Talaga Bang Isang Ibong Finch Ito?
Talaga Bang Isang Ibong Finch Ito?
ANG mga finch ay kilala sa buong daigdig. Ang mga ito’y naninirahan sa lahat ng kontinente maliban sa mayelong Antarctica. Maging sa maraming isla sa karagatan ay makikita ang napakaraming finch. At ang mga ito’y talagang magaganda. Pansinin na lamang ang American goldfinch bilang halimbawa. Ang mga ito’y “nagdaragdag ng pantanging kasiglahan sa malawak na bansa dahil sa matingkad, dilaw at itim na kulay nito . . . , ang kanilang pasirku-sirkong paglipad sa di-nakikitang burol at lambak sa hangin, at ang kanilang nakagigiliw na huni.”—Book of North American Birds.
Gayunman, may isang finch na di-malalaluan sa kabigha-bighaning ganda nito—ang Gouldian weaverfinch na limang pulgada ang haba, na matatagpuan sa gawing hilaga ng Australia, lalo na sa kapatagang taniman ng eukalipto. Maaaring makakikita ka ng ilang nahuli na nakahaulang ibon sa inyong bansa. Ganito ang sabi ng isang ensayklopedya: “Ang paghuli sa mga ibong ito ang sanhi ng kapansin-pansing pag-unti sa nakalilipas na mga taon.”
Ang mga finch ay may mga tuka na nilikhang pailalim upang matuka at mabalatan ang mga buto. “Ang bawat buto ay nakasilid sa isang pantanging uka sa pinakatabi ng ngalangala at dumudurog ito sa pamamagitan ng pag-angat sa pinakababang panga nito. Kaya ang talupak ay natatanggal sa tulong ng dila, sa gayon nailalabas ang laman, na siyang nilululon.” (Birds: Their Life, Their Ways, Their World) Gayunman, kung tungkol sa Gouldian finch, “sa halip na kunin [ang mga buto] mula sa lupa dumadapo ito nang pasirku-sirko sa kulumpon ng mga buto, o tinutuka ang mga buto samantalang nakalambitin sa kalapit na sanga.”—The Illustrated Encyclopedia of Birds.
Kung sakaling makakita ka ng Gouldian finch, magpasalamat ka na iyong nasaksihan ang makulay na nilikhang ito sa gayong kaliit na ibon.
[Larawan sa pahina 31]
Gouldian finch
[Larawan sa pahina 31]
American goldfinch