Ang Trumpeta—Mula sa Larangan ng Digmaan Tungo sa Tanghalan ng Konsiyerto
Ang Trumpeta—Mula sa Larangan ng Digmaan Tungo sa Tanghalan ng Konsiyerto
NOONG panahon ni Haring Abias, ang mga mandirigma ng Juda ay nahuli sa isang pagtambang. Dahil sa pinalibutan ng 800,000 kalabang kawal, sila’y nadaig sa bilang na 2 sa 1. Waring imposibleng makatakas. Walang anu-ano, ang tunog ng mga trumpeta ang nakabibinging narinig! Habang ang adrenaline ay sumulak sa daluyan ng kanilang dugo, ang kalalakihan ng Juda ay humiyaw ng umaalingawngaw na pandigmaang sigaw at lumusob sa labanan. Sa kabila nang sila’y nalalamangan, natalo ng mga taga-Judea ang mga kalaban.—2 Cronica 13:1-20.
Anong nakapupukaw na damdamin nga na marinig ang mga trumpetang iyon! Walang alinlangan na naipaalaala nito sa mga taga-Judea ang pangako ni Jehova: “Pagka makikipagbaka kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na sa inyo’y pumipighati ay inyo ngang patunugin ang hudyat ng mga trumpeta, at kayo’y aalalahanin sa harap ng inyong Diyos na si Jehova at kayo’y maliligtas sa inyong mga kaaway.” (Bilang 10:9) Ang pagtunog ng mga trumpeta ay nagpamalas ng pagtitiwala ng Juda kay Jehova, at ang pagtitiwalang iyan ay pinagpala.
Ang kasaysayan ng trumpeta ay malaon nang nauna kaysa sa pangyayaring ito sa Bibliya. Ang metal na trumpeta ay matatalunton sa Ehipto mga 2,000 taon bago kay Kristo. Ang sinaunang mga trumpetang ito ay lubhang naiiba mula sa alam nating mga trumpeta sa ngayon. Suriin ang pag-unlad ng kahanga-hangang instrumentong ito.
Ang Unang mga Yugto Nito
Ang salitang Ingles na “trumpet” ay mula sa Matandang Pranses na salita, trompe, na tumutukoy sa trompa ng elepante. Maliwanag, ang sinaunang
mga trumpeta ay tulad ng trompa ng elepante. Tinawag ng Griegong dramatistang si Aeschylus (525-456 B.C.E.) ang tunog ng trumpeta na “nakababasag.” Ang gamit nito ay nakatakda lamang sa mga paghudyat sa digmaan, libing o masasayang okasyon, mga paligsahan sa laro, at iba pang mga okasyong pampubliko.Bagaman ang mga trumpeta sa Israel ay ginamit para sa mga hudyat na pangmilitar, ang mga ito’y naglalaan din ng musika sa templo. Ang bihasang mga artisano ay kinuhang magtrabaho upang gumawa ng mataas-uring mga instrumento na yari sa pilak. Sa templo, ang mga trompetero ay tumutugtog nang gayon na lamang ang pagkakasabay-sabay anupat sila’y inilarawan “bilang nagpapatugtog ng isang tunog na maririnig [sa ganap na pagkakatugma, Today’s English Version].”—2 Cronica 5:13.
Kaya ang trumpeta ng Israel ay tiyak na hindi makaluma, maging sa mata o sa tainga man. Gayunman, gaya ng mga trumpeta ng nakapalibot na mga bansa, ang mga ito’y makapagbibigay lamang ng limitadong bilang ng mga tono. Mga daan-daang taon pa ang lumipas bago napahusay nang husto ang kalidad ng trumpeta.
Ang Pagsulong ng Makabagong Trumpeta
Upang madagdagan ang pagkakaiba-iba ng tono ng trumpeta, ang disenyo nito ay kailangang baguhin. Una ang haba ay kailangan dagdagan. Ang mas mahabang instrumento, gaya ng ipinangatuwiran, ay magkakaroon ng mas maraming pagkakasari-sari ng nota. Ang trumpeta noong Edad Medya (tinatawag na buisine) sa aktuwal ay 1.8 metro ang haba! Tulad ng iyong maiisip, nakaaasiwang tugtugin ito. Sa gayon, noong
ika-14 na siglo, ang trumpeta ay hinutok na maging hugis-S upang madaling gamitin. Pagkalipas ng sandaang taon, nagkaroon ito ng bilohabang silo na may tatlong nakatayong magkakatabing tipahan.Ang bagong mga trumpeta ay makatutugtog ng mas maraming tono subalit sa mas matataas na tono lamang. Mahirap abutin ang mga notang ito. Gayunman, ang ilan ay nagpasimulang sumulat ng musika para sa clarino, angkop para sa mga bahaging matataas ang tono. Isang kilalang kompositor ng panahong iyan ay si Johann Sebastian Bach (1685-1750).
Sa dakong huli, higit pang mga pulupot ng tubo na tinatawag na mga crook ang idinagdag sa trumpeta. Ang idea ay simple lamang: Ang karagdagang tubo ay nagpapahaba sa pangunahing daloy ng hangin, sa gayo’y magdudulot ng mas maraming tono. Ibinababa ng mga crook ang karaniwang tono ng trumpeta mula sa tonong F hanggang sa kasimbaba ng B flat.
Sa gayon, pagsapit ng panahon ni Wolfgang Amadeus Mozart (1756-1791), ang pagpapatugtog ng mataas-tonong clarino ay naglaho. Ang klarinete ang siyang namahala sa mas mataas na tono sa mas madaling paraan, samantalang ang trumpeta ang sumakop sa panggitnang tono.
Ang bagong trumpetang ito ay maraming gamit. Subalit nakaaasiwa pa ring tugtugin, sapagkat ang pag-aayos ng mga crook ay nangangailangan ng paggamit ng dalawang kamay. Gayunman, ang higit pang pagbabago ay kanais-nais.
Ang Trumpeta na May mga Tipahan
Mga 1760 isang musikerong Ruso na nagngangalang Kolbel ang nakagawa ng malaking pagtuklas. Naglagay siya ng butas malapit sa pinakakampana ng trumpeta at tinakpan iyon ng may sapin na tipahan na nagsisilbing pamigil. Ang pagbukas sa tipahang ito ang nagtataas nang kalahati sa tono ng trumpeta sa anumang nota. Noong 1801, isang trompetero mula sa Vienna na nagngangalang Anton Weidinger ang nagpasulong sa disenyo ni Kolbel sa pamamagitan ng paggawa ng trumpeta na may limang tipahan. Sa wakas nagkaroon ng trumpeta na makalilikha ng lahat ng nota sa iskala nang walang kahirap-hirap sa pagtugtog.
Gayunman, maging ang trumpeta ni Weidinger ay may napakalaking limitasyon. Ang bukasan ng mga tipahan ay nakasasagabal sa tunog ng instrumento, totoong nagpapaiba sa kapansin-pansing tunog ng trumpeta. Sa gayon, ang may tipahang trumpeta ay hindi nagtagal. Di-nagtagal ay binale-wala ito kapalit ng lubusang bagong paraan ng pagdisenyo sa trumpeta.
Ang Unang Trumpetang may Balbula
Noong 1815, si Heinrich Stölzel ng Silesia ang bumili ng patente para sa pag-imbento ng nadagdag na mga piston, o mga balbula, sa trumpeta. Sa pamamagitan ng napakaayos na pagkakalagay ng mga butas, naililihis ng bawat balbula ang daloy ng hangin mula sa pangunahing tubo tungo sa nakakabit na crook. Sa gayon, ang ilang crook na nagkakaiba-iba sa haba ay magagamit nang sabay-sabay sa anumang kombinasyon. Higit pa, dahil sa ang mga balbula ay nagtataglay ng paigkas (spring), naging posible ang biglang reaksiyon.
Sa una ang trumpetang ito ay may mga problema sa tamang pagtotono. Gayunman, habang lumilipas ang mga taon, ang mga depektong ito ay naiwasto, at ang trumpetang may balbula ay nananatili hanggang sa ngayon.
Kilala sa Dami ng Mapaggagamitan
Ang trumpeta ay may dako sa halos lahat ng uri ng musika. Ito’y mahusay na nakababagay sa boses at sa ibang instrumento. Ang marangal, may kagitingang tono nito ang nagpapangyari rito na maging angkop para sa mga tokata at mga martsa. Gayundin naman, ito’y may kahanga-hanga, mataginting na tunog na angkop na angkop sa mga konsiyerto, opera, at modernong jazz. Isa pa, dahil sa napakarami, malirikong mga katangian nito, may paghangang naibabagay ang sarili nito sa mga ballad at karaniwang naitatampok sa tugtuging pansolo.
Oo, ang trumpeta ay may mahaba nang kasaysayan. Hindi na ito basta isang instrumentong nagbibigay babala sa mga kamay ng isang kawal. Ngayon maaari itong makalikha ng walang-katulad na sining sa musika—sa paano man sa kamay ng mga bihasa. Walang alinlangan na ito’y nagdulot sa iyo ng kasiyahan sa pakikinig, anuman ang iyong nais sa musika. Anong laki ng ating pagpapasalamat sa ating Maylikha sa pagkakaloob sa mga tao ng kakayahang mag-imbento ng gayong mga instrumentong pangmusika gaya ng trumpeta!
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Keyed Trumpet at Slide Trumpet: Encyclopædia Britannica/Ika-11 Edisyon (1911)