Kamangha-manghang mga Bagay sa Ilalim ng Dagat na Pula
Kamangha-manghang mga Bagay sa Ilalim ng Dagat na Pula
Sinasabi ng mga tao na ang ganda ay panlabas lamang. Subalit ang tunay na kagandahan ay kalimitang nasa ilalim—at hindi ito kumakapit lamang sa mga tao. Natuklasan kong ito’y totoo sa kaso ng Dagat na Pula. Ang tiwangwang na baybay ay hindi man lamang nagbigay sa akin ng pahiwatig ng kamangha-manghang kagandahan na naghihintay sa mapalad na manlalangoy na magmamasid na mabuti sa ilalim ng tubig nito.
ANG Dagat na Pula ay kilala sa pagiging isa sa pinakakawili-wiling lugar sa mundo para sa panggagalugad ng kamangha-manghang mga bagay sa batuhang korales. Kaya sabik ako na makita mismo kung ang kabantugang ito ay mapatutunayang totoo.
Minsang nakita ko mismo ang daigdig sa ilalim ng tubig, ibig kong maunawaan ito nang higit. Ang biyologo sa dagat na si Aaron Miroz, isang dalubhasa sa buhay-dagat sa Dagat na Pula, ang sumagot sa aking mga katanungan.
Bakit ang tubig ng Dagat na Pula ay saganang-sagana?
“Ang Dagat na Pula ay nagtitingin at nagsisilbing gaya ng malaking lugar na tipunan, kung saan natitipon ang maraming isda sa Karagatan ng Indian. Higit pa, taglay natin dito ang pambihirang dami ng mga korales. Sa batuhan kalimitang makasusumpong ka ng kasindami ng 20 iba’t ibang uri ng korales na tumutubo sa isang metro kudrado ng batuhan. Ang bagay na humihimok sa pagtubo ng korales ay ang tamang-tamang temperatura ng tubig, na nagbabago lamang ng ilang digris sa loob ng buong santaon. Higit pa, ang kakaunting pag-ulan sa lugar na ito ay nangangahulugan na kaunting tining ang dumadaloy sa dagat. Kaya naman, ito’y nakababawas sa dami ng mga nagpaparuming bagay, bagaman ikinalulungkot kong sabihin na sa nakalipas na 15 taon, ang kalagayan ay lumubha.”
Ano ang mga problema sa pangangalaga sa kayamanang ito sa dagat?
“Kapag nangangasiwa ka ng isang tirahan na di-gaanong nagagalaw, ang polusyon ang pinakamalaking problema. Sa Dagat na Pula, ang pagdumi ay galing sa tatlong pangunahing pinagmumulan: mga phosphate, pasilidad sa pagpaparami ng isda, at alkantarilya mula sa mga bayan sa baybay-dagat. Ang pagiging popular ng mga lugar para sa paninisid ay maaari ring maging sanhi ng mga problema. Ang maselan na batuhan ng korales ay madaling masira ng walang-ingat na mga sumisisid.”
Kayo’y nagsusuri ng batuhan ng korales sa Dagat na Pula sa loob ng maraming taon. Ano ang ilan sa mga bagay na inyong natutuhan?
“Natuklasan namin na ang isda ay may oras ng kanilang pagkain. Ang ilan ay nagsisimulang kumain sa ikapito nang umaga, kumakain sa loob ng tatlong oras, nagpapahinga, at pagkatapos ay kakain sa loob ng tatlong oras pa sa hapon. Ang ilan ay kumakain lamang sa gabi. Ang mga iskedyul na ito ay mahalaga. Kung ang mas maliliit na isda ay palaging sumasailalim sa panggigipit ng mga maninila sa buong araw, ang mga ito ay mahihirapan na kumain sa ganang sarili nila. At ang isda, tulad ng tao, ay mapili sa pagkain. Halimbawa, gustung-gusto ng lapulapu ang fairy basslets, na totoong karaniwan sa Dagat na Pula. Ang aming mga isda sa pinagtatrabahuhang aquarium ay may kani-kaniyang paboritong pagkain—ang ilan ay gusto ang tuna, samantalang ang iba naman ay gusto ang sardinas.
“Maaari mo ring isipin na para sa isda, ang lahat ng tao ay pare-pareho, pero hindi ganiyan ang kaso. Ang isda at ang ilang walang gulugod na nilalang sa dagat ay nakakikilala sa tao. Natatandaan ko ang isang pugita na minsang pabirong hinampas ng isa sa aming kawani. Ayaw nito na nahahampas, at hindi na ito kailanman tumanggap ng pagkain mula sa taong iyon. Gayundin naman, natuklasan namin na ang maaamong tao ang pinakanakakasundo ng isda, samantala ang mapusok o walang pasensiyang tao ay nakapagpapanerbiyos sa mga ito.
Ang nagpapahanga sa isang baguhang maninisid ay ang kahanga-hangang pagkasari-sari ng kagandahan at kulay.
“Tunay nga, ang makukulay na isda ay kahanga-hanga. Pero ang hindi natatanto ng marami ay na ginagamit ng ilang isda ang mga kulay nito bilang mga hudyat, gaya ng ating paggamit sa mga ilaw sa trapiko. Halimbawa, kapag ang pulang lapulapu ay nanghuhuli sa halip na basta magbantay sa kaniyang teritoryo, ang kulay nito ay nagiging mas matingkad na pula. Ang clown fish, na sinisila ng lapulapu ay makapagsasabi mula sa kulay ng lapulapu kung ito ay ‘pahinga.’ Sa ligtas na mga panahong ito, may katapangang mabubugaw ng clown fish ang isang lapulapu na sumasalakay sa kaniyang teritoryo.”
Walang alinlangan dito, ang kahanga-hangang kagandahan ng paglalang ng Diyos ay matutuklasan sa maraming kakatwang mga lugar. Ang aking buhay ay pinagyaman sa pamamagitan ng panggagalugad sa munting halimbawa lamang ng kagandahang ito. Ang saglit na pagdalaw na iyon sa daigdig sa ilalim ng mga alon ay nagpalalim ng aking pagpapahalaga sa likas na mga kayamanan na tinataglay ng ating planeta.—Inilahad.
[Larawan sa pahina 26]
Isang lionfish na banayad na lalanguy-langoy, ay di-nababahala sa mga maninila. Sila’y lumalayo, yamang ang kanilang matinik na palikpik ay nagtataglay ng matatapang na lason
[Larawan sa pahina 26]
Ang clown fish ay bihirang lumayo sa tahanan nito, na isa sa mga galamay ng malaking anemone. Ito’y sanay na sa yakap nito habang tinutulungan nitong mapanatiling malinis ang nagpapakain sa kaniya
[Larawan sa pahina 26]
Ang butterfly fish ay may iba’t ibang kulay. Ang mga katawan nito na manipis at lapad na tila pumapagaspas, ay nagpapaalaala sa akin ng isang paruparo
[Larawan sa pahina 26]
Ang Picasso fish, na may matitingkad na guhit at ang animo’y matingkad na dilaw na lipstick, ay nagpapaalaala sa akin ng gawa ng isang pintor ng abstract
[Larawan sa pahina 26]
Ang emperor angelfish ay may napakaraming sapin ng kulay na nagbabago ng kulay at disenyo nito habang ito’y lumalaki