Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kumusta Naman ang Tungkol sa mga “Class Trip”?

Kumusta Naman ang Tungkol sa mga “Class Trip”?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Kumusta Naman ang Tungkol sa mga “Class Trip”?

“MAKAPAGPAPAHINGALAY ka mula sa paaralan.” “Makakikita ka ng bagay na bago para maiba naman.” “Mas makikilala mo ang iyong mga kaklase.”

Gayon ang paliwanag ng tatlong kabataang Aleman kung bakit sila nasisiyahan sa mga class trip. Ang gayong mga paglalakbay ay popular sa mga kabataan sa buong daigdig.

Gayunman, hindi lamang ang mga estudyante ang totoong nagpapahalaga sa mga class trip. “Ang isang napakaorganisadong class trip ay tunay na kapaki-pakinabang sa isang kabataan, napalalawak ang kaniyang pananaw at tumutulong sa kaniya na siya’y tumayo sa kaniyang sariling mga paa,” sabi ng isang guro. “Higit pa, napatitibay ang kaugnayan ng guro at ng klase.” Walang alinlangan na ang maiingat na guro at ang may mabuting asal na klase ay mapagsasama upang gawing nakapagtuturo at kasiya-siya ang class trip.

Gayunman, may ilang salik na nasasangkot na dapat isaalang-alang ng mga kabataang Kristiyano at ng kanilang mga magulang. Halimbawa, sa Alemanya at ibang bansa sa Europa, kapuwa ang mga estudyanteng lalaki’t babae ay karaniwang naglalakbay nang magkasama sa malalayong class trip. Malimit na kalakip dito ang pagpapalipas ng gabi na malayo sa bahay. Madalas na ito’y nagbabadya ng kapahamakan. Ganito ang naalaala ng labing-apat-na-taóng-gulang na si Anna-Laura: “Pagkalipas ng ilang araw habang kami’y naglalakbay, hindi na masawata ang mga bagay. Kahit sa gabi ay wala kaming kapayapaan at katahimikan. Ang karamihan sa klase ay gumawi sa masakim at walang konsiderasyong paraan.”

Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kung ikaw ay nabigyan ng pagkakataon na sumama sa isang class trip?

Pagsasaalang-alang ng mga Panganib

Sa Lucas 14:28, si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makompleto iyon?” Bago ka at ang iyong mga magulang ay magpasiya kung nararapat nga para sa iyo ang class trip, maingat na suriin ang lahat ng bagay na nasasangkot. Narito ang ilan sa tanong na isasaalang-alang:

Saan ka makararating? Ito man ay nagsasangkot ng isang araw na pagdalaw sa malapit na museo o ng isang mas mahabang paglalakbay na may pagpapalipas ng gabi ay may malaking pagkakaiba. Karagdagan pa, kung ang iyong mga magulang ang magbabayad, ibig nilang magpasiya kung makakaya nila itong gastusan.

Ano ang nakaplanong gawin? Kung ang bawat araw ay mahusay na inorganisa na kalakip ang kapaki-pakinabang at nakawiwiling mga gawain, mapananatili nitong abala ang klase at mababawasan ang panganib na may mangyaring di-wasto. Kaya suriing mabuti ang nakaplanong iskedyul bago magpasiya tungkol sa class trip. Ang pagdalaw sa mga museo o pagsama sa field trip sa kasaysayan ng likas na mga bagay ay maaaring nakapagtuturo. Subalit ang pag-eeksperimento ng Yoga at mga relihiyong Asiatiko​—gaya ng isinaplano para sa isang class trip​—ay tiyak na hindi angkop para sa isang Kristiyano.​—1 Corinto 10:21.

Mayroon bang mahusay at walang likat na pagsubaybay? Ganito ang naalaala ng 15-taóng-gulang na Kristiyanong babae na nagngangalang Julia: “Kasama ako sa klase ng may mabuting asal na mga estudyante, kaya ayos lang kina Inay at Itay na sumama ako sa trip. Binabantayan kaming mabuti ng mga guro.” Gayunman, ang gayong pagbabantay ay maaaring bihira sa mga panahong ito. Gaya ng inamin ng isang gurong Aleman, ang maingat at maaasahang pagsubaybay ay “hindi talaga matitiyak.” Oo, isang kabataan ang may paghahambog na nagsabi pagkatapos ng class trip: “Minsan ay nautakan namin ang dalawang guro, nagawa namin ang gusto namin.”

Ang ilang estudyante ay gumagawa ng gulo kahit na ginagawa ng mga guro ang pinakamabuti upang sila’y sawatain. Ganito ang gunita ng isang dating guro: “Natuklasan ng mga kabataan ang pinakamatalinong mga paraan upang makapagpuslit ng alak, kaya ang paghahalughog sa kanilang mga silid ay walang-saysay. Natanto ko na napakarami na nilang nainom nang isa sa mga batang babae ang nagsuka.” Maliwanag, maaaring napakahirap na tiyakin na ang isang trip ay masusubaybayan nang maayos. Subalit maililiban ka nito sa maraming kabalisahan at kahihiyan kung ikaw at ang iyong mga magulang ay maingat na magsusuri sa mga kaayusan na ginawa para sa pagsubaybay. Ganito ang sabi ng Kawikaan 22:3: “Ang taong matalino ay nakakikita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinadaanan ng walang karanasan at nagtitiis sa kaparusahan.”

Paano ba karaniwang tumutugon ang iyong mga kaeskuwela sa mga utos ng inyong mga guro? Ito’y makapagbibigay sa iyo ng mabuting idea kung paano sila gagawi sa trip ng paaralan. Iniulat, kinailangang paikliin ng isang paaralan sa high school sa Alemanya ang tatlong araw na class trip nito dahil sa ipinagwawalang-bahala lamang ng magugulong estudyante “ang maliwanag at mapagpasensiyang mga tagubilin” ng mga guro.

Isang kabataang babaing Aleman na nagngangalang Stephanie ang sumama sa gayong mga trip noon at bilang resulta ng kaniyang karanasan ay nagmungkahi na itanong sa iyong sarili ang sumusunod na mga katanungan: ‘Ang mga kaklase ko ba ay makatuwiran para makinig sa mga guro? Ang paaralan ba ay nagsisikap na mapanatili ang mabuting pangalan? Ang mga guro ba ay may sapat na katatagan upang makapagbigay ng wastong pangunguna? Totoo bang tumatalima ang mga kabataan sa angkop na mga paggawi? Sila ba’y umiinom at nagdodroga?’ Totoo, inamin ni Stephanie na ang kalakhan ay “depende sa iyo bilang isang tao, kung ikaw man ay madaling mahila o hindi.” Subalit paano ka mananalangin kay Jehova na ‘huwag kang dalhin sa tukso’ at pagkatapos ay sadyang ilagay ang iyong sarili sa nakakokompromisong kalagayan?​—Mateo 6:13.

Kaya naman ang labimpitong-taóng-gulang na si Petra ay tumangging sumama sa isang class trip. “Batid ko kung paano gagawi ang mga kaklase ko,” paliwanag niya. “Nakikinikinita ko na ang mga kalagayang nagsasangkot ng alkohol at sekso ang talagang maglalagay sa aking budhi sa pagsubok. Gaya ng kinalabasan, hinubaran ng limang lalaki ang isang babae at kinunan siya ng litrato, na nang maglaon ay pinagpasa-pasahan sa paaralan.”

Ang iyo bang relihiyosong mga paniniwala ay maigagalang? Halimbawa, ganito ang sabi ng kabataang si Timon: “Kalimitang may birthday party, na mahirap takasan.” Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, tumatanggi siyang makisali sa gayong mga pagdiriwang. a Igagalang ba ng iyong mga guro at mga kaklase ang iyong pangmalas sakaling ang pagdiriwang na gaya niyaon ay maging bahagi ng class trip?

Sa anong uri ng pakikisama ka mahahantad? Batid ng mga Kristiyano na hinahatulan ng Diyos ang paninigarilyo, paggamit ng droga, maling paggamit ng alkohol, o pagpapakasasa sa pakikipagtalik nang di-kasal. (1 Corinto 6:9, 10; 2 Corinto 7:1) Iyan ang dahilan kung bakit ang pakikisama sa mga kabataan na gumagawa ng gayong mga bagay ay matalinong iwasan. (1 Corinto 15:33) Ang Kawikaan 13:20 ay nagbababala: “Siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” Sa panahon ng class trip, gumugugol ka ng higit na panahon kaysa pangkaraniwan sa gayong mga kabataan, at ito ay nasa isang maluwag na kapaligiran. Ganito naman ang sabi ng kabataang si Andreas: “Sa panahon ng class trip, palagi kang nakalantad sa espiritu ng sanlibutan, taglay ang lahat ng makasanlibutang musika at malalaswang usapan.”

Ang isa pang salik ay na madali kang mamanglaw kapag malayo ka sa tahanan. Pinupukaw ng mga class trip ang maraming pag-iibigan ng mga tin-edyer. May panganib ba na ikaw ay marahuyo sa pakikipag-ibigan sa isang di-sumasampalataya? Ang 1 Corinto 10:12 ay nagbabala: “Siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.” At kahit na ikaw ay malakas upang labanan ang tukso, ang iyo bang pagkanaroroon sa gayong trip ay makapagpapatisod sa ibang mga kabataang Kristiyano?​—Ihambing ang 1 Corinto 8:7-13; 10:28, 29.

Tumanggi ang labing-apat-na-taóng-gulang na si Yvonne na sumama sa isang class trip para mag-ski. Ganito ang paliwanag niya: “Gugugulin ko ang buong sanlinggo na walang ibang kasama kundi mga kabataang tagasanlibutan at mga guro. Isa pa, ang pakikisama sa aking mga kapatid, ang gawaing pangangaral, at ang mga pulong​—ito ang mga bagay na totoong hahanap-hanapin ko. Ang isa pang dahilan ay ang paraan ng paggawi ng karamihan sa mga kabataan kapag walang sinuman ang sumusubaybay sa kanila.”

Lubusang Palugdan ang Diyos

Yamang ang mga class trip ay karaniwang hindi naman tuwirang nagsasangkot ng relihiyon, pulitika, o ibang gawain na ipinagbabawal sa mga Kristiyano, kailangang ipasiya ng isang estudyante at ng kaniyang mga magulang kung ang gayong trip ay nararapat. (Ihambing ang Isaias 2:4; Apocalipsis 18:4.) Ang mga kalagayan at pagkakataon ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang klase; kaya maaaring makaharap ng mga Kristiyano sa isang lugar ang mga problema na naiiba mula sa mga nasa ibang lugar.

“Kilala ni inay ang mga kabataan sa aking klase at batid na ang guro namin ay palaisip sa pananagutan. Kaya ang class trip ay naging matagumpay,” sabi ni Stephan. “Subalit noong ako’y mas malaki na at ang panghuling trip ay sumapit, ang tanong kung ako’y sasama pa ay lubusang naiba na.” Bakit? Ganito ang kaniyang pagpapatuloy: “Tatlong taon lamang ang nakararaan, ang aking mga kaklase ay kawili-wiling makasama at magagalang. Subalit ang mga droga at imoralidad ay naging bahagi na ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya hindi ako sumama sa trip. Nagkataon naman, ang panghuling trip ay kailangang paikliin.”

Kaya sa pangwakas na pagsusuri, dapat mong timbangin at ng iyong mga magulang ang lahat ng salik na nasasangkot at magpasiya sa iyong sarili. Tiyakin na, anuman ang iyong pasiya, ang iyong tunguhin ay “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos.”​—Colosas 1:10.

[Talababa]

a Tingnan ang “Mga Kapistahan​—Kung Bakit ang Ilang Bata ay Hindi Nagdiriwang ng mga Ito” sa aming labas ng Nobyembre 22, 1993.

[Larawan sa pahina 25]

Anong uri ng pakikipagsamahan ka malalantad kung sumama ka sa isang magdamag na class trip?