Ang Tunay na Kahulugan ng 1914
Ang Tunay na Kahulugan ng 1914
GAYA ng ipinakikita sa pahina 4, “pinatitibay ng magasing ito ang tiwala sa pangako ng Maylikha na isang mapayapa at matatag na bagong sanlibutan bago lumipas ang salinlahi na nakasaksi ng mga pangyayari noong 1914.”
Malamang nasumpungan ng marami sa aming mga mambabasa ang pananalitang iyan na nakapagtataka. Gayunman, noon pa mang Disyembre 1879—mga 35 taon bago ang 1914—Ang Bantayan (noo’y kilala bilang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence) ay nagbigay ng katibayan buhat sa Bibliya na nagpapatunay na ang 1914 ay magiging isang mahalagang taon. Kahit na bago pa ito—noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo—ang iba pang mga estudyante ng Bibliya ay nagpahiwatig na ang 1914 ay malamang na isang taon na tinandaan sa hula ng Bibliya. a
Ang hula ay inilarawan bilang ang kasaysayan na isinulat nang patiuna. Ang tampok na ito ng Bibliya ay nagpapatunay na ito’y nagmula sa Diyos. Karagdagan pa sa pagsasabi sa atin tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, kung minsan binabanggit ng Bibliya ang haba ng panahon na lilipas bago mangyari ang isang bagay. Ang ilan sa espesipikong mga hulang ito ay tumutukoy sa ilang araw, ang ilan ay sa mga taon, at ang iba pa ay sa mga dantaon.
Si Daniel, na humula tungkol sa panahon ng unang paglitaw ng Mesiyas, ay nagsiwalat din kung kailan babalik ang Mesiyas para sa kaniyang “pagkanaririto” sa tinatawag na “ang panahon ng kawakasan.” (Daniel 8:17, 19; 9:24-27) Ang hulang ito ng Bibliya ay umaabot ng mahabang yugto ng panahon, hindi lamang ilang daang taon, kundi mahigit na dalawang milenyo—2,520 taon! Sa Lucas 21:24, tinatawag ni Jesus ang panahong ito na “ang itinakdang panahon ng mga bansa.” b
Sinimulan ng 1914 ang Isang Panahon ng Kabagabagan
Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapahiwatig na tayo’y nabubuhay na sa panahon ng kawakasan mula noong 1914. Inilarawan ni Jesus ang panahong ito bilang ‘pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.’ (Mateo 24:8) Sa Apocalipsis 12:12, ating mababasa: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Ipinaliliwanag nito kung bakit ang daigdig ay nasa mas matinding kaguluhan mula noong 1914.
Gayunman, ang panahong ito ng kawakasan ay magiging isang maikling panahon—umaabot ng mahigit sa isang salinlahi. (Lucas 21:31, 32) Ang bagay na tayo ngayon ay 80 taon na buhat noong 1914 ay nagpapahiwatig na tayo’y makaaasa na malapit na ang pagliligtas na dadalhin ng Kaharian ng Diyos. Ito’y nangangahulugan na makikita natin “ang pinakamababa sa mga tao”—si Jesu-Kristo—na lubusang pamamahalaan “ang kaharian ng mga tao” at dadalhin ang isang mapayapa at matuwid na bagong sanlibutan.—Daniel 4:17.
[Mga talababa]
a Noong 1844, itinawag-pansin ng isang Britanong klerigo, si E. B. Elliott, ang 1914 bilang isang posibleng petsa para sa katapusan ng “pitong panahon” ng Daniel kabanatang 4. Noong 1849, isinaalang-alang ni Robert Seeley, ng London, ang paksang ito sa gayunding paraan. Tinuro ni Joseph Seiss, ng Estados Unidos, ang 1914 bilang isang mahalagang petsa sa kronolohiya ng Bibliya sa isang publikasyong inedit noong mga 1870. Noong 1875, isinulat ni Nelson H. Barbour sa kaniyang magasing Herald of the Morning na ang 1914 ang nagtanda sa wakas ng isang yugto ng panahon na tinawag ni Jesus na “ang itinakdang panahon ng mga bansa.”—Lucas 21:24.
b Para sa isang detalyadong paliwanag tungkol sa hula ni Daniel, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, mga pahina 340-3, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 11]
Mga Komento Tungkol sa 1914 at Pagkatapos
“Maaaring, pagkatapos ng tila di-maiiwasang dalawang digmaang pandaigdig, ang paglikha ng mga sandatang nuklear ay nagsisilbing isang babala, na nagligtas sa atin mula sa ikatlong digmaan ng malalaking bansa at nagpakilala ng pinakamahabang panahon ng panlahat na kapayapaan, bagaman isang kapayapaan ng sindak, mula noong panahon ni Reyna Victoria. . . . Saan nagkamali ang sangkatauhan? Bakit nabigo ang pangako ng ikalabinsiyam na siglo? Bakit ang ikadalawampung siglo ay naging isang panahon ng malaking takot o, gaya ng sasabihin ng ilan, masama?”—A History of the Modern World—From 1917 to the 1980s, ni Paul Johnson.
“Sa lahat ng pabugsu-bugsong mga pagbabago sa sistema ng Europa, ang Dakilang Digmaan at ang kasunduan sa kapayapaan ay nagdala ng totoong biglang paghiwalay sa nakalipas, bigla rin ang mga pagbabago sa kabuhayan at lipunan, at sa pulitika. . . . Ang kalugud-lugod na kaluwalhatian ng malayang kumikilos at mabungang sistemang iyon ay naglaho sa malaking kapahamakan ng digmaan. Sa halip, kailangang harapin ng Europa ang pagdarahop ng kabuhayan at ang ganap na pagkalansag ng tatag na sistema ng ekonomiya. . . . Ang pinsala ay napakalaki anupat ang ekonomiya ng Europa ay hindi nakabawi mula sa kakuparan at kawalan ng katatagan bago sumiklab ang sumunod na digmaang pandaigdig.”—The World in the Crucible 1914-1919, ni Bernadotte E. Schmitt at Harold C. Vedeler.
“Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang bawat buklod sa pagitan ng mga tao ay naglaho. Ang mga krimen ay isinagawa ng mga Aleman sa ilalim ng pananakop ni Hitler kung saan pinayagan nila ang kanilang mga sarili na masakop sa walang katulad na lawak at kabalakyutan na pumawi sa kasaysayan ng tao. Ang lansakang pagpapatayan sa sistematikong paraan ng anim o pitong milyong lalaki, babae, at mga bata sa Alemang mga kampong bitayan ay nakahihigit sa kakilabutan anupat ang malupit at mabisang mga pagpatay ni Genghis Khan ay bale wala kung ihahambing dito. Ang sadyang paglipol sa lahat ng populasyon ay binalak at itinaguyod kapuwa ng Alemanya at Russia sa digmaan sa Silangan. . . . Sa wakas tayo ay lumitaw mula sa isang tanawin ng materyal na pagbagsak at moral na pagkawasak na ang katulad ay hindi kailanman maguguniguni ng tao noong dating mga dantaon.”—The Gathering Storm, Tomo I ng The Second World War, ni Winston S. Churchill.
“Mayroon na ngayong pagkilala sa mga karapatang pantao ng mga tao ng lahat ng uri, bansa, at lahi; gayunman kasabay nito tayo ay lumubog sa marahil ay hindi pa naririnig na kalaliman ng digmaan sa pagitan ng mga uri ng tao, nasyonalidad, at pagtatangi dahil sa lahi. Ang matitinding galit na ito ay ibinulalas sa walang-habag, maka-siyentipikong isinaplanong mga kalupitan; at ang dalawang magkasalungat na kalagayan ng isip at mga pamantayan ng paggawi ay makikita sa ngayon, na magkaagapay, hindi lamang sa iisang daigdig, kundi kung minsan sa iisang bansa at sa iisang tao pa nga.”—Civilization on Trial, ni Arnold Toynbee.
“Tulad ng isang multo na nagtatagal kaysa itinakdang oras, ang ikalabinsiyam na siglo—taglay ang mahalagang kaayusan nito, ang pagtitiwala-sa-sarili nito, at ang pananalig nito sa pagsulong ng tao—ay nanatili hanggang Agosto 1914, nang ang malalaking kapangyarihan sa Europa ay dumanas ng sama-samang pagsalakay ng kalituhan ng isipan na tuwirang humantong sa walang-saysay na pagpatay ng angaw-angaw na pinakamagaling na mga binata ng isang salinlahi. Pagkalipas ng apat at kalahating taon, habang sinisikap ng daigdig na magbalik sa normal pagkatapos ng masaklap na kapahamakan ng Dakilang Digmaan, naging maliwanag sa marami (subalit hindi sa lahat) ng kapanahong mga tagamasid na ang huling natitirang bakás ng dating kaayusan ay nawala na, at na ang sangkatauhan ay pumasok na sa isang bagong panahon na hindi gaanong makatuwiran at hindi gaanong mapagpatawad sa mga di-kasakdalan ng tao. Nasumpungang bigo niyaong mga umaasang dadalhin ng kapayapaan ang isang mas mabuting daigdig ang kanilang pag-asa noong 1919.”—Ang paunang salita sa 1919—The Year Our World Began, ni William K. Klingaman.
[Larawan sa pahina 10]
Bavarian Alps