Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Magagawa ng mga Dalagang-Ina ang Pinakamainam sa Kanilang Kalagayan?

Paano Magagawa ng mga Dalagang-Ina ang Pinakamainam sa Kanilang Kalagayan?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Magagawa ng mga Dalagang-Ina ang Pinakamainam sa Kanilang Kalagayan?

ANG mga damdaming naranasan ni Linda ay sindak, pagtanggi, takot, galit, kawalang pag-asa, at pagkasira ng loob. a Tiniyak ng pagsusuri ang sukdulang kinatatakutan niya​—tatlong buwan na siyang nagdadalang-tao. Walang asawa at 15 anyos lamang, si Linda ay isa lamang sa milyun-milyong tin-edyer sa bawat taon sa Estados Unidos na nagdadalang-tao. Gayunman, ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay pambuong daigdig na suliranin, na sumasaklaw sa lahat ng etniko at antas ng pamumuhay.

Ginuguniguni ng ilang babaing tin-edyer na ang pagdadalang-tao ang magsasalba sa kanila mula sa di-maligayang buhay sa tahanan o makapagpapatibay ng isang ugnayan sa boyfriend. Minamalas naman ng iba ang isang sanggol bilang isang status symbol o isang bagay na kanila mismo upang ariin at mahalin. Gayunman, ang mapait na katotohanan ng pagiging solong magulang ang biglang nagwawaksi ng gayong di-makatotohanang mga kaisipan. Ang isang dalagang-ina ay napipilitang gumawa ng mahirap, kalimitan na’y napakasaklap, na mga mapagpipilian. Maaari rin niyang makaharap ang mga kahirapan sa kabuhayan, bigong damdamin, kalumbayan, at ang mga kaigtingan ng pagpapalaki ng anak na walang kabiyak. Kaya naman, taglay ang mabuting dahilan iniutos ng ating Maylikha sa mga Kristiyano na “tumakas mula sa pakikiapid,” lakip na ang pagtatalik nang di-kasal.​—1 Corinto 6:18; Isaias 48:17.

Ang seksuwal na imoralidad ay hindi pinahihintulutan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. (1 Corinto 5:11-13) Magkagayon man, sa gitna nila’y may mga kabataang dalagang-ina. Ang ilan ay nagdalang-tao bago natutuhan ang mga pamantayan ng Diyos. Ang iba ay pinalaking Kristiyano, subalit nahulog sa imoralidad. Ang ilan, palibhasa’y nadisiplina ng kongregasyon, ay nagsisi sa kanilang mga pagkakamali. Anong tulong at patnubay ang inilalaan ng Salita ng Diyos para sa gayong mga kabataan? b

Dapat Ko bang Pakasalan ang Ama?

Nililiwanag ng Bibliya na ang aborsiyon ay labag sa batas ng Diyos. (Exodo 20:13; ihambing ang Exodo 21:22, 23; Awit 139:14-16.) Itinuturo rin nito na ang nagsosolong ina ay may pananagutan na paglaanan ang kaniyang anak, sa kabila ng di-kaayaayang mga kalagayan sa paglilihi sa bata. (1 Timoteo 5:8) Sa karamihan ng mga kaso, pinakamabuti para sa babae na palakihin niya mismo ang bata sa halip na ito’y ipaampon. c

Dahil sa kahirapan na dulot ng pagpapalaki niya mismo sa bata, maaaring madama ng ilang ina na makabubuting magpakasal sa ama ng bata. Subalit maraming tin-edyer na ama ang halos walang nadaramang pananagutan sa bata o sa ina man nito. Bukod sa rito, ang karamihan ng kabataang mga ama ay mga tin-edyer pa at walang trabaho. Ang pagpasok sa kung ano ang tinatawag ng isang mananaliksik na “isang potensiyal na di-matatag na pag-aasawa na isinasagawa lamang upang maiwasan ang pagsisilang nang walang asawa” ay magpapalala lamang sa situwasyon. Tandaan din na iniuutos ng Bibliya sa mga Kristiyano na makipag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Nang matanto ito, si Linda (nabanggit sa simula) ay nagpasiya na huwag magpakasal sa 18-taóng-gulang na ama ng kaniyang anak. Ganito ang paliwanag niya: “Wala siyang interes sa Diyos o sa Bibliya.”

Hindi ito nangangahulugan na lubusan nang ipagwalang-bahala ang kabataang ama. Habang ang bata ay lumalaki, siya’y maaaring magnais na makilala ang kaniyang tunay na ama. O baka naman ang kabataang ama o ang mga magulang ng lalaki ay nakadarama ng moral na pananagutan na magkaroon ng kaugnayan sa bata o maglaan ng mga tulong sa pinansiyal. Gayunman, maaaring gustuhin ng mga magulang ng babae na huwag na siyang makitungo pa sa kabataang ama. (1 Tesalonica 4:3) Kaya naman, sa ilang bansa, ipinagkaloob ng mga hukuman sa di-kasal na tunay na mga ama ang legal na mga karapatan na katulad niyaong sa mga kasal na ama. Ang pagpapanatili ng magalang na kaugnayan sa di-pinakasalang ama at sa kaniyang pamilya ang sa gayo’y makahahadlang sa isang mapait na labanan sa pangangalaga sa bata. d Samantalang ang ilang pakikipag-ugnayan sa kabataang ama ay maaaring kailanganin, ito’y hindi dapat sa romantikong kapaligiran o malamang na nakakokompromisong mga kalagayan. Ang may-gulang na pangangasiwa ay karaniwang ipinapayo.

Paghingi ng Tulong

Ganito ang sabi ng aklat na Surviving Teen Pregnancy: “Kapag nagpasiya ka na pangalagaan at palakihin ang iyong sanggol, agad mong pinili ang pagiging isang adulto. . . . Pinili mong iwan ang bahagi ng iyong sarili na mas malaya, na may kakaunting obligasyon o mga pananagutan.” Kaya ang isang magulang na tin-edyer ay nangangailangan ng tulong at suporta. Ang pagbabasa ng angkop na medikal na literatura (na madaling makuha sa pampublikong aklatan) ay may malaking magagawa upang matulungan ang nangangambang ina na magkaroon ng pagtitiwala sa kaniyang mga kakayahan sa pangangalaga ng bata.

Lalo nang mahalaga ang tulong ng mga magulang. Ang ina ng isa ay totoong mahalagang pagmulan ng karanasan sa pangangalaga sa bata. Totoo, maaaring nakaaasiwang humingi ng tulong. Ang mga magulang ng babae ay maaaring nasaktan at galit pa rin. Sila’y maaaring mangamba rin na ang pagdadalang-tao ay magkaroon ng masamang epekto sa kanilang istilo ng pamumuhay. “Galít ang aking mga magulang dahil sa taglay nila noon ang lahat ng bagay na ibig nilang gawin,” gunita ng 17-taóng-gulang na si Donna. “Ngayon sabi nila hindi na nila magawa ito dahil sa pagkakaroon ko ng sanggol na ito.” Sa paglipas ng panahon madaraig din nila ang kirot sa kanilang dibdib at magiging handang tumulong sa anumang paraan. Ang isang nagsisising kabataan ay may malaking magagawa upang maibsan ang kaigtingan sa pamamagitan ng pagkilala sa sama ng loob na idinulot niya at ng taimtim na paghingi ng tawad.​—Ihambing ang Lucas 15:21.

Kumusta kung ang mga magulang ng babae ay tumangging tumulong o hindi basta matanggap na patuloy siyang makipisan sa kanila? Sa mga bansa kung saan naglalaan ng tulong sa publiko, ang isang dalagang-ina ay walang mapagpipilian kundi ang samantalahin ito​—sa paano man kahit sa pasimula lamang. Pinahihintulutan ng Bibliya ang mga Kristiyano na samantalahin ang gayong mga paglalaan. Gayunman, ito’y mangangahulugan na magkasya lamang sa napakaliit na badyet. “Waring ang pinakamalaking problema ko ay ang pera,” sabi ng 17-taóng-gulang na si Sharon. “Makabibili ako ng pagkain at lampin, pero iyon lang.” Di-magtatagal baka maaaring makapagtrabaho ka. Ang pagsisikap na gawing timbang ang pagiging ina, pagtatrabaho, at gawain sa espirituwalidad ay hindi madali, subalit nagawa ito ng iba.

Pagsasagawa ng Karunungan at Kaunawaan sa Pananahan Nang Sama-sama

Kung ang mga magulang ng isa ay sang-ayon, maaaring may tunay na mga bentaha na makipisan sa kanila sa halip na mamuhay nang mag-isa. Ang pagtira sa kanilang bahay ay karaniwang mas matipid. Higit pa, ang kinasanayang kapaligiran sa tahanan ay makapagdudulot ng pagkadama ng kaligtasan at kasiguruhan. Ang pagtira sa tahanan ay magpapangyari ring mas madali para sa kabataang babae na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Sa pagtatapos niya mula sa high school, malaki ang maisusulong ng kaniyang pagkakataon na matakasan ang karukhaan sa buhay. e

Mangyari pa, ang pagkakaroon ng tatlong salinlahi na magkakasama sa bahay ay maaaring lumikha ng kaigtingan at hirap para sa lahat na nasasangkot. Ang nagsosolong ina ay kailangang magtiis sa siksikang tirahan. Ang mga magulang at mga kapatid ay baka kailangang masanay na nagagambala ang kanilang pagtulog dahil sa iyak ng sanggol. Ang rutin ng pamilya ay maaaring masira. Subalit ang Kawikaan 24:3 ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag.” Oo, kung ang lahat ng nasasangkot ay magpapamalas ng walang-imbot na pag-ibig at konsiderasyon, ang di-pagkakaunawaan sa loob ng pamilya ay maaaring mabawasan.

Lilitaw rin ang mga problema kung ang kabataang ina ay magtatangkang tumakas na magsabalikat ng kaniyang sariling pananagutan at asahan ang lola na siyang gumawa ng lahat ng trabaho. (Ihambing ang Galacia 6:5.) O baka ang may mabuting intensiyon na lola ang lubusang umako ng pangangalaga sa kaniyang apo. Ganito ang sabi ng aklat na Facing Teenage Pregnancy: “Ang mga nuno na nagpalaki ng anak ng di-pinakasalang anak na babae na para bang kanila ang bata ay maaaring makaragdag sa hidwaan sa pamilya at kaguluhan sa kung sino ang dapat na ituring na tunay na magulang.” Bagaman ang tulong at suporta ng mga nuno ay mahalaga, iniaatas ng Kasulatan ang pananagutan ng pagpapalaki sa bata sa mga magulang. (Efeso 6:1, 4) Ang malayang komunikasyon at pakikipagtulungan sa gayon ang makagagawa nang malaki upang maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan.​—Kawikaan 15:22.

Hindi Ka Nag-iisa

Bagaman ang pagkakaroon ng anak na hindi kasal ay mahirap, hindi rito nagwawakas ang buhay ng isa. Ang Diyos ay ‘saganang nagpapatawad’ sa mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali. (Isaias 55:7) Ang pagbubulaybulay tungkol dito ang makatutulong sa nagsosolong ina na daigin ang damdamin ng pagkamuhi sa sarili na maaaring gumupo sa kaniya kung minsan. Kapag nasisiraan ng loob, siya’y maaaring dumulog kay Jehova at lumapit sa kaniya sa panalangin. Siya’y maaari ring humingi ng tulong sa Diyos sa pagpapalaki sa kaniyang anak.​—Ihambing ang Hukom 13:8.

Si Jehova ay naglalaan din ng tulong sa pamamagitan ng Kristiyanong kongregasyon. Bagaman hindi pinahihintulutan ng mga Saksi ni Jehova ang imoralidad, sila’y nagbibigay ng konsiderasyon sa mga may pagsisising nagbabago ng kanilang buhay upang paluguran ang Diyos. (Roma 15:7; Colosas 1:10) Ang ilan sa kongregasyon ay baka maantig na humanap ng maingat na mga paraan upang magbigay ng ilang praktikal na tulong sa nagsosolong magulang. (Ihambing ang Deuteronomio 24:17-20; Santiago 1:27.) Sa paano man, mailalaan nila ang pakikipagkaibigan at madamaying pakikinig kapag kailangan ito. (Kawikaan 17:17) Bagaman ang mga magulang ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, walang kasalanan ang bata. Kaya ang kongregasyon ay makatutulong kung ang ina ay magpapakita ng tamang saloobin.

Anong inam na huwag lumabag sa mga batas ng Diyos una sa lahat! Subalit ang mga nagkamali na nagsisi sa kanilang maling landas, at gumawi nang angkop, ay makatitiyak ng tulong ni Jehova sa paggawa ng pinakamainam sa kanilang kalagayan.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.

b Ang artikulong ito ay hindi pinatutungkol sa mga biktima ng insesto o panghahalay, bagaman ang ilan sa mga punto rito ay maaaring mapatunayang nakatutulong para sa gayong mga tao.

c Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pagbubuntis ng mga Tin-edyer​—Ano ang Dapat Gawin ng Isang Batang Babae?” sa aming labas ng Mayo 8, 1990.

d Tingnan ang “Sino ang Kukupkop sa Bata?” sa aming labas ng Oktubre 22, 1988.

e Sinamantala ng ilan ang mga programa ng gobyerno na nagtuturo ng napakikinabangang mga kasanayan sa trabaho. May mga programa pa nga na nag-aalok ng kaayusan para sa pangangalaga ng bata habang ang ina ay nag-aaral.

[Larawan sa pahina 23]

Ang isang dalagang-ina ay nangangailangan ng tulong at suporta