Ang Tunay na mga Kristiyano at ang Digmaan
Ang Tunay na mga Kristiyano at ang Digmaan
SINABI ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” (Juan 13:34) Maaari kayang ipakita ng tunay na mga Kristiyano ang gayong pag-ibig sa isa’t isa at kasabay nito ay makibahagi sa digmaan at patayin ang isa’t isa?
Isaalang-alang din ang katanungan ni apostol Pablo: “Nabahagi ba si Kristo?” (1 Corinto 1:13, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko) Tanungin ang iyong sarili: ‘Mayroon bang anumang hihigit pang pagkakabahagi kaysa yaong ang mga miyembro ng iisang relihiyon na nagpapatayan sa isa’t isa?’
Tunay, hindi tayo dapat magtaka na malaman na ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nakipagdigma. Ganito ang sabi ng kilalang Encylopædia of Religion and Ethics ni Hastings: “Ang pangmalas ay totoong laganap sa gitna ng sinaunang mga Kristiyano anupat ang digmaan ay isang organisadong kawalan ng katarungan na dapat lubusang iwasan ng Iglesya at ng mga tagasunod ni Kristo.”
Ang sinaunang mga Kristiyano ay namuhay ayon sa utos ni Jesus na ibigin ang isa’t isa. Ang teologong Aleman na si Peter Meinhold ay nagpaliwanag: “Bagaman hindi binabanggit ng Bagong Tipan ang tungkol sa problema kung baga ang mga Kristiyano ay maaari o hindi maaaring maging mga sundalo at kung dapat silang magbitiw sa hukbo kung sila’y maging mga Kristiyano, ang kongregasyong Kristiyano noong unang-siglo ay nanindigan sa isyung ito. Ang pagiging Kristiyano at isang sundalo ay itinuturing na hindi magkasuwato.” Mayroon ba sa ngayon na naninindigang gaya ng “kongregasyong Kristiyano noong unang-siglo”?
Mayroon bang Tunay na mga Kristiyano sa Ngayon?
Ang Encyclopedia Canadiana ay nagsasabi: “Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ang muling pagsauli at muling-pagtatatag ng sinaunang
Kristiyanismo na isinagawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong una at ikalawang siglo ng ating panahon. . . . Ang lahat ay magkakapatid.”Paano ito aktuwal na ikinakapit? “Pinananatili ng mga Saksi ni Jehova ang ganap na neutralidad sa panahon ng digmaan,” sabi ng Australian Encyclopædia. Bagaman bilang mga indibiduwal maaari nilang piliin ang paninindigang ito, hindi sila nakikialam sa mga gawain ng pamahalaan kung saan sila nakatira. Sa gayon hindi nila itinaguyod ang digmaan ni Hitler, kaya walang isa man sa kanila ang nilitis noong panahon ng mga paglilitis sa Nuremberg bilang mga kriminal ng digmaan.
Isang Aleman na nahatulang maysala at binitay ay si Alfred Rosenberg, pinuno ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Partido Nazi. Ipinagtatanggol ang patakarang Nazi sa paglalagay ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan, si Rosenberg ay tumestigo noong panahon ng kaniyang paglilitis: “Isang Amerikanong kapelyan ang napakabait na nagbigay sa akin sa selda ko ng isang pahayagan ng simbahan mula sa Columbus [Ohio]. Napag-alaman ko mula roon na inaresto rin ng Estados Unidos, ang mga Saksi ni Jehova noong panahon ng digmaan at na hanggang noong Disyembre 1945, 11,000 sa kanila ang nakakulong pa rin sa mga kampo.” Totoo na ang mga Saksi ni Jehova ay ganap na neutral, hindi pumapanig sa pulitikal na mga alitan. Hindi sila nagbubo ng anumang dugo, sa Digmaang Pandaigdig II o sa anumang iba pang digmaan.
Sa Hungary, isang manunulat sa magasing Ring ng Nobyembre 4, 1992, ay nagsabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Pipiliin pa nilang mamatay kaysa pumatay. Dahil dito, natitiyak ko na kung mga Saksi ni Jehova lamang ang mamumuhay sa lupa kung gayon ay hindi sisiklab ang mga digmaan saanman.” Tinalakay ni Reo M. Christenson, isang propesor ng political science, sa The Christian Century kung baga ang tunay na Kristiyano ay maaaring makibahagi sa digmaan, at siya’y naghinuha:
“Maguguniguni ba ng sinuman si Jesus na naghahagis ng granada sa kaniyang mga kaaway, gumagamit ng machine gun, humahawak ng isang flamethrower, naghuhulog ng mga bombang nuklear o naglulunsad ng isang ICBM na papatay o lulumpo sa libu-libong ina at mga anak? Ang katanungan ay totoong baligho anupat hindi ito nangangailangan ng sagot. Kung hindi ito magagawa ni Jesus at kasabay nito’y maging tapat sa mga inaasahan sa kaniya, paano natin magagawa ito at maging tapat sa kaniya?” Isa itong pumupukaw-kaisipang tanong.
Gayunman, ang mga relihiyon sa daigdig ay patuloy na pumapanig sa digmaan. Ang mga Katoliko ay patuloy na pumapatay ng mga Katoliko, at yaon sa ibang relihiyon ay pinapatay alin sa kanila mismong karelihiyon o mga miyembro ng ibang relihiyon. Upang masunod ang mga turo ni Jesu-Kristo, kailangan ang matibay na paniniwala at lakas ng loob, gaya ng isinisiwalat ng kasunod na tunay na istorya.
[Larawan sa pahina 7]
Maguguniguni ba ng sinuman si Jesus na gumagamit ng isang machine gun sa digmaan?
[Credit Line]
U.S. National Archives photo