Ang Relihiyon ay Pumapanig
Ang Relihiyon ay Pumapanig
NOONG Setyembre 1, 1939, sinalakay ng Alemanya ang Poland, sinisimulan ang Digmaang Pandaigdig II. Pagkalipas ng tatlong linggo ganito ang ulong-balita ng The New York Times: “Ang mga Sundalong Aleman ay Matinding Hinimok ng mga Iglesya na Lumaban.” Talaga bang itinaguyod ng mga iglesyang Aleman ang mga digmaan ni Hitler?
Kinilala ni Friedrich Heer, Romano Katolikong propesor ng kasaysayan sa Vienna University, na gayon nga ang ginawa nila: “Ang hindi maiiwasang mga katotohanan sa kasaysayang Aleman ay, ang Krus at ang swastika ay nagtulungan sa isa’t isa, hanggang sa ipahayag ng swastika ang mensahe ng tagumpay mula sa mga tore ng mga katedral sa Alemanya, ang mga bandilang swastika ay lumitaw sa mga altar at malugod na tinanggap ng Katoliko at Protestanteng mga teologo, pastor, klerigo at mga estadista ang pakikiisa kay Hitler.”
Tunay, ang mga lider ng iglesya ay nagbigay ng lubusang pagtaguyod sa pagsisikap sa digmaan ni Hitler, gaya ng isinulat ng Romano Katolikong propesor na si Gordon Zahn: “Ang Katolikong Aleman na umaasa sa kaniyang mga pinuno ng relihiyon para sa espirituwal na patnubay at direksiyon tungkol sa paglilingkod sa mga digmaan ni Hitler ay tumanggap ng halos parehong kasagutan na tatanggapin niya mula sa pinunong Nazi mismo.”
Ang mga Relihiyon sa Kabilang Panig
Subalit ano ba ang sinasabi ng mga relihiyon sa mga bansang laban sa Alemanya? Ang The New York Times ng Disyembre 29, 1966, ay nag-ulat: “Dati-rati ang lokal na mga herarkiyang Katoliko ay halos laging nagtataguyod sa mga digmaan ng kanilang mga bansa, binabasbasan ang mga kawal at naghahandog ng mga panalangin para sa tagumpay, samantalang ang ibang pangkat ng mga obispo sa kabilang panig ay hayagang nagdarasal para sa kabaligtarang resulta.”
Ang pagtaguyod bang ito ng magkalabang mga hukbo ay ginawa taglay ang pagsang-ayon ng Vaticano? Isaalang-alang ito: Noong Disyembre 8, 1939, mga tatlong buwan lamang pagkatapos ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II, si Papa Pius XII ay naglabas ng pastoral na liham na Asperis Commoti Anxietatibus. Ang liham ay pinatungkol sa mga kapelyan sa hukbo ng nagdirigmang mga bansa, at hinimok nito ang magkabilang panig na magtiwala sa kani-kanilang mga obispong militar. Ang liham ay nagpayo sa mga kapelyan “na bilang mga mandirigma para sa kanilang bansa ay makipagdigma rin sila para sa Iglesya.”
Ang relihiyon ay kadalasang agresibong nangunguna sa pagpapakilos sa mga bansa para sa digmaan. “Maging sa ating mga simbahan ay iniwagayway natin ang mga bandila ng digmaan,” sabi ng yumaong Harry Emerson Fosdick, isang klerigong Protestante. At tungkol naman sa unang digmaang pandaigdig, ang Britanong brigadier general na si Frank P. Crozier ay nagsabi: “Ang mga Iglesyang Kristiyano ang pinakamagaling na mga promotor ng pagbububo ng dugo na mayroon tayo, at malaya nating ginamit ang mga ito.”
Gayunman, iyan ang rekord ng relihiyon noon. Kumusta naman ang kasalukuyang bahagi nito sa digmaan sa mga republika ng dating Yugoslavia, kung saan ang karamihan ng mga tao ay alin sa Romano Katoliko o Ortodoxo?
Ang Pananagutan ng Relihiyon
Isang ulong-balita sa Asiaweek ng Oktubre 20, 1993, ang nagsabi: “Ang Bosnia ang Sentro ng Relihiyosong Labanan.” Isang ulong-balita para sa isang komentaryo sa San Antonio Express-News ng Hunyo 13, 1993, ay nagpahayag: “Dapat Wakasan ng mga Pinuno ng Relihiyon ang mga Pighati sa Bosnia.” Sabi ng artikulo: “Hindi maaaring alisin ng mga relihiyong Romano Katoliko, Silanganing Ortodoxo at Muslim . . . ang pananagutan sa kung ano ang nangyayari. Hindi sa pagkakataong ito, hindi kung kailan ang mga tao sa buong daigdig ay nanonood gabi-gabi ng balita sa telebisyon. Ito’y digmaan ng mga relihiyon. . . . Ang simulain na ang mga lider ng relihiyon ang may pananagutan sa digmaan ay maliwanag. Ang kanila mismong pagbabanal-banalan ang pumupukaw nito. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbasbas sa isang panig laban sa kabilang panig.”
Halimbawa, bakit napakatindi ng pagkapoot sa pagitan ng mga miyembro ng Iglesya Katolika Romana at ng mga Iglesya ng Silanganing Ortodoxo? Ang mga papa, patriyarka, at iba pang mga lider ng relihiyon ang may pananagutan. Mula noong huling paghihiwalay sa pagitan ng mga relihiyong ito noong 1054, ang mga lider ng relihiyon ay nagtaguyod ng pagkapoot at mga digmaan sa pagitan ng kanilang mga miyembro. Binanggit ng pahayagan sa Montenegro na Pobeda, Setyembre 20, 1991, ang relihiyosong paghihiwalay na iyon at ang mga resulta nito sa isang artikulo tungkol sa kasalukuyang digmaan. Sa ilalim ng titulong “Mga Mamamatay-Tao sa Ngalan ng Diyos,” ang artikulo ay nagsabi:
“Hindi ito isang problema tungkol sa pulitika sa pagitan ni Tudjman [pangulo ng Croatia] at ni Milošević [lider ng Serbia] kundi bagkus ito ay isang relihiyosong digmaan. Dapat banggitin na sanlibong taon na ang nakalipas simula nang ipasiyang alisin ng Papa ang relihiyong Ortodoxo bilang isang karibal. . . . Noong 1054 . . . ipinahayag ng Papa ang Iglesya Ortodoxo na siyang may pananagutan sa paghihiwalay. . . . Noong 1900 malinaw na ipinaliwanag ng unang kongresong Katoliko ang planong paglipol sa Ortodoxo sa ika-20 siglo. Ang planong [ito] ay nangyayari sa ngayon.”
Gayunman, ang kasalukuyang labanan ay hindi ang unang halimbawa ng relihiyosong alitan sa siglong ito. Limampung taon na ang nakalipas, noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, sinikap alisin ng mga Romano Katoliko ang pagkanaroroon ng Iglesya Ortodoxo sa dakong iyon. Taglay ang pagsuporta ng papa, ang nasyonalistang kilusan ng Croatia na tinatawag na Ustashi ang namahala sa malayang estado ng Croatia. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nag-uulat na ang pamamahalang ito na sinang-ayunan ng Vaticano ay gumamit ng “di-pangkaraniwang brutal na mga gawain, na kinabibilangan ng pagpatay ng daan-daang libong Serb at Judio.”
Sa aklat na The Yugoslav Auschwitz and the Vatican, ang mga pagpatay na ito ay hindi lamang suportado ng mga dokumento—na nagsasangkot ng sampu-sampung libong biktima—kundi ang pagkasangkot dito ng Vaticano ay suportado rin ng mga dokumento.
Sa kabilang dako naman, itinaguyod ng Iglesya Ortodoxo ang mga Serb sa kanilang digmaan. Sa katunayan, isang yunit lider sa Serbia ay sinipi na nagsasabi: ‘Ang Patriyarka ang aking kumander.’
Ano ang maaari sanang gawin upang ihinto ang pagpapatayan, na sa Bosnia at Herzegovina lamang ay nag-iwan ng kasindami ng 150,000 patay o nawawala? Si Fred Schmidt ay nagsabi sa San Antonio Express-News na ang UN Security Council ay dapat na magpasa ng “isang pormal na resolusyon
na nagpapayo sa papa, sa patriyarka ng Constantinople, at [sa iba pang mga lider] ng mga relihiyong Katoliko, Silanganing Ortodoxo, at Muslim na may pamamahala sa Bosnia-Herzegovina na ipag-utos karaka-raka na itigil ang labanan at magtipong sama-sama upang alamin kung paano magagawa ng kanilang mga tagasunod na mamuhay bilang mga magkakapitbahay ang mga miyembro ng ibang relihiyon.”Sa isang kahawig na diwa, isang komentaryo sa Progress Tribune ng Scottsdale, Arizona, ang naghinuha na ang digmaan “ay maaaring ihinto kung ang mga lider ng relihiyon doon ay maging seryoso sa pagpapahinto nito.” Ang artikulo ay nagmungkahi na gawin nila iyon “sa pamamagitan ng pagtitiwalag karaka-raka sa sinumang miyembro ng kongregasyon na magpapaputok sa Sarajevo.”
Walang Tunay na Lakas sa Pagtataguyod ng Kapayapaan
Gayunpaman, ang mga papa ay walang pagbabagong tumangging itiwalag ang pinakamasamang mga kriminal ng digmaan, kahit na kung ang mga kapuwa Katoliko ay umapela para isagawa ang pagkilos na iyon. Halimbawa, ang Catholic Telegraph-Register ng Cincinnati, Ohio, E.U.A., sa ilalim ng pamagat na “Pinalaki Bilang Katoliko Ngunit Nilalabag ang Pananampalataya Sabi ng Kablegrama sa Papa,” ay nag-ulat: “Isang apela ang ginawa kay Pius XII na ang Lider ng Ikatlong Reich na si Adolf Hitler ay itiwalag. . . . ‘Si Adolf Hitler,’ sabi [ng kablegrama] sa bahagi, ‘ay isinilang sa mga magulang na Katoliko, bininyagang isang Katoliko, at pinalaki at pinag-aral na gayon.’ ” Gayunman si Hitler ay hindi kailanman itiniwalag.
Isaalang-alang din, ang situwasyon sa mga bahagi ng Aprika kung saan nagngangalit ang malupit na digmaan. Labinlimang Romano Katolikong mga obispo mula sa Aprikanong mga bansa ng Burundi, Rwanda, Tanzania, Uganda, at Zaire ang nagtapat na, sa kabila ng pagkakaroon ng maraming
bautisadong “mga Kristiyano” sa rehiyong iyon, “ang panloob na mga labanan ay humantong sa walang-awang mga pagpatay, paglipol at sapilitang pag-aalis ng mga tao.” Inamin ng mga obispo na ang pangunahing sanhi ng problema “ay na ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi sapat na nakaimpluwensiya sa kaisipan ng mga tao.”Ang National Catholic Reporter ng Abril 8, 1994, ay nagsabi na “ang papa . . . ay nakadama ng ‘matinding kirot’ dahil sa bagong mga ulat tungkol sa labanan sa maliit na Aprikanong bansa [ng Burundi], na ang nakararami sa populasyon ay Katoliko.” Sinabi ng papa na sa Rwanda, kung saan halos 70 porsiyento ng populasyon ay Katoliko, “maging ang mga Katoliko ay may pananagutan” sa mga pagpatay. Oo, ang mga Katoliko sa magkabilang panig ay walang-awang nagpatayan sa isa’t isa, gaya ng ginawa nila sa di-mabilang na mga digmaan noon. At, gaya ng binanggit namin, gayundin ang ginawa ng ibang relihiyon.
Dapat ba tayong maghinuha kung gayon na ang lahat ng mga relihiyon ay pumapanig sa digmaan? Mayroon bang anumang relihiyon na isang tunay na lakas sa pagtataguyod ng kapayapaan?
[Larawan sa pahina 5]
Si Hitler, makikita rito na kasama ng papal nuncio na si Basallo di Torregrossa, ay hindi kailanman itiniwalag
[Credit Line]
Bundesarchiv Koblenz