Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahahalagang Bagay Tungkol sa Pagpapasuso

Mahahalagang Bagay Tungkol sa Pagpapasuso

Mahahalagang Bagay Tungkol sa Pagpapasuso

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA

Kung ikaw, gaya ng maraming ina, ay nagpasiyang magpasuso ng iyong sanggol, napili mong gamitin ang isang paglalaan na maibiging ginawa ng Maylikha ng sangkatauhan. Ang gatas na ginagawa ng iyong sariling katawan ay makatutugon sa mismong nutrisyonal na pangangailangan ng iyong sanggol, nagtataguyod ng malusog na paglaki at pag-unlad. Tutulong din ito upang mapangalagaan ang iyong sanggol laban sa karaniwang mga sakit. Taglay ang mabuting dahilan ang WHO (World Health Organization) ay nagsasabi: “Ang [gatas ng ina] ang pinakamahusay na pagkain na kailanma’y makakain ng isang sanggol. Lahat ng kahalili, pati na ang gatas ng baka, milk-powder na itinitimpla, at mga lugaw, ay nakabababang uri.”

Ang pagpapasuso ay nagdudulot din ng mga pakinabang sa iyo. Walang mga boteng huhugasan o pakukuluan at hindi mo na kailangang magtungo sa kusina sa kalagitnaan ng gabi upang ihanda ang pagkain para sa iyong sanggol. Ang pagpapasuso ay pakikinabangan mo rin sa pisikal na paraan, yamang tutulong ito sa iyo na mawala ang timbang na natamo mo noong panahon ng pagdadalang-tao at tutulong ito upang ang iyong matris ay bumalik sa normal nitong laki. At ipinakikita ng mga pananaliksik na ang mga babaing nagpapasuso sa kanilang mga anak ay malamang na hindi magkaroon ng kanser sa suso.

“Halos lahat ng ina ay maaaring magpasuso ng kaniyang sanggol,” tinitiyak ng United Nations Children’s Fund. Kaya malamang na ikaw man ay makapagpapasuso. Gayunman, maaaring matuklasan mo na ang pagpapasuso ay hindi madali gaya ng inaasahan mo, lalo na kung sinisikap mong gawin ito sa unang pagkakataon. Ito’y dahilan sa ang pagpapasuso, bagaman likas, ay hindi katutubo; ito ay isang kasanayan na dapat mong matutuhan. Masusumpungan mong nangangailangan ng ilang araw o ilang linggo pa nga upang ikaw at ang iyong sanggol ay magkaroon ng isang komportable at nakasisiyang rutina.

Bago Dumating ang Sanggol

Kung hindi ka pa matagumpay na nakapagpasuso noon, makipag-usap sa mga ina na nagpasuso. Matutulungan ka nilang iwasan o mapagtagumpayan ang mga problema. Matutulungan ka rin nilang magkaroon ng pagtitiwala sa iyong kakayahan na mabisang magpasuso ng iyong sanggol.

Sa panahon ng pagdadalang-tao at pagkatapos, mahalaga na ikaw ay magkaroon ng sapat na pamamahinga. Isa pa, tiyaking ikaw ay kumakain ng sapat na pagkain. Ang Breastfeeding, isang publikasyon ng WHO, ay nagsasabi: “Ang hindi mabuting nutrisyon bago o sa panahon ng pagdadalang-tao ay maaaring maging sanhi ng mahinang paglaki ng sanggol sa loob ng bahay-bata. Maaari rin itong mangahulugan na ang ina ay hindi makapag-imbak ng sapat na taba upang gumawa ng sapat na gatas sa dakong huli. Sa buong panahon ng pagdadalang-tao at sa panahon ng pagpapasuso, ang ina samakatuwid ay nangangailangang kumain ng isang timbang na pagkain ng sari-saring pagkain.”

Mahalaga rin ang pangangalaga sa mga suso. Sa huling mga buwan ng pagdadalang-tao, hugasan ang iyong mga suso kapag naliligo, subalit huwag sasabunan. Ang mga glandula sa areola (ang maitim na dako sa paligid ng utong) ay naglalabas ng isang panlaban sa baktiryang lubrikante na pinananatiling mamasa-masa ang mga utong at nag-iingat laban sa impeksiyon. Maaaring tuyuin ng sabon ang mga utong at alisin o pawalang-saysay ang lubrikante. Kung ang iyong mga suso ay matuyo o mangati, pahiran mo ng nakagiginhawang krema o losyon. Subalit huwag pahiran ang mga utong o ang areolae.

Dati-rati’y inirerekomenda ng mga doktor na “patigasin” ng mga ina ang kanilang mga utong sa panahon ng pagdadalang-tao sa pamamagitan ng masiglang pagkuskos dito. Bagaman ito ay ipinalalagay na upang maiwasan ang pananakit ng utong sa panahon ng pagpapasuso, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang gayong mga ehersisyo ay hindi gaanong nakatutulong. Ang pananakit ay karaniwang dahil sa maling posisyon ng sumususong sanggol sa suso.

Ang laki at hugis ng suso ay hindi mga salik sa matagumpay na pagpapasuso, subalit ang isang sanggol ay hindi makakabit sa isang baligtad o dapáng utong. Maaari mong subukin ang iyong sarili sa pamamagitan ng marahang pagpisil sa bawat utong na ginagamit ang iyong hinlalaki at hintuturo upang matiyak na ang mga utong ay lalabas. Kung ang mga ito ay hindi lumabas, sangguniin ang iyong doktor. Maaaring irekomenda niya ang isang breast shell, isang simpleng aparato na isinusuot sa panahon ng pagdadalang-tao o sa pagitan ng pagpapasuso. Kadalasan nang pinabubuti ng mga shell ang hugis ng dapa o baligtad na mga utong.

Ang Unang mga Araw

Makabubuti para sa iyo na simulang pasusuhin ang iyong sanggol isang oras pagkatapos magsilang. Maaaring akalain ng ilan na karaka-raka pagkatapos ng lahat ng pagpapagal sa panganganak, ang mag-ina ay maaaring pagod na upang magkaroon ng personal na pagdadaiti. Subalit ang ina ay karaniwang sumisigla sa pagkakataong iyon, at ang sanggol, pagkatapos makibagay ng ilang minuto sa buhay sa labas ng bahay-bata, ay sabik na hinahanap ang kaginhawahan ng suso.

Mapaglalaanan ng bagong mga ina ang kanilang bagong silang na sanggol ng manilaw-nilaw o malabnaw na sustansiyang tinatawag na colostrum. Ang “gintong likido” na ito ay lubhang kapaki-pakinabang para sa sanggol. Ito’y naglalaman ng mga sangkap na lumalaban sa nakapipinsalang baktirya. Mayaman din ito sa protina at mababa sa asukal at taba, ginagawa itong tamang-tamang pagkain sa unang mga araw ng buhay. Maliban na lamang kung may ilang medikal na problema, ang sanggol ay wala nang kakailanganin pang ibang pagkain o inumin. Ang karagdagang pagpapasuso sa bote ay maaaring magpahina ng loob ng sanggol sa pagsuso sa ina, yamang ang pagsuso sa bote ay hindi gaanong nangangailangan ng pagsisikap sa pagsuso.

Ang mga ina ay karaniwang nagsisimulang gumawa ng gatas nang walang colostrum mula dalawa hanggang limang araw pagkatapos magsilang. Ang pagdami ng daloy ng dugo sa mga suso sa panahong ito ay maaaring magpalaki sa iyong mga suso at gawin itong masakit. Ito ay normal. Karaniwan nang babawasan ng pagpapasuso ang hirap. Gayunman, kung minsan, ang magang mga suso ay magpapangyari sa mga utong na dumapa. Yamang pinahihirap nito para sa sanggol na sumuso, baka kailanganin mong palabasin ang ilang gatas na ginagamit ang kamay. Magagawa mo ito sa paggamit sa dalawang kamay upang masahihin ang bawat suso, nagsisimula sa puno nito at patungo sa utong.

Hindi mo masusukat kung gaano karaming gatas ang nakukuha ng iyong sanggol mula sa suso, subalit huwag kang mag-alala​—ang iyong katawan ay nasasangkapan upang tustusan ang lahat ng pangangailangan ng sanggol, kahit na kung ang sanggol ay kambal! Mientras nagpapasuso ka, mas maraming gatas ang magagawa mo. Ito ang isang dahilan kung bakit hindi mo dapat dagdagan ang gatas ng ina ng ibang gatas na itinimpla sa bote, gaya ng itinitimplang milk-powder o gatas ng baka. Kung gagawin mo ito, ang iyong sanggol ay hindi na gaanong sususo sa iyo. Ito naman, ay nangangahulugan na uunti ang gatas na iyong gagawin.

“Ang normal na mga sanggol na husto sa buwan ay hindi walang-kaya sa pagsilang gaya ng inaakala at maaayos nila ang kanilang sariling pagkain upang umangkop sa kanilang sarili at sa katawan ng kanilang ina, kung hahayaan lamang sila ng ibang tao na gawin ito,” sulat ni Gabrielle Palmer sa The Politics of Breastfeeding. Ang gumagabay na simulain ay yaong simulain ng “supply and demand”​—kapag ang iyong sanggol ay nangangailangan ng pagkain (karaniwang sa pamamagitan ng pag-iyak), tinutustusan mo. Sa simula, ang mga pangangailangan ay dumarating tuwing dalawa o tatlong oras. Dapat mong hayaang sumuso ang iyong sanggol sa dalawang suso tuwing sususo siya. Karamihan ng mga sanggol ay gumugugol ng mula 20 hanggang 40 minuto upang mahusto ang pagsuso, bagaman ang ilang sanggol ay gustong sumuso nang dahan-dahan, na may mga paghinto. Ang mga mabagal sumuso ay gugugol nang hanggang 60 minuto upang matapos ang kanilang pagsuso. Karaniwan na, ang iyong sanggol ay nakasususo nang sapat kung siya ay sumususo nang hindi kukulanging walong beses sa loob ng 24 na oras, kung naririnig mo siyang lumululon samantalang sumususo, at kung siya ay may walo o higit pang basang lampin isang araw pagkatapos ng ikalimang araw.

Ang pinakamahalagang kasanayan na kailangan mo upang maging dalubhasa ka sa pagpapasuso ay kung paano wastong kakargahin ang sanggol sa suso. Ang iyong sanggol ay maaaring hindi nakakukuha ng sapat na gatas dahil sa maling posisyon sa pagpapasuso. Ang ibang mga sanggol ay tumatanggi pa ngang sumuso.

Ang maling posisyon ay maaaring magbunga ng isa pang karaniwang problema: bitak o masakit na mga utong. Ang Breastfeeding Source Book ay nagsasabi: “Ang masakit na mga utong ay dala ng maraming salik, subalit isang mahalagang salik ay kung paano ‘kumakabit’ ang sanggol, at sa gayo’y dumedepende sa posisyon ng kaniyang ulo may kaugnayan sa suso. Para sa wastong posisyon, ang iyong sanggol ay dapat na malapit sa suso, na ang kaniyang ulo ay neutral (hindi nakatingala, nakayuko o nakatagilid), at diretso sa utong upang hindi niya ito hinihila sa isang tabi.”

Angkop naman, ang mga labi ng sanggol ay dapat na nakapasak sa suso, mga tatlong centimetro sa likuran ng utong. Malalaman mo na ang posisyon ay tama kung ang buong katawan ng iyong sanggol ay nakabaling sa iyo, kung matagal ang kaniyang mga pagsuso, kung siya ay relaks at maligaya, at kung wala kang nararamdamang kirot sa utong.

Kung Kailan Aawatin

Pagkatapos ng ilang linggo, kapuwa ikaw at ang iyong sanggol ay magkakakilalahan at malamang na magkaroon kayo ng isang komportable at nakasisiyang rutina. Sa susunod na apat hanggang anim na buwan, ang iyong sanggol ay walang kakailanganing pagkain o inumin maliban sa gatas ng ina. Pagkatapos niyan dapat na unti-unti mong ipakilala ang iba pang pagkain, gaya ng minasang mga gulay, cereal, o mga prutas. Gayunman, hanggang sa ang iyong sanggol ay siyam o sampung buwang gulang, ang kaniyang pangunahing pagkain ay manggagaling pa rin sa gatas mo; kaya mabuti sa tuwina na pasusuhin ang iyong sanggol bago bigyan ng matigas na pagkain.

Gaano katagal dapat magpatuloy ang pagpapasuso ng ina? Hanggang magagawa mo, mungkahi ng WHO. Maraming ina ang patuloy na nagpapasuso hanggang sa ikalawang taon, sinusubaybayan ang kanilang mga anak at hindi ang kalendaryo. Ang aklat na Mothering Your Nursing Toddler ay nagsasabi: “Hindi mahirap makita ang pangangailangan ng ating mga anak para sa patuloy na pagsuso​—ang kanilang kagalakan sa pagsuso at ang kanilang pagkabalisa kapag ito ay ipinagkakait. Isang simple subalit nakakukumbinsing dahilan sa patuloy na pagpapasuso ay upang palugdan ang bata.”

Katibayan ng Isang Maibiging Maylikha

Habang pinasususo mo ang iyong sanggol, marahil sa kalaliman ng gabi kapag ang lahat ng iba pa sa pamilya ay natutulog, pag-isipan ang kaayusang ito ng Maylikha. Kahit kung hindi mo nauunawaan ang masalimuot na mga proseso ng katawan na nagpapangyari nito, ang kababalaghan ng pagpapasuso ay tutulong sa iyo na makita ang karunungan at pag-ibig ng ating Maylikha.

Pag-isipan ito​—wala nang bubuti pang pagkain para sa mga sanggol kaysa gatas ng ina. Lubusan nitong natutugunan ang mga kahilingan ng sanggol para sa pagkain at inumin sa unang mga buwan ng buhay. Kasabay nito, isa itong wonder drug na nagsasanggalang laban sa sakit. Ito’y ligtas, malinis, hindi na kailangang ihanda, at libre. Ito’y karaniwang makukuha, at ang produksiyon nito ay dumarami habang lumalaki ang sanggol.

At pag-isipan ang tungkol sa bagay na ang pagpapasuso ay isang nakasisiyang karanasan kapuwa sa ina at sa bata. Ang pagpapakain, ang pagdaiti ng bibig at balat, at ang init ng katawan sa pagpapasuso ay pawang nakatutulong upang magkaroon ng isang malakas na buklod ng pag-ibig at pagkamalapit sa pagitan ng ina at ng bata.

Tunay, ang Maylikha ng kahanga-hangang kaayusang ito ay dapat na pakapurihin. Walang alinlangan na uulitin mo rin ang mga salita ng salmistang si David, na sumulat: “Pupurihin kita [Jehova] sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.”​—Awit 139:14.

[Kahon sa pahina 12]

Mga Asawang Lalaki, Alalayan Sila

• Ipaalam sa iyong asawa na ikaw ay sang-ayon sa pagpapasuso. Bigyan siya ng katiyakan at magiliw na alalayan siya.

• Tulungan ang iyong asawa na kumain ng isang timbang na pagkain sa panahon ng pagdadalang-tao at samantalang sumususo ang sanggol.

• Tiyakin na siya ay may sapat na pahinga. Ang isang pagod na babae ay baka mahirapang gumawa ng sapat na gatas. Makatutulong ka bang mabawasan ang kaniyang mga pasanin sa pamamagitan ng pag-aalaga sa ibang mga anak o sa pakikibahagi sa mga gawain sa bahay?

• Kung ang iyong asawa ay relaks at maligaya, ang kaniyang gatas ay dadaloy na mas mabuti. Hangga’t maaari ay panatilihin siyang maligaya. Makinig sa kaniyang mga problema, at tulungang lutasin ang mga ito.

[Kahon sa pahina 13]

Suso Laban sa Bote

“Ang gatas ng ina ay mas masustansiya, mas malinis, nagbibigay sa mga sanggol ng kaligtasan laban sa karaniwang mga sakit, at binabawasan ang panganib ng ina na magkaroon ng kanser sa suso at sa obaryo. Ang itinitimplang gatas, bukod pa sa pagiging mahal, ay kadalasang labis na nahahaluan ng maruming tubig at ipinasususo sa mga bata mula sa hindi napakuluang mga biberón. Sa mahihirap na pamayanan, ang kaibahan ay napakahalaga anupat tinatayang 1 milyong bata ang maililigtas bawat taon kung ang mga ina sa daigdig ay babalik tangi sa pagpapasuso sa unang apat hanggang anim na buwan.”​—The State of the World’s Children 1993, isang publikasyon ng United Nations Children’s Fund.