Ang “Mas Mahinang Sisidlan”—Isang Insulto sa Kababaihan?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang “Mas Mahinang Sisidlan”—Isang Insulto sa Kababaihan?
“BAKIT ANG MGA BABAE AY HINAHATULAN SA KANILANG KASARIAN SA HALIP NA SA KANILANG KARANASAN, KAKAYAHAN, AT TALINO?”—BETTY A.
“ANG MGA BABAE AY NAKONDISYON NANG MAG-ISIP NA SILA AY MAS NAKABABABANG NILALANG.”—LYNN H.
ANG pananalita ba sa Bibliya na “mas mahinang sisidlan” ay nagpapababa sa kababaihan? Ang talata sa Bibliya na tinututulan ay ang 1 Pedro 3:7, na nagsasabi: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.”
Nang isulat ni Pedro ang mga salitang ito sa kapuwa mga Kristiyano, ang mga babae ay may iilang karapatan, hindi lamang sa sinaunang paganong daigdig kundi gayundin sa apostatang pamayanang Judio. Itinataguyod ba ni Pedro at ng sinaunang mga Kristiyano ang laganap na pangmalas tungkol sa kababaihan?
Mas Mahinang mga Sisidlan?
Paano kaya bibigyan ng kahulugan ng mga mambabasa noong unang-siglo ang mga salita ni Pedro na “mas mahinang sisidlan”? Ang salitang Griego para sa sisidlan (skeuʹos) ay ilang ulit na ginamit sa Griegong Kasulatan at tumutukoy sa iba’t ibang sisidlan, kasangkapan, kagamitan, at mga instrumento. Sa pagtawag sa kababaihan na “mas mahinang sisidlan,” hindi ibinababa ni Pedro ang kababaihan, sapagkat ang kataga ay nagpapahiwatig na ang asawang lalaki rin ay marupok o mahinang sisidlan. Ang ibang mga teksto sa Bibliya ay gumagamit ng katulad na paglalarawan bilang pagtukoy kapuwa sa kababaihan at sa kalalakihan, gaya ng “yaring-luwad na mga sisidlan” (2 Corinto 4:7) at “mga sisidlan ng awa” (Roma 9:23). Totoo, inilalarawan ni Pedro ang mga babae bilang “mas mahina” sa mga sekso. Subalit ang Roma 5:6 ay gumagamit sa salitang “mahina” upang tumukoy sa lahat ng tao—lalaki at babae. Kaya nga, hindi ituturing ng sinaunang mga Kristiyano ang katagang “mas mahinang sisidlan” na mapanira sa mga babae.
Bagkus, ang mga salita ni Pedro ay dapat na malasin na nakapagpapaangat sa katayuan ng mga babae. Noong kaarawan ni Pedro halos walang paggalang sa kababaihan. Gaya ng malaon nang nakita ng Diyos, kadalasang dominado at inaabuso ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa sa pisikal, seksuwal, at emosyonal na paraan. (Genesis 3:16) Kaya, ang payo ni Pedro sa Kristiyanong mga asawang lalaki ay nagpapahiwatig, sa diwa: Huwag ninyong pagsamantalahan ang kapangyarihan na ibinigay ng makasanlibutang lipunan sa kalalakihan.
Ating suriing mabuti ang katagang “mas mahina.” Tinukoy ni Pedro sa talatang ito, hindi ang emosyonal, kundi ang pisikal na mga katangian. Ang mga lalaki ay mahihinang sisidlan; sa isang pahambing na diwa, ang mga babae ay mas mahihinang sisidlan. Paano? Ang kayarian ng buto at kalamnan ng mga lalaki ay karaniwan nang mas malakas sa pisikal na paraan. Gayunman, walang pahiwatig na si Pedro ay gumagawa ng paghahambing ng moral, espirituwal, o mental na lakas. Oo, kung ang pag-uusapan ay emosyonal na mga reaksiyon sa mga pangyayari, ang mga babae ay maaaring pinakamainam na mailalarawan bilang naiiba sa mga lalaki, hindi ibig sabihin ay mas mahina o mas malakas. Inilalarawan ng Bibliya ang malakas na katangiang moral, ang pagbabata, at ang pag-unawa ng mga babaing sumunod sa daan ng Diyos—gaya nina Sara, Debora, Ruth, at Esther, upang banggitin lamang ang ilan. Ang mapagpakumbabang mga lalaki ay hindi nahihirapang kumilala na ang mga babae ay maaaring maging mas matalino kaysa kanila.
Gayunpaman, ang ilan ay naniniwala na ang pagtukoy sa kababaihan bilang “mas mahina” ay nagpapahiwatig na sila ay nakabababang mga tao. Subalit isaalang-alang ang halimbawang ito. Ang isang tao ay may dalawang kapaki-pakinabang na mga sisidlan. Ang isa ay matibay, ang isa ay hindi gaano. Ang ikalawang sisidlan ba ay hindi gaanong mahalaga sapagkat ito ay hindi matibay? Sa katunayan, ang isa na hindi gaanong matibay ay karaniwang higit na iniingatan at pinararangalan kaysa isa na mas matibay. Samakatuwid, ang isang babae ba ay hindi gaanong mahalaga sapagkat hindi gaanong malakas ang katawan niya kaysa isang lalaki? Tiyak na hindi! Ginagamit ni Pedro ang katagang “mas mahinang sisidlan,” hindi upang siraan ang mga babae, kundi upang magpakita ng paggalang.
“Sa Katulad na Paraan Alinsunod sa Kaalaman”
Pinayuhan ni Pedro ang mga asawang lalaki na “patuloy na manahanang kasama nila [kanilang mga asawa] sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman.” “Sa katulad na paraan” nino? Sa naunang mga talata ay tinatalakay ni Pedro ang maibiging pangangalaga ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod, at tinagubilinan niya ang mga asawang lalaki na pangalagaan ang kanilang mga asawa “sa katulad na paraan.” (1 Pedro 2:21-25; 3:7) Laging inuuna ni Kristo ang kapakanan at mga interes ng kaniyang mga alagad kaysa kaniyang sariling personal na mga naisin at kagustuhan. Interesado siya sa kanilang espirituwal at pisikal na kapakanan, at isinaalang-alang niya ang kanilang mga limitasyon. Dapat na tularan ng mga asawang lalaki ang maibiging halimbawa ni Kristo, na makitungo sa kanilang mga asawa “sa katulad na paraan.”
Ang mahusay-ang-takbo na pag-aasawa ay hindi nagkataon lamang. Dapat malaman kapuwa ng asawang lalaki at babae kung paano makatutulong sa tagumpay ng pag-aasawa. Kaya nga, ang payo ni Pedro ay para sa mga asawang lalaki na patuloy na manahanang kasama ng kanilang mga asawa “alinsunod sa kaalaman.” Kailangang pag-aralan ng mga asawang lalaki kung paano si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nakikitungo sa mga babae. Kailangang malaman nila kung paano gusto ng Diyos na pakitunguhan nila ang kani-kanilang asawa.
Karagdagan pa, kailangang makilalang mabuti ng mga asawang lalaki ang kanilang mga asawa—ang kanilang mga damdamin, lakas, limitasyon, kagustuhan, at kinaiinisan. Kailangang malaman nila kung paano igagalang ang talino, karanasan, at dangal ng kanilang mga asawa. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito. Sa ganitong paraan ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.”—Efeso 5:25, 28, 29.
Pag-ukulan Sila ng Karangalan
Nang tukuyin ni Pedro ang kababaihan bilang ang “mas mahinang sisidlan,” sinabi rin niya na ang mga asawang lalaki ay dapat na “pinag-uukulan sila ng karangalan.” Sa Griego, ang pangngalang ti·meʹ ay nagpapahiwatig ng diwa ng karangalan, pagpapahalaga, kahalagahan, pagkanatatangi. Sa ibang salita, ang pag-uukol ng karangalan ay hindi basta isang pabor kundi isang pagkilala sa kung ano ang nararapat sa kanila. Tinagubilinan ni Pablo ang lahat ng Kristiyano, kapuwa mga lalaki at mga babae, gaya ng sumusunod: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahalRoma 12:10.
sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Tiyak na hindi itinuturing ng Diyos na Jehova ang mga babae bilang palamuti lamang. Sa Israel, ang mga batas ng Diyos ay mabisang kumakapit kapuwa sa mga lalaki at mga babae na nagkasala ng pangangalunya, insesto, pagsiping sa hayop, at iba pang krimen. (Levitico 18:6-17, 23, 29; 20:10-12) Ang mga babae ay maaaring magtamasa ng mga pakinabang ng mga Sabbath, ng mga batas patungkol sa mga Nazareo, ng mga kapistahan, at marami pang ibang paglalaan ng Batas. (Exodo 20:10; Bilang 6:2; Deuteronomio 12:18; 16:11, 14) Ang ina, gayundin ang ama, ay dapat na igalang at sundin.—Levitico 19:3; 20:9; Deuteronomio 5:16; 27:16; Kawikaan 1:8.
Ang mga talatang 10 hanggang 31 ng Kawikaan kabanata 31 ay nagpaparangal sa “isang mahusay na asawang babae” dahil sa kaniyang katapatan, kasipagan, at karunungan sa pagsasagawa ng kaniyang maraming tungkulin. Siya’y kinikilala gaya ng nararapat dahil sa kaniyang bahagi sa pangangasiwa sa gawain ng pamilya, gayundin sa iba pang pinansiyal na mga bagay. Anong laking pagkakaiba sa saloobin ng ilang kalalakihan na nag-aakalang ang mga babae ay mga palamuti lamang! Nang maglaon, sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang mga babae ay binigyan ng kapangyarihan ng banal na espiritu bilang mga saksi ni Kristo. (Gawa 1:14, 15; 2:3, 4; ihambing ang Joel 2:28, 29.) Sa gayon, ang ilang babae ay nakataan na maging makalangit na mga hukom ng mga lalaki, babae, at maging ng mga anghel. (1 Corinto 6:2, 3) Totoo, ang mga babae ay hindi dapat magturo sa loob ng kapulungan ng kongregasyon; gayunman, may mga kalagayan kung kailan ang mga babaing Kristiyano ay maaaring manalangin o manghula. Sila’y inatasang maging mga guro ng nakababatang mga babae, mga bata, at doon sa nasa labas ng kongregasyon.—Mateo 24:14; 1 Corinto 11:3-6; Tito 2:3-5; ihambing ang Awit 68:11.
Ang isa pang mabuting tagapahiwatig kung ano ang nasa isip ni Pedro nang sabihin niya na pag-ukulan sila ng karangalan ay masusumpungan sa 2 Pedro 1:17. Doon ay ating mababasa na pinarangalan ni Jehova si Jesus sa pagpapahayag ng kaniyang pagsang-ayon sa kaniya sa harap ng iba sa pagsasabing: “Ito ang aking anak, ang aking iniibig.” Sa katulad na paraan, dapat ipakita ng isang asawang lalaki sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, kapuwa sa publiko at sa pribado, na pinag-uukulan niya ang kaniyang asawang babae ng karangalan.
Mga Tagapagmana ng Buhay
Sa buong kasaysayan, kadalasang itinuring ng mga lalaki ang mga babae na karapat-dapat sa kaunting karangalan o paggalang—bilang isang alipin, o isang instrumento lamang para bigyan-kasiyahan ang mga lalaki. Ang Kristiyanong idea na pag-uukol ng karangalan sa mga babae ay tiyak na nag-aangat sa kanila sa isang mas mataas na antas ng paggalang. Ang Barnes’ Notes on the New Testament ay nagsasabi na ang payo ni Pedro “ay naglalaman ng napakahalagang katotohanan tungkol sa babae. Sa ilalim ng lahat ng iba pang sistema ng relihiyon maliban sa sistemang Kristiyano, ang isang babae ay itinuturing na nakabababa sa lalaki sa lahat ng paraan. Ang Kristiyanismo ay nagtuturo na . . . ang babae ay may karapatan sa lahat ng pag-asa at mga pangako na ibinibigay ng relihiyon. . . . Ang isang katotohanang ito ay magtataas sa mga babae saanman mula sa paghamak, at ihinto agad ang marami sa mga kasamaan sa lipunan ng tao.”
Yamang si Kristo ang nagmamay-ari kapuwa sa mga lalaki at mga babae, may seryosong dahilan para sa mga asawang lalaki na arugain ang kanilang mga asawa bilang mga pag-aari ni Kristo. Karaka-raka pagkatapos tukuyin ang mga babae bilang ang “mas mahinang sisidlan,” ang mga salita ni Pedro ay nagpapatuloy: “Yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.” (1 Pedro 3:7b) Ipinahiwatig ni Pedro na ang pagmamaltrato ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ay makapipinsala sa kaugnayan ng lalaki sa Diyos, hinahadlangan ang kaniyang mga panalangin.
Sa anumang paraan ang katagang “mas mahinang sisidlan” ay hindi ipinatungkol upang insultuhin ang kababaihan. Bagaman inilalagay ni Jehova ang mga asawang lalaki bilang ang ulo ng sambahayan, hindi niya sinasang-ayunan ang pagmamaltrato ng mga lalaki sa mga babae. Sa halip, ipinag-uutos niya na ang lalaki, taglay ang kaalaman tungkol sa babae, ay dapat na mag-ukol ng pagmamahal at karangalan sa kaniya.
Ang Bibliya ay nag-uutos kapuwa sa mga lalaking may asawa at walang asawa na pag-ukulan ng karangalan ang mga babae, hindi sila pinakikitunguhan na gaya ng nakabababang tao. Ang mga lalaki’t babae na masigasig na sumasamba sa Diyos at nagpaparangal sa isa’t isa ay tatanggap ng saganang pagpapala buhat sa kamay ng Diyos.—Ihambing ang 1 Corinto 7:16.
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Miss G. E. K. / Artist: Alice D. Kellogg 1862-1900
Sa Kagandahang-loob ni Joanne W. Bowie