Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Napilitang Pumaling ang Kompanya ng Daang-Bakal
Nang itatag ng isang pangunahing kompanya ng daang-bakal sa Brazil ang isang bagong programa upang sanayin ang mga tanod nito sa paggamit ng mga armas, dalawa sa mga empleado nito ay nakaharap ang problema sa budhi. Bilang mga Saksi ni Jehova na namumuhay sa panuntunan ng Bibliya na ‘hindi mangag-aral ng pakikipagdigma,’ totoong nadarama nila na mali para sa kanila na tumanggap ng pagsasanay sa paggamit ng nakamamatay na mga armas. (Isaias 2:4) Agad silang sinisante dahil sa kanilang “pagsuway” sa pagkakaroon ng gayong paninindigan. Tinanggihan pa man din ng kompanya ng daang-bakal ang kanilang kahilingan na mapanatili ang kanilang dating mga posisyon at tanggihan na lamang ang pagsali sa programang pagsasanay at pagtaas ng tungkulin na kalakip nito. Gayunman, ganito ang sabi ng Konstitusyon ng Brazil: “Ang kalayaan ng budhi at pagsamba ay hindi malalabag, ang malayang pagsasagawa ng relihiyon ay binibigyang katiyakan, sa anyo ng batas.” Nasumpungan ng Regional Labor Court na may sala ang kompanya ng daang-bakal dahil sa pagsisisante sa mga lalaki nang walang “makatuwirang dahilan” at pinilit ang kompanya na magbayad sa kanila ng karampatang kabayaran.
Chagas’ Disease at ang Negosyo ng Dugo
Ang Chagas’ disease, na sanhi ng isang parasito at humahantong sa sakit sa puso pagkalipas ng maraming taon ng pagiging di-aktibo nito, ang sanhi ng pagkakasakit sa kasalukuyan ng halos 18 milyong taga-Latin Amerika. Kalimitan itong naililipat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo na hindi nasuring mabuti. Ganito ang paliwanag kamakailan ng Bolivian Times: “Ang isa sa mga dahilan kung bakit marahil ang dugo ay hindi nasusuri sa lahat ng paraan ay dahil sa komersiyalismo na nagaganap sa pambuong daigdig na lawak. Ang pagsusuri at pag-aanalisa ng dugo para sa anumang sakit ang nagbabawas ng kita na nakukuha.” Noong Disyembre 24, 1993, ang El Diario ng La Paz ay nagsabi: “Ang limampung porsiyento ng mga pagsasalin ng dugo na naisagawa sa bansa ay nahawahan ng sumusunod na mga sakit: Chagas’, malarya, hepatitis, sipilis, at AIDS, ang babala ng Red Cross sa Bolivia.”
Mga Panganib sa Sanggol
Kamakailan, nakita ng Hapón ang kapansin-pansing pagdami sa bilang ng mga sanggol na nasa “gulang na gumagapang” na nakalululon ng mga lason, ulat ng Health and Welfare Ministry. Halos kalahati ng lahat ng nakalalasong bagay na nakain ng mga sanggol noong 1992 ay naglakip ng mga sigarilyo. Ang ilan ay nakainom ng mga halo ng upos ng sigarilyo at abo, na naiwan sa mga lata ng inumin o sa mga abuhan ng sigarilyo na may likido. Lakip sa iba pang mga bagay na nalululon ng mga sanggol ay, ayon sa kalimitan, mga gamot, laruan, barya, produktong pagkain, at mga kosmetiko. Ang ilang kaso ay humantong sa malubhang sakit. Nagbabala ang Ministry na ang nakagugulat na malaking porsiyento ng mga aksidenteng ito ay nagaganap sa pagitan ng 5:00 n.h. at 9:00 n.g. kapag ang maraming miyembro ng pamilya ay nasa bahay na at dapat na nababantayan ang mga bata.
Kontrobersiya sa Bautismo
Ang Colorado Springs, E.U.A., na naging isa sa pangunahing mga sentro ng pag-eebanghelyo ng Sangkakristiyanuhan, ay nasangkot sa kontrobersiya tungkol sa mga pamamaraan ng pangungumberte ng mga bata. Ayon sa The Denver Post, gumagamit ang Cornerstone Baptist Church ng isang plota ng 16 na bus upang manggalugad ng lugar na naghahanap ng mga bata. Dahil sa pinangangakuan ng kendi, soda, at karnabal kung kaya nagaganyak ang mga bata na sumakay sa mga bus. Maraming magulang ang nagpapahintulot sa kanilang mga anak subalit di-nalulugod na nabibigla kapag ang mga bata ay umuwi na nagkukuwento na sila’y nabautismuhan. Karaniwan nang pinalalagdaan ng mga “ebanghelisador” na ito ang isang pormularyo ng kapahintulutan sa mga magulang bago bautismuhan ang mga bata, subalit ang patakarang iyan ay di-gaanong nasusunod sa tuwina. Ayon sa Post, ang ministro ng iglesya ay nagsabi nang ganito hinggil sa pormularyo ng kapahintulutan: “Ito’y nagpapabagal sa amin.”
Labis-labis na Pagkahilig sa Soccer
Umabot na sa sukdulan ang pagkahilig ng ilang tagahanga ng soccer sa Inglatera: Kanilang hiniling na pagkamatay nila, ang kanilang abo ay ikalat sa laruan ng kanilang kinagigiliwang koponan. Ang isang popular na koponan ay tumatanggap ng kasindami ng 25 ng gayong mga kahilingan bawat taon. Naging palasak ang gawaing ito anupat kailangang maglathala ang English Football Association ng babala sa mga klub ng soccer kung paano ang gayong mga labí ng tao ay dapat na isaboy. Ayon sa The Medical Post, kalakip sa kanilang payo ang sumusunod: “Hindi kailangang isaboy ang lahat ng abo. Maaaring ikalat mo lamang ang kaunti. Ang santambak na abo ay maaaring makamatay sa damo. . . . Ikalat ng walis ang abo upang matiyak ang kaunti at pantay na pagkalat.”
Lumalago ang Taoismo
“Ang pinakadakilang pagbubunyi sa kasaysayan.” Ganiyan inilarawan ng magasing China Today ang Setyembre 1993 na pagdiriwang ng Luotion Grand Prayer Ceremony, isang Taoistang relihiyosong pagdiriwang. Ang pagdiriwang ay ginanap sa White Cloud Temple sa Beijing, at ang mga kasama rito ay nagmula sa mga templong Taoista sa Australia, Canada, Hong Kong, Taiwan, at Estados Unidos. “Ang pangunahing tunguhin”
ng pagdiriwang, ayon sa magasin, “ay humiling sa langit na ipagkaloob ang kaligayahan sa mga tao sa buong mundo.” Itinayo ang labing-isang altar, inusal ang mga kasulatan, at ginawa ang pagsamba sa daan-daang diyos—pati ang “tagapagligtas” na diyos na siyang dapat na magligtas sa mga tao mula sa kahirapan sa kanilang kalagayan sa buhay. Isang abad ng templo sa Hong Kong ang nagsabi sa kapulungan na ang Taoismo ay malayo sa pagkamakasanlibutan at walang kinalaman sa pulitika. Ang tagapangulo ng isang templong Taoista sa Taiwan ang nagsabi sa mga peryodista na itinataguyod ng Taoismo ang pagkamakabayan at kapatiran.Halaga ng Pag-iwas sa Sakuna
Gaano kalaki ang halaga upang maiwasan ang kapaha-pahamak na pagbabago sa pangglobong kalagayan ng panahon na kinatatakutan ng maraming siyentipiko? Pinag-isipan ni Klaus-Peter Möller, ang lider ng Eduard Pestel Institute for System Research sa Hannover, Alemanya, na ito’y magagawa na ginagamit ang kasalukuyang teknolohiya. Ayon sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung, ang plano ni Möller ay humihiling ng 75-porsiyentong kabawasan sa paggamit ng gayong likas na mga panggatong gaya ng uling, langis, at gas, na pinapalitan ang mga ito ng panghaliling mga panggatong na hindi naglalabas ng carbon dioxide. Kumusta ang halaga? Ayon sa pagtaya ni Möller, ang kuwenta ay magkakahalaga ng $22.5 trilyon, o mga $4,000 sa bawat lalaki, babae, at bata na nabubuhay sa ngayon. Gaya ng hinuha ng pahayagan, ang trabaho ay “humihiling sa sangkatauhan sa kabuuan upang maisagawa ang kahanga-hangang gawa ng di-kapani-paniwalang laking ito.”
Sinong Unang Nakakita sa Kaniya?
Nagsalita kamakailan si Papa John Paul II sa pagtataguyod ng isang kaugalian na nagsasapantaha na “pagkatapos ng pagkabuhay-muli, si Jesus ay unang nagpakita kay Madonna bago sa kaninuman, bago ito ipinaalam ng anghel sa mga babae,” sabi ng Corriere della Sera. Ang pangmalas na ito, na lubusang hindi itinaguyod ng mga Ebanghelyo, ay pumukaw ng labis na kasalimuutan para sa ilan. Nagkokomento tungkol sa mga palagay ng papa at ang ginagampanan ni Maria sa kaugaliang Katoliko, sinabi ng Italyanong Katoliko na manunulat na si Sergio Quinzio na “ang popular na pagsamba” kay Maria ay palaging nilayon upang akayin ang mga Katoliko “na lumampas pa nga sa inihahatid ng Banal na Kasulatan sa atin.” Ang pinakabagong “sukdulang kapahayagan” na ito, sabi pa niya, “ay nagpapakahulugan sa mga teksto nang lampas pa sa kung ano ang sinasabi ng mga ito.”
“Paghitit ng Palaka” ang Sumunod sa “Pagdila sa Palaka”
Iniuulat, matagal nang batid ng ilan sa gumagamit ng droga na may mga palaka na naglalabas sa balat nito ng isang kemikal na nakapagpapahibang na tinatawag na bufotenine. Gayunman, ang kemikal ay nakalalason din—anupat ito’y nakamamatay kung minsan sa mga aso na nakahuhuli at nakakakain ng mga palaka. Kaya, ulat ng The Wall Street Journal, ang ilang nagdodroga ay umiwas na sa “pagdila sa palaka” at sa halip ay bumaling sa “paghitit ng palaka.” Pinatutuyo nila ang makamandag na laway ng palaka at hinihitit ito, na nangangatuwiran na aalisin ng init ang mga lason nito. Sa anumang paraan, ang pag-abuso sa palaka ay ipinagbabawal ngayon. Ang bufotenine ay nakatala sa mga droga na mapanganib at ipinagbabawal sa Estados Unidos. Isang negosyante ang inaresto na. Ang kaniyang mga palaka, ulat ng Journal, ay sinamsam.
Dumarami ang Kanser sa Kababaihang Pranses
Sa Pransiya mas maraming babae ang naninigarilyo higit kailanman. Sa gitna ng mga kabataang naninigarilyo, nalalaluan ngayon ng mga babae ang mga lalaki, at ang bilang ng mga babae na malakas manigarilyo (mahigit sa 20 sigarilyo sa isang araw) ay higit na nadoble sapol noong 1977. Hindi kataka-taka, ang bilang ng mga babaing nagkakaroon ng mga kanser na may kaugnayan sa paninigarilyo ay nagsisimula rin ngayong dumami. Iniuulat ng pahayagang Le Figaro sa Paris na may 20,000 bagong mga kaso ng kanser sa baga sa Pransiya sa bawat taon, at mahigit na 800,000 sa buong mundo. Ang mga namamatay dahil sa kanser sa daluyan ng palahingahan sa kababaihan ay makaitlong ulit ang dami sa Estados Unidos at Canada at higit pang nadoble sa Britaniya, Hapón, at Sweden. Sa isang kamakailang pulong sa Paris tungkol sa mga kanser sa palahingahan, idiniin ng mga doktor na di-palak “ang pinakamabisang panlaban sa mga kanser na may kaugnayan sa paninigarilyo ay huminto ng paninigarilyo.”
Humihina ang Iglesya sa Netherlands
Kung magpapatuloy ang kausuhan, tatlong-kapat ng mga Olandes ay hindi na mapabibilang sa anumang relihiyon sa taóng 2020, ayon sa Staatscourant, ang opisyal na pahayagan ng gobyernong Olandes. Natuklasan ng isang kamakailang pagsusuri na pinamagatang “Secularization in the Netherlands 1966-1991” ang apat na panguhaning grupo sa gitna ng taong-bayang Olandes: 28 porsiyento ang walang relihiyosong pagpapalaki; 33 porsiyento ang may gayong pagpapalaki subalit matagal nang umalis sa simbahan; 28 porsiyento ang may relihiyosong pagpapalaki subalit bihira na ngayong magsimba o hindi na nagsisimba; at tanging 11 porsiyento ang nagsisimba nang madalas. Sinabi ng Staatscourant na ang paglayo mula sa mga iglesya ay lubusang naging kapansin-pansin sa mga Romano Katoliko at may ganitong komento: “Ang pangmalas ng mga Romano Katoliko ay waring salungat sa mga pangmalas ng kanilang espirituwal na mga lider. Nagkakaroon ng impresyon ang isa na ang kanilang awtoridad ay binabale-wala ng mga miyembro ng simbahan.”