Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Makatutulong sa Iyo na Mabata ang Kaigtingan?

Ano ang Makatutulong sa Iyo na Mabata ang Kaigtingan?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Makatutulong sa Iyo na Mabata ang Kaigtingan?

IKAW ba’y biktima ng kaigtingan? Kung gayon, maraming katulad mo. Ito ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at ang mga tao ng lahat ng edad at mga kalagayan sa buhay ay dumaranas ng kaigtingan. (2 Timoteo 3:1) Sinasabi ng ilang dalubhasa na mahigit na kalahati ng lahat ng mga pagpapatingin sa doktor ay dahil sa mga problemang nauugnay sa kaigtingan.

Gayunman ang kaigtingan ay hindi naman masamang bagay sa ganang sarili. “Sa katunayan,” sabi ng patnugot sa isang stress-clinic, “ito’y nagbibigay sa atin ng katuwaan, kasiglahan sa pamumuhay, lakas upang magawa ang mga bagay-bagay. Nasisiyahan tayo rito​—kung mapamamahalaan natin ito.”

Sa kabilang dako naman, ang kaigtingan ay maaaring maging kapaha-pahamak, mapangwasak. Ano naman, kung gayon, kung ang kaigtingan ay nagdudulot ng mga problema sa iyo? Narito ang ilang mungkahi na batay sa karunungan ng Bibliya na makatutulong sa iyo na bawasan ang mapangwasak na mga epekto nito.

Iwasan ang Di-makatuwirang mga Inaasahan

“Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 13:12) Kapag ang mga inaasahan ay hindi kailanman natupad, ang kaigtingan ay maaaring maging labis-labis. Ito ay malamang na mangyari kapag di-makatuwirang inilalagay natin ang ating mga inaasahan na totoong mataas.

Halimbawa, dinaya ng media ng pag-aanunsiyo ang marami na maniwala na ang kanilang kaligayahan ay depende sa pagmamay-ari ng materyal na mga bagay. Kapag pinakahahangad ng isa ang mga bagay na hindi niya kaya, ang mga resulta ay maaaring kaigtingan at kabiguan. Kaya ang Bibliya ay nagbibigay ng payong ito: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Oo, bagaman wala kang kotse, tahanan, o muwebles na gusto mong ariin, pahalagahan mo kung ano ang mayroon ka. Panatilihing limitado ang mga inaasahan.

Ang di-makatuwirang mga inaasahan na kinasasangkutan ng mga tao ay maaari ring magdulot ng kaigtingan. Halimbawa, bagaman ang isang amo o superbisor ay may karapatang umasa ng isang makatuwirang antas ng paggawa sa mga nasa ilalim niya, kamangmangan na umasa ng kasakdalan sa kanila. Si Carlos, isang superbisor ng pabrika sa Brazil, ay nagsasabi: “Kailangang tanggapin mo ang mga tao kung ano sila. Kung aasa ka nang higit sa maibibigay nila, patataasin nito ang antas ng kaigtingan, gagawin ang lahat na hindi maligaya.”​—Ihambing ang Jeremias 17:5-8.

Supilin ang Kaigtingan na Dulot ng Pagsisikap na Magtagumpay

Isinisiwalat ng Latin America Daily Post ang isa pang pinagmumulan ng kaigtingan, binabanggit na ang ‘interesado-sa-tagumpay, paligsahang gawi ay isang mahalagang salik sa sakit sa puso.’ Ganito ang inamin ng isang may kabataang accountant: “Sa opisina ako ay ninenerbiyos nang husto at natatakot akong isiwalat ang anumang kahinaan. Nagtatrabaho ako nang puspusan at nakadarama ako ng kabiguan kapag ako’y hindi tumatanggap ng pagkilala sa aking nagawa mula sa iba.”

Tungkol sa gayong mga paghahanap ng pagkilala at tagumpay, si Solomon ay nagsabi: “Nakita ko ang lahat ng pagpapagal at kahusayan sa paggawa, na ito’y pagpapaligsahan ng isa’t-isa; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.”​—Eclesiastes 4:4.

Ang totoo ay, ‘hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan’ pagdating sa pag-asenso sa trabaho o pagkilala. (Eclesiastes 9:11) Ganito ang pagkakasabi rito ni Maria, isang nag-oopisina sa Brazil: “Ang isang tao ay maaaring may abilidad, subalit ang mga kalagayan, at marahil kahit na ang paboritismo, ay maaaring humadlang sa pagkakataas sa tungkulin.”​—Ihambing ang Eclesiastes 2:21; 10:6.

Panatilihing limitado ang iyong mga inaasahan at kilalanin mo ang iyong mga limitasyon. Magtrabaho dahil sa kagalakang dulot ng trabaho mismo sa halip na magtrabaho lamang para umasenso. (Eclesiastes 2:24) Tunay, ang taong interesado-sa-tagumpay ay hindi lamang nawawalan ng kagalakan sa buhay kundi maaari rin siyang labis na matensiyon anupat pinahihina niya ang kaniya mismong mga pagsisikap na magtagumpay. Sa gayon si Dr. Arnold Fox ay nagpayo: “Ang pagnanais na maging ang pinakamagaling sa iyong larangan ay isang kahanga-hangang tunguhin, subalit huwag mong hayaan ang iisang kaisipang iyan na mangibabaw sa iyong buhay. Kung wawaling-bahala mo ang mga kaisipan ng pag-ibig, pagtawa, at kagalakan ng buhay, o kung wala ka nang inisip kundi ang tagumpay anupat nalilimutan mong tamasahin ang buhay, dinudulutan mo ng kaigtingan ang iyong sarili.”

Mga Bagay na Magagawa Mo

Ang isa pang paraan upang labanan ang tensiyon ng pang-araw-araw na mga panggigipit ay linangin ang ugaling mapagpatawa. (Eclesiastes 3:4) Hindi mo kailangang maging komedyante upang magkaroon ng isang masayahing saloobin. “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan, ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo sa mga buto.”​—Kawikaan 17:22.

May hilig ka ba na ipagpabukas ang mga bagay-bagay? Sa dakong huli, ang pagpapabukas ay nakadaragdag sa halip na nakababawas ng kaigtingan. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain.” (Roma 12:11) Gumawa ng listahan, nasusulat o mental, ng mga bagay na kailangan mong gawin. (Kawikaan 21:5) Pagkatapos ay magpasiya kung anong mga bagay ang kailangang unahin​—at simulang gawin ang mga iyon.

Gayunman, ano kung sa kabila ng iyong pinakamabuting mga pagsisikap, ikaw pa rin ay nakadarama ng tensiyon o kaigtingan? Baka kailangan mong gumawa ng puspusang pagsisikap na baguhin ang iyong pag-iisip. Huwag patuloy na pag-isipan ang nakaraang mga pagkakamali. Makadaragdag lamang ito ng labis na kaigtingan sa kasalukuyan. Isang pilosopo noong ika-19 na siglo ang sumulat: “Ang buhay ay maaari lamang maunawaan kapag inisip natin ang nakaraan; subalit ito ay dapat na ipamuhay na nasa isip ang hinaharap.” Bagaman maaari tayong matuto mula sa mga kabiguan, ang ating kasalukuyang mga kilos ang humuhubog ng ating kinabukasan.

Binanggit ni Haring David ang pinakamabuting lunas sa kaigtingan nang siya’y manalangin kay Jehova: “Ang kabagabagan ng aking puso ay dumami; Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.” (Awit 25:17) Oo, si David ay umasa sa Diyos upang paginhawahin ang kaniyang mga kabalisahan. Kung maglalaan ka ng panahon upang magbasa at magbulay-bulay sa Salita ng Diyos, masusumpungan mo rin na madarama mong lalo kang malapít sa Diyos. Habang pinahahalagahan mo ang mga layunin ng Diyos, ikaw ay mapakikilos na unahin ang kaniyang kapakanan sa iyong buhay, mababawasan ang marami sa iyong di-kinakailangang mga kabalisahan. (Mateo 6:31, 33) Matutong mabahala ukol sa isang araw sa isang panahon. Bakit idaragdag mo ang mga kabalisahan ng bukas sa ngayon? Ganito ang pagkakasabi rito ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa kailanman tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magtataglay ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.”​—Mateo 6:34.

[Blurb sa pahina 15]

“Ang isang tao ay maaaring may abilidad, subalit ang mga kalagayan, at marahil kahit na ang paboritismo, ay maaaring humadlang sa pagkakataas sa tungkulin”

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Ang Metropolitan Museum of Art. Ang mga pondo ay ibinigay ng Josephine Bay Paul and C. Michael Paul Foundation, Inc., at ng Charles Ulrick and Josephine Bay Foundation, Inc., at ng Fletcher Fund, 1967.