Pakanluran Tungo sa Europa
Mga Misyonero Mga Ahente ng Liwanag o ng Kadiliman?—Bahagi 2
Pakanluran Tungo sa Europa
KUNG ang utos ni Jesus na pagmimisyonero ay isasagawa, ang mga tao sa daigdig ay kailangang mapaabutan ng mensahe ng Kristiyanismo. (Mateo 28:19; Gawa 1:8) Ang bagay na ito ay idiniin noong panahon ng ikalawa sa tatlong misyonerong paglalakbay, nakita ni apostol Pablo sa isang pangitain kung saan siya ay pinakiusapan: “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.”—Gawa 16:9, 10.
Tinanggap ni Pablo ang paanyayang iyan, at noong bandang 50 C.E., siya’y tumawid upang mangaral sa lungsod ng Filipos sa Europa. Si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay naging mga mananampalataya, at isang kongregasyon ang naitatag. Iyan lamang ang unang paghinto ng matagumpay na martsa ng Kristiyanismo sa ibayo ng buong Europa. Si Pablo mismo nang dakong huli ay nangaral sa Italya, malamang sa Espanya pa nga.—Gawa 16:9-15; Roma 15:23, 24.
Gayunman si Pablo ay hindi ang tanging misyonero ng Kristiyanismo. Ang awtor na si J. Herbert Kane ay nagsasabi: “Marami pang iba, na ang mga pangalan ay hindi naitala ng kasaysayan. . . . Hindi binabanggit ng Mga Gawa ng mga Apostol ang buong kuwento.”—A Global View of Christian Missions From Pentecost to the Present.
Gayunman, hindi natin alam ang lawak na pinaglingkuran ng iba pang mga tagasunod ni Jesus bilang mga misyonero sa banyagang mga lupain. Ang karaniwang mga paniwala na si Tomas ay nagtungo sa India at si Marcos na ebanghelista ay nagtungo sa Ehipto ay hindi mapatunayan. Ang nalalaman natin ay na ang lahat ng tunay na mga alagad ni Kristo ay may espiritu ng pagmimisyonero at na silang lahat ay gumawa ng gawaing misyonero sa paano man sa kani-kanilang lupang tinubuan. Gaya ng binabanggit ni Kane: “Ang makasaysayang pangyayaring ito [Pentecostes] ang nagtanda ng pasimula ng relihiyong Kristiyano at ang pagpapasinaya ng kilusang misyonero, sapagkat noong mga panahong iyon ang iglesya ay kilala sa gawaing misyonero.”
Sa Liblib na mga Dako ng Europa
Ang mga Judio ay naniniwala sa pagsamba sa isang tunay na Diyos. Inilagak nila ang kanilang pag-asa sa isang ipinangakong Mesiyas. Tinanggap nila ang Hebreong Kasulatan bilang ang Salita ng Diyos ng katotohanan. Kaya nga, ang mga mamamayan ng mga bansa kung saan ipinangalat ang mga Judio ay pamilyar sa mga paniwalang ito. Yamang ang mga ito ay mga bahagi ng pagsamba na taglay kapuwa ng mga Kristiyano at mga Judio, ang mensahe ng Kristiyanismo, nang ito’y lumitaw, ay hindi na lubusang bago. Ayon kay Kane, “ang mga salik na ito ay malaking tulong sa mga misyonerong Kristiyano habang sila’y naglalakbay sa buong Romanong daigdig na nangangaral ng ebanghelyo at nagtatatag ng mga iglesya.”
Ang pangangalat ng mga Judio sa gayon ay naghanda ng daan para sa Kristiyanismo. Ang mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo ay nangyari sapagkat ang mga Kristiyano ay may espiritu ng pagmimisyonero. “Ang ebanghelyo ay ipinangaral ng karaniwang mga tao,” sabi ni Kane, na binabanggit: “Saanman sila magtungo ay may kagalakang ibinabahagi nila ang kanilang bagong-nasumpungang pananampalataya sa mga kaibigan, kapitbahay, at mga hindi kakilala.” Ang mananalaysay na si Will Durant ay nagpapaliwanag: “Halos ang bawat kumberte, taglay ang sigasig ng isang rebolusyonaryo, ay nanagot sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano.”
Noong 300 C.E., isang sumamáng anyo ng Kristiyanismo ay malaganap sa buong Imperyong Romano. Ang gayong kasamaan, ang paghiwalay mula sa dalisay na pagsamba, ay inihula. (2 Tesalonica 2:3-10) Isang apostasya ang totoong naganap. Si Durant ay nagpapaliwanag: “Hindi sinira ng Kristiyanismo ang paganismo; tinanggap niya ito.”
Habang ang nag-aangking mga Kristiyano ay lalo pang lumayo mula sa tunay na Kristiyanismo, naiwala ng karamihan sa kanila ang espiritu ng pagmimisyonero. Gayunman, ang isa na may espiritu ng pagmimisyonero ay isang bata na ipinanganak sa Katolikong mga magulang sa Britaniya noong magtatapos ang ikaapat na siglo. Nagngangalang Patrick, siya’y kilala sa pagdadala ng mensahe ni Kristo sa kanluraning dulo ng Europa—tungo sa Ireland—kung saan ayon sa alamat ay kinumberte niya ang libu-libo katao at nagtatag ng daan-daang iglesya.
Di-nagtagal ang Ireland ang nangunguna sa gawaing misyonero. Ayon kay Kane, “itinalaga ng mga misyonero nito ang kanilang sarili taglay ang maapoy na sigasig sa pakikipagbaka laban sa paganismo.” Ang isa sa mga misyonerong ito ay si Columba, na maliwanag na gumanap ng isang malaking bahagi sa pagkumberte sa Scotland. Noong bandang 563 C.E., siya at ang 12 kasama ay nagtatag ng isang monasteryo sa Iona, isang isla sa kanlurang baybayin ng Scotland, na naging sentro ng gawaing misyonero. Si Columba ay namatay agad bago 600 C.E., subalit sa sumunod na 200 taon, ang mga misyonero ay patuloy na ipinadala mula sa Iona tungo sa lahat ng bahagi ng British Isles at Europa.
Pagkaraang ang nag-aangking Kristiyanismo ay lumaganap sa Inglatera, tinularan ng ilang kumberteng Ingles ang misyonerong espiritu ng mga Irlandes at sila mismo ay naging mga misyonero. Halimbawa, noong 692 C.E., si Willibrord mula sa Northumbria, isang sinaunang kahariang Anglo-Saxon sa hilagang Inglatera, at 11 kasama ang naging unang mga misyonerong Ingles—sa Netherlands, Belgium, at Luxembourg.
Noong pasimula ng ikawalong siglo, si Boniface, isang Ingles na mongheng Benedicto, ang nagbaling ng kaniyang pansin sa Alemanya. Sabi ni Kane na ang “maningning na misyonerong karera [ni Boniface] na umabot ng mahigit na apatnapung taon ay nagbunga sa kaniya ng titulong ang Apostol sa Alemanya” at tumulong na gawin siyang ang “pinakadakilang misyonero noong Panahon ng Kadiliman.” Nang si Boniface ay mahigit na 70 anyos, siya at ang mga 50 kasamahan ay pinatay ng Frisianong mga di-mananampalataya.
Inilalarawan ng The Encyclopedia of Religion ang isang paraan na matagumpay na ginamit ni Boniface upang gumawa ng mga kumberte sa Katolisismo: “Sa Geismar [malapit sa Göttingen, Alemanya] ay nangahas siyang putulin ang sagradong punong encina ng Thor. . . . [Nang siya] ay hindi paghigantihan ng Alemang diyos na sinasamba ng mga tao, maliwanag na ang Diyos na ipinangangaral niya ang tunay na Diyos na siya lamang dapat sambahin at pakamahalin.”
Ang ilang misyonero ay gumamit ng ibang paraan, maliwanag na iniisip na ang anumang paraan ay kanais-nais kung makakamtan mo ang ninanais na resulta. Si Kane ay umaamin na ang pagkakumberte sa Alemang mga Saxon “ay apektado ng pagsakop militar sa halip ng moral o relihiyosong paghikayat.” Sabi pa niya: “Ang masamang kasunduan sa pagitan ng simbahan at ng estado . . . ang nag-udyok sa simbahan na gamitin ang imoral na pamamaraan upang makamit ang espirituwal na mga tunguhin. Saanman ay hindi masusumpungan ang patakarang ito na mas kapaha-pahamak kundi sa gawain ng mga misyong Kristiyano, lalo na sa gitna ng mga Saxon. . . . Isinagawa ang mga kabuktutan.” At kami’y sinabihan na nang ang mga misyonero ay lumipat sa Scandinavia, “sa kalakhang bahagi ang paglipat ay mapayapa; sa Norway lamang gumamit ng dahas.”
Ang paggamit ng dahas? Ang pagsasagawa ng kabuktutan? Ang pagsasagawa ng imoral na mga paraan upang makamit ang espirituwal na mga tunguhin? Ito ba ang dapat nating asahan sa mga misyonero na naglilingkod bilang mga ahente ng liwanag?
Mga Misyonero sa Isang Nababahaging Tahanan
Ang hiwalay na mga kampanyang misyonero ay isinagawa ng dalawang sangay ng nag-aangking Kristiyanismo sa Roma at sa Constantinople. Ang kanilang mga pagsisikap na “gawing Kristiyano”
ang Bulgaria ay humantong sa kalituhan na karaniwan sa isang relihiyosong nababahaging tahanan. Ang pinuno ng Bulgaria, si Boris I, ay nakumberte sa Griegong Ortodoxo. Gayunman, nang makitang lubhang nabawasan ng Constantinople ang kasarinlan ng relihiyon sa Bulgaria, siya’y bumaling sa Kanluran, pinapayagan ang mga misyonerong Aleman, na kumakatawan sa Roma, na dalhin ang kanilang bersiyon ng Kristiyanismo. Noong 870 C.E., maliwanag na ang Kanluraning relihiyon ay mas mahigpit pa sa Silangan, kaya ang mga Aleman ay pinaalis, at ang Bulgaria ay bumalik sa Silanganing Ortodoxo, kung saan, sa relihiyosong paraan, ay nanatiling gayon mula noon.Halos kasabay nito, ipinakilala ng Kanluraning mga misyonero ang “Kristiyanismo” sa Hungary. Samantala, ang dalawang hibla ng “Kristiyanismo” ay humahanap ng pagtaguyod sa Poland. Ayon sa The Encyclopedia of Religion, “ang relihiyon ng mga Polako ay karaniwan nang nasa ilalim ng pamamahala ng Kanluran, samantalang kasabay nito ay lubhang natatandaan ng Silanganing impluwensiya.” Ang Lithuania, Latvia, at Estonia ay “nadawit din sa labanan sa pagitan ng mga puwersa sa Kanluran at Silangan, taglay ang lahat ng eklesiastikal na mga resulta.” At ang Finland, pagkatapos na tanggapin nito ang “Kristiyanismo” noong dakong huli ng ika-11 siglo at maaga noong ika-12 siglo, ay nasumpungan ang sarili nito na pinag-aagawan kapuwa ng mga relihiyong Katoliko at Ortodoxo.
Noong ikasiyam na siglo, dalawang magkapatid na lalaki mula sa isang kilalang pamilyang Griego sa Tesalonica ang nagdala ng “Kristiyanismo” ng Byzantine sa Slavikong mga bahagi ng Europa at Asia. Si Cyril, na tinatawag ding Constantine, at si Methodius ay nakilala bilang ang “mga apostol sa mga Slavo.”
Isa sa mga nagawa ni Cyril ay ang paggawa ng isang nasusulat na wika para sa mga Slavo. Ang abakada nito, salig sa mga titik Hebreo at Griego, ay kilala bilang ang abakadang Cyrillic at ginagamit pa rin sa mga wikang gaya ng Ruso, Ukrainiano, Bulgariano, at Serbiano. Ang magkapatid na ito ay nagsalin ng mga bahagi ng Bibliya sa bagong nasusulat na wika at ipinakilala rin ang liturhiya sa Slaviko. Ito ay salungat sa patakaran ng Kanluraning relihiyon, na nagnanais na panatilihin ang liturhiya sa Latin, Griego, at Hebreo. Ang awtor na si Kane ay nagsasabi: “Ang paggamit ng bernakular na wika sa pagsamba, isang gawain na hinimok ng Constantinople subalit kinondena ng Roma, ay isang bagong paglayo at nagtatag ng isang pamarisan na lubusang umunlad sa modernong misyonerong gawain ng ikalabinsiyam at ikadalawampung siglo.”
Sa pagtatapos ng ikasampung siglo, ang Kristiyanismo sa pangalan lamang ay ipinakilala rin sa mga dako ng kung ano ngayo’y dating Unyong Sobyet. Si Prinsipe Vladimir ng Kiev, Ukraine, ay nabautismuhan, ayon sa tradisyon, noong 988 C.E. Sinasabing pinili niya ang anyong Byzantine
ng “Kristiyanong” relihiyon kaysa Judaismo at Islam dahil sa kahanga-hangang ritwal nito, hindi dahil sa anumang mensahe ng pag-asa at katotohanan.Sa katunayan, “ang tamang panahon ng kumbersiyon ni Vladimir,” sabi ng Keeping the Faiths—Religion and Ideology in the Soviet Union, “ay nagmumungkahi na tinanggap niya ang bagong relihiyon upang magkaroon ng pulitikal na pakinabang, sa gayo’y sinisimulan ang isang tradisyon na nangyari halos nang patu-patuloy sa buong kasaysayan ng Iglesya Ortodoxo sa Russia.” Saka isinusog pa ng aklat ang maliwanag na kaisipang ito: “Ang simbahan ay karaniwang handang maglingkod sa kapakanan ng pamahalaan, kahit na kung pinanghihimasukan ng pamahalaan ang mga kapakanan ng simbahan.”
Si Vladimir ay nag-utos na ang kaniyang mga sakop ay bautismuhan bilang mga Kristiyano; wala silang mapagpipilian sa bagay na ito. Nang “tanggapin niya ang Ortodoxo bilang ang relihiyon ng estado,” sabi ni Paul Steeves, “sinimulan niya ang isang programa ng pag-aalis sa tradisyunal na relihiyosong mga gawain ng katutubong mga tribong Slaviko.” Sa mga dako kung saan ang mga tao ay dati-rating naghahain sa mga idolong pagano, halimbawa, siya’y nagtayo ng mga simbahan. Sabi pa ni Steeves: “Ang mga nalabi ng paganismo gayunman ay nanatili sa loob ng ilang dantaon at sa wakas ay inilakip sa halip na alisin buhat sa relihiyosong buhay sa Russia.”
Sa kabila ng mabuway na pundasyong ito, ang Iglesya Ortodoxo sa Russia ay masigasig na nagtaguyod sa gawaing misyonero. Si Thomas Hopko ng Saint Vladimir’s Orthodox Theological Seminary ay nagsasabi: “Ang mga kasulatan at mga serbisyo ng simbahan ay isinalin sa maraming wika sa Siberia at sa mga diyalekto sa Alaska habang ang mga Silanganing rehiyon ng imperyo ay pinanirahanan at dinalhan ng ebanghelyo.”
Pinatinding Gawaing Misyonero
Ang Repormasyon noong ika-16 na siglo ang nagsindi sa espirituwal na mga apoy sa buong Europa. Ang saligan para sa matinding “Kristiyanong” gawaing misyonero ay itinatag habang ang mga lider ng Protestante, sa kani-kaniyang paraan, ang muling nagpasigla sa interes ng madla sa relihiyon. Ang pagsalin ni Luther ng Bibliya sa wikang Aleman ay mahalaga, kung paanong mahalaga rin ang pagsalin ng Bibliya nina William Tyndale at Miles Coverdale sa Ingles.
Pagkatapos, noong ika-17 siglo, isang kilusan ang bumangon sa Alemanya na nakilala bilang Pietismo. Idiniin nito ang pag-aaral ng Bibliya at personal na relihiyosong karanasan. Ganito pa ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang idea nito tungkol sa isang sangkatauhan na nangangailangan ng ebanghelyo ni Kristo ang siyang dahilan ng pasimula at mabilis na paglaganap ng dayuhan at lokal na mga gawaing misyonero.”
Sa ngayon, makikita na ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nakalulungkot na nabigong ikintal sa kanilang mga kumberte sa Europa ang Kristiyanong pananampalataya at pag-asa na may sapat na lakas upang masugpo ang pagbangon sa ating ika-20 siglo ng ateistikong Komunismo at iba pang totalitaryong mga ideolohiya. Simula ng magwakas ang Komunismo sa ilang bansa, muling pinasigla ng mga misyonero ang kanilang gawain, subalit ang mga Romano Katoliko, Ortodoxo Katoliko, at mga Protestante ay hindi nagkakaisa sa pananampalatayang Kristiyano na sinasabing taglay nila.
Ang Romano Katolikong taga-Croatia at ang Ortodoxong mga taga-Serbia ay bahagi ng misyonerong bunga ng Sangkakristiyanuhan. Ano pang bagay na higit na maglalarawan sa batik sa karangalan ng pagiging isang nababahaging tahanan kaysa yaong taglay ng Sangkakristiyanuhan? Anong uri ng Kristiyanong “mga kapatid” ang unang nagtataas ng kanilang sandata laban sa isa’t isa, at pagkatapos ay makisama sa pagbaril sa hindi Kristiyanong mga kapuwa-tao? Tanging ang huwad na mga Kristiyano ang nagkakasala ng gayong hindi maka-Kristiyanong gawi.—Mateo 5:43-45; 1 Juan 3:10-12.
Ang lahat ba ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nakatugon sa mga kahilingan? Ating ipagpatuloy ang ating pagsusuri sa pamamagitan ng pag-alam sa kung ano ang nagawa sa Asia. Basahin ang artikulo sa aming susunod na labas na pinamagatang “Ang Pagbabalik ng mga Misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Kung Saan Ito Nagmula.”
[Larawan sa pahina 21]
Sinasabing pinatunayan ni Boniface na ang paganong mga diyos ay walang kapangyarihan
[Credit Line]
Mula sa aklat na Die Geschichte der deutschen Kirche und Kirchlichen Kunst im Wandel der Jahrhunderte