Mga Laruan Ngayon—Ano ang Itinuturo Nito sa Ating mga Anak?
Mga Laruan Ngayon—Ano ang Itinuturo Nito sa Ating mga Anak?
ANG mga bata ay may likas na hilig na maglaro. Ayon sa aklat na Choosing Toys for Children, ang malulusog na bata ay “kusang lumilikha ng kanilang sariling daigdig ng panggagalugad at guniguni.” Totoo ito kahit noong sinaunang panahon. Noon ay karaniwang makita ang mga batang ‘naglalaro sa mga lansangang bayan.’ (Zacarias 8:5) Ang gayong mga laro ay kadalasang nagsasangkot ng mapanlikha, guniguning mga laro.—Ihambing ang Mateo 11:16, 17.
Angkop naman, kung gayon, ang laro ay tinawag na gawain ng bata, at kung iyan ay totoo, kung gayon ang mga laruan ay masasabing ang mga kagamitan ng bata. Ang magasing Parents ay nagsasabi: “Ang laro ang paraan upang ang mga bata ay matuto tungkol sa daigdig. . . . Pinaliliit ng paglalaro sa mga laruan ang daigdig sa sinlaki-ng-bata na mga kasukat, isang daigdig na maaaring hawakan at mapakilos ng bata. Ang laro ay nagpapaunlad ng mga kalamnan at pagkakatugma-tugma, nagbibigay ng pagkakataon na makisalamuha sa ibang bata, nagbibigay ng pagkakataon na suriin ang mga hadlang sa pagitan ng katotohanan at guniguni, at tumutulong sa mga bata na matutong makipagtalastasan sa isa’t isa, maghali-halili, ibahagi ang mga bagay. Pinasisigla ng laro ang guniguni at nagbibigay ng karanasan sa mga kasanayan sa paglutas ng problema.”
Ang mga laruan ay mahalaga rin sa mga bata noong panahon ng Bibliya. Ang mga paghuhukay sa Israel ay nakatuklas ng isang munting kayamanan ng mga laruan ng bata, gaya ng mga kalansing, pito, at maliliit na palayok at mga karo. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Sa sinaunang Aprika, ang mga bata ay naglalaro ng mga bola, mga laruang hayop, at mga laruang hinihila. Ang mga bata sa sinaunang Gresya at Roma ay naglalaro ng mga bangka, kariton, pagulong, at mga trumpo. Noong Edad Medya sa Europa, kabilang sa popular na mga laruan ang mga holen na luwad, kalansing, at mga manika.”
Ang mga laruan na nakagaganyak, kawili-wili, at nakapagtuturo ay gumaganap pa rin ng mahalagang bahagi sa ngayon. Gayunman, may nakatatakot na dami ng mga laruan sa pamilihan na hindi tiyak ang kahalagahan nito. Ganito ang sabi ng isang artikulo noong 1992 sa magasing Time: “Huwag ninyong tingnan ang bagong mga laruan sa taóng ito kung naghahanap kayo ng ilang mabuti, kaayaayang katuwaan. Halos lahat ng malaking tagagawa ng laruan [ay] nagtatampok ng nakasusuklam na mga laruan.” Kabilang sa isang partikular na grupo ng mga laruan ang isang sinlaki ng tunay na bungo na plastik na maaaring idisenyo ng mga bata na maging “totoong nakaririmarim.” Ipinagbibili rin ang mga laruan na gumagaya sa mga ginagawa ng katawan, gaya ng pagsuka. Ang mga magulang at mga bata ay napapasailalim ng matinding panggigipit na bilhin ang mga laruang ito.
Pagbibili sa mga Bata
Ang babasahing Pediatrics in Review ay bumabanggit na “itinuturing ng [sinaunang] Kodigo ni Hammurabi ang pagbibili ng anumang bagay sa isang bata na isang krimen na ang kaparusahan ay kamatayan.” Gayunman, ang mga tagagawa at mga tagapag-anunsiyo ng laruan ngayon ay hindi nag-aakalang
kahiya-hiya ang magbenta ng kanilang mamahaling mga laruan sa walang-muwang na mga bata. Gumagamit ng masalimuot na mga pamamaraan ng pananaliksik, inaalam ng mga manggagawa ng laruan ang mga kaisipan ng mga bata. At sa pamamagitan ng patuloy na pagdaragdag ng bagong mga bagay sa kanilang mga produkto, magagawa nilang tila lipás na ang modelo noong nakaraang taon, at ang modelo sa taóng ito na tila kailangang-kailangan.Ginagamit din nang husto ng industriya ng laruan ang kapangyarihan ng telebisyon. Sa Estados Unidos, ang programa sa telebisyon para sa bata ay halos nalilipos ng mga komersiyal tungkol sa laruan. Gumagamit ng masalimuot na mga tanawin at larawan sa pamamagitan ng kamera, mga special effect, at nakapupukaw-damdaming musika, nagagawa ng mga komersiyal ang pinakapangkaraniwang laruan na magtinging parang madyik, kapana-panabik. Bagaman nakikita ng mga adulto ang panlilinlang sa gayong maneobra, “ang mga bata ay naniniwala na ang mga komersiyal ay nagsasabi ng totoo.”—Pediatrics in Review.
Marami sa mga programa sa telebisyon na patungkol sa mga bata ay, sa katunayan mga komersiyal na nag-aanunsiyo ng mga laruan. Ayon sa publikasyong Current Problems in Pediatrics, ang mga programang iyon ay “dinisenyo upang magbili ng isang laruan sa halip na turuan sila o pagyamanin ang mga buhay ng mga bata.” Ang programang Teenage Mutant Ninja Turtles, halimbawa, ay nakagawa ng “mahigit na 70 produkto, isang cereal para sa almusal, at isang pelikula.”
Ayon sa Pediatrics in Review, “ipinakikita ng maraming pagsusuri na ang mga bata na nalantad sa mga komersiyal ay walang tigil na kumukulit sa kanilang mga magulang na bilhin ang mga produktong inianunsiyo.” Ang tagapagtatag ng isang internasyonal na kompaniya ng laruan ay nagsasabi: “Masdan lamang ninyo ang mga batang hila-hila ang damit ng kanilang mga magulang at alam mo na kung ano ang sinasabi nila: ‘Kung hindi ako magkakaroon ng laruang ito, ako’y mamamatay.’ ” Hindi kataka-taka, kung gayon, na sa Canada lamang, ang mga mamimili ay gumugol ng mahigit na $1.2 bilyon sa bawat taon sa mga laruan para sa kanilang mga anak, mga apo, at mga kaibigan.
Mga Larong Pandigma
Ang mga larong pandigma sa video ang pinakapopular sa industriya ng laruan. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng mga larong pandigma na ang gayong mga laro ay nakatutulong upang malinang ang mga kasanayan sa paglutas ng problema, pagkakatugma ng mata-kamay, at mga kasanayan sa pagkilos, gayundin ganyakin ang pagkamausisa. “Kung gagamitin nang wasto,” sabi ng isang artikulo sa The Toronto Star, “ang isang elektronikong laruan ay maaaring maging hindi nakapipinsala, nakapagtuturo pa nga.” ‘Subalit,’ inaamin ng pahayagan, ‘kadalasan na ibinubukod ng gawaing ito ang mga bata sa iba, wala nang nasa isip kundi ito.’
Isaalang-alang ang isang batang lalaki na wala nang nasa isip kundi ang paglalaro ng mga larong pandigma sa video. Sabi ng nanay niya: “Siya’y hindi kapani-paniwala—hindi niya iiwan ang iskrin hangga’t hindi niya napapatay ang lahat [sa laro].” Ilang taon na ang batang ito? Dalawang taon lamang! Ang kaniyang munting hinlalaki ay paltos na sa kapipindot sa mga buton sa loob ng apat hanggang limang oras sa isang araw. Gayunman, ang ina ay tila ba hindi nababahala. “Ang inaalala ko lamang ay nais niyang ang lahat ng bagay ay gawin karaka-raka na gaya niyan,” sabi niya na may pagpitik ng kaniyang mga daliri. Ang laro “ay napakabilis . . . , at ang mga bagay sa tunay na buhay ay hindi nangyayari na karaka-raka na gaya sa mga laro sa video.”
Ayon sa The Toronto Star, ang ilang kalaban ng mga larong video ay nag-aakala na ang mga laro “ay nagpapahinang-loob sa mga bata na matutong libangin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng guniguni, pagbabasa o iba pang nakagawiang mga
libangan, at inilalayo rin sila sa mga araling-bahay.” Sinasabi pa nga ng ilang tagapagturo ng bata na ‘ang mga laro sa video ay isang nakararahuyong panganib at humihimok sa isang marahas, umiiwas sa tao na paggawi sa mga bata.’Ang paglalarawan sa balita sa telebisyon ng mga pagbomba noong panahon ng digmaan sa Persian Gulf noong 1991 ay gumanyak sa napakalaking pangangailangan para sa mas maraming laruang pandigma. Ang nanguna sa listahan ng popular na mga laruan ay ang mga modelo ng mga tangkeng Abrams, mga Scud missile, at mga helikopter na gamit ng mga Iraqi. Ang mga dalubhasa ay nangangamba na ang paglalaro sa mga laruang iyon ay maaaring humimok ng kapusukan o marahil gawing manhid ang mga bata sa karahasan. Sa paano man, ang paglalaro sa mga laruang iyon ay salungat sa diwa ng teksto sa Bibliya sa Isaias 2:4, na humuhula na ang bayan ng Diyos ay hindi na “kailanman muling magsasanay para sa digmaan.”—The New English Bible.
May mga pagkakataon na doon ang mga laruang animo’y tunay, gaya ng baril de tubig na malakas ang pulandit, ay pinagmulan ng isang tunay na karahasan. Sa isang lungsod sa Hilagang Amerika, isang sagupaan ng plastik na mga baril de tubig na malakas ang pulandit ang nauwi sa totoong barilan, na nagbunga ng kamatayan ng isang 15-anyos. Sa isa pang insidente, dalawang kabataan ang nasugatan ng isang galit na galit na mamamaril pagkatapos na siya ay mabasa ng mga baril de tubig. Maraming iba pang mararahas na pangyayari ang nagsimula sa pamamagitan ng tila di-nakapipinsalang mga labanan ng baril de tubig.
Ang Mensaheng Ipinadadala Ninyo
Kaunting responsableng mga magulang ang talagang sumasang-ayon sa karahasan. Gayunman, ang industriya ng laruang-pandigma ay sumasagana. Kung minsan pinipili ng mga magulang na ikompromiso ang kanilang sariling mga paniwala kaysa mápalâ ang galit ng bata. Gayunman, sa paggawa niyaon maaaring malaking pinsala ang nagagawa nila sa bata. Ang mananaliksik sa kalusugang-pangkaisipan na si Susan Goldberg ng Canada ay nangangatuwiran: “Kapag tayo’y nagbibigay ng mga laruan sa mga bata, ipinahihiwatig natin ang ating pagsang-ayon sa kung ano ang kinakatawan ng isang laruan.” Totoo, normal lamang sa ilang bata na kung minsan ay magpakita ng ilang mapusok na paggawi. “Kung walang mga baril-barilan,” sabi ng isang sikologo, “ang mga bata ay gagawa ng kanilang sariling bersiyon, ginagamit pa nga ang kanilang mga daliri.” Maaaring totoo iyan. Subalit dapat bang himukin ng isang magulang ang kapusukan sa pagbibigay sa mga bata ng mga katulad na mga sandata ng karahasan?
Totoo rin na bihirang bata ang aktuwal na magtataguyod ng isang masamang buhay dahil lamang sa sila’y naglaro ng baril-barilan. Ngunit kung bibigyan ninyo ang inyong mga anak ng gayong mga laruan, anong mensahe ang inihahatid ninyo? Nais ba ninyong paniwalaan nila na ang karahasan ay nakatutuwa o na ang pagpatay at ang digmaan ay kapana-panabik? Tinuturuan ba ninyo sila ng paggalang sa mga pamantayan ng Diyos? Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan ng kaluluwa [ng Diyos].”—Awit 11:5.
Binanggit pa ni Susan Goldberg na ‘mientras mas maraming panahon ang ginugugol ng mga bata sa marahas na laro na ipinahihintulot ng mga magulang, mas malamang na gamitin nila ang kapusukan upang lutasin ang mga problema.’ Sinasabi ng Bibliya sa Galacia 6:7: “Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Makaaani ba ang isang bata ng mabubuting katangian buhat sa marahas na laro?
Makatuwiran lamang, dapat kilalanin na ang lahat ng mga bata ay iba-iba. Ang isang bata ay maaaring maging sugapa sa isang elektronikong laro, subalit ang isa naman ay maaaring hindi. At kung baga talagang iniuugnay ng mga bata ang elektronikong mga tunog ng pagpatay sa iskrin ng video sa tunay-sa-buhay na karahasan ay maaaring pagtalunan. Samakatuwid dapat pa ring magpasiya ang mga magulang kung ano ang pinakamabuti para sa kanila mismong mga anak at magpakaingat sa pagpili ng mga laruan ng kanilang mga anak.
[Larawan sa pahina 6]
Ang paglalaro ay tumutulong sa mga bata kung paano makikipag-ugnayan sa isa’t isa