Mga Magulang—Ano ang Pinaglalaruan ng Inyong Anak?
Mga Magulang—Ano ang Pinaglalaruan ng Inyong Anak?
“ANG puro trabaho at walang laro ay humahadlang kay Juan sa kaniyang mental at emosyonal na paglago.” Gayon ang sabi ng isang matandang kasabihan. Ang laro ay lagi nang isang mahalagang bahagi ng buhay ng mga bata. Sa pamamagitan ng mga gawain sa paglalaro napapalawak ng mga bata ang kanilang mga isip at nababanat ang kanilang mga kalamnan at napapaunlad ang mahahalagang kasanayan. Gayunpaman, ang mga laro ngayon ng bata ay naging isang malaking negosyo. Ang daigdig ng mga laruan ay kontrolado, hindi ng mga bata o ng mga magulang, kundi ng mga tagagawa, magtitingi, tagapag-anunsiyo, at ng tusong mga mananaliksik sa bilihan. Nasasangkapan ng bagong teknolohiya sa paggawa ng laruan at pagtangkilik ng makapangyarihang media, kanilang binabago ang mga idea sa daigdig ng laro—taglay ang malulubhang resulta kapuwa sa mga magulang at sa mga anak.
Walang alinlangan na marami sa industriya ng laruan ang may tunay na interes sa kapakanan ng mga bata. Gayunman, kadalasang nauuna ang tungkol sa tubo o pakinabang. Ang pangunahing isyu ay, hindi kung ano ang makapagtuturo sa mga bata o gaganyak ng kanilang mga imahinasyon, kundi kung ano basta ang magiging mabenta. At kung ano ang mabenta ay hindi laging ang simpleng mga laruang yari sa tela, kahoy, at plastik ng nakalipas na mga taon kundi ang high-tech, makatotohanang mga laruan na hindi na nangangailangan ng imahinasyon ng bata.
Halimbawa, isang tagagawa ang nagbibili ng isang set ng mga kotseng laruan na may maliliit na manikang tao na nagkakahiwa-hiwalay ang katawan kapag nabunggo. Kapag nagbungguan ang mga kotse, inihahagis ng mga manika ang kanilang mga braso, paa—at mga ulo—sa bintana ng kanilang munting mga sasakyan. Ginagaya naman ng isa pang makatotohanang laruan ang pagdadalang-tao. Isang tulad-knapsack na lukbutan na idinisenyong babalot sa tiyan ng isang munting batang babae ang gumagaya sa munting pagsipa at tibok ng puso ng isang lumalaking sanggol sa loob ng bahay-bata.
Ang ilan ay naniniwala na ang mga laruang iyon ay nakapagtuturo. Tinatawag ni Donna Gibbs, patnugot ng media relations para sa isang kompaniyang gumagawa ng laruan, ang laruang gumagaya sa pagdadalang-tao na “isang nakatutuwang paraan upang malaman [ng mga batang babae] kung ano ang nararanasan ni nanay.” Gayunman, hindi lahat ay nakikiisa sa kaniyang kasiglahan. Tinatawag ni Dr. T. Berry Brazelton, propesor ng pediatrics sa Harvard University Medical School, ang laruang ito na isang “panghihimasok sa pagkakataon ng isang magulang na ibahagi ang isang mahalagang bagay sa isang bata.” Si Dr. David Elkind, isang propesor sa child study, ay nagsasabi na “ang mga laruang ito ay lumalabis na.” Sinasabi niyang ang isang manikang gumagaya sa isang ipinagbubuntis na sanggol “ay malayong maunawaan o mapahalagahan [ng mga bata].” Kung tungkol naman sa mga laruang makatotohanang gumagaya sa marahas na pagpatay sa isang aksidente ng kotse, isinusog niya na yamang ang telebisyon ay punô na ng karahasan, “bakit daragdagan pa ang karahasan sa telebisyon sa pamamagitan ng ganitong uri ng laruan?”—The Globe and Mail, Pebrero 8, 1992.
Mayroon ding kontrobersiya sa iba pang popular na mga laro, gaya ng mga larong digmaan sa video at baril de tubig na malayo ang naaabot. Ipagpalagay na, ayon sa pangulo ng Toy Manufacturers of America, “may tinatayang 150,000 laruan sa pamilihan sa anumang espesipikong panahon,” ang mga magulang ay may mahirap na hamon sa pagpapasiya kung aling laruan ang dapat nilang bilhin. Ano ang dapat na pumatnubay sa mga magulang sa bagay na ito? May anuman bang makatuwirang dahilan na mabahala tungkol sa ilang laruan sa ngayon? Isasaalang-alang ng sumusunod na mga artikulo ang mga ito at ang iba pang nauugnay na mga katanungan.