Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?
Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?
GUNIGUNIHIN na ikaw ay nasa harap ng isang relihiyosong hukuman na nagnanais na pilitin kang maniwala sa kung ano ang itinuturo ng relihiyong iyon. Hindi mo alam kung sino ang nagpaparatang sa iyo o kung ano ang paratang sa iyo. Sa halip na sabihan, ikaw ay pinipilit na magbigay ng dahilan para sa pag-aresto sa iyo, magpaliwanag kung ano ang inaakala mong paratang laban sa iyo, at magsabi kung sino ang nagpaparatang.
Mag-ingat kung paano ka sumagot—baka magsabi ka ng isang bagay na hindi ipinaratang sa iyo at lalo pang lumala ang iyong kalagayan! Maaari mo ring idamay ang mga tao na walang kinalaman sa paratang na ipinaparatang laban sa iyo.
Kung hindi ka magtatapat, ikaw ay pahihirapan sa pamamagitan ng pagpapainom sa iyo ng maraming tubig. O unti-unting hihigpitan ang iyong mga bisig at binti na nakatali sa isang pahirapang mesa hanggang sa ang kirot ay napakasakit. Ang mga ari-arian mo ay nakumpiska na ng hukuman, at malamang na hindi mo na ito makukuhang muli. Ang lahat ay ginawa nang lihim. Kung ikaw ay masumpungang maysala, ikaw ay maaaring ipatapon mula sa iyong bansa o sunugin pa nga nang buháy.
Sa ika-20 siglong ito, maaaring masumpungan mong mahirap unawain ang isang relihiyosong pagkilos na nakatatakot na gaya nito. Subalit mga ilang siglo ang nakalipas, ang ganitong mga kalupitan ay nangyari sa Mexico.
“Pagkumberte” sa Katutubong Populasyon
Nang ang Mexico sa ngayon ay sakupin ng mga Kastila noong ika-16 na siglo, nangyari rin ang relihiyosong pananakop. Ang relihiyosong pagkumberte sa katutubong mga tao ay wala kundi paghalili ng mga tradisyon at mga ritwal, yamang iilang paring Katoliko ang nabahalang ituro ang Bibliya. Hindi sila nag-abalang pag-aralan ang wika ng mga katutubo o turuan sila ng Latin, na ginagamit sa doktrina ng relihiyon.
Inakala ng ilan na ang mga Indio ay dapat tumanggap ng kumpletong relihiyosong turo. Subalit ang iba ay katulad ng opinyon ni Prayle Domingo de Betanzos, na, ayon kay Richard E. Greenleaf sa kaniyang aklat na Zumárraga and the Mexican Inquisition, “ay naniwala na ang mga Indio ay hindi dapat turuan ng Latin sapagkat iyan ay maaaring humantong sa pagkabatid niya kung gaano kamangmang ang klero.”
Inkisisyon Laban sa Katutubong mga Tao
Kung hindi tatanggapin ng katutubong mga Mexicano ang bagong relihiyon, sila ay itinuturing na mga mananamba sa diyus-diyusan at matinding pinag-uusig. Halimbawa, isa sa kanila ay hayagang tumanggap ng isang daang hagupit dahil sa pagsamba sa kaniyang paganong mga idolo, na ibinaon niya sa ilalim ng isang idolo ng Sangkakristiyanuhan sa isang pagkunwaring gawa ng pagsambang “Kristiyano.”
Sa kabilang dako naman, si Don Carlos Ometochtzin, pinuno ng tribo ng Texcoco at apo ng hari ng mga Aztec, si Netzahualcoyotl, ay nag-alimura sa simbahan. Binabanggit ni Greenleaf na si “Don Carlos ay partikular na nagkasala sa Simbahan sapagkat ipinangaral niya sa mga katutubo ang tungkol sa kahalayan ng mga prayle.”
Nang malaman ni Prayle Juan de Zumárraga, inkisidor nang panahong iyon, ang tungkol dito, ipinag-utos niya ang pag-aresto kay Don Carlos. Pinaratangan ng pagiging isang “dogmatikong erehe,” si Don Carlos ay sinunog sa tulos noong Nobyembre 30, 1539. Maraming iba pang katutubo ang pinarusahan sa paratang na pangkukulam.
Inkisisyon Laban sa mga Dayuhan
Ang mga dayuhang nakatira sa Mexico na ayaw tumanggap sa relihiyong Katoliko ay pinaratangan bilang mga erehe, mga Lutherano, o mga naniniwala sa paniwalang Judio. Ang Portuges na pamilyang Carvajal ay isang halimbawa nito. Pinaratangan na nagsasagawa ng relihiyong Judio, halos lahat sila ay pinahirapan ng Inkisisyon. Ang sumusunod na pangungusap na ipinahayag laban sa isang miyembro ng pamilyang ito ay nagpapabanaag ng kasindakan: “Ang sinasabing Doña Mariana de Carvajal [ay aking] hinahatulang . . . magarote [isang paraan ng pagsakal o pagbigti] hanggang sa siya’y mamatay, at pagkatapos siya ay sunugin sa nagliliyab na apoy hanggang sa siya’y maging abo anupat kahit na ang alaala tungkol sa kaniya ay walang maiwan.” Ganiyan nga ang nangyari.
Kailanma’t isapanganib ng isang dayuhan ang kapangyarihan ng klero, siya’y nililitis. Isang taong nagngangalang Don Guillén Lombardo de Guzman ay pinaratangan ng pagnanais na palayain ang Mexico. Gayunman, ang paratang ng Santo Oficio sa pag-aresto at paglilitis sa kaniya ay dahil sa pagiging isang astrologo at naniniwala sa mga turo ni Calvin. Noong panahon ng kaniyang pagkabilanggo siya ay nasiraan ng bait. Sa wakas siya ay sinunog nang buháy sa isang tulos noong Nobyembre 6, 1659.
Ang aklat na Inquisition and Crimes, ni Don Artemio de Valle-Arizpe, ay naglalarawan sa pangyayaring iyon: “Kanilang pinagtatali ang mga maysala, itinatali sila sa tulos na may kulyar na bakal sa leeg. . . . Ang sagradong mga sigâ ng pananampalataya ay nagliyab at umusok. Si Don Guillén . . . ay biglang bumagsak at ang kulyar na nasa kaniyang leeg ang bumigti sa kaniya, pagkatapos ang kaniyang katawan ay naglaho sa nakapangingilabot na ningning ng liyab. Iniwan niya ang buhay na ito pagkatapos ng labimpitong taon ng matagal at walang likat na pagdurusa sa mapanglaw
na mga bilangguan ng Santo Oficio. Ang mga sigâ ay unti-unting namatay, ang mangasul-ngasul na pula na kanilang liyab ay naglalaho, at nang ito ay mámatay, tanging ang maliwanag na bunton ng mga baga ang naiwang nagbabaga sa gabi.”Naitatag ang “Santo Oficio”
Gaya nang nabanggit na, maraming katutubo at dayuhang mga Mexicano ang pinarusahan, at ang ilan ay pinatay dahil sa pagpuna o dahil sa pagtanggi sa bagong relihiyon. Ito ang naging pasimula ng isang inkisisyong gawa ng mga prayle at nang maglaon ng mga obispo. Gayunman, ang unang Inkisidor Mayor sa Mexico, si Don Pedro Moya de Contreras, ay galing sa Espanya noong 1571 upang opisyal na itatag ang Tribunal ng Santo Oficio ng Inkisisyon doon. Ang hukumang ito ay huminto sa pagkilos nito noong 1820. Sa gayon, mula noong 1539, may mga tatlong daang taon ng panliligalig, pagpapahirap, at kamatayan para sa mga hindi naniniwala sa mga paniwalang Katoliko.
Kapag may pinaratangan, siya ay pinahihirapan hanggang siya’y magtapat. Ang hukuman ay umaasang tatalikuran niya ang kaniyang mga gawaing laban sa Katoliko at tatanggapin niya ang mga paniwala ng simbahan. Ang akusado ay pinalalaya lamang kung mapatutunayan niyang siya’y walang sala, kung hindi mapatunayan ang kaniyang kasalanan, o, sa wakas, kung magtatapat siya at magsisisi. Sa kaso ng huling banggit, ang pagsasabi niyang kinamumuhian niya ang kaniyang kasalanan at nangangakong magbabago sa kaniyang nagawa ay binabasa sa publiko. Sa paano man, naiwala niya ang kaniyang ari-arian at kailangan niyang magbayad ng malaking multa. Kung siya’y masumpungang may sala, siya’y ibibigay sa sekular na mga awtoridad upang parusahan. Ito ay karaniwang nagwawakas sa pagsunog sa kaniya sa tulos, samantalang siya’y buháy pa o pagkatapos patayin.
Para sa paggawad ng mga hatol sa harap ng publiko, isang malaking seremonya ng paghahayag ng hatol at pagbigti ang ginaganap. Isang paghahayag sa publiko ang gagawin sa buong lungsod upang ipaalam sa lahat ang araw at ang dakong pagtitipunan. Sa araw na iyon ang mga nahatulan ay lalabas sa mga bilangguan ng Tribunal ng Santo Oficio na nakasuot ng isang sambenito (isang uri ng balabal na walang manggas), may dalang kandila sa pagitan ng kanilang mga kamay, isang tali sa palibot ng kanilang leeg, at isang coroza (hugis-konong sombrero) sa kanilang ulo. Pagkatapos mabasa ang mga krimen laban sa pananampalatayang Katoliko, ilalapat ang nararapat na parusang naipasiya para sa bawat biktima.
Sa ganitong paraan ang marami ay nahatulan at naparusahan sa ngalan ng relihiyon. Ang kalupitan at ang hindi pagpaparaya ng klero ay maliwanag sa mga pulutong na nagmamasid sa mga biktima na namamatay sa tulos.
Tahasang Pagsalungat sa Kristiyanismo
Inutusan ni Kristo Jesus ang kaniyang mga alagad na kumbertihin ang mga tao tungo sa tunay na Kristiyanismo. Siya’y nag-utos: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Gayunman, hindi kailanman ipinahiwatig ni Jesus na ang mga tao ay dapat kumbertihin nang sapilitan. Bagkus, sinabi ni Jesus: “Saanman na ang sinuman ay hindi tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, sa paglabas sa bahay na iyon o sa lungsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alabok mula sa inyong mga paa.” (Mateo 10:14) Ang pangwakas na hatol sa mga taong ito ay nasa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, nang walang pakikialam ng mga Kristiyano.
Maliwanag, kung gayon, saanman isagawa ang isang Inkisisyon sa daigdig, ito’y ginawa bilang tahasang pagsalungat sa mga simulaing Kristiyano.
Ang kapaligiran ng relihiyosong pagpapahintulot na umiiral ngayon sa Mexico ay nagpapangyari sa mga tao na magkaroon ng kalayaan sa paraan ng pagsamba nila sa Diyos. Subalit ang mga dantaon ng tinatawag na Sagradong Inkisisyon ay nananatili bilang isang masamang pahina sa kasaysayan ng Iglesya Katolika sa Mexico.
Sa loob halos ng tatlong dantaon sa Mexico, ang nakapangingilabot na mga kalupitan ay isinagawa sa ngalan ng relihiyon