Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karagdagang Edukasyon—Bakit?

Karagdagang Edukasyon—Bakit?

Karagdagang Edukasyon​—Bakit?

ANG paghahanap ni Robert ng trabaho ay isang kabiguan na tumagal ng tatlong mahahabang taon. Sa wakas, sa gulang na 21, siya’y natanggap bilang isang tagapayo sa isang summer-camp. Bagaman medyo naginhawahan ngayon, si Robert ay napagod sa kahahanap ng trabaho. “Talagang hindi ito nauunawaan ng aming mga magulang,” sabi niya. “Mas mahirap humanap ng trabaho ngayon.”

Tulad ni Robert, di-mabilang na mga kabataang bagong gradwado lamang ang pumapasok sa trabaho taun-taon. Taglay nila ang pag-asa. Mayroon silang mga plano. Subalit parami nang paraming nagtapos ang nakasusumpong na hindi nila makuha ang uri ng trabaho na inaasahan nila.

Sa gayon, marami ang kumukuha pa ng karagdagang edukasyon. a “Kung ang dekada ng Setenta ay nagpahayag ng negatibong saloobin tungkol sa mga pakinabang ng edukasyon,” sabi ng magasing Fortune, “iba naman ang kaisipan ng dekada Otsenta: Kumuha ka ng isang digri sa kolehiyo kung hindi’y mahihirapan ka.”

Bakit ang Problema?

Bakit kadalasang kailangan ang karagdagang edukasyon? Una, maraming trabaho sa ngayon ang humihiling ng mas mataas na antas ng kasanayan. “Ang teller sa bangko na tumatanggap lamang ng mga deposito ay inalis na ng tinatawag na ‘money machine,’ ” sabi ng isang kinatawan ng Kagawaran ng Paggawa sa E.U. “Sa ngayon kailangang payuhan ako [ng teller] tungkol sa tatlong uri ng mga deposito sa bilihan ng salapi at ipaliwanag sa akin kung bakit gusto ko ang isang ito kaysa isang iyon.” Si William D. Ford, tagapangulo ng Komite sa Edukasyon at Paggawa ng Kongreso, ay nagsasabi: “Ang simpleng mga trabaho ay wala na.”

Ikalawa, inaakala ng ilan na ang mga paaralan ay hindi nagbibigay sa mga estudyante ng isang sapat na edukasyon. Sinasabi nilang nahigitan ng pagdiriin sa mga isyu na gaya ng pag-abuso sa droga, AIDS, at pagpigil sa pag-aanak ang pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, at aritmetika. Si Dr. Robert Appleton, isang guro sa loob ng 27 taon, ay naghihimutok na ang sistema ng paaralan ay waring naging isang “institusyon para sa paglilingkod panlipunan” na ginagawa ang mahirap na gawain ng “pakikitungo sa mga problema na dati’y hindi itinuturing na bahagi ng gawain ng paaralan.”

Bunga ng kabiguan ng ilang paaralan na magturo sa mga estudyante ng kinakailangang mga kasanayan, maraming nagtapos sa high school ang hindi matustusan ang kanilang sarili sa pinansiyal na paraan. “Sila’y hindi naturuan kung paano magtatrabaho,” sabi ni Joseph W. Schroeder, manedyer sa isang tanggapan ng ahensiya sa empleo sa Florida. “Sa pakikitungo sa mga kabataan ang problema na madalas sabihin sa akin ng mga may patrabaho ay na ang mga kabataan ay hindi makabasa o makasulat nang mahusay. Hindi sila makasulat ng impormasyon tungkol sa isang aplikasyon sa trabaho.”

Ang ikatlong dahilan kung bakit maaaring kinakailangan ang karagdagang edukasyon ay sapagkat sa maraming lupain sobrang dami ng mga nagtapos sa kolehiyo ang naghahanap ng trabahong mapapasukan. “Mas maraming nagtapos sa kolehiyo ang naghahanap ng trabaho kaysa makukuhang trabaho na nangangailangan ng kanilang mga kasanayan,” sabi ng The New York Times. “Dahil sa sobrang dami nila,” susog pa ng ulat, “atubiling ipasok sa trabaho ng mga may patrabaho ang mga nagtapos sa high school.”

Upang maging kuwalipikado para sa uri ng trabaho na kinakailangan upang sapat na masuportahan ang kanilang sarili, marami ang kumukuha ng karagdagang edukasyon. Sa Estados Unidos, 59 na porsiyento ang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral pagkatapos ng high school. Ito’y kumakatawan ng isang malaking pagsulong sa 50-porsiyentong bilang na walang pagbabago sa nakalipas na mga dekada.

Katulad na mga kausuhan ang napansin din sa iba pang mga bansa. Halimbawa, mula noong mga taon ng 1960, naranasan ng Britaniya ang malaking porsiyento ng pagdami ng mga estudyante na kumukuha ng edukasyong karagdagan pa sa hinihiling ng batas. Noon lamang isang taon, nasaksihan ng Australia na 85 porsiyento niyaong nagtatapos sa high school ang nag-aaplay sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo. Halos 95 porsiyento ng mga estudyante sa Hapón ang kumukuha ng mga eksamen upang tumanggap ng karagdagang tatlong taon na edukasyon, kung saan sila ay ihahanda alin sa isang trabaho o sa kolehiyo.

Gayunman, ang karagdagang edukasyon ay hindi laging naglalaan ng ninanais na mga pakinabang. Ano ang mga bentaha at disbentaha?

[Talababa]

a Ang mga pangalan ng mga antas ng pag-aaral ay nagkakaiba sa bansa at bansa. Sa mga artikulong ito ang “high school” ay kumakatawan sa pag-aaral na hinihiling ng batas. Ang “kolehiyo,” “unibersidad,” “paaralang teknikal,” at “paaralang bokasyonal” ay tumutukoy sa mga uri ng karagdagang edukasyon na hindi hinihiling ng batas subalit maaaring kusang ipagpatuloy.