Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naitanong Mo Na Ba?

Naitanong Mo Na Ba?

Naitanong Mo Na Ba?

ANO ang isa sa malalaking katitisurang bato na naghihiwalay sa mga Muslim at mga Judio mula sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Ito ang turo ng “Santisima Trinidad.” Ano ba ang sinasabi ng doktrinang ito? Ang Trinidad ay binigyan-kahulugan sa Athanasian Creed bilang ang pagsamba sa “isang Diyos sa Trinidad . . . Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos; gayunman sila ay hindi tatlong diyos, kundi iisang Diyos.” Ang bawat isa ay sinasabing walang-hanggan, makapangyarihan-sa-lahat, na walang sinuman ang nakahihigit o nakabababa sa iba; bawat isa’y tinatawag na Diyos, ngunit kung pagsama-samahin sila’y bumubuo ng iisang Diyos. Inilalarawan ito ng mga teologo bilang isang misteryo.

May binabanggit ba ang Bibliya na anumang bagay tungkol sa Trinidad? a Ang sumusunod na mga katanungan ay maaaring umakay sa iyo sa ilang kawili-wiling konklusyon. Ang mga sagot ng Bibliya ay masusumpungan sa pahina 12.

1. Kung ang Diyos ay at laging isang Trinidad, nasumpungan ba ng mga Judio ang turong iyan sa Hebreong Kasulatan (“Matandang Tipan”)?

2. Ano ang sinasabi ng Hebreong Kasulatan tungkol sa Diyos?​—Deuteronomio 6:4; Awit 145; Zacarias 14:9.

3. Binabanggit ba ng Hebreong Kasulatan ang banal na espiritu?​—Hukom 15:14; Zacarias 4:6.

4. Sa Hebreong Kasulatan, ang banal na espiritu ba ay binabanggit bilang isang persona o bilang aktibong puwersa ng Diyos?​—Hukom 14:6; Isaias 44:3.

5. Binabanggit ba ng Hebreong Kasulatan ang isang ipinangakong Mesiyas, o Pinahirang Isa?​—Daniel 9:25, 26.

6. Itinutumbas ba ng anumang teksto sa Hebreong Kasulatan ang Mesiyas sa Diyos?​—Awit 2:2, 4-8; Isaias 45:18; 61:1.

7. Mayroon bang anumang tekstong Hebreo na nagbibigay ng matibay na saligan para maniwala na si Jehova ay tatlong persona sa iisang Diyos?​—Isaias 44:6; 46:9, 10.

8. Sino ang nagsugo kay Jesus sa lupa? Kung gayon sino ang nakatataas?​—Juan 5:19, 23, 30; 8:42; 14:28; 17:3.

9. Sinabi ba kailanman ni Jesus na siya ang Diyos?​—Juan 7:28, 29; 14:6.

10. Marami ang nakakita kay Jesus, ngunit mayroon bang taong nakakita kailanman sa Diyos?​—Juan 1:18; 6:46.

11. Sinabi ba ni Jesus na siya ang ‘Anak ng Diyos’ o na siya ang ‘Diyos Anak’?​—Juan 10:36; 1 Juan 4:15; 5:5, 13.

12. Sinabi ba kailanman ni Jesus na siya ay kapantay ng Ama?​—Juan 14:28; 20:17.

13. Ang mga salita bang “Ako at ang Ama ay iisa” ay nagpapatunay ng isang trinidad?​—Juan 10:30; 17:21; Mateo 24:36.

14. Paano minalas ng unang mga alagad si Jesus?​—Juan 1:29, 34, 41, 49; 6:69; 1 Corinto 11:3.

15. Paano minalas ng Diyos si Jesus?​—Marcos 9:7; Lucas 2:9-11.

16. Sinasalungat ba ng Griegong Kasulatan (“Bagong Tipan”) ang Hebreong Kasulatan tungkol sa banal na espiritu bilang ang aktibong puwersa ng Diyos?​—Mateo 3:11; Lucas 1:41; Juan 14:26; Gawa 1:8; 4:31; 10:38.

17. Noong panahon ng bautismo ni Jesus, nasaan ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu? Sila ba’y tatlo sa iisa?​—Mateo 3:16, 17.

18. Anong posisyon sa langit ang hawak ng binuhay-muling si Jesus?​—Gawa 7:55, 56; Roma 8:34; Colosas 3:1; Hebreo 12:2.

19. Sino ang nagbigay kay Jesus ng mataas na posisyong iyon?​—Filipos 2:9-11.

20. Ginagawa ba niyang Diyos si Jesus o pangalawa lamang sa Diyos sa sansinukob?​—1 Corinto 11:3; Filipos 2:9-11.

21. Sino ang Kataas-taasang Soberano ng Sansinukob?​—Deuteronomio 3:24; Gawa 4:24-27; 1 Corinto 15:28.

Naitanong Mo Na Ba? Ang mga Sagot ng Bibliya

“Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad-agad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang mga langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa mga langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan.’”​—Mateo 3:16, 17.

Ang sumusunod ay ilan sa mga teksto na sagot sa mga tanong na itinanong sa pahina 11:

1. Ang The Encyclopedia of Religion ay umaamin: “Ang mga teologo sa ngayon ay nagkakaisa sa paniwala na ang Bibliyang Hebreo ay hindi naglalaman ng doktrina ng Trinidad.” Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi rin: “Ang doktrina ng Santisima Trinidad ay hindi itinuturo sa M[atandang] T[ipan].”

2. “Dinggin mo, Oh Israel: si Jehova nating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) “Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa. Sa araw na iyon si Jehova’y mapatutunayang isa, at ang kaniyang pangalan ay isa.”​—Zacarias 14:9.

3. “Ang espiritu ni Jehova ay makapangyarihang sumakaniya [kay Samson], at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging parang lino na nasupok ng apoy, at ang kaniyang mga tali ay nalaglag sa kaniyang mga kamay.” (Hukom 15:14) “Ito ang salita ni Jehova kay Zorobabel, na sinasabi, “‘Hindi sa pamamagitan ng lakas militar, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” sabi ni Jehova ng mga hukbo.’”​—Zacarias 4:6.

4. “Ang espiritu ni Jehova ay makapangyarihang sumakaniya [kay Samson], at pinilas niya ito sa dalawa, na parang pagpilas ng isang batang kambing sa dalawa, at ito’y walang anuman sa kaniyang kamay.” (Hukom 14:6) “Aking ibubuhos ang aking espiritu sa iyong binhi, at ang aking pagpapala sa iyong mga inapo.”​—Isaias 44:3.

5. “Talastasin mo at unawain na mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t-dalawang sanlinggo. . . . At pagkatapos ng animnapu’t-dalawang sanlinggo ang Mesiyas ay mahihiwalay, at mawawalan ng anuman.”​—Daniel 9:25, 26.

6. “Ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanán: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba.’”​—Isaias 45:18.

7. “Iyong alalahanin ang mga dating bagay noong una, na ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko.”​—Isaias 46:9.

8. “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa aking sariling pagkukusa; gaya ng aking marinig, ako ay humahatol; at ang paghatol na aking ipinapataw ay matuwid, sapagkat hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) “Kung iniibig ninyo ako, ay magsasaya kayo na ako ay paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”​—Juan 14:28.

9. “Hindi ako dumating sa aking sariling pagkukusa, kundi siya na nagsugo sa akin ay tunay, at hindi ninyo siya kilala. Kilala ko siya, dahil ako ay isang kinatawan mula sa kaniya, at ang Isang iyon ang nagsugo sa akin.”​—Juan 7:28, 29.

10. “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman; ang bugtong na diyos na nasa sinapupunang dako ng Ama ang siyang nakapagpaliwanag tungkol sa kaniya.” (Juan 1:18) “Hindi sa ang sinumang tao ay nakakita sa Ama, maliban sa kaniya na mula sa Diyos; ang isang ito ang nakakita sa Ama.”​—Juan 6:46.

11. “Sinasabi ba ninyo sa akin na pinabanal ng Ama at isinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay namumusong,’ sapagkat sinabi ko, Ako ang Anak ng Diyos?”​—Juan 10:36.

12. “Kung iniibig ninyo ako, ay magsasaya kayo na ako ay paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”​—Juan 14:28.

13. “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) “Upang silang lahat [mga tagasunod ni Jesus] ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila [mga tagasunod ni Jesus] rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako ay isinugo mo.”​—Juan 17:21.

14. “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) “Kami ay naniwala at aming nalaman na ikaw ang Isa na Banal ng Diyos.”​—Juan 6:69.

15. “At isang tinig ang nanggaling sa ulap: ‘Ito ang aking Anak, ang iniibig; makinig kayo sa kaniya.’”​—Marcos 9:7.

16. “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo.” (Gawa 1:8) “Pinahiran [si Jesus] ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan.”​—Gawa 10:38.

17. Tingnan ang ilustrasyon, sa kaliwa, at ang teksto sa pahina 12

18. “Habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.”​—Hebreo 12:2.

19. “Sa mismong dahilan ding ito ay itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan.”​—Filipos 2:9.

20. “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”​—1 Corinto 11:3.

21. “Oh Soberanong Panginoong Jehova, . . . sinong Diyos sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa?” (Deuteronomio 3:24) “Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya [kay Jesus], sa gayon ay ipasasakop din mismo ng Anak ang kaniyang sarili sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging ang lahat ng bagay sa bawat isa.”​—1 Corinto 15:28.

[Talababa]

a Para sa detalyadong pagkaunawa sa paksang ito, pakisuyong sangguniin ang aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, mga pahina 158-9 at 412-32, at ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, kapuwa inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 13]

Ibinuhos ba ng Diyos sa kaniyang sarili ang banal na espiritu?