Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Katolikong Teolohiya sa Moral at mga Dalagang Italyana
Ang mga dalagang Italyana, Katoliko man o hindi, ay hindi gaanong sumusunod sa papa pagdating sa kanilang moralidad sa sekso. Sa katunayan, ayon sa mga resulta ng pananaliksik na inilathala ng pahayagang La Repubblica sa Italya, kasindami ng 90.8 porsiyento ng mga dalaga sa pagitan ng mga edad na 15 at 24 na kinapanayam ang nag-aakala na “ang paggamit ng kontraseptibo ay dapat na garantiyahan sa mga babae,” samantalang 66.7 porsiyento ang nagtanggol “sa karapatan na ilaglag ang ‘isang di-nagugustuhang pagdadalang-tao.’” Isa pa, 80.2 porsiyento sa kanila ang nag-aakala na “ang karapatan ng mga homosekso ay dapat na garantiyahan at igalang.”
Mga Lasong Natuklasan sa Buhok ng mga Bagong Silang
Mayroon na ngayong biyolohikal na katibayan upang magpatotoo na ang usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo na nasisinghot ng di-naninigarilyong mga babaing nagdadalang-tao ay nakaaabot sa di pa naisisilang na sanggol, sabi ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Ipinakikita ng bagong mga tuklas mula sa pananaliksik ng isang pangkat na pinangungunahan ni Dr. Gideon Koren, isang clinical pharmacologist sa Hospital for Sick Children sa Toronto, na ang mga sampol ng buhok ng mga bagong silang ay nagtataglay ng nikotina at ng kakambal na produkto nito, ang cotinine. Ang di-naninigarilyong mga ina ay inilantad sa usok na galing sa taong naninigarilyo sa loob ng dalawang oras sa isang araw, sa bahay man o sa trabaho. Ayon kay Dr. Koren, ang paulit-ulit na paglanghap ng usok na galing sa ibang naninigarilyo ay maaaring tulad ng “paghitit ng dalawa hanggang apat na sigarilyo sa isang araw.” Ang bagong pananaliksik na ito “ay nagdaragdag ng higit na kahalagahan sa naunang mga pagsusuri na nagsasabi na ang pagkahantad sa usok ng sigarilyo ay makaaapekto sa pag-uugali at pagsulong ng kaalaman ng mga bata,” sabi pa ng The Globe. Nagbabala si Dr. Koren na “sa mahilig maghablang kalagayan na kinabubuhayan natin sa ngayon, hindi ko matitiyak sa inyo na sa 10 hanggang 20 taon ay hindi tayo makakikita ng mga sanggol na naghahabla ng kanilang mga magulang dahil sa may kapinsalaang pagsilang dulot ng pagkahantad sa usok ng sigarilyo”!
Nagiging Pandaigdig ang Pang-uumit
“Ang mga nagtapos” sa “paaralan ng pagnanakaw” sa Santiago, Chile, ay nagiging aktibo sa Montreal at Toronto, Canada, at sa ilang lungsod sa E.U., ulat ng L’actualité, isang pahayagan-magasin sa Canada. Ang “paaralan” ay nagtuturo ng mga pamamaraan sa pandurukot at pang-uumit at naglalaan ng edukasyon sa mga batas sa Canada at mga paraan ng pulisya. “Ang mga nagtapos” ay gumawa nang grupu-grupo, nagdadala ng huwad na mga papeles, at nasasangkapan ng pantanging tali sa sampayan at pambalot ng regalo upang itago ang kanilang mga naumit. Natunton ng pulisya ng Montreal Urban Community ang kawing-kawing na grupo at nakagawa ng ilang pagsamsam ng ninakaw na mga damit sapol noong 1991. Kamakailan ang kanilang pinakamalaking nabawi ay isang container na nagbibiyahe na punô ng mga damit na patungong Chile. Gayunman, kapuwa sa pulisya at mga nagmamay-ari ng tindahan, ang pandaigdig na kawing-kawing na grupong ito ng organisadong pang-uumit ay naghaharap ng mahirap na hamon. Isang sekreta sa Montreal ang sinipi sa L’actualité na nagsabi na mahirap makuha ang pakikiisa ng pulisya, yamang “hindi ito ang kanilang inuuna.”
Pandaigdig na Krisis sa Takas ng Bansa
Noong 1992, halos 10,000 katao araw-araw ang nagiging mga takas. Ganiyan ang pagtitiyak ng The State of the World’s Refugees, isang bagong aklat ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR). May 18.2 milyong takas sa buong daigdig noong 1992, walong beses ang kahigitan kaysa nang naunang 20 taon. Ang karagdagang 24 na milyong tao ay umalis sa kanilang sariling mga bansa. Sa kabuuan, halos 1 sa bawat 130 tao sa daigdig ang napipilitang lumikas mula sa kanilang inang bayan. Ganito ang sabi ng magasin ng UNHCR na Refugees: “Ang patuloy na pagdami sa bilang—kapuwa ng tunay na mga takas at ng nandarayuhan dahil sa ekonomiya—ay nagharap ng malubhang problema sa 3,500-taóng-gulang na kaugalian ng pagkupkop, ginagawang imposible ang paglalaang ito.”
Ikaw ba’y Inaantok?
Ikaw ba’y nakatutulog nang sapat sa gabi? Ang isang paraan upang masubukan, sabi ng isang mananaliksik, ay kumain nang marami at pagkatapos ay makinig sa isang nakababagot na lektyur sa isang mainit na silid. Kung ikaw ay nakapagpahingang mabuti, maaaring ikaw ay mabagot at alumpihit subalit hindi inaantok. Ayon sa International Herald Tribune, tinataya ng mga dalubhasa na 100 milyong Amerikano ang hindi nakatutulog nang sapat. Karamihan ng mga tao ay nangangailangan ng walo hanggang walo at kalahating oras ng tulog sa gabi; ang mga tao mula sa 17 hanggang 25 taóng gulang ay nangangailangan nang higit pa. Samantalang maraming tao ang nakararaos ng kulang sa tulog kaysa talagang kailangan nila, ang mga taong kulang sa tulog ay mas malamang na makagawa ng mga pagkakamali. Sila’y nakapag-iipon din ng “utang na tulog.” Ganito ang sabi ng Tribune: “Idinadaing ng mga magulang ang ‘katamaran’ ng kanilang mga anak na tin-edyer dahil sa natutulog sila hanggang tanghali kapag dulo ng sanlinggo, subalit karamihan
sa mga kabataang ito ay nagbabawas lamang sa ilang pagkakautang sa tulog sa loob ng sanlinggo.”Ibinunyag ang Pag-abuso ng Klero
Ang isa sa pinakamalaking imbestigasyon sa pag-abuso sa sekso sa Canada na kinasasangkutan ng Catholic Christian Brothers ay natapos na. “Mahigit na 700 biktima ang humantad mula sa [paaralan] ng St. Joseph” sa Alfred, Ontario, at sa paaralan ng St. John sa Uxbridge, Ontario, ulat ng The Toronto Star. Iniharap ang mga demanda “laban sa 30 lalaki, pati na ang 29 na miyembro ng Brothers of the Christian Schools. Ang mga reklamo ay maaari pa sanang iniharap laban sa 16 pa kung sila’y nabubuhay lamang,” susog ng Star. Nadarama pa rin ng mga biktima ang nakaliligalig na paggunita ng “pambubugbog at panghahalay sa panahon ng kanilang pagkabata ng mga nakasutanang-itim na bata na mga miyembro ng Romano Katolikong orden na sa kanila’y iniatang ang pangangalaga.” Sinabi ng Star na kung walang pangmadlang pagsisiyasat, hindi kailanman malalaman ng mga taga-Canada kung bakit ang mga lalaking nag-aangking naglilingkod sa Diyos ay nakagagawa ng pag-abuso sa sekso sa batang mga lalaki.
Termometrong mga Kuliglig
Kung ikaw ay nakatira sa Aprika, malalaman mo ngayon kung ano ang temperatura nang hindi gumagamit ng termometro, ayon sa siyentipikong magasin tungkol sa zoology. Ito’y magagawa, sa Celsius, sa pamamagitan ng pagbilang sa huni ng African tree cricket (Oecanthus karschi) na nagagawa nito sa loob ng anim na segundo, at magdagdag ng 12 sa kabuuang bilang. O kung ikaw ay nakikinig sa uring South African Cape (Oecanthus capensis), magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbilang ng huni nito sa loob ng tatlong segundo at magdagdag ng 11 sa kabuuang bilang. Ang huni ng dalawang uri ng kuliglig na ito sa puno ay totoong mabagal para mabilang. Malakas din ang huni nito upang marinig, yamang pumupuwesto ang mga ito sa mga dahon sa paraang ang paghuni ay mapalalakas na para bang nasa loudspeaker. Habang lumalamig ang temperatura sa gabi, humihina rin ang huni. Ganito ang paliwanag ng magasing African Wildlife: “Ang mga kuliglig ay ‘cold-blooded’ kaya ang metabolismo ng mga ito ay apektado ng temperatura ng hangin. Ito’y nakaaapekto sa halos lahat ng aspekto ng kanilang buhay, pati na ang bilang ng huni nito.”
Mga Pinsala ng Ultraviolet
Ibig mo bang gugulin ang iyong mga bakasyon sa pagbibilad sa araw? Kung gayon ang ginagawa mo, mag-ingat! Bagaman ang ultraviolet (UV) na mga sinag ng araw ay nakabubuti kung katamtaman, ang labis na pagkabilad ay maaaring maging sanhi ng kanser sa balat, mga sakit sa mata, wala sa panahong pagkulubot ng balat, nakamamatay na mga tumor sa balat, at ang humihinang kakayahan ng katawan na labanan ang sakit. Ayon sa World Health Organization, ang antas ng UV ay tumitindi dahil sa ang ozone layer ay numinipis. Sa ngayon, sa maraming bahagi ng daigdig, pati na ang Australia, New Zealand, at ang Estados Unidos, ang mga sakit dahil sa UV ay lalala nang mas madali at mas mabilis. Paano mo maiingatan ang iyong sarili sa maaraw na panahon? Magsuot ng pananggalang na kasuutan, magsuot ng mga salamin sa mata na panlaban sa UV, at manatili sa loob ng bahay kung katanghaliang tapat, kapag ang radyasyon ng UV ay ubod ng tindi.
Malaking Negosyo ng Relihiyon
Ang isa sa ilang sektor ng ekonomiya ng Italya na kumikita nang malaki, at marahil ang nag-iisa na magtatagumpay sa pagdaig ng resesyon, ay ang negosyo na “isinasagawa na nasa likuran ng Iglesya,” sabi ng pahayagan sa pinansiyal ng La Repubblica. Sa katunayan, noong ikaanim na Exhibition of Religious Products, na isinagawa sa Pompeii, ang kuwenta ng kinita para sa 1,400 kompaniya na gumagawa at nagbibili ng relihiyosong mga produkto “ay tinayang nasa 400 bilyong lira [$240 milyon, U.S.], na may tinatayang 15 porsiyentong pagtaas taun-taon sa laki ng naipagbibili.” Isa pa, ang relihiyosong turismo, na noong 1993 ay umakit ng 35 milyong peregrino sa iba’t ibang dako ng pagsamba sa Italya, ay may kuwenta ng kita na halos sampung beses ang laki. “Ang mga negosyo na ‘pinagpala’ ng iglesya ay lumalaki,” sabi ng ulat, at “nalalaman ito ng herarkiya ng Italyanong Katoliko, ng Komperensiya ng mga Obispo at ng Banal na Sede na kinalulugdan pa ito sa loob ng ilang panahon.” Ang herarkiya ng iglesya ang nag-organisa at nagtaguyod pa nga sa mga komperensiya—na ang nagsalita pa man din ay mga opisyal na nasa matataas na tungkulin sa iglesya—upang pangasiwaan ang di-pangkaraniwang negosyong ito.
Ang Dumaraming Pagpapatiwakal sa Australia
Ang bilang ng pagpapatiwakal ay nakababahala ang pagdami sa Australia anupat inilakip na ngayon ng Public Health Association ang paghadlang sa pagpapatiwakal sa pambansang patakaran nito sa pampublikong kalusugan. Nang ang bilang ng mga nagpapatiwakal ay lumampas pa sa bilang ng mga namamatay sa aksidente sa lansangan sa dalawang magkasunod na taon, napagwari ng Public Health Association na may bagay na kailangang gawin, at gawin ito sa madaling panahon. Sinipi ng pahayagang The Australian ang isang tagapagsalita ng samahan na nagsabi: “Magpahanggang sa ngayon, ang pagpapatiwakal ay hindi tinatalakay ng samahan para sa pampublikong kalusugan, bagaman may mga katangian ito ng ibang mga suliranin sa pampublikong kalusugan. Ang kaganapan nito ay kasinlimit at ang pinsala nito ay kasinlawak ng ibang suliranin na umaagaw sa kapakanan ng pampublikong kalusugan at mga salapi.” Ang kasalukuyang bilang ng mga pagpapatiwakal ay ang nakagugulat na 31 porsiyento ng lahat ng namamatay dahil sa sakit, na tatlong porsiyento ang kahigitan kaysa bilang ng namamatay dahil sa mga aksidente sa lansangan.