Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagdadalamhati Maraming, maraming salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Tulong Para Pawiin ang Iyong Dalamhati.” (Marso 8, 1994) Kamakailan lamang ang aking asawa, isang elder sa Kristiyanong kongregasyon, ay nasawi sa isang aksidente. Hindi maipahayag ng mga salita ang kawalan na naranasan ko at ng aming tatlong anak. Anong laking pagpapala na mabasa ang artikulo at maunawaan na ang aming nadarama ay normal lamang!
N. S., Estados Unidos
Tatlong taon na ang nakaraan na ang aking ina, at tatlong buwan na ang nakalilipas na ang aking ama, ay yumao na. Bagaman totoo ang pag-asang pagkabuhay-muli, ang paghihiwalay dahil sa kamatayan ay napakasakit pa rin. Ang inyong artikulo ang nag-udyok sa akin na magtuon nang higit na pansin sa pag-asa sa Kaharian at magpatuloy na maglingkod sa Diyos nang may katapatan.
K. S., Hapón
Ang aking ama ay namatay noong nakaraang buwan. Walang mga salita ang sapat na makapaglalarawan sa pagdadalamhati ng isang anak. Ang inyong artikulo ay totoong napapanahon at tumulong sa akin upang huwag akong sumuko, sa kabila ng kirot na aking nadarama.
A. P. L., Brazil
Mga Cartoon Ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Nakasasamâ ba ang Mararahas na Cartoon sa TV?” (Disyembre 8, 1993) Ako po’y walong taóng gulang at nanonood ako noon ng mga cartoon na iyon. Pero nang mabasa ko ang inyong magasin, napag-isip-isip ko na ang gayong mga cartoon ay hindi mabuti, at ngayon ay hindi ko na pinanonood ang mga iyon.
L. T., Italya
Bagong Panahon Katatapos ko lamang na mabasa ang Marso 8, 1994, Gumising! tungkol sa “Ang Bagong Panahon—Darating ba Ito?” Ako’y nakasali sa isang grupo na nagbubulaybulay, nagpapasulong ng sarili, at nagsasagawa ng mga mind dynamic noong dakong huli ng dekada ng ’60 at pasimula noong dekada ng ’70. May bagay akong hinahanap ngunit hindi ko masumpungan. Pagkatapos ang aking maybahay ay natagpuan ng mga Saksi ni Jehova, at ako’y nakiupo sa kanilang pag-aaral. Nasumpungan ko ang katotohanan! Ako’y nabautismuhan at ngayon ay may pribilehiyo na maglingkuran bilang isang misyonero rito sa Ghana. Salamat sa magasing ito. Napakarami pang iba na naghahanap din ng gayong bagay.
D. D., Ghana
Bagaman ang kilusang Bagong Panahon ay isang napakalawak na paksa, natalakay ninyo ang iba’t ibang aspekto nito sa isang kawili-wiling paraan sa iilang salita! Hinahangaan ko kung paano ninyo hinalaw ang gayong mga bagay na may kaugnayan sa kilusang Bagong Panahon na hindi naman talagang di-maka-Kasulatan sa ganang sarili, gaya ng kalusugan, musika, at mga salik pangkapaligiran. Ang serye ay may kaselanan na naisulat, subalit hindi nito pinigilang sabihin ang totoong mga bagay na kailangang marinig ng mga tao. Ang aking kapatid na babae ay nahihilig sa mga pilosopya ng Bagong Panahon, at padadalhan ko siya ng isang kopya ng labas na ito.
R. H., Estados Unidos
Pag-init ng Mundo Sumulat ako bilang tugon sa kahon na “Pag-init ng Mundo at Malarya,” na lumitaw na may kaugnayan sa serye ng “Isang Daigdig na Walang Sakit—Posible Ba?” (Disyembre 8, 1993) Ako’y isang siyentipiko na nagtatrabaho sa larangan ng ekolohiya at pahirap nang pahirap na lumagay sa tamang lugar may kinalaman sa usapin ng pag-init ng mundo na may anumang matibay na pananalig. Totoo na ang tumitinding temperatura ay inaasahang magkakaroon ng epekto sa kabuuang lawak sa daigdig ng mga hayop. Subalit kung may kinalaman sa pag-iral ng pag-init ng mundo o hindi pag-iral nito, higit na mahirap makatiyak. Ang pananaliksik na ginawa ay lumalagay sa isang napakabuway na saligan sa estadistika. Ang ilang siyentipiko ay nag-aakala pa man din na ang tumitinding antas ng carbon dioxide sa atmospera ay aktuwal na makatutulong sa pagpapalamig ng ibabaw ng lupa!
K. O., Inglatera
Ang teoriya ng pag-init ng mundo ay tinalakay nang napakahaba sa aming labas ng Setyembre 8, 1989, at totoo naman na ito’y tila kontrobersiyal. Sa gayon, ang aming maikling tudling ay hindi pagsang-ayon sa teoriyang ito subalit isang mapanghahawakang babala ng kung ano ang maaaring mangyari kapag ang pag-init ng mundo ay aktuwal na nagaganap.—ED.