Mga Misyonero—Sila’y Nararapat na Maging Ano?
Mga Misyonero—Sila’y Nararapat na Maging Ano?
ANG salitang “misyonero” ay maaaring pumukaw ng matinding mga damdamin. Sa ilang tao, ito ay kumakasi ng paghanga, nagpapagunita ng mga indibiduwal na gaya nina Mother Teresa o ng yumaong si Albert Schweitzer.
Sa kabaligtaran, ang reaksiyon naman ng iba ay pagwawalang-bahala, pagkasuya, o galit pa nga kapag binabanggit ang paksa tungkol sa mga misyonero. Para sa kanila ang salita ay nagmumungkahi ng pag-impluwensiya sa isipan at lumilikha ng mga pangitain ng kolonyalismo.
Kung tungkol sa mga misyonero, ang angkop na tanong ay, Sila ba’y naging mga ahente ng liwanag o mga ahente ng kadiliman?
Ano ba ang Isang Misyonero?
Ang isang misyonero ay binigyang kahulugan bilang “isang tao na nagsasagawa ng isang misyon,” ibig sabihin, nagsasagawa ng “isang ministeryong iniatas ng isang relihiyosong organisasyon upang ipalaganap ang paniniwala nito o isagawa ang gawaing makatao.”
Ang saligan para sa Kristiyanong gawaing misyonero ay ibinigay ni Jesu-Kristo nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Ito ay nangangailangan ng pangangaral ng mensaheng Kristiyano sa buong daigdig.—Mateo 28:19.
Si Jesus mismo ay isang misyonero, isinugo ng kaniyang Ama, si Jehova, mula sa langit tungo sa isang banyagang atas, sa lupa. (Filipos 2:5-8) Makatuwiran, ang isang misyonerong Kristiyano ay dapat na maingat na sumunod sa halimbawang ipinakita ni Jesu-Kristo. Isang misyonero noong unang-siglo na gayon nga ang ginawa ay si apostol Pablo, na naging isang huwaran para tularan ng sumusunod na mga misyonerong Kristiyano.—1 Corinto 11:1.
Bagaman nakikiramay sa mga suliraning panlipunang sumasalot sa sangkatauhan, hindi naging pangunahin kay Jesus ang paglutas ng mga suliraning panlipunan samantalang nasa lupa. Ang paggawa niyaon ay maaari lamang magdulot ng pansamantalang ginhawa sa pinakamabuti. (Juan 6:26, 27; 12:8) Mayroon pang mas mahalaga. “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan,” sabi ni Jesus kay Pilato, “upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” Ang halaga ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa katotohanang iyon ay dapat na totoong ipakadiin, gaya ng una pa rito’y binanggit ni Jesus sa panalangin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3; 18:37.
Maingat bang nasunod ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang halimbawang ipinakita ni Jesus? Sila ba’y nagpatunay na mga ahente ng liwanag na gaya niya, na nagpapabanaag ng liwanag ng Salita ng Diyos, ang kaalaman na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan? O kanila bang pinabayaan ang mga tao sa kadiliman? Ang sagot sa mga tanong na ito ay dapat na makainteres sa ating lahat sapagkat ang bunga na nagawa ng nag-aangking mga misyonerong Kristiyano sa nakalipas na mga dantaon ay tumutulong sa atin upang makilala ang tunay na relihiyon, gayundin ang huwad na relihiyon. Kung gayon ang Gumising! ay nalulugod na ipahayag na bibigyan nito ang paksang ito ng lubusang pagsaklaw sa susunod na limang labas nito.
Paano Nakatugon ang mga Misyonero?
Ang mga misyonero ay nakagawa ng mahalagang kontribusyon sa pagpapalaganap ng mensahe ni Kristo. Halimbawa, isinalin ng ilan ang Bibliya sa lokal na mga wika, sa gayo’y pinangyayari na mabasa ito ng mga tao sa ganang sarili.
Gayunman, sa ngayon, lumilitaw na ang ilang misyonero ay nag-aakala na ang pagtugon sa sosyal na mga pangangailangan ay dapat na ituring na mas mahalaga kaysa mga pagsisikap na mangaral o magsalin. Isang artikulo sa magasing Time na pinamagatang “Ang Bagong Misyonero” ay nagsabi: “Sa mga Protestante, may pagbabago tungo sa higit na pagkasangkot sa pangunahing mga suliraning pangkabuhayan at panlipunan ng mga tao na sinisikap na abutin ng mga misyonero.” Kung para naman sa mga Katoliko, ang pinuno ng mga misyong Jesuita na ipinadala mula sa Estados Unidos ay nagsabi na ang pamamahagi ng mga paniniwalang Kristiyano “ay naging pangalawahin lamang sa paglilingkod sa mga tao.” At isang kalihim ng misyong Katoliko ay nangatuwiran: “Noon, mayroon tayo ng tinatawag na motibo na iligtas ang mga kaluluwa. . . . Ngayon, sa tulong ng Diyos, kami’y naniniwala na ang lahat ng tao at ang lahat ng mga relihiyon ay nabubuhay na sa biyaya at pag-ibig ng Diyos at maliligtas dahil sa awa ng Diyos.”
Nangangahulugan ba ito na hindi na kailangan ang pagtuturo ng Salita ng Diyos gaya ng ginawa ni Jesus?
Mayroon Pa Bang Pangangailangan?
Noong 1985 mga 18,000 sambahayan sa Hamburg, Alemanya, ang tinawagan sa telepono ng ilang daang mga boluntaryo sa kung ano ang tinawag ng isang pahayagan na “lansakang gawaing misyonero sa pamamagitan ng telepono.” Maliwanag na nagbunga ito ng kaunting bunga. Noong nakaraang Disyembre ang The European ay sumulat: “Nakita ng simbahang Protestante sa Alemanya . . . ang pagbaba ng mga dumadalo ng mahigit na 500,000 mula noong 1991.”
Ang umuunting kawan ay hindi natatangi sa mga simbahang Aleman. Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang tumalikod na sa relihiyon, hindi na itinuturing ito na may kaugnayan sa buhay sa makatotohanang dekada ng 1990. Subalit ang kaalaman tungkol sa Kristiyanismo ay mahalaga kung nais nating matagumpay na harapin ang kadiliman ng daigdig sa ngayon at kung nais nating mapalakas ng pag-asa tungkol sa isang mas mabuting daigdig sa hinaharap. Ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad ng mga tao ng lahat ng mga bansa ay isang mabisang paraan upang tugunan ang isang apurahang pangangailangan.
Layon ni Jesu-Kristo na ang Kristiyanong mga misyonero ay maging mga ahente ng liwanag, hindi mga ahente ng kadiliman. Paano nakatutugon ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan? Anong halimbawa ang kanilang sinunod?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Culver Pictures