Kapag Mahirap ang Buhay
Kapag Mahirap ang Buhay
NAPAKABATA ko pa nang mapilitan akong harapin ang masasakit na katotohanan sa buhay. Maaaring sumang-ayon ka sa akin na ang buhay sa daigdig ngayon ay talagang hindi makatarungan. Ganiyan nga ang nangyayari sa ating lahat—sa dakong huli. Tayong lahat ay nagkakasakit. Totoo, ang ilan ay maaaring tumanda nang walang anumang malubhang karamdaman, subalit sa katapusan ay nakakaharap nating lahat ang kamatayan.
Marahil higit akong nag-iisip tungkol sa pagkamatay kaysa nararapat. Subalit hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit, at kung bakit ako, sa isang paraan, ay nakinabang sa kung ano ang nangyari sa akin.
Nang Ako’y Siyam na Taon
Ako’y ipinanganak noong Setyembre 1968 sa Brooklyn, New York, ang bunso sa limang anak. Si Tatay ay may kapansanan, at si Nanay ay nagtatrabaho bilang isang kahera upang tustusan kami. Nang ako’y siyam na taon, napansin ni Nanay na ang aking tiyan ay nakaumbok sa isang panig. Dinala niya ako sa lokal na medical center. Nasalat ng doktor ang isang malaking bukol, at pagkaraan ng ilang araw, ako’y ipinasok sa Kings County Hospital.
Pag-alis ni Inay, umiyak ako dahil sa ako’y natakot. Kinabukasan dalawang lalaking nakadamit ng asul ang nagdala sa akin sa silid ng operasyon. Natatandaan ko na ang huling bagay na nakita ko bago ako nagising sa recovery room ay isang matinding liwanag sa uluhan ko at may inilagay sa aking bibig. Matagumpay na naalis ng mga doktor ang tinatawag na Wilms’ tumor (isang uri ng kanser), isa sa aking mga bato, at bahagi ng aking atay.
Gumugol ako ng limang linggo sa intensive care unit. Araw-araw, pinapalitan ng mga doktor ang bendahe. Sumisigaw ako kapag hinihila nila ang plaster. Upang bawasan ang kirot, may taong pinapapasok ang mga doktor upang libangin ako. Natatandaan ko na kinuwentuhan ako ng taong iyon ng tungkol sa mga palaka.
Paglabas ko sa intensive care, gumugol ako ng apat na linggo pa sa ospital. Nang panahong iyan, sinimulan ang mga paggamot sa pamamagitan ng radyasyon. Ang mga paggamot na ito ay makirot—hindi dahil sa radyasyon—kundi dahil sa kailangan kong dumapa, at masakit pa ang aking tiyan dahil sa operasyon. Ang mga paggamot sa radyasyon
ay ginagawa araw-araw Lunes hanggang Biyernes.Nang ako’y pinalabas ng ospital noong bandang huli ng Nobyembre 1977, patuloy akong tumanggap ng radyasyon bilang isang outpatient. Nang matapos ang mga paggamot na ito, nagsimula naman akong tumanggap ng chemotherapy. Araw-araw Lunes hanggang Biyernes kailangan kong gumising nang maaga at magpunta sa ospital upang turukan ng matapang na mga gamot. Ituturok ng doktor ang iniksiyon sa isang ugat at tuwirang ipapasok ang gamot dito. Takot ako sa iniksiyon at ako’y umiiyak, subalit sinabi sa akin ni Inay na kailangan ko ito upang gumaling.
Ang mga paggamot sa pamamagitan ng chemotherapy ay may nakatatakot na masasamang epekto. Ang mga ito’y nakapagpapaalibadbad, at madalas akong sumuka. Ang bilang ng aking dugo ay bumaba, at nalagas ang lahat ng buhok ko.
Natatakdaan ng Karamdaman
Nang sumunod na tagsibol, noong Pasko ng Pagkabuhay, kami’y naghahanda para magsimba nang dumugo ang ilong ko dahil sa mababang bilang ng aking dugo. Ginawa ng aking mga magulang ang lahat ng bagay, subalit ayaw maampat ang dugo. Pinatigil ng mga doktor ang pagdurugo sa pagpapasak ng gasa sa ilong ko, subalit lumabas naman ang dugo sa bibig ko. Nanghina ako nang husto dahil sa nawalang dugo at ako’y ipinasok sa ospital. Upang huwag akong maimpeksiyon, ang mga dumadalaw sa akin ay kailangang magsuot ng guwantes, pantakip sa mukha, at isang gown sa ibabaw ng kanilang damit. Sa loob ng isang linggo ang bilang ng aking dugo ay tumaas nang sapat upang ako’y mapalabas ng ospital.
Agad na sinimulan muli ang chemotherapy. Hindi ako makapag-aral, at talagang nalulungkot ako’t hindi ako makapag-aral. Hinahanap-hanap ko ang aking mga kaibigan at ang paglalaro sa labas na kasama nila. Ako’y tumanggap ng pagtuturo sa bahay, yamang inaakala ng aking mga doktor na hindi ako dapat pumasok sa paaralan samantalang ako’y ginagamot ng chemotherapy o karaka-raka pagkatapos akong gamutin nito.
Noong tag-araw na iyon nais kong dumalaw sa aking mga lolo’t lola sa Georgia gaya ng karaniwan kong ginagawa, subalit hindi ako pinayagang umalis. Gayunman, isinaayos ng ospital para sa mga pasyenteng may kanser na magtungo sa isang amusement park sa New Jersey. Bagaman ako’y pagod pagkatapos, nasiyahan naman ako.
Natapos ko ang chemotherapy noong dakong huli ng 1978 subalit patuloy akong tumatanggap ng pagtuturo sa bahay—lahat-lahat sa loob ng mahigit na tatlong taon. Nang bumalik ako sa paaralan noong Enero 1981, mahirap nang makibagay pagkatapos akong maturuan sa bahay sa loob ng mahabang panahon. Kung minsan ay naliligaw ako sa paghahanap ng aking klase. Gayunman, talagang gusto kong pumasok. Naiibigan ko lalo na ang klase sa musika, pagmamakinilya, at edukasyon sa pagpapalakas ng katawan. Ang ilan sa mga bata ay palakaibigan, subalit pinagtatawanan naman ako ng iba.
Isang Balakid
“Buntis ka ba?” tinatanong ako ng mga bata. Ito’y dahilan sa namamaga ang aking tiyan. Sinabi sa akin ng doktor na huwag akong mag-alala at na ang dahilan ay sapagkat ang aking atay ay lumalaki. Gayunman, nang ako’y magpatingin noong Marso, ipinasok ako ng doktor sa ospital. Nagsimula akong umiyak—nakapasok ako sa paaralan sa loob lamang ng dalawa at kalahating buwan.
Isang biopsy ang isinagawa kung saan kumuha ng himaymay sa tumor sa aking atay. Paggising ko pagkatapos ng pamamaraang ito, ang unang tao na nakita ko ay si Inay. Siya ay umiiyak. Sinabi niya sa akin na may kanser na naman ako at na ang tumor ay napakalaki upang alisin anupat kailangan kong magpa-chemotherapy upang paliitin ito. Ako’y 12 anyos lamang.
Ang chemotherapy ay isinagawa sa ospital, na nangangahulugang ako’y nagpupunta sa ospital dalawa o tatlong araw tuwing ilang linggo. Gaya ng dati, ako’y pinahirapan ng pagkaalibadbad at pagsusuka. Ang pagkain ay walang lasa, at nalagas ang lahat ng buhok ko. Ang mga paggamot sa pamamagitan ng chemotherapy ay nagpatuloy noong buong 1981. Samantala, noong Abril, sinimulan ko na naman ang pag-aaral sa bahay.
Maaga noong 1982, nang ako’y maospital para sa operasyon, napakahina ko anupat kailangan akong tulungan ng mga nars sa timbangan upang timbangin. Napaliit ng chemotherapy ang tumor, kaya naalis ito ng mga siruhano pati na ang isa pang bahagi ng aking atay. Minsan pa ako’y naospital sa loob halos ng dalawang buwan. Sa kalagitnaan ng 1982, sinimulan kong muli ang chemotherapy,
na nagpatuloy hanggang maaga noong 1983.Nang panahong ito ako’y malungkot sapagkat hindi ako makapag-aral. Subalit humaba ang buhok ko, at bumuti na naman ang pakiramdam ko. Maligaya ako dahil sa ako’y buháy.
Sa wakas, Balik sa Paaralan
Isinaayos ng tagapagturo ko sa bahay na ako’y magtapos sa junior high school na kasama ng klase na nakasama kong sandali noong 1981. Tuwang-tuwa ako tungkol dito; kay sayáng makita ang aking mga kaibigan at magkaroon ng bagong mga kaibigan. Nang dumating ang araw ng gradwasyon noong Hunyo 1984, kinunan ko ng litrato ang aking mga kaibigan at mga guro, at kinunan ako ng litrato ng aking pamilya upang tandaan ang pantanging pangyayaring ito.
Nang tag-araw na iyon dinalaw ko ang aking mga nunò sa Georgia at tumira ako roon halos buong tag-araw. Nang bumalik ako noong dakong huli ng Agosto, panahon na upang maghanda para sa pagpasok. Oo, sa wakas ay papasok na akong muli. Tuwang-tuwa ako!
Mausisa Tungkol sa Relihiyon
Si Dawn at si Craig ay kakaiba sa ibang estudyante, at ako’y naakit sa kanila. Subalit, nang bigyan ko sila ng mga regalo noong Pasko, sinabi nilang hindi nila ipinagdiriwang ang Pasko. “Judio ba kayo?” tanong ko. Ipinaliwanag ni Craig na sila’y mga Saksi ni Jehova at na ang Pasko ay hindi talaga Kristiyano. Binigyan niya ako ng ilang magasin na Bantayan at Gumising! upang basahin ang paksa tungkol dito.
Ako’y naging mausisa tungkol sa kanilang relihiyon, na waring totoong kakaiba. Kapag ako’y nagsisimba, iyon at iyon ding bagay ang maririnig ko: ‘Sumampalataya ka kay Jesu-Kristo, magpabautismo ka, at ikaw ay pupunta sa langit.’ Subalit iyan ay waring napakadali. Naniniwala ako na kung ang mga bagay ay napakadali, alin sa ikaw ay isang henyo, o may mali. Alam kong hindi ako isang henyo, kaya nahinuha ko na tiyak na may mali sa itinuturo ng simbahan.
Sa wakas si Craig ay nagsimulang makipag-aral sa akin ng Bibliya kung panahon ng aming reses sa tanghali. Isang araw ay inanyayahan niya ako sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova, at ako’y nagpunta. Nasumpungan ko si Craig at ako’y naupong kasama niya at ng kaniyang pamilya. Humanga ako sa aking nakita—mga tao ng iba’t ibang lahi na sama-samang sumasamba sa pagkakaisa—at ako man ay humanga sa aking narinig.
Nang makuha namin ni Craig ang bagong mga klase, hindi na kami makapag-aral ng Bibliya na magkasama sapagkat hindi magkapareho ang aming panahon ng pananghalian. Tinawagan ng nanay ni Craig ang nanay ko upang alamin kung puwede siyang makipag-aral sa akin, subalit hindi pumayag si Inay. Nang maglaon, binigyan niya ako ng pahintulot na magpunta sa mga pulong Kristiyano. Kaya tinawagan ko ang isang Kingdom Hall na nakatala sa direktoryo ng telepono at napag-alaman ko na ang pulong ay nagsisimula sa ika–9:00 n.u. kung Linggo. Noong Sabado, lumakad ako ng halos 30 bloke patungo sa Kingdom Hall upang matiyak ko na alam ko ang daan.
Pagdating ko kinabukasan, isang lalaki ang nagtanong sa akin kung ako raw ba’y dumadalaw buhat sa ibang Kingdom Hall. Sinabi ko sa kaniya na ito ang aking unang pagdalaw subalit ako’y nag-aral na sa loob ng maikling panahon. May kabaitang inanyayahan niya akong maupo na katabi niya at ng kaniyang asawa. Ang mga pulong ay lubhang kakaiba sa simbahan. Namangha ako sa kung paanong ang marami ay sabik na magkomento sa bahaging tanong-at-sagot. Kahit na ang mga kabataan ay nagkokomento. Itinaas ko ang aking kamay at sumagot din sa tanong. Mula noon, patuloy
akong dumalo sa mga pulong at sumulong ako sa isang pagkaunawa sa mga katotohanan ng Bibliya.Isa Pang Balakid
Noong Disyembre 1986, noong huling taon ko sa high school, nagpunta ako para sa isang rutinang pagpapatingin. Ang nakita ng doktor sa aking kanang bagà ay nagpangyari sa kaniya na maghinala, kaya’t ako’y pinabalik para sa higit pang mga X ray. Nang malaman ko na ang mga ito’y nagsisiwalat na may problema na naman, umiyak ako.
Isang biopsy ang isinagawa; ang doktor ay gumamit ng isang iniksiyon upang kumuha ng isang piraso ng tumor mula sa aking bagà. Ang bukol ay napatunayang kanserós. Sa katunayan, may tatlong tumor, kasali na ang isang malaking tumor malapit sa mga arterya ng aking puso. Pagkatapos ng pakikipag-usap sa doktor, kami ay nagpasiyang ako’y kukuha ng dalawang eksperimental na chemotherapy na gamot upang paliitin ang mga tumor bago ang operasyon. Ang masasamang epekto ay gaya ng dati—ganap na pagkalagas ng buhok, pagkaalibadbad, pagsusuka, at mababang bilang ng dugo.
Sa simula ako ay nanlumo, subalit ako’y nagsimulang manalangin kay Jehova nang madalas, at ito’y nagpatibay sa akin. Ang gradwasyon ay wala nang anim na buwan ang layo. Ang aking mga guro ay maunawain at mababait; hiniling lamang nila na ako’y magbigay ng isang sulat buhat sa aking doktor na nagpapaliwanag at na sikapin kong makialinsabay sa aking gawain sa paaralan.
Hindi Madali ang Pag-aaral
Bukod sa hamon na hinaharap ko sa paggawa ng gawain sa klase kapag malubha ang sakit ko, nagsisimulang malagas ang buhok ko. Nang bumili ako ng peluka, sinabi ng mga kaklase ko na maganda ang buhok ko—hindi nila alam na ito ay peluka. Gayunman, isang lalaki ang nakaaalam. Tuwing papasok ako sa silid-aralan, isusulat niya ang salitang “wig” sa pisara, at siya at ang kaniyang mga kaibigan ay tatawa at manunukso. Ang lahat ng kanilang panunukso ay nakapanlumo sa akin.
Pagkatapos, isang araw sa mataong pasilyo, may sumunggab sa peluka ko sa likuran. Agad akong pumihit at dinampot ito. Subalit nakita ng maraming bata ang aking ulong kalbo, at labis akong nasaktan. Nagtungo ako sa hagdan at umiyak. Kinabukasan nakita ko sa mga mukha ng ilang estudyante na ikinalulungkot nila ang nangyari. Sinabi sa akin ng mga kaklase ko na binayaran ng isang batang babae ang isang lalaki upang tanggalin ang aking peluka.
Hindi Madali ang Paninindigan Tungkol sa Dugo
Dahil sa chemotherapy, ang bilang ng aking dugo ay lubhang bumaba. Upang palubhain pa ang mga bagay, ang ilong ko ay magdurugo, kung minsan dalawa o tatlong beses isang araw. Hindi pa ako bautisado, subalit ako’y nanindigang matatag at sinabi ko na bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi ako magpapasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Hinimok ng aking ate ang isa sa aking munting pamangking babae na sabihin sa akin na ayaw niya akong mamatay. Si Itay ay nagalit, iniuutos na ako’y pasalin ng dugo, at patuloy na sinasabi sa akin ni Inay na patatawarin ako ng Diyos kung ako’y magpapasalin.
Kasabay nito, binabalaan ako ng mga doktor na dahil sa gayon kababang bilang ng dugo, magkakaroon ako ng atake sa puso o atake serebral. Yamang determinado akong manindigang matatag, pinapirma nila ako sa isang pormularyo na nagsasabing kung ako’y mamatay, wala silang pananagutan. Di-nagtagal ako ay gumaling nang husto upang umuwi ng bahay at pumasok sa paaralan. Gayunman, dahil sa mababa ang bilang ng aking dugo, ang mga doktor ay nagpasiyang ako ngayo’y gamutin sa pamamagitan ng radyasyon sa halip ng chemotherapy. Ginagamot ako ng radyasyon araw-araw pagkatapos ng klase mula noong dakong huli ng Abril hanggang noong pasimula ng Hunyo 1987.
Gradwasyon, Pagkatapos ay Bautismo
Ang gradwasyon ay isang pantanging okasyon. Tinulungan ako ng ate ko na bumili ng damit, at bumili ako ng isang bagong peluka. Si Inay at ang dalawa kong nakatatandang kapatid na babae ay naroroon sa gradwasyon, at pagkatapos kami ay sama-samang lumabas para sa isang di-malilimot na hapunan.
Nang panahong iyon, hindi ako tumatanggap ng chemotherapy o radyasyon. Subalit pagkalipas ng ilang linggo, ang doktor ay tumawag at sinabing pumunta ako sa ospital para sa isa na namang siklo ng chemotherapy. Ayaw kong pumunta sapagkat isang linggo na lamang ay dadalo ako sa pandistritong
kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa Lungsod ng New York. Gayunman, sinabi ni Inay na pumunta ako at tapusin ko na ang mga paggamot. Kaya iyon ang ginawa ko.Tuwang-tuwa ako noong kombensiyon sapagkat noong Sabado, Hulyo 25, 1987, ako ay mababautismuhan. Mayroon kaming eskorteng pulis patungo sa Orchard Beach, ang dako ng bautismo. Pagkatapos mabautismuhan ako ay nagbalik sa istadyum para sa natitirang programa ng araw na iyon. Ako’y pagód na pagód noong gabing iyon, ngunit noong Linggo ng umaga ako ay naghanda at dumalo sa huling araw ng kombensiyon.
Pagharap na Muli sa Isyu ng Dugo
Nang sumunod na hapon ako ay naospital dahil sa lagnat na 39 digris Celsius, isang impeksiyon sa bato, at lubhang napakababang bilang ng dugo. Binabalaan ako ng doktor na kung hindi ako pipirma sa pormularyo para sa pagpapahintulot sa isang pagsasalin, siya ay kukuha ng utos sa korte at pilit akong sasalinan ng dugo. Takot na takot ako. Ako’y ginigipit ng aking pamilya; inalok pa ng ate ko na ibibigay niya ang ilang dugo niya sa akin, ngunit tumanggi ako.
Nanalangin ako nang husto kay Jehova na tulungan akong manatiling matatag. Mabuti na lamang, ang bilang ng aking dugo ay nagsimulang tumaas, at ang panggigipit na ako’y pasalin ng dugo ay tumigil. Bagaman kailangan kong ipagpatuloy ang chemotherapy, wala nang magagamit na ugat sa akin na pagtuturukan ng gamot. Kaya isang siruhano ang gumawa ng isang maliit na butas sa ibaba ng aking balagat upang ipasok ang isang aparato kung saan padaraanin ang gamot.
Nang pinag-uusapan ang pagtanggal ng mga tumor sa aking bagà, sinabi ng siruhano na hindi siya gagamit ng dugo maliban kung nasa kagipitan. Sinabihan ako ni Inay na sumang-ayon, kaya’t ako’y sumang-ayon. Subalit pagkatapos ay nalungkot ako sapagkat, sa diwa, ako’y sumasang-ayon na pasalin ng dugo. Karaka-raka ay humanap ako ng isang siruhano na maggagarantiya na hindi gagamit ng dugo. Ang paghahanap ko ay para bang walang pag-asa, subalit sa wakas ay nakasumpong ako ng isa, at ang operasyon ay itinakda noong Enero 1988.
Ang doktor ay hindi nagbigay ng katiyakan na ako ay mabubuhay. Sa katunayan, noong gabi bago ang operasyon, siya’y dumating sa silid ko at nagsabi: “Sisikapin kong gawin ang pamamaraan.” Natakot ako; ako’y 19 lamang at ayaw kong mamatay. Gayunman, ang tatlong tumor ay matagumpay na naalis, gayundin ang dalawang-katlo ng aking bagà. Kapansin-pansin, ako’y naospital sa loob lamang ng isang linggo. Pagkatapos magpagaling sa bahay sa loob halos ng dalawa at kalahating buwan, sinimulan kong muli ang chemotherapy, taglay ang karaniwang masasamang epekto.
Halos nang panahong ito ang aking tatay ay nagkasakit din ng kanser, at isang gabi pagkalipas ng ilang buwan, natagpuan na lamang siya ni Inay na patay sa kaniyang kuwarto. Pagkamatay niya, nagsimula akong pumasok sa isang trade school kung saan kumuha ako ng pagsasanay sa pagiging sekretarya. Mabuti naman ang kalagayan ko sa pisikal, sa paaralan, at sa espirituwal, nakikibahagi pa nga ako bilang isang auxiliary payunir (pansamantalang buong-panahong ministro).
Isa Pang Balakid
Noong Abril 1990, dumalo ako sa handaan sa kasal ng aking kuya sa Augusta, Georgia. Samantalang naroon ang aking kuya ay nagsabi: “Talagang malaki ang binti mo.”
“Ano kaya ito sa palagay mo?” tanong ko.
“Ewan ko,” sagot niya.
“Marahil tumor ito,” sabi ko.
Pagbalik ko sa Lungsod ng New York, nagpunta ako sa doktor. Isiniwalat ng isang biopsy na isinagawa sa ilalim ng lokal na pampamanhid ang isa na namang Wilms’ tumor sa aking kaliwang binti. Isiniwalat ng mga pagsusuri na ang buto ay hindi naapektuhan, subalit napakalaki ng tumor upang ito’y alisin. Kaya sumunod na naman ang karaniwang chemotherapy.
Pagkaraan nito ako’y walang tigil sa pagsusuka; nagkaroon ako ng bara sa bituka. Isang emergency na operasyon ang nagpahupa rito. Gayunman, nagkabuhul-buhol ang aking mga bituka, anupat kinailangan ang isa pang operasyon. Ang bilang ng aking hemoglobin ay bumaba sa halos apat, at palaging sinasabi ng doktor: “Kailangan mong pasalin ng dugo. Mamamatay ka. Baka hindi ka na abutin pa ng umaga.” Nagkaroon ako ng masamang mga panaginip tungkol sa mga libingan at pagkamatay.
Ako’y gumaling nang husto noong Oktubre upang alisin ang tumor. Inalis din nila ang halos 70 porsiyento ng aking binti. Hindi tiyak kung ako ba ay makalalakad na muli. Subalit kailangan kong lumakad upang makapaglakbay sa Lungsod ng New York, kaya sa pamamagitan ng therapy at taglay ang determinasyon, nagsimula akong lumakad—una’y sa tulong ng isang walker, pagkatapos ng mga saklay, sumunod ay isang baston, at sa wakas isang brace sa binti, na nagpapangyari sa aking mga kamay na malayang magamit ang aking Bibliya sa ministeryo sa bahay-bahay. Noong panahon ng chemotherapy, ako’y pumayat tungo sa 27 kilo; ang taas ko’y 155 centimetro at karaniwan nang tumitimbang ng halos 54 na kilo. Habang ako’y tumataba at lumalaki ang aking binti, patuloy na pinalalaki ng mga doktor ang brace. Sa wakas, pagsapit ko sa normal na timbang, ginawan nila ako ng isang bagong brace.
Mahirap Pa Rin ang Buhay
Noong tag-araw ng 1992, wari bang normal na naman ako at inaasam-asam ko pa nga ang mag-auxiliary payunir. Noong Nobyembre, tumanggap ako ng isang sulat na labis kong ikinatuwa. Sinabi nito na ang aking mga karanasan sa buhay ay maaaring maging isang pampatibay-loob sa iba, at ako’y inanyayahang ilahad ang mga ito para ilathala sa Gumising! Ang kagalakan ko ay nauwi sa kalungkutan nang sumunod na linggo.
Isiniwalat ng isang rutinang X ray sa dibdib ang mga tumor sa kabilang bagà ko na walang diperensiya. Umiyak ako nang umiyak. Nabata ko ang mawalan ng isang bato, bahagi ng aking atay, karamihan ng aking kaliwang bagà, bahagi ng isang binti, subalit walang makaliligtas kung mawala ang dalawang bagà. Minsan pa ang aking pamilya at mga kaibigan ay naroon upang umalalay sa akin, at ako ay naging determinadong labanang muli ang sakit.
Ang chemotherapy ay sinimulan upang paliitin ang mga tumor. Inakala ng isang doktor na maaaring alisin ang mga ito at iligtas ang bagà. Noong Marso 1993, ako’y nagtungo sa silid ng operasyon. Pagkatapos ay napag-alaman ko na tiningnan nila at saka tinahi na lamang ako. Hindi nila maaaring alisin ang mga tumor nang hindi tinatanggal ang bagà. Mula noon ay binigyan ako ng malakas na chemotherapy sa pagsisikap na patayin ang mga tumor.
Nauunawaan mo ba kung bakit laging sumasagi sa isip ko ang tungkol sa pagkamatay? Pag-iisipan ko pa bang mabuti kung bakit tayo namamatay at kung anong pag-asa sa hinaharap kung ang aking buhay ay naging madali? Hindi ko tiyak. Gayunman, natitiyak ko na ang talagang mahalaga ay, hindi kung tayo ay mabubuhay o mamamatay ngayon, kundi kung tayo ay magkakamit ng pagpapala ng Diyos na Jehova, ang Isa na makapagbibigay sa atin ng buhay na walang-hanggan. Ang palaging pag-iisip tungkol sa pag-asa ng buhay sa kaniyang bagong sanlibutan, paghahagis ng aking mga pasan sa kaniya, at pananatiling malapit sa mga kaibigang ang pag-asa’y katulad ng sa akin ay nakatulong upang umalalay sa akin.—Awit 55:22; Apocalipsis 21:3, 4.
Maligaya ako na taglay ng ibang kabataan ang kanilang kalusugan. Inaasahan kong ang aking inilahad ay mag-udyok sa marami sa kanila na gamitin ito, hindi sa walang kabuluhang mga paghahangad, kundi nang may katalinuhan sa paglilingkod kay Jehova. Anong pagkadakilang bagay nga na magtamasa ng mabuting kalusugan magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos! Doon ay hindi na kakailanganin ang mga doktor, ospital, iniksiyon, tubo—hindi, walang magpapaalaala sa atin tungkol sa maysakit at namamatay na matandang sanlibutang ito.—Gaya ng inilahad ni Kathy Roberson.
[Larawan sa pahina 21]
Nang ako’y magtapos sa junior high school
[Larawan sa pahina 23]
Tumutulong sa food service sa isang pansirkitong asamblea sa New York