Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kahirapan sa Kabuhayan
“Sa kauna-unahang pagkakataon sapol ng pagbagsak ng ekonomiya noong dekada ng ’30, ang mauunlad na bansa, gayundin ang nagpapaunlad na mga bansa, ay nakaharap ng patuloy na kawalan ng trabaho,” sabi ni Michel Hansenne, pangkalahatang patnugot ng International Labor Organization (ILO). Ayon sa Jornal da Tarde: “Ang tatlumpung porsiyento ng manggagawa sa daigdig—mga 820 milyon katao—ay walang trabaho o pansamantala lamang sa trabaho.” Hinggil sa ulat ng ILO sa Latin Amerika, ganito ang komento ng Jornal do Brasil: “May nakababahalang pagdami sa bilang ng tinatawag na ‘nanganganib’ na mga manggagawa—pansamantalang mga manggagawa, mababa ang suweldo—na nagtatrabaho sa anihan at pagawaan ng kape, gapasan ng tubo, anihan ng bulak, mga prutas at gulay para iluwas sa ibang bansa.”
Pagmamalupit ng Paaralan
Isang batang lalaki na napaalis sa Kobe Municipal Technical Junior College sa Hapón ay nagpepetisyon para sa kaniyang karapatan na maturuan. Dahil sa kaniyang relihiyosong budhi bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi siya sumali sa pagsasanay sa kendo (eskrimahang Hapones) na itinuturo bilang bahagi ng edukasyon sa pagpapalakas ng katawan. Pinaalis siya ng paaralan bagaman isa siyang estudyante na may matataas na grado sa kabila ng mababang pag-uri sa edukasyon sa pagpapalakas sa katawan. “Ito’y laban sa lahat ng ‘pagkamakatuwiran’ sa paaralan,” sabi ni Propesor Tetsuo Shimomura ng Tsukuba University sa Yomiuri Shimbun, “na may pagdidisiplinang paalisin ang isang estudyante dahil sa mahina sa gawain sa paaralan na walang ibang problema, dahil lamang sa hindi niya naabot ang pasadong marka ng ilang puntos sa isang espesipikong asignatura.” Hiniling niya ang pagiging maluwag at nagsabi: “Ang bagay na nakababahala sa kasong ito ay ang malalim-ang-pagkakaugat pa ring mga hilig na magmalupit sa bahagi ng paaralan.”
“Malubhang mga Kabiguan sa Moral sa Kasaysayan”
“Ang ulat ng Vaticano na may kaugnayan sa Holocaust ay ang isa sa pinakamalubhang mga kabiguan sa moral sa kasaysayan—ang isa na kung saan hindi pa nakababawi ang Iglesya Katolika mismo,” sulat ng kolumnistang si James Carroll sa The Boston Globe. Upang suhayan ang kaniyang sinabi, itinala niya ang sumusunod na makasaysayang data: “1929—Ang Lateran Pacts sa pagitan ni Mussolini at Pius XI ang nagbigay sa Vaticano ng kalayaan at salapi, at ibinigay nila ang kinakailangang katanyagan kay Mussolini. [1933]—Nilagdaan ng Vaticano ang Concordat kasama si Hitler, ang una niyang pandaigdig na tagumpay. . . . 1935—Sinakop ni Mussolini ang Abyssinia. Binasbasan ng Katolikong mga obispo ang hukbong Italyano . . . 1939—Ipinag-utos ni Mussolini ang wakas ng mga karapatan ng Judio sa Italya. Walang masabi ang papa. . . . 1942—Tumanggap ang papa ng mga ulat mula sa mga Italyanong kapelyan na nasa hukbo tungkol sa paglipol sa mga Judio. Sa kaniyang mensahe noong Pasko, itinangis niya ang sinapit ng pinatay na ‘kapus-palad na mga tao’ dahil sa kanilang lahi, subalit hindi niya binanggit si Hitler, ang Alemanya o ang mga kampo ng kamatayan. Minsan pa, ang salitang ‘Judio’ ay hindi ginamit. . . . 1943—Sinimulang tipunin ng mga Aleman ang mga Judio sa Italya, maging sa Roma malapit sa Vaticano. Ang papa ay nanahimik pa rin.”
Magsisi ang Iglesya Katolika?
Sa isang sulat na ipinadala sa Katolikong mga kardinal, si Papa John Paul II ay nagpayo sa simbahan na kilalanin ang mga pagkakamali na ginawa “ng mga tao nito, sa ngalan nito” at pagsisihan ang mga ito. Inaamin ng papa na ang “mapuwersang pamamaraan, may kinikilingang mga karapatang pantao” na ginamit ng simbahan “ay ikinapit ng mga ideolohiyang totalitaryo ng ika-20 siglo,” sabi ng La Repubblica ng Roma. Subalit ano ang kailangang pagsisihan ng Iglesya Katolika? “Maraming bagay,” ang pag-amin ng komentarista ng Vaticano na si Marco Politi. “Ang tungkol sa mga pagtugis sa mangkukulam, ang pagpapasunog sa tulos sa mga erehes, ang pagbabantang pahirapan ang mga siyentipiko at malalayang palaisip na tao, ang pagsuporta sa mga rehimeng Pasista, ang mga pagpaslang na ginawa sa Bagong Daigdig sa ilalim ng sagisag ng Krus,” huwag nang banggitin pa “ang pagturing ng Simbahan mismo sa sarili nito na sakdal na lipunan, tagapangalaga ng lubusang kapangyarihan sa mga budhi,” at “ang paniniwala, sa isang yugto ng panahon, na ang papa ang talagang kahalili ni Kristo—isang teolohikang kapusungan.”
Pag-aalisan Tungo sa Kahaliling Relihiyon
Nararanasan ng Church of England ang lansakang pag-aalisan ng mga klerigo. Bakit? “Ang waring pinagmulan ay ang kontrobersiyal na pasiya ng Church of England na mag-ordina ng mga babaing pari,” ulat ng The Toronto Star. “Mahigit na 130 Anglicanong pari ang umalis na. At ang pagmamadaling umalis ng iba ngayon ay waring nalalapit,” sabi ng Star. Pitong Anglicanong obispo at mahigit na 700 pari ang umaasa sa posibilidad ng pag-anib sa Iglesya Katolika. Sapol noong Digmaang Pandaigdig I, ang pagtataguyod sa
Church of England ay unti-unting humina. Sa Inglatera, sa 20 milyon na nag-aangking bautisadong Anglicano, isang milyon lamang ang nagsisimba kung Linggo. Ang mahirap na panahon ay napipinto na. Ang pag-aalisan sa simbahan ay malamang na magpatuloy.Nakalululang Halaga ng Krimen
Isiniwalat ng isang kamakailang ulat ng Australian Institute of Criminology na ang halaga ng krimen sa Australia ay nagkakahalaga ng $26 na bilyon bawat taon. Kinakatawan nito ang halos $130 para sa bawat lalaki, babae, at bata sa Australia. Sinabi ng isang tagapagsalita na sinipi sa pahayagang Sunday Telegraph sa Sydney na ang pinakamahal na anyo ng krimen ay ang pandaraya—posibleng nagkakahalaga ng halos $14 na bilyon sa isang taon. Ang ibang tinatayang mga halaga ay: pagpatay, $275 milyon sa isang taon; kasalanan sa droga, $1,200 milyon; panloloob, $893 milyon; at, kataka-taka, ang pang-uumit, ay umabot sa $1.5 bilyon. Naghinuha ang ulat kasama ang komento na ang halaga ng krimen ay patuloy na tumataas.
Isang Bugbog na Daigdig
Sa pagpapasimula ng 1994, ang daigdig ay tinadtad na ng 43 digmaan, ayon sa isang ulat mula sa Political Institute sa University of Hamburg, Alemanya. Nagkokomento tungkol sa ulat, isinulat ng Ecumenical Press Service na 22 digmaan ang sumiklab sa Asia, 13 sa Aprika, 5 sa Latin Amerika, at 3 sa Europa. Natuklasan din ng Institute na noong panahon ng dekada ng 1950, ang taunang katamtamang bilang ng mga digmaan ay 12. Noong dekada ng 1960 ito’y dumami hanggang 22, at hanggang sa ngayon ang bilang na iyan ay halos nadoble.
Higit na Panonood—Kulang ng Pagbabasa
Bakit ang mga batang nag-aaral na nagbababad sa panonood ng telebisyon ay nawawalan ng interes sa pagbabasa? Pagkatapos ng isang pagsusuri sa paggawi ng 1,000 Olandes na mga batang nasa elementarya sa loob ng nakaraang tatlong taon, natuklasan ng mananaliksik na si C. M. Koolstra ang dalawang dahilan. Dahil sa sobrang panonood ng telebisyon, nawawalan ang mga bata ng kasiyahan sa pagbabasa at nababawasan ang kanilang kakayahan na magtuon ng kanilang isip. Para sa madalas na manood ng telebisyon—ulat ng isang balita mula sa Leiden University sa Netherlands—unti-unting nagiging mas mahirap na maunawaan nila kung ano ang kanilang binabasa at magtuon ng kanilang isip sa pahina na nasa harap nila. Di-magtatagal, isasaisantabi nila ang kanilang mga aklat at aabutin ang mga remote control ng TV. Natuklasan din ng mananaliksik na hindi mahalaga kung anong uri ng mga programa ang pinanonood. Sobra man ang panonood ng mga bata ng katatawanan, mga programang pambata, drama, o nakapagtuturong mga programa, iisa pa rin ang resulta: “ang paghina sa pagbabasa.”
Pagpapalaganap ng Disyerto at Sakit
Bagaman 85 porsiyento ng mahihirap na tao na nasa lalawigan ng Tanzania ay nangangailangan ng panggatong na kahoy para sa pagluluto, pagpapainit, at ilaw, bawat taon 17,000 ektarya ng kakaunting kakahuyan ang pinuputol para sa pagpepreserba ng mga tanim na tabako ng bansa, ulat ng Synergy, ang newsletter mula sa Society for International Health ng Canada. “Totoong balintuna na ating pinuputol ang mahahalagang puno at lumilikha ng mga disyerto upang matamo ang salaping banyaga mula sa pagluluwas ng tabako sa bansa,” ang komento ni Propesor W. L. Kilama, pangkalahatang direktor ng National Institute for Medical Research sa Tanzania. “Isa pa ring kabalintunaan,” susog niya, “na ang nagpapaunlad na mga bansa ay nagtatanim ng tabako na nagpapalaganap ng sakit.”
Dumarami ang mga Krimen sa Sekso
Ang mga krimen sa sekso—panghahalay, insesto, at pag-abuso sa bata—minsang itinuring na problema ng Kanluraning mga bansa, ay waring dumarami sa ilang bansa sa Aprika. Sa nakaraang mga buwan, ang pag-uulat ng media sa mga krimen sa sekso ay naging madalas. Iniulat ng Times of Zambia na hinatulan ang isang 37-taóng-gulang na lalaki ng limang taóng pagkabilanggo at ipinag-utos na hampasin nang anim na beses ng baston dahil sa pakikipagtalik sa kaniyang 13-taóng-gulang na anak na babae. Nasumpungan siyang inabuso ang batang babae pagkatapos siyang iwan ng kaniyang asawa kasunod ng isang pag-aaway. Iniulat na itinakwil ng batang babae ang kaniyang ama sa panahon ng paglilitis sa hukuman.
Dumaraming Populasyon ng Tsina
Ang bilang ng mga tao sa Tsina ay aabot sa 1.2 bilyon sa taóng ito, ulat ng opisyal na tagapaghatid ng balitang Intsik na Xinhua. Sa kabila ng mahigpit na panuntunan sa pagpaplano ng pamilya sa Tsina na nagtataguyod ng isang anak lamang sa bawat pamilya na siyang pinakamarami, ang pagdami ng populasyon na umabot sa 1.2 bilyon ay napaaga nang anim na taon kaysa inaasahan ng mga tagaplano ng populasyon. Sinabi ng ahensiya ng balita ang dalawang dahilan ng pagdami: Una, maraming babae na nasa rural na lugar ay handang magbayad ng multa na ipinapataw sa pagkakaroon ng higit sa isang anak. Pangalawa, ang mga manggagawang nandarayuhan na lumilipat sa mga lungsod mula sa mga rural na lugar ay nakatatakas sa mga paghihigpit sa pagpaplano ng pamilya na siyang sumusupil sa mga pag-aanak sa mga lugar kung saan ang mga tao ay may permanenteng tirahan.