Isang Mailap na Nilikha—Kinapopootan at Kinagigiliwan
Isang Mailap na Nilikha—Kinapopootan at Kinagigiliwan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA
CANIS LUPUS. Makikita mo ito sa mga batong nakausli sa nagtataasang mabatong kabundukan, mababanaag ang hugis sa kadiliman dahil sa liwanag ng buwan, na ang ulo’y nakatingala, ang mahaba’t mabuhok na buntot na pasók sa pagitan ng mga binti nito, nakaturo ang tainga sa likod, nakabuka ang bibig—ang nakapangingilabot na alulong nito na bumabasag sa katahimikan ng gabi. Aba, ang maisip lamang ang pag-alulong nito’y makapagpapanginig at makagigitla sa iyo!
KAKAUNTING tao lamang ang nagkakaroon ng pagkakataon na makita ang maganda subalit mailap na nilikhang ito—pangkaraniwang kilala bilang gray wolf o timber wolf—sa iláng. Gayunman, ang kahanga-hangang hayop na ito ay makapagpapaisip sa isa ng marami at sari-saring paglalarawan dito.
Kinapopootan at Kinagigiliwan
Anuman ang iniisip tungkol dito, matitinding damdamin ang ginigising ng salitang “lobo.” Naging tampulan na ito ng maling pagkaunawa, pagkiling, at pagkatakot. Kinamumuhian ng ilang tao ang lobo dahil sa ito’y isang maninila. Ang mga lobo ay lagi nang sanhi ng pagkayamot ng mga magbubukid at rantsero dahil sa paninila nito sa mga tupa, baka, at iba pang mga alagang hayop. Ang mga alamat ang naging sanhi ng masamang reputasyon nito. Sino ang hindi nakarinig ng mga salitang “isang lobo na nakadamit-tupa” (mapagkunwari) at “upang itaboy ang lobo sa pinto” (upang huwag magutom)? Inilalarawan ito ng mga pabula bilang “Ang Malaking Masamang Lobo.” Ang isang kuwento ay nagsasalaysay tungkol sa isang lobo na nananakot na kakanin nito ang isang maliit na batang babae. Ito ang nagbigay sa mga tao ng kaisipan na ang mga lobo ay nananalakay ng mga tao.
Gayunman, ang mga siyentipiko at mga biyologo ay may iba namang pangmalas sa mga lobo. Itinuturing nila ang mga ito bilang labis na mahiyaing mga nilikha na umiiwas hangga’t maaari sa mga tao. Sa katunayan, ayon sa kamakailang artikulo na lumabas sa magasing GEO, ang lobo ay totoong takot sa tao. Sa kabila ng nakatatakot na hitsura ng mga lobo, waring walang saligan sa paniwala na ang malakas, mailap na mga lobo ng Hilagang Amerika ay isang panganib sa tao.
Ang biyologong si Paul Paquet, na nagsagawa ng malawakang pananaliksik hinggil sa mga lobo, ay umaaming kaniyang kinagigiliwan ang maiilap na nilikhang ito sapol nang siya’y bata pa. Itinala niya ang ilan sa kaniyang mga pagsusuri. Sinasabi niya na kalimitan niyang nakikita ang mga lobo na nagpapahayag ng kaligayahan, kalungkutan, at ugaling mapagpatawa. Minsan kaniyang napagmasdan ang isang matanda, pilay na lobo na hindi na makapaghanap ng pagkain na dinadalhan na lamang ng pagkain ng ibang mga miyembro ng grupo. Bagaman ang lobo ay napakinabangan na nang husto, pinahahalagahan pa rin ng grupo ang
buhay nito at pinananatili itong buháy. Gayunman, ang katangiang ito ng sama-samang paghahanap ng pagkain ang nagsapanganib sa buhay mismo ng mga ito.Sama-samang Paghahanap ng Pagkain
Ang sama-samang paghahanap ng pagkain ang paraan lamang upang mapatid ng mga lobo ang kanilang gutom at mapakain ang mga tuta nito. Subalit, dapat ding mabatid na ang pagpatay ng mga lobo sa mga tupa at baka ay nakayayamot na problema para sa mga magbubukid. Dahil sa isang maninila na may napakalinaw na mga mata, matalas na pang-amoy, mahusay na pandinig, at di-kapani-paniwalang lakas ng pagkagat—gayundin ng pagiging nababagay nito sa pagtakbo at pagyagyag—ang lobo ay lubusang nasasangkapan para sa paghahanap ng pagkain. Ito rin ay mapagsamantala. Magiging kahangalan na isiping ang tusong nilalang na ito ay tatanggi sa anumang madaling hulihing masisilang hayop na mahuhuli nito o maaagaw—lalo na ang malaki, matabang tupa at baka. Masasabi na di-sinasadyang “nakatutulong” ang mga lobo sa mga hayop na kanilang sinisila sa iláng sa pamamagitan ng pagpili sa mas madaling patayin, ang di-malulusog at mahihinang mga hayop, sa gayon mas maraming pagkain ang matitira para sa malulusog na hayop.
Pakikipagtalastasan ng Lobo
Kumusta naman ang nakapangingilabot na alulong na maririnig kahit napakalayo na at makapagpapadama ng takot sa nakaririnig? Para sa lobo ito ay basta pakikipagsamahan ng magkakagrupong lobo—isang anyo ng pakikipagtalastasan. Ang isang lobo na napawalay sa panahon ng paghahanap ng pagkain ay maaaring umakyat sa itaas ng bundok at umalulong upang kunin ang pansin ng ibang miyembro na kasama sa grupo. O ang pag-alulong ay maaaring gamitin upang itakda ang teritoryo nito. Kung minsan ang mga lobo ay basta umaalulong upang magpahayag ng kaligayahan. Kapag ang magkakagrupong lobo ay sama-samang umalulong, halos maiisip mong sila’y nagkakatuwaang mag-sing-along. Para sa atin mas magandang pakinggan kung ang mga ito’y sabay-sabay na aawit, subalit waring mas gusto nila ang magkakaibang nota. Mangyari pa mayroon din naman silang ibang paraan ng pakikipagtalastasan. Mayroon kung ilarawan ay pag-ungot, pag-angil, pagtahol, pagtawag na umiirit, at ang pag-ingit ng mga tuta sa libliban. Ang pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng tindig ay ginagamit din upang itatag ang mataas na kalagayan at pagkakaisa sa gitna ng magkakagrupong lobo.
Isang Magandang Nilikha
Pagmasdang mabuti ang kahanga-hangang magandang nilikhang ito. Suriin ang makapal na suson na may kapansin-pansing kulay abuhing balahibo nito (ang iba ay itim na itim), na may kahalong puti, itim, at kayumangging balahibo. Magtuon ng pansin sa titig ng matatalim na malilinaw na dilaw na mata nito. Suriin ang mga tanda nito sa mukha. Ang lahat ng ito ang nagpapangyari sa lobo na maging kahanga-hangang hayop upang pagmasdan. Gayunman, ipinahayag ang mga pagkabahala sa hinaharap ng mga ito. May dapat bang ikabahala?
Buweno, ang dating pangkaraniwan sa ibayo sa kalakhan ng Europa, Asia, at Hilagang Amerika—ang magandang panooring lobo—ay bihira na ngayon sa Canada, Alaska, at sa di-gaanong mataong mga rehiyon sa Estados Unidos, Europa, at Russia. Sinasabi ng mga tao na dapat silang maglaan ng lugar para sa mga lobo sa piling iláng na mga lugar. Yamang natutunan na ng mga taong makipamuhay sa mga maninilang hayop gaya ng mga agila, oso, at bundok-leon, may mga nagtatanong, “Bakit hindi rin naman makipamuhay na kasama ng mga lobo?”
Hayaang Magbalik sa Dati ang Kalikasan
Ang pangangalaga, hindi ang paglipol o pagsugpo, ang kawikaan. Ang mga parke ngayon ang itinuturing na lugar na ligtas para sa mga hayop, a Sa Italya ang lobo ay nagbabalik na rin at maririnig na umaalulong muli sa Tivoli, malapit sa Roma.
hindi basta iláng na palaruan para sa mga tao. Ayon sa magasing Canadian Geographic, ang mga namamahala sa mga parke ay nagnanais na makita ang sistema ng ekolohiya na napangangalagaan sa likas na paraan. Pagkalipas ng 40-taon na di-pagpapakita sa Banff National Park, Canada, ang pangunahing maninila, ang lobo, ay kusang nagbalik noong dekada ng 1980 sa gawing timog ng Rocky Mountain—tanging 65 ang bilang, subalit isang magandang pangyayari ang nasa isipan ng marami. Iniuulat ng Pransiya ang pagbabalik ng lobo pagkalipas ng 50-taon na di-pagpapakita.Ang pagdadalang-muli sa lobo bilang nanganganib na uri ng hayop sa Yellowstone National Park, Estados Unidos, ay isinasaalang-alang. Ang mga lobo ay bahagi ng kalikasan ng rehiyon sa nakalipas na 40 taon, bago ang mga ito’y nalipol. Sa ngayon maraming tao, lalo na ang mga bumibisita sa mga parke, ang nagnanais na magbalik ang mga ito. Gayunman, ang industriya ng hayupan ay nababahala nang husto tungkol sa pagdadala-muli sa mga lobo sa kanilang kabundukan. “Kapag ang mga lobo ay ibinalik sa Yellowstone, ang pagsugpo sa lobo sa labas ng parke ay magiging isang bahagi ng buhay,” sabi ng biyologo sa lobo na si L. David Mech.
Anong kinabukasan mayroon ang nilikhang ito na ang buhay sa daigdig ay bahagyang nasisilayan ng mga tao?
Ang Kinabukasan ng mga Lobo
Ang maraming tao na tumatangkilik sa pagsasauli ng hayop na nabuhay na halos hindi tinanggap ng mga tao nang napakatagal ay nagpapakita ng tiyak na pagbabago sa saloobin. Ang aklat na The Wolf—The Ecology and Behavior of an Endangered Species ay nagsabi nang ganito: “May natitira pang panahon upang iligtas ang uri ng hayop na ito mula sa mapanganib na kalagayan. Ito man ay gagawin o hindi ay nakasalig sa kaalaman ng tao tungkol sa ekolohiya at pag-uugali ng lobo, ang patuloy na pananaliksik ng tao sa mga katangian ng lobo, at ang pagkatutong isipin ng tao na ang lobo ay hindi isang kakompetensiya kundi isang kapuwa nilikha na siyang dapat kabahagi sa lupa.”
Pamumuhay sa Kapayapaan
Ang mapayapang pag-iral sa pagitan ng tao at mga lobo ay maaari sanang napasulong sa nakalipas na ilang taon, subalit kung saan may hidwaan, ang tunay na kapayapaan ay hindi matatamo. Ito’y dapat na ipaubaya sa panahon sa malapit na hinaharap kapag, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Maylikha, lahat ng pagkakapootan at takot ay mahahalinhan ng pagtitiwala, saloobing magbahagi para sa malakas subalit maramdamin at mahiyaing nilikhang ito.
Kapuna-puna, ipinakikilala ng Bibliya ang lobo sa iba’t ibang makahulang kalagayan, hinayaang makita natin ito sa kakaibang pagkaunawa. Sa Gawa 20:29, 30, ang apostatang mga lalaki ay metaporikong inilarawan bilang “maninilang mga lobo” na siyang sumasalakay sa tulad-tupang Kristiyanong kongregasyon at nag-aalis sa ilang indibiduwal na mga miyembro mula sa kawan.
Inilarawan ng mga hula sa aklat ng Bibliya na Isaias, bagaman masasaksihan pa lamang ang pangwakas na katuparan, ang mga hayop na kilala natin sa ngayon na magkakaaway na maninirahahang sama-sama sa kapayapaan. Pansinin ang kawalan ng ugnayang sisilain-maninila sa Isaias 65:25: “ ‘Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka . . . Sila’y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok,’ sabi ni Jehova.”
Bagaman ipinakikita ng pagsisikap ng tao na sinisikap niyang tanggapin ang lobo, ang kasulatan na kasisipi lamang ang tumitiyak sa atin na ang Diyos ay may dako pa roon sa kaniyang bagong sistema ng mga bagay. Ang planetang Lupa ay magiging pagsasaluhang tahanan para sa lahat ng anyo ng buhay, pati na ang Canis lupus.
[Talababa]
a Tingnan ang “Pagmamasid sa Daigdig” sa Gumising! ng Enero 22, 1994.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Thomas Kitchin/Victoria Hurst
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Thomas Kitchin