Bamboo Organ—Pambihirang Musika ng Pilipinas
Bamboo Organ—Pambihirang Musika ng Pilipinas
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PILIPINAS
ANG mga organ ay umiral sa iba’t ibang anyo sa mahigit na 2,000 taon. Ang mga pamamaraan upang gawin ang mga ito ay iba’t iba, subalit ang pangkaraniwan sa lahat ng organ ay ang mga hanay ng mga tipano (pipe) na bahagi ng tumutunog na mekanismo. Pangkaraniwan nang yari ang mga ito sa kahoy at metal. Gayunman, ang organ na ibig naming isalaysay sa inyo ay may mga tipano na pangunahin nang yari sa kawayan. Ang kabuuang 832 mula sa 953 tumutunog na mga tipano ay kawayan. Ang iba naman ay metal. Karagdagan pa, may mga tipano na palamuti lamang.
Paano gumagana ang bamboo organ? Ang tuntunin ay katulad din sa ibang tipanong mga organ. Dalawang uri ng tipano ang ginagamit, at ang hangin ay inihihip sa mga ito upang magdulot ng musika. Ang mga flue pipe—na may kalahating butas na malapit sa mga nagdurugtong dito kasama ang console (lalagyan ng tipahan at ibang mga kontrol)—ay tumutunog na katulad sa isang plauta. Ang mga reed pipe—na may elementong para bang yumayanig sa loob—ay tumutunog sa paraang gaya ng klarinete o ng isang saxophone. Ang bagay na yari sa kawayan ang karamihan ng tipano ang nagbibigay sa organ na ito ng pantanging akustikong mga katangian.
Paggawa ng Organ
Ang paggawa nitong bamboo organ ay pinasimulan noong 1816 ng isang misyonerong Kastila, na si Diego Cera. Bakit ginamit ang kawayan? Kung iisipin ang bahagyang karukhaan sa lugar, marahil ang pangangailangan na gamitin ang mumurahing mga materyal ay isang salik. Higit pa, walang alinlangan na ibig ng gumawa ng organ na gumamit ng angkop na lokal na mga materyal.
Noong 1816, ang mga kawayan ay pinuputol at ibinabaon sa buhanginan ng dalampasigan sa loob ng halos isang taon. Ang mga natitira sa ganitong pagkahantad sa mga insekto at sa ulan at araw ay itinuturing na matitibay na uri at ginagamit sa paggawa ng organ. Nang sumunod na ilang taon, ang iba’t ibang bahagi ng organ ay isa-isang binubuo. Nang ang bunton ay matapos noong 1821, ipinahayag na “ito ang pinakamahusay at kauna-unahang may mataas na uri sa bansa.”
Namamalagi sa Kabila ng Mahihirap na Kalagayan
Ang naging buhay ng bamboo organ ay hindi madali. Nasaksihan ng taóng 1829 ang mga lindol sa bayan ng Las Piñas kung saan matatagpuan ang organ. Ang bubong ng gusali na kinalalagyan nito ay nawasak, at malamang na ang organ ay nahantad
sumandali sa iba’t ibang kalagayan ng panahon. Noong 1863 isang di-pangkaraniwang malakas na lindol ang sanhi ng higit pang pinsala sa organ. Ang ilang tipano ay pinalitan, subalit pininsala ito ng mga insekto sa mahaba-haba ring panahon. Noong 1880 isa pang mapangwasak na lindol ang malubhang sumira sa gusali na kinalalagyan ng organ, at isang bagyo ang humampas bago pa lubusang nakumpuni ang gusali. Sa panahong iyon nangalat na ang iba’t ibang piraso ng organ.Sinikap na kumpunihin ito sa loob ng mga taon, subalit ang isa sa gayong pagsisikap sa pagkumpuni ay nagbunga ng permanenteng pinsala. Nilagare ng isang nagkumpuni ang mga bahagi ng kawayang tipano upang maikabit ang ilang nagbibigay-tonong balbula. Ito ang namalaging nakapagpabago sa tono ng organ. At, sa kabila ng mga pagsisikap na kumpunihin, nagpatuloy na masira ang organ.
Naranasan din ng organ ang digmaan. Ang Las Piñas ay lugar ng maikling labanan sa pagitan ng mga Pilipino at mga Kastila noong dakong huli ng dekada ng 1890, at sa pagitan ng mga Pilipino at mga Amerikano noong panahon ng Digmaang Pilipinas-Amerika. Gayunman, sa kabila ng unti-unting pagkasira nito, ipinakita ng mga ulat na mula 1911 hanggang 1913 ay dinayo ang organ ng mga bisita.
Ang mga taon na 1941 hanggang 1945 ay nagdulot ng ikalawang digmaang pandaigdig sa Pilipinas. Noong panahon ng pananakop ng mga Hapones, ang organ ay napagtuunan ng pansin ni Markés Y. Tokugawa, isang kamag-anak ni Emperador Hirohito. Isinaayos niya ang bahagyang mga pagkukumpuni, subalit pagkatapos niyaon kakaunti lamang ang nagawa sa instrumento sa loob ng maraming taon.
Pagkatapos, noong dekada ng 1970, mga kapahayagan ng pagsuporta ang bumangon tungkol sa pagpapanumbalik nito. Sa daan-daang kawayang tipano, 45 ang nawawala, at 304 ang hindi gumagana. Isang pugad ng ibon ang nakita sa loob nito. May magagawa ba upang maisauli ang organ sa dating husay ng pagtugtog nito?
Pagpapanumbalik
Ang proyekto ng pagpapanumbalik ay nagsimula noong Marso 1973, isang kilalang banyagang kompaniya ang pinagkatiwalaang magsagawa nito. Ang mga tipano ay ipinadala sa Hapón, at ang kalakhang bahagi ng organ ay ipinadala sa Alemanya. Doon, isang pantanging silid ang itinayo upang matularan ang klima sa Pilipinas. Sa silid na ito isinagawa ang pagpapanumbalik nito.
Ang tunguhin ay gawin itong katulad na katulad hangga’t maaari ng orihinal na disenyo. Sa wakas, natapos ang pagkukumpuni. Ang mga tipano na kinumpuni sa Hapón ay ipinadala sa Alemanya. Ang kumpletong organ ay binuo muli at sinubukan. Pagkatapos, noong Pebrero 18, 1975, nakasiya ito sa pandinig ng tagapakinig na mga Aleman sa isang oras na konsiyerto.
Di-nagtagal pagkatapos nito’y inimpake ang organ sa napakaraming kahoy na kahon, at ang buong 5,626 na kilo nito ay ibinalik sa Pilipinas sa kagandahang-loob ng sistema ng paliparan ng Belgium. Tumanggap ito ng maringal na pagtanggap sa Las Piñas, ang bayan na kalalagyan nito. Tatlumpung libong tao ang nakapanood ng parada na kumpleto sa karosa na naglalarawan ng mga yugto sa kasaysayan ng instrumento.
Noong Mayo 9, 1975, handa na ang bamboo organ para sa pasinayang konsiyerto nito. Itinampok ang isang Aleman na organista kasama ang Pilipinong mga musikero habang ang bamboo organ ay ipinakikilala muli sa Pilipinas.
Pinahahalagahan mo ba ang kaloob na musika na ibinigay sa atin ng ating Maylikha? Ibig mo bang makarinig ng medyo naiibang musika? Kung magkakaroon ka ng pagkakataon na marinig ang bamboo organ sa Las Piñas, walang alinlangan na masisiyahan ka sa nakalulugod na musikang ito ng Pilipinas.