tsaá, kakaw, at inuming de kola. Ang mungkahi ay pangunahin nang isinagawa salig sa mga eksperimento sa mga hayop. Gayunman, simula noon ipinakita ng mga pagsusuri sa mga babaing nagdadalang-tao na lalong mag-ingat sa paggamit ng caffeine. Iniulat kamakailan ng The Journal of the American Medical Association na 75 porsiyento ng mga babaing nagdadalang-tao ang kumukonsumo ng caffeine, bagaman ipinakita ng karamihan ng mga pagsusuri na ang pag-inom ng mahigit sa 300 miligramo ng caffeine sa isang araw (mga tatlong tasa ng kape) ay makapipinsala sa di pa naisisilang na sanggol. Kaya, sinasabi ng mas bagong pagsusuri na maging ang mas mababang antas ng caffeine—163 miligramo sa isang araw—ay maaaring makapagpalubha sa panganib ng aborsiyon para sa ilang babae. Ganito ang sinabi ng mga awtor ng pagsusuri: “Ang isang makatuwirang mungkahi ay na bawasan ang pagkonsumo ng mga inuming may caffeine sa panahon ng pagdadalang-tao.”
Maruruming Katawan, Maruruming Sistema ng Ekolohiya
Hindi na nakapagtataka na mga 3,020 tao sa Estados Unidos ang namamatay taun-taon pagkatapos na gumamit ng cocaine; kilalang-kilala ang nakapagpaparuming masasamang epekto ng drogang ito sa katawan ng tao. Subalit iniulat kamakailan ng National Geographic na ang paggawa ng droga ay sanhi rin ng malubhang polusyon sa mga ilog at sapa sa masusukal na kagubatan ng Bolivia, Peru, at Colombia. Ganito ang sabi ng magasin: “Halos 308 tonelada ng cocaine ang nasamsam sa buong daigdig ng mga opisyal noong 1992, ayon sa U. S. Drug Enforcement Administration. Upang makagawa ng gayong karaming cocaine—ang kabuuang aktuwal na nagagawa—ay nangangailangan ng 106 na milyong litro ng gas, 4.2 milyong litro ng mga solvent, 1.1 milyong litro ng sulfuric acid, at 70,000 litro ng hydrochloric acid, at 14,000 litro ng ammonia. Ang karamihan ng kabuuang dami ay itinatambak sa mga ilog, na pumipinsala sa mga buhay na nasa tubig at nagpaparumi ng irigasyon at inuming tubig.”
Paglaganap ng mga Sakit sa Isip
Ganito ang ulat ng The New York Times noong pasimula ng 1994: “Halos isa sa bawat dalawang Amerikano—48 porsiyento—ang nakaranas ng sakit sa isip sa isang yugto ng kanilang buhay.” Natuklasan sa isang pagsusuri na pinangunahan ng mga sosyologo sa mahigit na 8,000 lalaki at babae, na gumagamit ng harap-harapang pagririkunusi na mga panayam, na karamihan sa pangkaraniwang sakit ay ang malubhang panlulumo; 17 porsiyento ang nakaranas nito sa kanilang buhay. Labing-apat na porsiyento ang naging alkoholiko sa paano man. Sinabi ng Times na ang isa sa nakagugulat sa pagsusuri ay na 12 porsiyento ng kababaihan ang nakaranas ng kaigtingan pagkatapos ng mapait na karanasan, kalahati ng gayong mga kaso ay “bunga ng panghahalay o pang-aabuso sa sekso.” Sa lahat ng nakaranas ng mga sakit sa isip, tanging sangkapat
ang sumangguni sa propesyonal na manggagamot. Si Dr. Ronald C. Kessler, ang sosyologo na nanguna sa pagsusuri, ay sinipi na nagsabi: “Ang masamang balita ay na napakaraming may sakit sa isip kaysa aming inaakala. Ang mabuting balita ay na mas maraming tao ang gumagaling—karamihan sa kanilang sariling pagsisikap—kaysa iyong inaakala.”Panganib ng Pag-oopera na may Kaugnayan sa Alkohol
Ang mga pasyente na umiinom ng alkohol nang higit sa limang beses sa araw-araw ay makaitlong beses na malamang na makaranas ng mga komplikasyon pagkatapos maopera kaysa mga pasyente na di-gaanong umiinom, ayon sa pangunahing siruhano na taga-Denmark na si Dr. Finn Hardt. Ayon sa ulat kamakailan ng Journal of the Danish Medical Association, ang maling paggamit ng alkohol ay may nakalalasong epekto sa halos lahat ng mga sangkap ng katawan; ito ang sanhi ng malamang na pagdurugo nang husto gayundin ng mga problema sa puso at baga. Ang gayong kalagayan ang karaniwang nag-uudyok na hilingin ng mga doktor ang mas mahabang pagpapagamot at higit pang mga pagsasalin sa dugo. Ang malalakas na uminom ng alkohol araw-araw ay nanganganib din na mapahina ang kanilang sistema ng imyunidad, sa gayon ay pinalulubha ang panganib na maimpeksiyon. Gayunman, pinatunayan ng mga pagsusuri na pagkalipas ng ilang linggong abstinensiya, ang sistema ng imyunidad ay higit pang bumuti. Iminungkahi ni Dr. Hardt na bago ang anumang pag-oopera, dapat iwasan ng mga pasyente ang alkohol sa loob ng ilang linggo.
Mga Bata sa Digmaan
Sa loob ng nakalipas na sampung taon, halos 1.5 milyong bata ang nasawi sa digmaan, ayon sa The State of the World’s Children 1994, isang ulat ng United Nation’s Children’s Fund. Ang iba pang apat na milyong bata ay nabalda, napinsala, nabulag, o napinsala ang utak. Ang marami na naging mga takas ay tinatayang nasa halos limang milyon. Ang mga bata ay kinakalap pa man din para sa mga hukbo. Sa maraming bansa ang mga bata ay pinahihirapan ng lubos at sapilitang pinagmamasid o pinasasali sa mga kalupitan. Sa isang lugar ang panghahalay sa mga batang babae ay naging isang “sistematikong armas ng digmaan.” Ganito ang sabi ng ulat: “Waring tama na maghinuha na ang pagkukunwari ng sibilisasyon ay hindi kasintindi sa ngayon.”
Natatalong Pagsugpo Laban sa mga Balang
“Ang UN ay natatalo sa pagsugpo nito laban sa mga balang,” ulat ng magasing New Scientist noong pasimula ng 1994. Ayon sa kamakailang pagpupulong ng mga siyentipiko sa agrikultura sa Netherlands, kakaunti ang nagawa ng $400 milyon na pagsugpo ng United Nations laban sa mga balang sa pagtatapos ng dekada ng 1980. Ang talagang tumapos sa salot na iyan ay ang di-inaasahang hangin na nagtaboy sa mga insekto sa dagat. Ang mga balang ay nagpaparami at pagkatapos ay nagkukuyog kapag ang manaka-nakang pag-ulan ay dumilig sa disyerto, na siyang dahilan ng paglitaw ng tumpuk-tumpok na berdeng mga pananim. Sinikap ng UN Food and Agriculture Organization na patayin ang mga balang bago dumami nang husto ang mga ito, na umaasa sa mga kuha ng satelayt sa tumpok ng berdeng pananim sa disyerto. Ang problema ay na maraming maliliit na tumpok ng berdeng pananim ang nalalaktawan ng kuha ng satelayt. Sa lupa, ang mga digmaang lokal at kawalan ng salapi ang kalimitang humahadlang sa mga pangkat na nag-iisprey ng pestisidyo upang maabot ang nalalamang pinamumugarang mga lugar.
Mga Astronomong Mahaba ang Buhay
Mas mahaba ba ang buhay ng mga astronomo kaysa ibang tao? Iniuulat ng magasin sa natural-science na Naturwissenschaftliche Rundschau sa Alemanya ang hinggil sa isang pagsusuri sa haba ng buhay ng mga taong ipinanganak sa pagitan ng 1715 at 1825. Sa mga taóng ito, ang 67 kalalakihan na naging mga astronomo sa edad na 25 ay nakaabot sa katamtamang haba ng buhay na 71.6 na taon. Halos kalahati ng mga lalaking ito ay Aleman, subalit ang 25-anyos na mga lalaking Aleman sa panahong ito ay may katamtamang haba ng buhay na 60.7 taon lamang. Bakit mas mahaba ang buhay ng mga astronomo? “Posible na ang malawig na haba ng buhay ng mga astronomo ay may kaugnayan sa paano man sa katahimikan at katiwasayan sa kanilang trabaho,” ulat ng magasin. O, ayon sa akala nito, “marahil ang basta pagkakita at pagbuhos ng kanilang isip sa mga hiwaga ng uniberso ay maaaring may magandang epekto sa kalusugan ng isang tao.”
Ang Wika ng mga Burukratiko
Sa Italya ang teknikal at burukratikong wika sa karamihan ng opisyal na mga dokumento ay napakahirap maunawaan anupat inaakala ng pampublikong administrasyon ng Italya na dapat gawin itong simple. Ayon sa Minister ng Pampublikong mga Tungkulin, na si Sabino Cassese, “ito ang administrasyon na hindi na nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan nito, na hindi nagsasalita ng kaparehong wika.” Kaya ngayon ang mga nasa pampublikong tungkulin ay magsisimulang magsalita ng simpleng Italyanong wika sa halip na “wikang burukratiko,” isang wika na lipos ng mga termino na hindi pangkaraniwang ginagamit. Ang pagbabago ay ipinatalastas sa paghaharap ng “Mga Pamantayan sa Istilo ng Nasusulat na Pakikipagtalastasan sa Pampublikong Administrasyon.” Palibhasa’y naglalaan ng talasalitaan ng 7,050 madaling maunawaan, saligang mga salita, nilalayon ng diksiyunaryo na alisin ang napakaraming di-matumbasan at mahihirap na termino na kalimitang nagpapangyari sa mga batas, pormularyo, mga sulat na inililibot, at mga paunawa sa publiko na mahirap maunawaan ng karaniwang mamamayan.