Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa

Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa

Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SENEGAL

ANG ama ng tin-edyer ay namatay nang siya’y bata pa, iniwan sa kaniyang ina ang malaking pamilya na may walong anak. Ngayong ang kaniyang ina ay tumatanda na, ang tin-edyer ay dapat na makatulong sa pagsuporta sa pamilya sa pamamagitan ng paghahanap ng trabaho. Naglaho ang kaniyang pangarap na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Kailangan niyang magtrabaho, bagaman siya’y walang mga kasanayan o pormal na edukasyon.

Ang mga kalagayang gaya nito ay pangkaraniwan sa nagpapaunlad na mga bansa. Ang mga trabaho ay kakaunti, kahit na para sa mga nagtapos sa pamantasan. Gayunman, taglay ang paninindigan at likas na pagkamapanlikha, marami ang nakagagawa ng mga trabaho sa kanilang sarili mismo. Ang gayong mga trabaho ay maaaring hindi makapagpayaman sa tao, subalit ang Bibliya ay nagsasabi nang ganito sa 1 Timoteo 6:8: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”

Isinasaisip ang payong ito na makatutulong sa isa na maging timbang, isaalang-alang natin ang ilan sa mapanlikhang mga paraan na ikinabubuhay at ikinauunlad ng mga Kristiyano sa nagpapaunlad na mga bansa.

Ang Hanapbuhay na Pagkain​—Istilong Aprikano

Ang pagkain ay laging kailangan. Dito sa Kanlurang Aprika, ang mga babaing naghahanapbuhay ay nakasumpong ng nakatutuwang pagkakasari-sari ng mga paraan upang gawin ang bagay na ito na mapagkakakitaan. Halimbawa, ang ilan ay nagtayo ng maliit na tindahan malapit sa lugar na nagtatayo ng gusali at nagluluto ng pananghalian para sa mga trabahador. Ang iba naman ay naghahatid ng pagkain para sa mga papasok sa trabaho sa umaga. Naglalagay sila ng maliliit na mesa na may mga bangko, nagpapakulo ng tubig sa initan na de uling, at naghahanda ng simpleng agahan​—mainit na kape na may kasamang bagong lutong tinapay at mantikilya. Sa gabi nagbubukas muli sila at nagsisilbi ng meryenda sa mga trabahador sa pagtatapos ng araw. Ang pagpapatakbo ng ganitong uri ng restauran ay nangangahulugan ng pagtatrabaho sa mahirap na iskedyul, subalit tinutulutan nito ang masisipag na magkapera upang mabuhay.

Nariyan din ang pagkakataong magtinda ng meryenda. Naghahanap ang ilang babae ng mataong lugar na malapit sa palengke at nagbubusa ng mani. Ang mga fataya​—maliliit na karneng empanada na inihahandang may maanghang na sawsawan​—ay madali ring mabili. Gayundin ang mga tinapay na may palamang karne na may kasamang maanghang na sawsawang gawa sa karne. Ang mga ito’y madaling itindang mga bagay sa mga bansa sa Aprika gaya sa Gambia at Mali.

Sa Guinea-Bissau at Senegal, sinusuportahan ng maraming kabataang mga Saksi ni Jehova na nasa buong-panahong ministeryo ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paggawa at pagtitinda ng isa pang popular na bagay: bibingka. Si Moses, isang naninirahan sa kabiserang lungsod ng Senegal, ang Dakar, ay nagsabi: “Kaming mag-asawa ay naglilingkuran bilang mga special pioneer [buong-panahong mga ebanghelisador] nang kami’y magkaanak. Ngayon ay kailangang maghanap ako ng paraan upang tustusan sila, kaya sumaisip ko ang idea na gumawa at magtinda ng bibingka.

“Napakaliit ng perang puhunan ko, kaya kailangang maging maingat ako sa pagbubukod ng pera na dapat itago ko bilang kita at pera na kailangang ibalik ko sa negosyo upang mapalitan ang mga suplay, gaya ng arina at mga itlog. Ngayon ay nakapagtitinda ako ng sapat na mga bibingka upang matustusan ang karamihan sa pangangailangan ng maliit na pamilya ko.

“Upang makatulong, ang aking maybahay, si Esther, ay nananahi ng damit sa bahay. Nagpapahintulot ito sa kaniya na manatili sa bahay na kasama ng aming dalawang maliliit na anak na lalaki. Kaya sa pagitan naming dalawa, napangangalagaan naming mabuti ang aming pamilya, sa kabila ng katotohanan na tayo’y nabubuhay sa mahirap na mga panahon.”

Narito pa ang isang idea para sa maliit na pagkakakitaan: Yamang ang mga taong nagtatrabaho ay abala at kalimitang wala nang panahon para mamalengke sa malayo, tatangkilikin nila ang maliliit na tindahan sa inyong lugar na nagbibili ng prutas o gulay. Ang ilang may-ari ng tindahan ay naghahatid pa nga, nagdadala ng sariwang gulay sa mismong bahay ng mga parokyano. Madaling malalaman na ikaw ay tapat at na ikaw ay nagtitinda ng mahuhusay na produkto. Gayunman, mag-ingat na huwag sumingil nang mahal, kung hindi ang mga tao ay babalik sa karaniwang palengke.

Paglilingkurang mga Trabaho

Kung hindi nakagaganyak sa iyo ang pagtitinda ng mga produkto, isaalang-alang ang pag-aalok ng iba’t ibang paglilingkuran. Ang gawaing bahay, gaya ng paglilinis, pagluluto, at paglalaba at pagpaplantsa ng mga damit, ay laging kinakailangan. At may napakaraming iba pang mga pagkakataon.

Halimbawa, ikaw ba’y nakatira na malapit sa karagatan o malapit sa palengke ng isda? Bakit hindi mag-alok na maglinis ng isda​—sa mabilis na paraan at sa mababang presyo? Ang tanging kailangan mo lamang ay isang matibay na sangkalan at matalas na kutsilyo para sa isda. Ang paghuhugas ng kotse ay isa pang mapagkakakitaan. Ang kailangang kagamitan? Isang timba, tubig, kaunting sabon, at isang maayos na basahan. Sa Dakar, ang mga kabataang palaisip sa mapagkakakitaan ay makikita sa halos lahat ng paradahan at sa maraming nasisilungang kalye na nagsasagawa ng paglilingkurang ito.

Ang tubig ba ay kakaunti sa inyong lugar? Kung minsan ang mga babae ay pumipila sa loob ng mahabang oras sa iisang gripo upang mapunô ang kanilang mga lalagyan. Pagkatapos kailangan nilang sunungin ang mabibigat na palanggana papauwi. Sa gayon marami ang handang magbayad sa isang tao na magdadala ng tubig sa kanila. Ang susi ay umigib ng tubig nang madaling araw upang mapunô mo ang mga lalagyan at ikarga ang mga ito sa karitong itinutulak o hinihila ng asno. Ngayon ay handa mo nang ihatid ang tubig sa mga bahay o sa mga lugar ng trabaho.

Ikaw ba’y nakapag-aral? Marahil ay maiaalok mo na mag-tutor ka sa mga bata kung dulo ng sanlinggo. Ang mga silid-aralan ay waring masikip sa nagpapaunlad na mga bansa, at ang mga magulang ay handang magbayad upang ang kanilang anak ay tumanggap ng personal na atensiyon.

Ang isa pang pakikinabangang kasanayan na maaaring taglay mo na ay ang sining ng pagtitirintas ng buhok. Yamang ang mga istilo ng tirintas na buhok ay popular sa kababaihan sa Aprika, malaki ang kikitain ng mga tao na may kasanayan dito.

Paggamit ng Kasanayan sa Paglikha

Noong panahon ng Bibliya, ang isang mahusay na asawang babae ay makasusumpong ng matatalinong paraan upang may mapagkakitaan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 31:24: “Gumagawa siya ng kasuutang kayong lino at ipinagbibili, at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.” Gayundin naman, marami sa nagpapaunlad na mga bansa ang naging matagumpay sa pagpapatakbo ng kanilang sariling industriyang pantahanan, o maliliit na negosyo. Halimbawa, ang isang karpentero ay maaaring magtayo ng maliit na karpenteriya at gumawa ng simpleng mga upuan, bangko, at iba pang gamit sa bahay. Tanging ang pinakakaraniwang mga gamit sa karpenteriya ang kailangan. Kung ikaw ay may kasanayan sa agrikultura, marahil ay mapasisimulan mo ang negosyo ng manukan at makapagtitinda ng mga itlog at manok.

Ang kasanayan sa paglikha ang mahalagang kahilingan sa pagpapasimula ng maliit na negosyo. Ginagawa ng ilan ang itinapong mga sisidlang yari sa lata na maging makukulay na maleta at baul. Gumagawa ang ilan ng sandalyas na yari sa mga gulong ng sasakyan. Ang iba naman ay gumawa rin ng mga timba na yari sa lumang goma ng gulong. Ang posibleng magagawang mga bagay ay maaaring maging limitado lamang dahil sa iyong sariling imahinasyon.

Sa nagpapaunlad na mga bansa kailangan ang kapuwa kakayahan at imahinasyon upang makapamuhay, subalit kailangan mo rin ang pagtitiis at positibong saloobin. Huwag kang susuko agad. Matutong makibagay, handang magpalit ng trabaho kung kinakailangan. Kung ikaw ay nagsisimulang magtayo ng negosyo o nag-aalok ng mga paglilingkuran, tiyaking suriin ang lokal na mga batas at mga patakaran. Hinihiling sa mga Kristiyano na igalang ang batas ng bansa.​—Roma 13:1-7.

Bago sumubok na mag-alok ng produkto o paglilingkuran, tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang lokal na mga pangangailangan at kaugalian? Ano ba ang kalagayan ng lokal na ekonomiya? Makababayad ba ang mga parokyano sa iniaalok ko? Gaano karaming iba pa ang nag-aalok ng katulad na produkto o paglilingkuran? Talaga bang taglay ko ang mga kasanayan, lakas, pagkukusa, disiplina sa sarili, at pagiging organisado na kailangan sa hanapbuhay na ito? Gaano kalaking puhunan ang masasangkot? Kailangan ko bang umutang? Makababayad ba ako sa inutang na salapi?’

Ang katanungan ni Jesus sa Lucas 14:28 ay angkop: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makompleto iyon?”

Totoo, hindi lahat ay nagtataglay ng kasanayan o pag-uugali upang magsariling hanapbuhay. Subalit maaaring pagpalain ng Diyos na Jehova ang iyong pagkukusang-palo at taimtim na pagsisikap kapag isinagawa ito na taglay ang mabuting motibo. (Ihambing ang 2 Pedro 1:5.) Kaya gawin ang iyong buong makakaya na makasumpong ng trabaho​—maging ito man ay kailangang likhain mo mismo!

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang pananahi ng damit, paghuhugas ng kotse, paghahatid ng malinis na tubig, at paglilinis ng isda ay ilan sa paraan na ikinabubuhay ng mga tao