Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Bagong Panahon Maraming salamat sa serye ng kilusang Bagong Panahon. (Marso 8, 1994) Noon ako’y masusing nagsiyasat tungkol sa mga UFO, extraterrestrial na buhay, at reinkarnasyon. Isinasagawa ko ang mga kurso sa Yoga at pagbubulaybulay at tumatanggap ng terapi na nagsasangkot ng hipnotismo. Di nagtagal nakaranas ako ng malubhang suliranin sa espirituwal, isip, emosyon, at pisikal at sumailalim pa nga ako sa kapangyarihan ng mga demonyo. Ang Utopia na hinahangad ko ay waring lumayo higit kailanman. Pagkalipas ng limang taon at kalahati, ako ngayon ay naglilingkuran kay Jehova at napalaya na mula sa kadiliman ng kilusang Bagong Panahon.
E. D., Netherlands
Bago ako naging isang Kristiyano, ako ay haling na haling sa pag-iisip at paraan ng pamumuhay ng Bagong Panahon. Kamakailan ang aking nakababatang kapatid na babae ay nagpahayag ng pagnanais na makisali sa grupo ng mga nagtataguyod ng Bagong Panahon. Kaya binanggit ko sa kaniya ang artikulong ito. Siya’y nabahala sa maliwanag na kaugnayan ng Bagong Panahon sa mistisismo at sa okulto. Ngayon siya’y determinadong iwaksi ang Bagong Panahong pag-iisip.
L. S., Inglatera
Mahusay ang pasimula ng inyong artikulo. Subalit, sandali pagkatapos niyaon, sinabi ninyo na “ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili.” Sa wakas, sinabi ninyo na ang mga paniwala ng Bagong Panahon ay magdudulot lamang ng higit na kadiliman. Ang ibig ba ninyong sabihin ay dapat nating talikdan ang lahat ng idealistikong mga pangmalas at umasa na lamang na lahat ng bagay ay bubuti? Paano nga ninyo nahinuha na wala sa kalagayan ang tao upang gawing mas mabuti ang daigdig sa ganang sarili niya?
A. L., Estados Unidos
Ang Bibliya—hindi ang “Gumising!”—ang nagsabi na “ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili.” (Jeremias 10:23) Sa gayon, ang mga pagsisikap ng tao na magdulot ng Bagong Panahon ay walang kabuluhan. Gayunman, hindi ipinagwawalang-bahala ng tunay na mga Kristiyano ang mga problema sa ngayon. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba ng mga simulain ng Salita ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa milyun-milyon na sila’y ‘makinabang sa ganang sarili’—sa kabuhayan, pisikal, at sa espirituwal. (Isaias 48:17; Mateo 28:19, 20) Gayundin naman, idiniriin namin sa iba ang tunay na pag-asa ng dumarating na “mga bagong langit at isang bagong lupa”—ang bagay na ang Diyos, hindi ang tao, ang magdudulot. (2 Pedro 3:13)—ED.
Dalawang-Uring Pamumuhay Ang inyong mga artikulo tungkol sa pagkakaroon ng dalawang-uring pamumuhay (Disyembre 22, 1993, at Enero 8 at 22, 1994) ang nagpakilos sa aming 17-taóng-gulang na anak na lalaki na isiwalat ang kaniyang kasalanan na kinasangkutan niya sa mahigit na apat na taon. Kung sa panlabas na anyo, waring siya’y may mahusay na pagsulong sa espirituwal. Talagang nabigla kami at nasindak sa kasalanang ito, subalit kami ay nakatugon sa mapagmahal at mapagpatawad na paraan dahil sa inyong mga artikulo.
J. P., Estados Unidos
Huminto na ako sa pakikisama sa Kristiyanong kongregasyon sa loob ng mahigit na isang taon. Pero ang mga artikulong yaon ay talagang nakapagpapatibay at lipos ng pag-ibig. Gaya ng inyong sinabi, ang unang hakbang ay lumapit kay Jehova sa panalangin. Napakahirap nito, subalit nagdulot ito ng dakilang mga pagpapala sa akin.
M. G., Pransiya
Mga Kabataang Tumanggi sa mga Pagsasalin ng Dugo Ako’y 12-taóng-gulang, at katatapos ko lamang basahin ang serye ng “Mga Kabataang Inuuna ang Diyos.” (Mayo 22, 1994) Totoong hinangaan ko ang tibay ng loob na ipinakita ng mga kabataang kristiyanong lalaki at babae na ito, humarap sa kamatayan na may pagtitiwala kay Jehova at sa pagkabuhay-muli. Ang kanilang tibay ng loob at pananampalataya kay Jehova ang nakapagpaluha sa akin sa kagalakan.
B. C. R., Espanya
Tumanggap kami ng maraming katulad na mga kapahayagan ng pagpapahalaga. Gayunman, isang bagay ang kailangan ng pagtutuwid. Iniulat namin na si Ernestine Gregory ay hindi nagpasalin ng dugo. Lumabas na ilang minuto pagkatapos na ibaba ang utos ng hukuman, isang pagsasalin ang sapilitang ibinigay sa kaniya. Siya’y nakaligtas sa napakahirap na kalagayang ito.—ED.