Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Matatanda Nang Magulang Ang aking biyenang lalaki ay nakaratay na at nangangailangang gawin ang lahat ng bagay para sa kaniya. Dahil sa ako’y pagod na sa isip at sa katawan, kung minsan nawawalan ako ng pasensiya at nagsasalita ng mga bagay na pinagsisisihan ko sa bandang huli. Kaya nang aking mabasa ang mga artikulo tungkol sa “Ang Hamon ng Pag-aarugâ sa Matanda Nang mga Magulang,” (Pebrero 8, 1994), para bang gustong sumabog ng aking dibdib! Ako’y labis na nagpapasalamat sa inyong paghahanda ng ganitong materyal. Makatutulong ang mga artikulo sa akin habang pinagpapatuloy kong gampanan ang aking mga tungkulin.

T. H., Hapón

Ako’y 16 na taóng gulang, at ang aking lola ay nangangailangan ngayon ng 24-na-oras na pag-aaruga. Siya’y nakatira sa halos isandaan at animnapung kilometro ang layo. Kaya naman, matinding kaigtingan ang idinulot nito sa aking pamilya. Kaya naman nais ko kayong pasalamatan para sa mga artikulong ito. Ang mga ito’y totoong nakapagpapatibay.

M. R., Estados Unidos

Ako’y nagtatrabaho sa isang ahensiya ng paglilingkod panlipunan na naglalaan ng mga serbisyo sa mga nangangalaga sa kanilang matatanda nang magulang. Malimit, ang aking mga katrabaho ay tumatanggi sa anumang literaturang salig sa Bibliya na aking iniaalok sa kanila. Gayunman, sa kamakailang pulong ng mga kawani, binigyan ko ang bawat isa ng kopya ng labas na iyan. Tumanggap ang bawat isa! Nasumpungan kong binabasa ito ng isang manggagawa sa kaniyang mesa.

B. H., Estados Unidos

Iminungkahi ninyong tuwirang humingi ng tulong ang isang tao sa kaniyang mga kapatid sa laman hinggil sa pag-aaruga. Akala ko noon na minsang hilingan ng tulong ang isa, walang sinumang tatanggi. Buweno, mapatutunayan ko na ako ang naging tagapangalaga ng aking mga magulang sa loob ng sampung taon, at kapag humihingi ako ng tulong sa aking mga anak, ayaw nilang tumulong. Tayo’y nabubuhay sa malamig, walang-malasakit na daigdig. Inaasam-asam ko na mapagwari at matanto ng mga tao na ang pag-aaruga sa iyong mga magulang ay hindi isang gawain​—ito’y isang pribilehiyo!

M. D., Estados Unidos

Sinasabi ng Kasulatan na ang pag-aaruga sa mga miyembro ng pamilya ay isang tungkulin ng mga Kristiyano. “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8)​—ED.

Totoong pinahalagahan ko ang payo na magkaroon ng panahon para sa iyong asawa at sa iyong sarili. Nabigo akong gawin ito noon, nadarama kong dapat kong unahin ang pag-aaruga sa aming mga magulang bago magkaroon ng panahon sa aking asawa​—o panahon sa aking sarili. Gayunman, naunawaan ko ang katalinuhan sa payong ito, at sisikapin kong maging mas timbang sa bagay na ito.

M. O., Estados Unidos

Paglipat Ako’y 14 na taóng gulang at ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Nating Lumipat?” (Pebrero 22, 1994) Nang ako’y siyam na taóng gulang, ang aking itay, na isang matanda sa kongregasyon, ay hinilingan na lumipat sa kalapit na kongregasyon. Kami ngayon ay naroroon sa loob ng mahigit na apat na taon na at natutunang pakamahalin nang labis ang kongregasyon. Ngayon ang aking itay ay hinilingan na lumipat muli sa isa na namang kongregasyon. Nang araw na kami’y sinabihang lumipat, natanggap namin ang magasing ito. Natulungan kami ng aking kapatid na lalaki na mapagtagumpayan ito nang mas mabuti. Isang pribilehiyo na hilingang lumipat, pero napakahirap magpaalam sa lahat na natutuhan naming mahalin.

L. B., Inglatera

Pagtatangi ng Lahi Ngayon lamang ako nagkaroon ng pagkakataon na mabasa ang labas ng inyong Agosto 22, 1993, na may seryeng “Magkakaisa ba Kailanman ang Lahat ng Lahi?” Ako’y nagulat at humanga sa inyong pagkawalang-kinikilingan, may matalinong pag-unawa sa masalimuot na problemang ito. Katatapos ko lamang kamakailan ng kurso sa kolehiyo tungkol sa kasaysayan. Subalit sa siyam na pahina lamang, ang inyong magasin ay nakapagbigay ng maikli subalit malaman na kasaysayan, paliwanag, at lunas! Nahigitan nito ang mga aklat at mga lektyur sa kolehiyo para sa buong semester.

R. J., Estados Unidos