Ang Pagbabalik ng mga Misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Kung Saan Ito Nagmula
Mga Misyonero Mga Ahente ng Liwanag o ng Kadiliman?—Bahagi 3
Ang Pagbabalik ng mga Misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Kung Saan Ito Nagmula
ANG Asia ang orihinal na tahanan ng tao. Dito ipinakilala ng Maylikha ang dalisay na pagsamba. Bagaman walang katalinuhang hinalinhan ito agad ng mga tao ng huwad na relihiyon, sa katapusan ang tunay na pagsamba ay ipinagpatuloy sa Asia sa sinaunang Israel at pagkatapos ay sa Kristiyanismo. Kaya nang dalhin ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Europa ang kanilang mensahe sa Asia, nagtungo sila sa kontinente kung saan nagmula ang buhay ng tao at ang tunay na relihiyon. Sila kaya’y maging mga ahente ng liwanag o ng mas pusikit na kadiliman?—Genesis 2:10-17.
Ano ba ang Magagawa ng Karagdagan Pang Diyos?
Hindi posibleng matiyak kung kailan at paano unang dumating ang pananampalatayang Kristiyano sa India. Ang relihiyosong mananalaysay noong ikaapat na siglo na si Eusebius ay nagsasabi na dinala ito roon ng Kristiyanong apostol na si Tomas noong unang siglo. Sinasabi naman ng iba na ang “Kristiyanismo” ay ipinakilala roon sa pagitan ng ikalawa at ng ikaapat na siglo. Nang dumating doon ang mga manggagalugad na Portuges noong pagtatapos ng ika-15 siglo, nasumpungan nila “ang mga Kristiyano na nagtatatag ng isang tinatanggap at iginagalang na elemento sa lipunan ng India.”—The Encyclopedia of Religion.
Ang paring Kastila na si Francis Xavier ay dumating sa subkontinente ng India noong 1542. Siya’y isang kasama ni Ignatius ng Loyola, nagtatag ng relihiyosong orden na Society of Jesus na karaniwang kilala bilang mga Jesuita. Ang The New Encyclopædia Britannica ay bumabanggit kay Xavier bilang “ang pinakadakilang misyonerong Romano Katoliko ng makabagong panahon,” tinatawag siyang “naging kasangkapan sa pagtatatag ng Kristiyanismo sa India, sa Kapuluang Malay, at sa Hapón.”
Bagaman ang buhay ni Xavier ay medyo maikli—siya’y namatay noong 1552 sa gulang na 46—ang kaniyang sampung taon ng paglilingkod misyonero ay punô ng gawain. Iniulat na hinimok niya ang mga misyonero na sundin ang mga kaugalian at ang wika ng mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Ang unang mga misyonerong Protestante ay dumating sa India noong 1706, mga 85 taon bago ilathala ni William Carey ang An Enquiry Into the Obligations of Christians to Use Means for the Conversion of the Heathens. Ang paglalathala ng aklat na ito ay tinawag na “isang palatandaan sa kasaysayang Kristiyano.” Pagkatapos isulat ito, si Carey ay naglingkod ng 40 taon sa India bilang isang misyonero.
Paglipas ng panahon, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagtungo sa lahat ng bahagi ng bansa. Ang mahihirap na taong kabilang sa mas nakabababang uri, lalo na ang mga taong itinakwil, na walang nakikitang pag-asa para sa isang mas mabuting kinabukasan sa Hinduismo, ay nagsimulang bumaling sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi, gayunman, na ang hilig na ito “ay tinutulan ng maraming misyonero at ng karamihan ng edukadong Kristiyanong mga lider sa India.”
Isinisiwalat ang kawalang-bisa ng Sangkakristiyanuhan,
ang mananalaysay na si Will Durant ay sumulat: “Ang India ay laging mahigpit na naniniwala sa mga diyos na malaon nang hinamak nang may kahinahunan ang kaniyang karukhaan at ang kaniyang pagkawasak. . . . Kapag ang hidwang mga pananampalataya o di-kilalang mga diyos ay naging popular ang mga ito ay pinahihintulutan nila [ng mga Brahman], at pagkatapos ay tinatanggap ang mga ito sa paniniwalang Hindu na maraming lugar para rito; wala namang gaanong magagawa ang karagdagang diyos sa India.” Sa kaniyang aklat na The Jesuits, inilathala noong 1984, si Manfred Barthel ay nagsasabi: “Ang resulta sa wakas ay na ang mga taga-India ay nanindigan sa Hinduismo; nadaig sa tagal ng Hinduismo kapuwa ang mga Jesuita at ang mga Mogul, at sa ngayon ay waring nagluluwas ng sobrang mga diyos at paniniwala sa mga Kristiyano sa Kanluran.”Bigong Mag-iwan ng Nagtatagal na Impresyon
Ang sinaunang Sangkakristiyanuhan, na nahahati na sa isang iglesya sa Kanluran at sa Silangan, ay dumanas ng higit pang pagkakabahagi noong ikalimang siglo. Si Nestorius, ang patriyarka ng Constantinople, ay nasangkot sa isang pagtatalo na humantong sa pagtatatag ng isang tumaliwas na pangkat mula sa Iglesya sa Silangan, ang iglesyang Nestoriano.
Idiniin ng mga Nestoriano ang gawaing misyonero. Ang isa sa kanilang mga misyonero, si Alopen, ang nagpakilala ng mga paniwalang Nestoriano sa Tsina noong 635 C.E. Sa kabilang panig, ang iglesya sa Kanluran ay hindi nakarating sa Tsina kundi noong bandang 1294, nang ang prayleng Franciscano, si John ng Monte Corvino, ay magtayo ng isang misyon doon.
Maliwanag, gayunman, ang gawaing misyonero sa Tsina ay hindi nagsimula hanggang nang pagdating noong mga taon ng 1580 ni Matteo Ricci, isang Italyanong Jesuita. Samantalang ang Protestantismo ay nagpupunyaging palakasin ang pagkakatatag nito sa Europa pagkatapos ng Repormasyon, ang Katolisismo ay abala sa paghahanap ng mga komberte sa labas ng Europa. Ang sekular na panggagalugad ng Portugal at Espanya, mga lupaing kapuwa debotadong Katoliko, ay nakatulong sa pagsisikap ng simbahan na humanap ng mga komberte sa labas ng Europa.
Ang mga misyonero noong ika-17 at ika-18 siglo ay marahil nagkaroon ng tagumpay dahil, gaya ng sabi ng The Cambridge History of China, “marami sa [kanila] (lalo na ang mga Jesuita) ay nagkaroon ng saloobin ng matinding pagpaparaya.” Ganito pa ang sabi ng propesor sa kasaysayan ng Tsina na si Hans H. A. Bielenstein: “Idiniin [ng mga Jesuita] ang mga pagkakatulad sa pagitan ng Kristiyanismo at ng Confucianismo, inihahambing ang Kristiyanong Diyos sa Langit ng mga Intsik, at hindi tinututulan ang pagsamba sa mga ninuno. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang mga Jesuita ay nakagawa ng mga komberte sa ilang lugar, at gayundin kung bakit hindi sila nag-iwan ng nagtatagal na impresyon.”
Noong 1724 binatikos ng emperador na Intsik ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at pinaalis ang karamihan ng mga misyonerong dayuhan. Habang ipinahihintulot ng pagkakataon, ang mga misyonerong Katoliko ay nagbalik sa Tsina. Ang mga misyonerong Protestante ay nakisama sa kanila, si Robert Morrison mula sa London Missionary Society ay kabilang sa unang dumating, noong 1807. Siya’y nagtayo ng isang kolehiyo na dinisenyo hindi lamang para ipalaganap ang kanilang mga paniwala kundi ipakilala rin ang Kanluraning kultura sa Tsina at ipakilala ang Kanluraning mga estudyante sa kultura sa Silangan. Noong 1819, sa tulong ni William Milne, natapos ni Morrison ang isang salin ng buong Bibliya.
Ang ilang misyonero ay nakatalaga sa pagdadala ng ibang uri ng kaliwanagan. Si Dr. Peter Parker ang naging unang medikal na misyonero sa Tsina, tumutulong sa pag-oorganisa ng Medical Missionary Society na itinatag sa Canton noong 1838. Itinalaga ng ibang misyonero ang kanilang mga sarili sa edukasyonal na mga gawain, sa pagsuporta sa mapagkawanggawang mga gawain, o sa paglutas sa mga suliraning panlipunan. Ayon sa The Cambridge History of China, ang ilan sa gawaing pagsasalin na isinagawa ng mga misyonero ay “mas angkop upang higit na maunawaan ng Europa ang Tsina sa halip na pagbutihin ang pagtanggap ng mga Intsik sa Kristiyanismo.”
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nabigo ring magbigay sa mga Intsik ng isang halimbawa ng pagkakaisa at kapatirang Kristiyano. Ang mga Protestante ay lalo nang hindi nagkakaisa. Sa loob ng apat na dekada ang bilang ng kanilang mga misyonero ay dumami mula sa 189 tungo sa 3,445. Noong 1905 ang bawat 60-at-higit pang
mga samahang misyonero ay nagpapalaganap ng sarili nitong bersiyon ng Kristiyanong turo. Ipinakita rin ng mga misyonerong Katoliko ang hindi kaayaayang larawan ng kung ano dapat ang Kristiyanismo. Binabanggit ng The Cambridge History of China “ang malaganap na gawain ng pakikialam sa lokal na mga bagay tungkol sa pulitika at hukuman upang magkaroon ng potensiyal na mga komberte.”Paghanap ng mga Komberte sa Ibang Dako
Wala pang isang dantaon pagkatapos marating ng Portuges na manggagalugad na si Ferdinand Magellan ang mga Isla ng Pilipinas noong 1521, ang mga misyonerong Katoliko roon ay nagbautismo ng halos dalawang milyon katao. Ngayon, 84 na porsiyento ng populasyon ay Romano Katoliko. Ang sistema ng edukasyon na itinatag ng iglesya ay tiyak na tumutulong upang ipaliwanag ang tagumpay nito. Subalit ang isa pang salik na hindi dapat kaligtaan, sabi ng isang manunulat, ay na “pinayagan [ng mga misyonero] ang mga komberte na panatilihin ang marami sa kanilang relihiyosong mga paniwala at gawain.”
Ang iglesya ay hindi gaanong matagumpay sa ibang dako. Halimbawa, ang bilang ng mga Katoliko sa Hapón ay 0.3 porsiyento lamang ng lahat ng mga Hapones. Sa Republika ng Korea, ang bilang ay malapit sa 6 na porsiyento ng populasyon ng Korea.
Unang nakilala ang mga Europeo sa Hapón noong 1542. Noong 1549, ang misyonerong Jesuitang si Francis Xavier, pati ang ilang kasama, ay magiliw na tinanggap. Di-nagtagal ang sigasig sa simula ay lumamig nang ang mga lider na Hapones “ay nagsimulang maghinala na ang gawaing misyonero ng mga Europeo ay maaaring pasimula lamang ng pulitikal na pananakop ng haring Kastila (gaya ng alam nilang nangyari sa Pilipinas),” sulat ng propesor sa kasaysayan na si J. Mason Gentzler.
Noong 1614 “ang mga misyonero ay ipinagbawal bilang mga kaaway ng estado at ipinag-utos ng emperador na ang Kristiyanismo ay hindi na maaaring pahintulutan sa kaniyang kaharian. . . . Ang mga komberte na tumangging talikuran ang bagong relihiyon ay ipinako sa krus ng sampu-sampung libo . . . , samantalang higit pang kakilabutan ang inilaan para sa mga misyonero . . . na sinunog o inihaw nang buháy, pinagputul-putol ang katawan, inihagis sa mga hukay na punô ng makamandag na mga ahas,” kabilang sa iba pang kabuktutan.—The Jesuits.
Ang Katolisismo ay ipinakilala sa Korea noong 1784, ang Protestantismo ay pagkalipas ng isang dantaon. Ang huling banggit ay “mas mabilis na lumago sapagkat ang mga misyonerong Amerikano ay nagdala hindi lamang ng Ebanghelyo kundi rin naman ng edukasyon, medisina at teknolohiya,” paliwanag ng magasing Time. Ang patakarang ito ng paggawa ng mga komberte sa pamamagitan ng ibang mga paraan maliban sa pagtuturo lamang ng relihiyon ay maliwanag na ginagawa pa rin. Ang propesor sa pilosopya na si Son Bong Ho ng Seoul National University ay sinipi na nagsasabi: “Ang mga relihiyong iyon na nagdiin ng materyal na mga pagpapala ay mas mabilis na lumago kaysa pangunahing mga denominasyon.”
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Hinaharap
Paano natin dapat malasin ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan noon? Ang kinakatawan nila ay hindi ang dalisay na anyo ng pagsamba na ipinakilala ni Jesus. Gayunman, ang marami sa kanila ay walang alinlangang taimtim. Sa paano man, isinalin nila ang Bibliya sa maraming katutubong wika at sa paano man ay nagturo ng ilang mga idea mula sa Bibliya.
Kumusta naman ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika, na tinawag na Madilim na Kontinente? Basahin ang tungkol dito sa aming susunod na labas sa artikulong “Espirituwal na Liwanag Para sa ‘Madilim na Kontinente.’ ”
[Kahon sa pahina 23]
“Jehova” sa Bibliyang Intsik
Si John W. Davis, isang misyonero at tagasalin noong ika-19 na siglo ay nangatuwiran: “Kung ang Espiritu Santo ay nagsasabi ng Jehova sa anumang espesipikong dako sa Hebreong kasulatan, bakit hindi isinasalin ng tagasalin ang Jehova sa Ingles o sa Intsik? Anong karapatan niya na magsabi, Gagamitin ko ang Jehova sa kasulatang ito at isang kahalili nito roon? . . . Kung sa anumang kalagayan ay maling gamitin ang Jehova sa salin kung gayon bakit ginamit ito ng kinasihang manunulat sa orihinal?”