Hindi Namin Itinaguyod ang Digmaan ni Hitler
Hindi Namin Itinaguyod ang Digmaan ni Hitler
GAYA NG INILAHAD NI FRANZ WOHLFAHRT
ANG Tatay ko, si Gregor Wohlfahrt, ay naglingkod sa hukbo ng Austria noong Digmaang Pandaigdig I (1914 hanggang 1918) at nakipagdigma laban sa Italya. Lahat-lahat, daan-daang libong taga-Austria at mga Italyano ang namatay. Ang kasindakán ng karanasang iyon ay lubusang bumago sa pananaw ni Tatay sa relihiyon at digmaan.
Nakita ni Tatay ang mga paring taga-Austria na nagbabasbas sa mga kawal, at nalaman niya na gayundin ang ginagawa ng mga paring Italyano sa kabilang panig. Kaya siya ay nagtanong: “Bakit ang mga sundalong Katoliko ay hinihimok na patayin ang ibang Katoliko? Ang mga Kristiyano ba ay dapat na makipagdigma sa isa’t isa?” Ang mga pari ay walang kasiya-siyang mga sagot.
Mga Sagot sa mga Tanong ni Tatay
Pagkatapos ng digmaan si Tatay ay nag-asawa at nanirahan sa kabundukan ng Austria malapit sa mga hangganan ng Italya at Yugoslavia. Doon ako isinilang noong 1920, ang panganay sa anim na mga anak. Nang ako’y anim na taon, kami’y lumipat mga ilang kilometro pasilangan tungo sa St. Martin na malapit sa pamasyalang bayan ng Pörtschach.
Habang kami’y nakatira roon, ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova (noo’y tinatawag na mga Bible Student) ay dumalaw sa aking mga magulang. Noong 1929 nag-iwan sila ng bukletang Prosperity Sure, na sumagot sa maraming katanungan ni Tatay. Ipinakita nito buhat sa Bibliya na ang sanlibutan ay kontrolado ng isang di-nakikitang pinuno na tinatawag na Diyablo at Satanas. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9) Ang kaniyang impluwensiya sa relihiyon, pulitika, at komersiyo sa sanlibutang ito ang may pananagutan sa mga kakilabutan na nakita ni Tatay noong Digmaang Pandaigdig I. Sa wakas ay nasumpungan ni Tatay ang mga sagot na hinahanap niya.
Masigasig na Ministeryo
Si Tatay ay pumidido ng literatura mula sa Watch Tower Bible and Tract Society at nagsimulang ipamahagi ito sa kaniyang mga kamag-anak at pagkatapos ay sa bahay-bahay. Di-nagtagal si Hans Stossier, isang binatilyong kapitbahay na 20 anyos lamang, ay sumama sa kaniya sa bahay-bahay na ministeryo. Di-nagtagal, lima sa aming mga kamag-anak ang naging mga Saksi rin—ang kuya ni Tatay na si Franz, ang asawa niyang si Anna, at nang maglaon ang kanilang anak na si Anton, ang kapatid na babae ni Tatay na si Maria, at ang asawa niya, si Hermann.
Ito’y lumikha ng ganap ng kaguluhan sa aming munting bayan ng St. Martin. Sa paaralan isang estudyante ang nagtanong sa aming gurong Katoliko, “Padre Loigge, sino po ba ang bagong diyos na Jehova na sinasamba ng mga Wohlfahrt?”
“Hindi, hindi, mga bata,” sagot ng pari. “Hindi ito isang bagong diyos. Si Jehova ang Ama ni Jesu-Kristo. Kung ipinalalaganap nila ang mensahe udyok ng pag-ibig sa Diyos na iyon, iyan ay napakahusay.”
Natatandaan ko ang aking tatay na maraming ulit na umaalis ng bahay ng ala 1:00 n.u. dala ang mga literatura sa Bibliya at isang sandwich. Pagkaraan ng anim o pitong oras, mararating na niya ang pinakadulo ng kaniyang teritoryo, malapit sa hangganan ng Italya. Ako’y sumasama sa kaniya sa mas malalapit na paglalakbay.
Sa kabila ng kaniyang ministeryo sa publiko, hindi kinaligtaan ni Tatay ang espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Nang ako’y mga sampung taon, sinimulan niya ang isang regular na lingguhang pag-aaral sa Bibliya sa aming lahat na anim, na ginagamit ang aklat na The Harp of God. Kung minsan ang aming bahay
ay mapupuno ng interesadong mga kapitbahay at mga kamag-anak. Di-nagtagal may isang kongregasyon ng 26 na tagapaghayag ng Kaharian sa aming munting bayan.Si Hitler ay Naging Makapangyarihan
Si Hitler ay naging makapangyarihan sa Alemanya noong 1933, at ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay tumindi magmula noon. Noong 1937, si Tatay ay dumalo sa isang kombensiyon sa Prague, Czechoslovakia. Ang mga kombensiyunista ay binabalaan tungkol sa mga pagsubok sa hinaharap, kaya sa kaniyang pagbabalik kaming lahat ay hinimok ni Tatay na maghanda para sa pag-uusig.
Samantala, sa gulang na 16, ako’y nagsimulang maging aprendis bilang isang pintor ng bahay. Ako’y tumira na kasama ng isang maestro pintor at nag-aral ako sa isang paaralang panghanapbuhay. Isang may edad na paring tumakas sa Alemanya upang takasan ang rehimen ng Nazi ang nagtuturo ng relihiyon sa klase sa paaralan. Nang batiin siya ng mga estudyante ng “Heil Hitler!” siya’y nayamot at nagtanong: “Anong mali sa ating paniniwala?”
Sinamantala ko ang pagkakataon at nagtanong ako kung bakit ang mga Katoliko ay gumagamit ng mga titulong gaya ng “Ang Inyong Kabunyian” at “Santo Papa,” yamang sinabi ni Jesus na ang lahat ng kaniyang mga tagasunod ay magkakapatid. (Mateo 23:8-10) Kinilala ng pari na ang paggawa nito ay mali at na siya mismo ay kinagagalitan dahil sa ayaw niyang yumuko sa harap ng obispo at humalik sa kamay nito. Pagkatapos ay nagtanong ako: “Paano po naging posible na pumatay ng kapuwa nila mga Katoliko na may pagbasbas ng Simbahan?”
“Ito ang pinakamalaking kahihiyan!” bulalas ng pari. “Hindi na ito dapat na mangyari muli. Tayo’y mga Kristiyano at ang Simbahan ay hindi dapat masangkot sa digmaan.”
Noong Marso 12, 1938, ang hukbo ni Hitler ay sumugod nang walang pagtutol sa Austria at di-nagtagal ay ginawa itong isang bahagi ng Alemanya. Agad na itinaguyod siya ng mga relihiyon. Sa katunayan, pagkalipas ng wala pang isang linggo, lahat ng anim na obispong taga-Austria pati na si Kardinal Theodore Innitzer ay lumagda ng isang lubhang pabor na “solemneng deklarasyon” kung saan sinabi nila na sa darating na mga eleksiyon “kailangan at pambansang tungkulin bilang mga Aleman, na kaming mga Obispo ay bumoto sa Alemang Reich.” (Tingnan ang pahina 9.) Nagkaroon ng isang malaking handaan sa Vienna kung saan si Kardinal Innitzer ang kabilang sa unang bumati kay Hitler sa pamamagitan ng saludong Nazi. Ipinag-utos ng kardinal sa lahat ng simbahan sa Austria na magwagayway ng bandilang swastika, patugtugin ang kanilang mga kampana, at magdasal para sa diktador na Nazi.
Wari bang ang pulitikal na kalagayan sa Austria ay nagbago sa magdamag. Ang mga storm trooper (malulupit na hukbong Nazi) na nakasuot ng kanilang kakeng mga uniporme na may mga gasang may nakatatak na swastika ang naglitawang parang mga kabute. Ang paring nagsabi noon na ang Simbahan ay hindi dapat masangkot sa digmaan
ang isa sa ilang pari na tumangging magsabi ng, “Heil Hitler!” Nang sumunod na linggo isang bagong pari ang humalili sa kaniya. Ang unang ginawa ng bagong pari pagpasok sa klase ay patunugin ang mga takong ng kaniyang sapatos, itaas ang kaniyang kamay bilang pagsaludo, at nagsabi: “Heil Hitler!”Panggigipit na Sumunod
Ang lahat ay nalantad sa panggigipit ng mga Nazi. Kapag binabati ko ang mga tao ng “Guten Tag” (Magandang araw) sa halip ng “Heil Hitler,” sila’y nagagalit. Mga 12 beses na ako’y isinumbong sa Gestapo. Minsan isang pangkat ng mga storm trooper ang nagbanta sa maestro pintor na tinutuluyan ko, nagsasabi na kung hindi ako sasaludo at sasama sa Hitler Youth, ako’y ipadadala sa isang kampong piitan. Ang pintor, na may simpatiya sa Nazi, ay humiling sa kanila na pagpaumanhinan ako sapagkat natitiyak niya na balang araw ay magbabago ako. Ipinaliwanag niya na ayaw niyang mawala ako sapagkat ako’y isang mahusay na manggagawa.
Nang mamahala ang Nazi, nagkaroon ng malalaking martsa na nagpatuloy hanggang sa gabi, at may pagkapanatikong isinisigaw ng mga tao ang mga sawikain. Araw-araw ay malakas na maririnig sa mga radyo ang mga talumpati ni Hitler, Goebbels, at ng iba pa. Ang pagpapasakop ng Iglesya Katolika kay Hitler ay sumidhi, habang ipinagdarasal at binabasbasan ng mga pari si Hitler.
Ipinagunita sa akin ni Tatay ang pangangailangan na manindigang matatag at ialay ang aking buhay kay Jehova at magpabautismo. Binanggit din niya sa akin ang tungkol kay Maria Stossier, ang nakababatang kapatid ng aming kapitbahay na si Hans, na nanindigang matatag sa katotohanan ng Bibliya. Kami ni Maria ay nagkasundong pakasal, at hinimok ako ni Tatay na maging isang pampatibay-loob sa kaniya sa espirituwal na paraan. Kami ni Maria ay nabautismuhan noong Agosto 1939 ng kaniyang kapatid na si Hans.
Ang Ulirang Katapatan ni Tatay
Kinabukasan si Tatay ay ipinatawag para sa paglilingkod militar. Bagaman ang kaniyang mahinang kalusugan, dahil sa mga hirap na dinanas niya noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ay maaari sanang humadlang sa kaniya sa militar na paglilingkod, sinabi ni Tatay sa mga nagtatanong na bilang isang Kristiyano siya ay hindi na kailanman masasangkot na muli sa digmaan gaya ng ginawa niya noong siya’y isang Katoliko. Dahil sa sagot na ito siya ay ikinulong para sa higit pang imbestigasyon.
Pagkaraan ng isang linggo nang sakupin ng Alemanya ang Poland, na nagpasimula sa Digmaang Pandaigdig II, siya ay dinala sa Vienna. Samantalang siya’y ikinulong doon, ang alkalde ng aming distrito ay sumulat na nagsasabing si Tatay ang may pananagutan kung bakit ang ibang mga Saksi ay tumangging sumuporta kay Hitler at samakatuwid si Tatay ay dapat na bitayin. Bunga nito, si Tatay ay ipinadala sa Berlin at agad na nahatulang pugutan ng ulo. Siya ay ikinulong na nakakadena araw at gabi sa piitan ng Moabit.
Samantala ako ay sumulat kay Tatay alang-alang sa pamilya at sinabi ko sa kaniya na kami’y determinadong sumunod sa kaniyang tapat na halimbawa. Si Tatay ay karaniwan nang hindi isang emosyonal na tao, subalit nauunawaan namin kung ano ang nadama niya nang makarating sa amin ang huling sulat niya na may bakas ng mga luha. Maligayang-maligaya siya na naunawaan namin ang kaniyang paninindigan. Sumulat siya ng mga pampatibay-loob, binabanggit ang bawat isa sa amin sa pangalan at hinihimok kaming manatiling tapat. Ang pag-asa niya sa pagkabuhay-muli ay malakas.
Bukod kay Tatay, halos 24 pang mga Saksi ang nakakulong sa piitan sa Moabit. Sinikap ng matataas na opisyal ni Hitler na hikayatin silang talikdan ang kanilang pananampalataya subalit hindi sila nagtagumpay. Noong Disyembre 1939, mga 25 Saksi ang pinatay. Nang malaman ang tungkol sa pagpatay kay Tatay, ipinahayag ni Nanay na gayon na lamang ang pasasalamat niya kay Jehova na binigyan Niya si Tatay ng lakas na manatiling tapat hanggang kamatayan.
Nagsimula ang Aking mga Pagsubok
Pagkalipas ng ilang linggo, ako’y ipinatawag para sa gawaing paglilingkod subalit agad kong nalaman na ang pangunahing gawain ay pagsasanay militar. Ipinaliwanag ko na hindi ako maglilingkod sa hukbo subalit ako’y gagawa ng ibang gawain. Gayunman, nang ako’y tumangging umawit ng mga awiting pandigma ng Nazi, ang mga opisyal ay nagalit.
Kinaumagahan ako’y humarap na nakadamit sibilyan sa halip ng ibinigay sa aming uniporme ng
hukbo. Ang namamahalang opisyal ay nagsabi na wala siyang magagawa kundi ang ilagay ako sa bartolina. Doon ay nabuhay ako sa pagkain ng tinapay at tubig. Nang maglaon ako’y sinabihan na magkakaroon ng isang seremonya ng pagsaludo sa bandila, at ako’y binabalaan na ang pagtangging makibahagi ay mangangahulugan ng pagbaril sa akin.Sa sanayang dako ay may 300 bagong kawal gayundin ng mga opisyal ng militar. Ako’y inutusang magtungo sa mga opisyal at sa bandilang swastika at sumaludo ng saludong Hitler. Kumukuha ng espirituwal na lakas mula sa ulat ng Bibliya tungkol sa tatlong Hebreo, ako’y basta nagsabi, “Guten Tag” (Magandang araw), habang ako’y nagdaraan. (Daniel 3:1-30) Ako’y inutusang magdaang muli. Sa pagkakataong ito ay wala akong sinabing anuman, ngumiti lamang ako.
Nang ako’y ibalik ng apat na opisyal sa bartolina, sinabi nila sa akin na sila’y nanginginig sapagkat inaasahan nilang ako’y babarilin. “Paano naging posible,” tanong nila, “na ikaw ay ngumingiti at kami’y ninenerbiyos nang husto?” Sinabi nilang sana’y taglay nila ang aking lakas ng loob.
Pagkaraan ng ilang araw, si Dr. Almendinger, isang mataas na opisyal sa punong-tanggapan ni Hitler sa Berlin, ay dumating sa kampo. Ako’y ipinatawag na humarap sa kaniya. Ipinaliwanag niya sa akin na ang mga batas ay naging mas matindi ngayon. “Hindi mo nalalaman kung anong hirap ang haharapin mo,” aniya.
“Oh, nalalaman ko po,” sagot ko. “Ang aking ama ay pinugutan ng ulo sa gayunding dahilan mga ilang linggo lamang ang nakalipas.” Natigilan siya dahil sa pagkamangha at nanahimik.
Nang maglaon isa pang mataas na opisyal mula sa Berlin ang dumating, at higit pang pagsisikap ang ginawa upang baguhin ang isip ko. Pagkatapos marinig kung bakit ayaw kong labagin ang mga batas ng Diyos, inabot niya ang aking kamay at, dumadaloy ang mga luha sa kaniyang mukha, sinabi niya: “Nais kong iligtas ang buhay mo!” Lahat ng mga opisyal na nagmamasid ay naantig ang damdamin. Ako’y muling binalik sa bartolina kung saan ako’y gumugol ng 33 araw lahat-lahat.
Paglilitis at Pagkabilanggo
Noong Abril 1940, ako’y inilipat sa isang bilangguan sa Fürstenfeld. Pagkaraan ng ilang araw ang aking katipan, si Maria, at ang aking kapatid na si Gregor ay dumalaw. Si Gregor ay isa’t kalahating taon lamang na mas bata sa akin, at siya’y nanindigang matatag sa katotohanan ng Bibliya sa paaralan. Natatandaan ko ang paghimok niya sa aming mga nakababatang mga kapatid na maging handa sa pag-uusig, sinasabing may isa lamang paraan, maglingkod kay Jehova! Ang mahahalagang oras na ginugol namin sa isa’t isa ang kahuli-hulihang pagkakita ko sa kaniya nang buháy. Nang maglaon, sa Graz, ako’y nahatulan ng limang taon ng mahirap na pagtatrabaho.
Noong taglagas ng 1940, ako’y isinakay sa isang tren na patungo sa isang labor camp sa Czechoslovakia, subalit ako’y naantala sa Vienna at ikinulong doon. Ang mga kalagayan ay kakila-kilabot. Hindi lamang ako dumanas ng gutom, kundi ako’y kinagat ng malalaking surot sa gabi na nagpangyari sa aking laman na magdugo at parang nag-aapoy. Sa mga kadahilanang hindi ko alam noon, ako’y ibinalik sa bilangguan sa Graz.
May interes sa aking kaso sapagkat inilarawan ng Gestapo ang mga Saksi ni Jehova bilang panatikong mga martir na nagnanais ng hatol na kamatayan upang tumanggap ng makalangit na gantimpala. Bunga nito, sa loob ng dalawang araw ay nagkaroon ako ng magandang pagkakataon na magsalita sa harap ng isang propesor at walong estudyante buhat sa Graz University, ipinaliliwanag na tanging 144,000 katao lamang ang dadalhin sa langit upang magharing kasama ni Kristo. (Apocalipsis 14:1-3) Ang pag-asa ko, sabi ko, ay magtamasa ng buhay na walang-hanggan sa paraisong mga kalagayan sa lupa.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Pagkatapos ng dalawang araw na pagtatanong, ang propesor ay nagsabi: “Ako’y sumapit sa konklusyon na ikaw ay nag-iisip nang makatuwiran na mamuhay sa lupa sa halip na sa langit. Hindi mo nais na mamatay at magtungo sa langit.” Siya’y nagpahayag ng kalungkutan tungkol sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova at hinangad niya na sana’y maging mabuti ang mga bagay para sa akin sa hinaharap.
Maaga noong 1941, nasumpungan ko ang aking sarili na sakay ng isang tren patungo sa kampo ng mahirap na pagtatrabaho sa Rollwald sa Alemanya.
Malupit na Buhay sa Kampo
Ang Rollwald ay nasa pagitan ng mga lungsod ng Frankfurt at Darmstadt at may halos 5,000 bilanggo. Ang bawat araw ay nagsisimula sa ika5:00 n.u. sa pamamagitan ng roll call, na kumukuha ng mga dalawang oras habang dahan-dahang binabago ng mga opisyal ang kanilang talaan ng mga bilanggo. Kami’y hinihilingang tumayo nang walang kakilus-kilos, at maraming bilanggo ang dumanas ng matinding mga pambubugbog dahil sa hindi pagtayo nang walang kakilus-kilos.
Ang almusal ay binubuo ng tinapay, na gawa sa arina, kusot, at mga patatas na kadalasa’y bulok. Pagkatapos kami’y nagtutungo sa trabaho sa latian, naghuhukay ng mga bambang upang tuyuin ang lupa para sa pagsasaka. Pagkatapos naming magtrabaho sa latian buong araw nang walang sapat na sapin sa paa, ang aming paa ay mamamaga na parang mga espongha. Minsan ang aking paa ay nagkaroon ng tila ganggrena, at ikinatakot kong ang mga ito’y kailangang putulin.
Noong tanghali sa dako ng trabaho, kami’y hinainan ng isang eksperimentong timpla ng tinatawag na sopas. Ito’y sinangkapan ng singkamas o repolyo at kung minsan naman ay giniling na karne ng patay na mga hayop. Ang aming mga bibig at lalamunan ay parang nag-aapoy, at marami sa amin ang tinubuan ng malalaking pigsa. Kami ay tumatanggap ng higit pang “sopas” sa gabi. Maraming bilanggo ang nabungi, subalit ako’y nasabihan tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatiling matibay ng ngipin. Ngumunguya ako ng isang piraso ng kahoy ng pino o mga sanga ng punong hazel, at hindi ako kailanman nabungi.
Pananatiling Malakas sa Espirituwal
Sa pagsisikap na sirain ang aking pananampalataya, ako’y ibinukod ng mga guwardiya mula sa ibang mga Saksi. Yamang wala akong literatura sa Bibliya, aalalahanin ko ang mga kasulatan na nasaulo ko, gaya ng Kawikaan 3:5, 6, na humihimok sa atin na ‘magtiwala kay Jehova nang ating buong puso,’ at ang 1 Corinto 10:13, na nangangakong ‘hindi tayo hahayaan [ni Jehova] na matukso nang higit sa ating mababata.’ Sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga kasulatang iyon sa aking isipan at sa pamamagitan ng pag-asa kay Jehova sa panalangin, ako’y napatibay.
Kung minsan nakakakita ako ng isang Saksi na inililipat mula sa ibang kampo. Kung wala kaming pagkakataong mag-usap, patitibayin namin ang bawat isa na manindigang matatag sa pamamagitan ng pagtango ng aming ulo o pagtataas ng nakakuyom na kamao. Paminsan-minsan ako’y tumatanggap ng mga sulat buhat kay Maria at kay Nanay. Sa isang sulat ay nalaman ko ang tungkol sa pagkamatay ng aking mahal na kapatid na si Gregor, at sa isa pa, sa pagtatapos ng digmaan, ang tungkol sa pagbitay kay Hans Stossier, ang kapatid ni Maria.
Nang maglaon, isang bilanggo ang inilipat sa aming kampo na nakakikilala kay Gregor nang sila’y magkasama sa piitan sa Moabit sa Berlin. Mula sa kaniya ay nalaman ko ang mga detalye ng nangyari. Si Gregor ay nahatulang mamatay sa pamamagitan ng gilotina, subalit sa pagsisikap na
sirain ang kaniyang katapatan, ang kaugaliang panahon ng paghihintay bago ang pagpatay ay pinaabot ng apat na buwan. Noong panahong iyan lahat ng uri ng panggigipit ay ginawa sa kaniya upang siya’y magkompromiso—mabibigat na kadena ang nakatali sa kaniyang mga kamay at paa, at siya ay bihirang pakanin. Gayunman, hindi siya kailanman nag-alinlangan. Siya’y tapat hanggang sa wakas—noong Marso 14, 1942. Bagaman nalungkot ako dahil sa balita, ako’y napatibay nito na manatiling tapat kay Jehova, anuman ang mangyari.Pagkatapos ay nalaman ko rin na ang aking nakababatang mga kapatid na lalaking sina Kristian at Willibald at ang aking nakababatang mga kapatid na babaing sina Ida at Anni ay dinala sa isang kumbentong ginagamit bilang isang bahay parusahan sa Landau, Alemanya. Ang mga batang lalaki ay binugbog nang husto sapagkat ayaw nilang magsabi ng heil Hitler.
Mga Pagkakataon Upang Magpatotoo
Karamihan niyaong nasa kuwartel na kinaroroonan ko ay pulitikal na mga bilanggo at mga kriminal. Madalas kong ginugugol ang mga gabi sa pagpapatotoo sa kanila. Ang isa ay isang paring Katoliko mula sa Kapfenberg na nagngangalang Johann List. Siya’y nabilanggo sapagkat sinabi niya sa kaniyang kongregasyon ang tungkol sa mga bagay na narinig niya sa British Broadcasting.
Si Johann ay nahirapan nang husto sapagkat hindi siya sanay sa mahirap na pisikal na trabaho. Siya’y isang taong madaling pakisamahan, at tinutulungan ko siyang maabot niya ang kaniyang tunguhing trabaho upang hindi siya madisiplina. Sinabi niya na nahihiya siya dahil siya’y nabilanggo sa pulitikal na mga kadahilanan at hindi dahil sa paninindigan sa mga simulaing Kristiyano. “Ikaw ay talagang nagdurusa dahil sa pagiging isang Kristiyano,” sabi niya. Nang siya’y mapalaya pagkalipas ng mga isang taon, siya’y nangakong dadalawin ang nanay ko at ang aking katipan, ang pangakong kaniyang tinupad.
Bumubuti ang Buhay Ko
Nang dakong huli ng 1943, nagkaroon kami ng isang bagong komander sa kampo na nagngangalang Karl Stumpf, isang mataas, puting-buhok na lalaki na nagsimulang pagbutihin ang mga kalagayan sa aming kampo. Ang kaniyang villa ang nakaiskedyul na pintahan, at nang malaman niyang ako’y isang pintor, ibinigay sa akin ang trabaho. Iyan ang unang pagkakataon na ako’y hindi pinagtrabaho sa latian.
Hindi maunawaan ng asawa ng komander kung bakit ako nabilanggo, kahit na ipinaliwanag ng kaniyang asawa na ako’y naroon dahil sa aking pananampalataya bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Naawa siya sa akin dahil sa napakapayat ko at ako’y kaniyang pinakain. Isinaayos niya ang higit pang trabaho para sa akin upang ako’y magkalaman-laman.
Nang ang mga bilanggo mula sa kampo ay tinatawag para sa pakikipagdigma kung saan matindi ang labanan sa pagtatapos ng 1943, ang aking mabuting kaugnayan kay Komander Stumpf ang nagligtas sa akin. Ipinaliwanag ko sa kaniya na mamatamisin ko pang mamatay kaysa magkasala ng pagbububo ng dugo sa pakikibahagi sa digmaan. Bagaman ang aking neutral na katayuan ay naglagay sa kaniya sa mahirap na kalagayan, nagawa niyang ang aking pangalan ay hindi mapasama sa mga tinawag.
Mga Huling Araw ng Digmaan
Noong Enero at Pebrero ng 1945, kami’y napatibay ng mga eruplanong Amerikano na mababa ang lipad sa pamamagitan ng paghuhulog ng mga pulyeto na nagsasabing ang digmaan ay malapit nang matapos. Si Komander Stumpf, na nagligtas ng buhay ko, ay nagbigay sa akin ng mga damit sibilyan at nag-alok ng kaniyang villa bilang isang taguang dako. Umaalis sa kampo, nasaksihan ko ang ganap na kaguluhan. Halimbawa, ang mga batang may kasuotang pandigma na dumadaloy ang mga luha sa kanilang mga mukha ay nagtatakbuhan sa mga Amerikano. Dahil sa takot ko na baka ko makasalubong ang mga opisyal ng SS na maaaring magtaka kung bakit wala akong dalang baril, nagpasiya akong bumalik sa kampo.
Di-nagtagal ang aming kampo ay ganap na napaligiran ng mga kawal na Amerikano. Noong Marso 24, 1945, ang kampo ay sumuko, nagwagayway ng mga bandilang puti. Gayon na lamang ang pagkagulat ko na malaman na may ibang mga Saksi sa mga dagdag na kampo na nailigtas din ni Komander Stumpf! Nagkaroon kami ng anong ligayang pagtatagpo! Nang mabilanggo si Komander Stumpf, marami sa amin ang lumapit sa Amerikanong mga opisyal at tumestigo nang personal at sa pamamagitan ng sulat alang-alang sa kaniya.
Bunga nito, siya’y napalaya pagkalipas ng tatlong araw.Sa labis kong pagtataka, ako ang kauna-unahan sa mga 5,000 bilanggo na pinalaya. Pagkaraan ng limang taon ng pagkabilanggo, para bang ako’y nananaginip. May mga luha ng kagalakan, ako’y nagpasalamat kay Jehova sa panalangin dahil sa pagpapanatili sa akin na buháy. Ang Alemanya ay hindi sumuko hanggang noong Mayo 7, 1945, pagkalipas ng halos anim na linggo.
Paglaya ko, agad akong nakipagkita sa ibang mga Saksi sa dakong iyon. Isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya ang naorganisa, at nang sumunod na mga linggo, ako’y gumugol ng maraming oras sa pagpapatotoo sa mga tao sa lugar sa paligid ng kampo. Kasabay nito, ako’y nagtrabaho bilang isang pintor.
Balik-Bahay Minsan Pa
Noong Hulyo, ako’y nakabili ng isang motorsiklo, at pagkatapos ay nagsimula ang aking mahabang paglalakbay pauwi. Ang paglalakbay ay tumagal ng ilang araw, yamang marami sa mga tulay sa kahabaan ng haywey ay pinasabog. Nang sa wakas ay makarating ako sa bahay sa St. Martin, nagpatakbo ako sa daan at nakita ko si Maria na nag-aani ng trigo. Nang sa wakas ay makilala niya ako, siya’y tumakbong papalapit. Maguguniguni mo ang masayang pagkikitang-muli. Inihagis ni Nanay ang kaniyang karit at tumakbo ring papalapit. Ngayon, pagkalipas ng 49 na taon, Si Nanay ay 96 anyos at bulag. Malinaw pa rin ang isip niya, at siya’y nananatiling isang tapat na Saksi ni Jehova.
Kami ni Maria ay nagpakasal noong Oktubre 1945, at sa nilakad ng mga taon mula noon, kami’y nagtamasa ng kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova na magkasama. Kami’y pinagpala ng tatlong anak na babae at isang anak na lalaki, at anim na apo, lahat ay pawang masigasig na naglilingkod kay Jehova. Sa nakalipas na mga taon ako ay nagkaroon ng kasiyahan ng pagtulong sa maraming tao na manindigan sa katotohanan ng Bibliya.
Lakas ng Loob na Magbata
Maraming beses na ako’y tinanong kung paano, bilang isang kabataan lamang, nagawa kong harapin ang kamatayan nang walang takot. Makaaasa ka—ang Diyos na Jehova ay nagbibigay ng lakas na magbata kung ikaw ay desididong manatiling tapat. Agad na natutuhan ng isa na lubusang magtiwala sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin. At ang pagkaalam na ang iba, pati na ang akin mismong ama at kapatid na lalaki, ay matapat na nagbata hanggang kamatayan ay nakatulong sa akin na manatili ring tapat.
Hindi lamang sa Europa na ang bayan ni Jehova ay hindi pumanig sa digmaan. Natatandaan ko na noong panahon ng paglilitis sa Nuremberg noong 1946, isa sa matataas na opisyal ni Hitler ang tinanong tungkol sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa mga piitang kampo. Inilabas niya mula sa kaniyang bulsa ang isang ginupit na balita na nag-uulat na libu-libong Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ay nasa mga bilangguan sa Amerika dahil sa kanilang neutralidad noong Digmaang Pandaigdig II.
Oo, ang tunay na mga Kristiyano ay lakas-loob na sumusunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo, na nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kaniyang buhay. Hanggang sa ngayon madalas kong gunitain ang 14 na miyembro ng aming maliit na kongregasyon sa St. Martin noong mga taon ng 1930 at 1940 na, dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa-tao, ay tumangging itaguyod ang digmaan ni Hitler at sa kadahilanang iyan ay pinatay. Anong dakilang reunyon nga ito kapag sila ay buhayin-muli upang tamasahin ang buhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos!
[Larawan sa pahina 8]
Ang tatay ko
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ibaba at kaliwa: Si Kardinal Innitzer na bumoboto bilang pagtaguyod sa Alemang Reich
Kanan: Ang “Solemneng Deklarasyon” kung saan anim na obispo ang nagpahayag na ‘tungkulin [nila sa kanilang] bayan na bumoto para sa Alemang Reich’
[Credit Line]
UPI/Bettmann
[Larawan sa pahina 10]
Noong 1939, kami ni Maria ay naging magkatipan
[Larawan sa pahina 13]
Ang aming pamilya. Kaliwa pakanan: Gregor (pinugutan ng ulo), Anni, Franz, Willibald, Ida, Gregor (si tatay, pinugutan ng ulo), Barbara (si nanay), at Kristian
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Maria ngayon