Pagliligtas ng Hippopotamus!
Pagliligtas ng Hippopotamus!
TUMITIMBANG ng hanggang apat na tonelada, ang hippopotamus ang pangalawang pinakamalaking nabubuhay na mamal sa katihan. Ang malakas na mga panga nito ay maaaring humati sa isang bangka sa isang kagat. Kaya, isang pangkat ng mga lalaki sa Hwange National Park, Zimbabwe, ay lubhang nagtaka nang makita nila ang isang hippo na gumagawi sa pambihirang paraan—nang hindi nagmamalabis.
Ang mga lalaki, samantalang malapit sa isang dam, ay nakakita ng dalawang impala (nahahawig sa usa) na mabilis na hinahabol ng siyam na mababangis na aso. Walang masumpungang ligtas na daan, ang mga impala ay tumalon sa tubig. Ang mga aso ay tatakbu-takbo sa gilid ng tubig, inaabangan kung saan malamang lumitaw ang mga impala.
Sa wakas, isang pagód nang impala ang nagsimulang lumangoy sa malayong pampang, hindi natatalos na ang mga aso ay naroroon at naghihintay. Gayunman, nang papalapit na ang impala sa lupa, nakita ng mga lalaki ang isang hippopotamus sa malapit na lumalangoy patungo sa impala. Nang marating niya ito, ulat ng magasing African Wildlife, “pinabalik ito [ng hippo] at pinipilit ito sa pamamagitan ng marahang tulak na lumangoy sa kasalungat na direksiyon.” Ang impala ay tumalima. Ang hippo ay sumunod, nagbibigay ng pana-panahong tulak kapag ang impala ay nagpapakita ng mga palatandaan ng panghihina.
Nang marating ng impala ang pampang, minasdan ng mga lalaki na marahan subalit matatag na itinulak ng hippo ang impala sa pampang. Ang impala ay paudlot na humakbang, pagkatapos ay huminto at nakatayong nangiligkig. Di-nagtagal, ang impala ay lumakad na papalayo sa tubig. Ang hippo ay sumunod hanggang sa ang dalawa ay naglaho sa paningin.
Ano ang nangyari sa isa pang impala? Ang mga lalaki ay nag-ulat na ang mababangis na aso “ay abalang-abala sa panonood sa pagliligtas ng hippo anupat ang isa pang impala ay nakatakas nang hindi napapansin.”