Maaari Bang Maging Mas Maligaya ang Buhay Pampamilya Nang Walang TV?
Maaari Bang Maging Mas Maligaya ang Buhay Pampamilya Nang Walang TV?
NOONG Pebrero ng taóng ito, itinampok ng The Wall Street Journal ang artikulong: “Walang TV: Ang Ilang Pamilya ay Lumakas Nang Walang TV.” Ang pahayagan ay nag-ulat: “Para sa ilang pamilya sa Amerika na lubusang huminto sa panonood ng telebisyon, ang buhay pagkatapos na mawala ang telebisyon ay nagpapatuloy—higit na maligaya pa nga.”
Ang epekto ng telebisyon sa pamilya ay tinalakay rin kamakailan sa isang muling pagsasama upang ipagdiwang ang ika-40 anibersaryo ng unang taong tumakbo ng isang milya nang wala pang apat na minuto, na tinakbo ni Roger Bannister. Sang-ayon kay Jim Ryun, isang kampeong mananakbo ng isang milya noong mga taon ng 1960, ang paksa ay napag-usapan noong panahon ng hapunan na kasama si Roger bago ang Olympics noong 1968.
“Kami ng asawa ko, si Anne, ay nakatakdang ikasal nang panahong iyon,” paliwanag ni Ryun, “kaya sinabi sa amin ni Roger na may natuklasan siyang isang bagay na talagang nagpaunlad sa kalidad ng kaniyang buhay pampamilya. Mangyari pa, buong pananabik kaming nakinig. Sinabi niyang ang ginawa niya ay na inalis niya ang telebisyon sa bahay, kaya iyan ay nagbigay sa kanila ng higit na panahon bilang isang pamilya na magsama-sama, mag-usap-usap, magbasa na magkakasama.”
Sabi ni Ryun: “Ang sinabi niya ay nagkaroon ng epekto sa amin. Natalos namin, ‘Hindi naman natin talagang kailangan ang isang TV.’”
Gayundin ang naging konklusyon ng maraming tao. Bakit? Dahil sa nakahihipnotismong epekto ng TV, lalo na sa mga kabataan. Ayon sa isang ina sa Maryland, E.U.A., nang pinasususo niya ang kaniyang sanggol na babae sa harap ng TV, ang sanggol ay “biglang babaling at tititig sa iskrin ng telebisyon. Nahinuha namin na kung ginagawa niya iyon sa napakaagang gulang na iyon, ano kaya ang gagawin niya paglaki niya?” Kaya inalis ng pamilya ang kanilang TV.
Kung hindi ninyo lubusang inaalis ang TV, hindi ba makabubuting sa paano ma’y supilin ang paggamit nito? Ganito ang sabi ni Karen Stevenson, ang unang dalagang itim na tumanggap ng isang Rhodes Scholarship para sa pag-aaral sa Oxford University sa Inglatera, tungkol sa kaniyang kabataan: “Hindi kami pinahihintulutang manood ng telebisyon mula Lunes hanggang Biyernes. Kung talagang mayroon kaming nais na mapanood . . . , kailangang kausapin namin si [nanay] tungkol dito kung Linggo bago ito at planuhin ito.”
Kumusta naman ang panonood ng TV sa inyong pamilya? Nakikita ba ninyo ang kahalagahan ng pagtatakda ng panonood nito, o alisin pa nga ito, sa isang panahon?