Mga Magulang—May Katalinuhang Piliin ang mga Laruan ng Inyong Anak
Mga Magulang—May Katalinuhang Piliin ang mga Laruan ng Inyong Anak
ANG mga anak ay “isang mana buhat kay Jehova,” sabi ng Bibliya. (Awit 127:3) Kinikilala samakatuwid ng may takot sa Diyos na mga magulang ang kanilang pananagutan na sanayin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Hindi nila ipinauubaya ang pananagutan sa mga tagagawa ng laruan upang hubugin ang mga personalidad ng kanilang mga anak.
Ang mga laruan ay maaaring gumanap ng isang mahalagang bahagi sa pagganyak ng emosyonal at mental na paglaki ng mga bata. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang mga magulang ay dapat na gumugol ng maraming salapi sa makabagong mga aparato. Ang ilan sa totoong kaayaaya at nakagaganyak na mga laruan ay nagkakahalaga lamang ng kaunting salapi.
Ang isang simpleng kahon ng karton ay maaaring gawing isang bahay-bahayan, isang eruplano, o anumang bagay na maiisip ng saganang imahinasyon ng bata. Ang isang timba at pala ay magpapangyari sa isang bata na magtayo ng mga kastilyong buhangin. Ang simpleng mga bloke, puzzle, luwad, at mga krayola ay maaari ring maglaan ng mga oras ng kanais-nais na libangan. Para sa nakatatandang bata, ang mga materyales na pansining at mga hobby kit ay makapagtuturo ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan at naglalaan ng mahusay na paraan na mailabas ang pagkamapanlikha ng bata—tiyak na higit na kasiya-siya kaysa elektronikong mga laro sa video.
Ang ilang laro ay hindi na nangangailangan ng pantanging kagamitan. Ang paglalakad sa kakahuyan ay maaaring maging isang kapana-panabik na pakikipagsapalaran para sa isang bata, lalo na kung kasama ng isang maibigin, may panahon sa anak na magulang. Aba, kahit na ang mahalagang mga kasanayan sa tahanan ay maaaring ituro bilang nakatutuwang gawain. Ganito ang sulat ni Penelope Leach sa kaniyang aklat na Your Growing Child: “Ang pagluluto ng isang cake o isang pagkain, paghuhukay sa hardin, paglilinis ng kotse o pagpipinta ng kisame, pamimili o pagpapaligo sa sanggol ay maaaring trabaho para sa inyo, ngunit sa inyong anak ang mga ito ay maaaring maging kabilang sa pinakahahangad na mga uri ng laro.”
Pitong Nakatutulong na mga Panuntunan
Mangyari pa, ang mga nabibiling laruan ay maaaring maging angkop at kanais-nais. At kung ito’y kaya ng badyet ng pamilya, maaari ninyong tanungin ang inyong sarili ng sumusunod na katanungan bago bumili:
1. Ang laruan ba ay talagang gumaganyak sa pagkamausisa at imahinasyon ng aking anak? Kung hindi, madali siyang mababagot dito. Ang isang laruan ay maaaring magandang tingnan sa isang komersiyal sa TV, subalit tandaan: Ang mga batang artista ay binayaran upang magtinging tuwang-tuwa sa laruan. Maaaring hindi gayon ang maging reaksiyon ng inyong anak. Pagmasdan siya habang naglalaro o sa isang tindahan ng laruan. Anong uri ng mga laruan ang nakaaakit sa kaniya?
Inaakala kung minsan ng mga magulang na ang isang laruan ay walang halaga malibang ito ay “nakapagtuturo.” Gayunman, si Propesora Janice T. Gibson ay nagpapaalaala sa atin: “Ang mga bata ay natututo sa lahat ng laruan na kanilang pinaglalaruan. Ang mahalaga ay na sila’y magkaroon ng katuwaan upang sila’y patuloy na naglalaro sa mga paraan na nakabubuti sa kanila.”
2. Ang laruan ba ay angkop sa pisikal at mental na mga kakayahan ng aking anak? Kung minsan ang isang bata ay basta walang sapat na lakas, tiyaga, o liksi upang gamitin ang isang partikular na laruan. Gayunman, maaaring bilhin ito ng isang magulang dahil sa sentimental na pang-akit nito. Ngunit talaga bang mapaaandar ng isang tatlong-taóng-gulang na batang lalaki ang isang tren na de kuryente—o maihahampas ba niya ang isang bat ng baseball? Bakit hindi maghintay hanggang sa ang inyong anak ay may sapat nang gulang upang pahalagahan ang gayong mga laruan?
3. Ligtas ba ang laruan? Ang mga batang nagsisimulang
humakbang ay mahilig na magsubo ng lahat ng bagay sa kanilang mga bibig at maaaring mabulunan ng maliliit na bloke ng kahoy o mga bagay na plastik. Ang matatalim o matutulis na gilid ay maaaring maging mapanganib sa mga bata ng anumang gulang. Maaari rin ninyong tanungin ang inyong sarili kung ang laruan ay malamang na ihagis o gamitin bilang isang sandata laban sa isang kapatid.Sa Estados Unidos, ang ilang laruan ay nilalagyan ng tatak upang ipakita kung anong espesipikong edad idinisenyo ang mga ito. Ang pagsunod sa mga mungkahing iyon ay maaaring mag-ingat sa inyong anak mula sa pinsala. Kung nag-aalinlangan kayo tungkol sa isang laruan, tanungin ang dispatsadora kung mayroon bang modelong pangdemonstrasyon na masusuri ninyo.
4. Ang laruan ba ay mahusay ang pagkakagawa at matibay? “Maaaring sirain ng mga batang nagsisimulang humakbang na mahilig magtapon, maghagis, at tumikim ng lahat ng bagay ang mga laruan na hindi matibay,” paalaala sa atin ng magasing Parents.
5. Sulit ba sa halagang salapi ang laruan? Bihirang binabanggit ng mga komersiyal sa TV ang presyo, subalit ang mga laruan ay mahal. Karamihan ng ibinabayad na salapi ay napupunta sa tatak na pangalan sa halip na sa aktuwal na mga materyales na ginamit. Isa pa, kadalasang nililinang ng mga komersiyal ang di-makatotohanang mga inaasahan sa mga bata, na maaaring magbunga ng malaking kabiguan.
Turuan ang inyong mga anak na maging maingat na mga mamimili. Ang Kawikaan 14:15 ay nagsasabi: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita, ngunit isinasaalang-alang ng maingat ang kaniyang mga hakbang.” Isang artikulo sa The New York Times ang nagsabi: “Kung minsan maaaring mabanggit ninyo sa bata nang patiuna kung bakit ang isang partikular na laruan ay mahina ang pagkakagawa o itinataguyod sa nakaliligaw na paraan.” Ganito pa ang susog ng Times: “Ang mga bata ay nagiging mas maingat na mamimili kung ang pera ay nanggagaling sa kanilang mga bulsa sa halip na sa inyo.”
Mangyari pa, ang tunay na halaga ng isang laruan ay higit pa kaysa mga materyales nito o ang pagkakagawa rito. Ang mahahalagang salik ay kung gagamitin ba ito ng inyong anak, at kung gaanong kasiyahan ang idudulot nito sa kaniya. Ang isang set ng swing sa bakuran ay maaaring may kamahalan, subalit ito ay makapaglalaan ng maraming oras ng katuwaan sa loob ng maraming taon. Ang isang mumurahing laruan na agad na itinatapon ay maituturing na isang pag-aaksaya ng pera.
6. Anong mga pagpapahalaga at mga pamantayan ang itinuturo ng laruan? Ang propesor sa child study na si David Elkind ay nagbababala na “ang mga laruan ay dapat na gumanyak sa imahinasyon ng mga bata sa positibo, hindi sa negatibo, na mga paraan.” Iwasan ang mga laruan na nakapangingilabot, na maliwanag na nagtataguyod ng karahasan, o na gumagaya sa mga bisyo ng mga adulto, na gaya ng pagsusugal.
Kumusta naman ang mga laruan na batay sa popular na mga tauhan ng kuwentong-ada o science-fiction? Ang gayong mga kuwento ay karaniwan nang may kinalaman sa pagtatagumpay ng mabuti sa masama. Sa gayon minamalas ng ilang magulang ang ‘mahiwagang mga elemento’ sa mga kuwentong ito bilang nakatutuwang mga idea ng imahinasyon ng bata at wala silang nakikitang panganib sa pagpapahintulot sa kanilang mga anak na masiyahan dito. Ang iba ay maaaring mangamba na ang mga kuwento ay maaaring pumukaw ng interes sa okulto. (Deuteronomio 18:10-13) Hindi hinahatulan ang iba, ang mga magulang ay dapat na gumawa ng kanilang sariling mga pasiya tungkol sa bagay na ito, isinasaalang-alang ang mga epekto ng gayong mga kuwento—at anumang laruan na batay dito—sa kanilang mga anak.
Tandaan din ang simulain sa 1 Corinto 10:23: “Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang.” Bagaman ang isang popular na laruan ay maaaring hindi masama sa inyo, talaga bang kapaki-pakinabang na bilhin ito? Maaari ba itong makasakit ng damdamin o makatisod sa iba?
Ang mga laruang nag-aangking nakapagtuturo ay dapat na maingat na suriin ng mga magulang, lalo na kung ito ay nagpapahiwatig na magtuturo sa mga bata tungkol sa seksuwal na mga bagay at pagdadalang-tao. Handa na ba ang bata sa gayong impormasyon? Ang impormasyon ba ay mas mabuting maihahatid sa pamamagitan ng pag-uusap sa pagitan ninyo at ng inyong anak? a Ang ilang laruan ay maaaring naghahatid ng pisikal na mga aspekto ng gayong mga bagay, subalit inihahatid ba nito ang tamang mga saloobing moral?
7. Talaga bang gusto kong magkaroon ang anak ko ng laruang ito? Maaaring akalain ninyo na ang inyong anak ay napakarami nang mga laruan, na ang laruan ay basta hindi praktikal sa inyong kalagayan, o na ang laruan ay makadaragdag lamang sa ingay kaysa mababata ninyo. Kung ang mga problemang iyon ay hindi malutas, maaaring wala kayong magagawa kundi ang tumanggi. Hindi ito madali. Subalit ang pagsunod sa bawat kapritso ng bata ay hindi tutulong sa inyong anak na lumaki tungo sa isang timbang na adulto. Pansinin ang simulain sa Kawikaan 29:21: “Siyang nagpapalayaw sa kaniyang lingkod [o anak] mula sa pagkabata, magiging walang utang na loob siya sa dakong huli.”
Hindi ito nangangahulugan na bilang isang magulang, ikaw ay kailangang maging dogmatiko o di-makatuwiran. Iyan ay gagawa lamang sa inyong anak na magalit at maghinanakit. “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” (Santiago 3:17) Ganito ang pagkakasabi ng isang dalubhasa sa pangangalaga ng bata: “Kailangan ninyong gumugol ng panahon at pagsisikap na kasama ng inyong anak at maingat na ipaliwanag kung bakit ayaw ninyong bigyan siya ng ilang laruan.”
Ilang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa mga Laruan
Bagaman ang mga laruan ay maaaring maging mahalagang mga kasangkapan para sa pagtuturo at paglilibang, ang mga ito ay walang buhay na mga bagay lamang. Maaaring mahalin ng isang bata ang isang laruan, ngunit hindi maaaring mahalin ng laruan ang isang bata. Ang mga bata ay nangangailangan ng maibiging pansin na tanging ang mga magulang lamang ang makapagbibigay. “Tunay ang isang magulang ang pinakamagaling na pinagmumulan ng laro para sa bata na umiiral,” sabi ni Dr. Magdalena Grey. Kapag ang mga magulang ay nakikipaglaro sa kanilang mga anak, sila’y tumutulong upang magkaroon ng isang malapit na buklod ng damdamin at makatutulong sa pag-unlad ng mabuting mga saloobin at mga damdamin.
Oo, ang mga bata ay nangangailangan ng kaayaayang laro. Subalit higit na mahalaga, kailangan nila ng moral at espirituwal na patnubay. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” sabi ng Bibliya, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang mga magulang ay makagaganap ng malaking bahagi sa pagtulong sa kanilang mga anak na makamit ang nagliligtas-buhay na kaalamang ito. Sinisikap ng mga pamilya sa gitna ng mga Saksi ni Jehova na gawing isang bahagi ng kanilang regular na rutina ang pag-aaral ng Bibliya. Kadalasang ginagawa nila ito sa tulong ng mga publikasyong gaya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, Pakikinig sa Dakilang Guro, at Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, na isinulat lalo na para sa mga kabataan. b Ang mga aklat na ito ay hindi lamang nakalilibang—natulungan nito ang libu-libong kabataan na magkaroon ng isang matibay na pananampalataya sa Diyos. Pinahahalagahan din ng mga bata ang mga audiocassette rekording ng mga drama sa Bibliya at ng mga publikasyon na gaya ng Ang Pinakadakilang Taong Nabuhay Kailanman (sa Ingles).*
Ang tunay na mga Kristiyano samakatuwid ay higit pa ang ginagawa kaysa pakikipaglaro lamang sa kanilang mga anak—sila’y nananalangin ding kasama nila, nakikipag-aral sa kanila, at nakikipag-usap sa kanila. Ang pagbibigay ng gayong maibiging pansin ay nangangailangan ng panahon at maraming pagsisikap. Subalit kung isasaalang-alang ang mga resulta, ito’y nagdadala sa bata ng higit na nagtatagal na kagalakan kaysa magagawa ng anumang laro o bagong laruan!
[Mga talababa]
a Tingnan ang mga artikulo tungkol sa edukasyon sa sekso sa Pebrero 22, 1992, na labas ng Gumising!
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang mga bata ay nasisiyahan sa gawang-bahay na mga laruan—ang mga basket ng labada ay nagiging mga kotse; ang mga kahon ng sapatos ay nagiging mga tren