Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Dalawang Uring Pamumuhay Ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dalawang Uring Pamumuhay—Sino ang Dapat na Makaalam?” (Enero 8, 1994) Nang ako’y 16 anyos, ako’y uminom, nanigarilyo, at nakipag-date nang lingid sa kaalaman ng aking mga magulang. Ang mga artikulong ito ang nakatulong sa akin na maunawaang walang bagay na maitatago sa mapagmasid na mata ng Diyos.
T. T., Fiji
Paghahabol sa Salapi Kababasa ko lang ng serye na “Ang Paghahabol sa Salapi—Saan Ito Hahantong?” (Marso 22, 1994) Ang mga artikulong ito ay nagdulot ng napakahusay na pagsaklaw sa paksa. Hindi ko alam na ang gayong kasamang mga kalagayan ay umiiral pa rin para sa nandarayuhang mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya. Ako’y nahahabag sa kanila.
G. M., Estados Unidos
Ang inilarawan ninyong masasamang kalagayan sa trabaho at mababang sahod ay tama. Ito’y malungkot na komentaryo sa kung paano minamalas ng ilan ang mga manggagawang ito—hindi bilang mga tao na may damdaming tulad natin. Oo, “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala”!—Eclesiastes 8:9.
K. V., Estados Unidos
Kanser sa Suso Sa inyong seryeng “Kanser sa Suso—Pangamba ng Bawat Babae” (Abril 8, 1994), wala kayong binanggit na ang pagpapasuso sa ina ay maaaring makabawas sa tsansa ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
B. J. M., Alemanya
Ikinalulungkot namin ang pagkaligtang ito. Ang puntong ito ay binanggit sa artikulong “Ang Katotohanang Pabor sa Gatas ng Ina,” na lumitaw sa aming labas ng Setyembre 22, 1993.—ED.
Nakasama ko nang ilang panahon ang isang Kristiyanong sister na naalisan ng kaniyang suso. Siya’y 62 anyos at nanlulumo. Wala akong masabi upang tulungan siya. Dahil sa mga komento na sinipi ninyo, makapagbibigay na ako ngayon sa kaniya ng tulong na kapaki-pakinabang.
D. H., Estados Unidos
Dalawang taon na ang nakaraan, ako’y naoperahan sa kanser sa suso. Upang makasumpong ng impormasyon tungkol sa bagay na ito, bumili ako ng medikal na ensayklopidiya, pero wala akong gaanong nasumpungan. Ang inyong artikulo ang sumagot sa aking mga katanungan. Ako’y naaliw.
M. G., Italya
Siyam na taon na nang ang aking ina ay namatay dahil sa kanser sa suso. Ako’y nuwebe anyos lamang noon, at hindi ko naunawaan ang kaniyang dinanas. Naiyak ako habang binabasa ko ang mga artikulong iyon at maisip siya. Hindi ko alam kung paano kayo sapat na mapasasalamatan dahil sa matalinong unawa na ibinigay ninyo sa akin sa huling mga taon ng kaniyang buhay.
K. F., Estados Unidos
Mga Biktima ng AIDS Nabasa ko ang inyong artikulong “Pagtulong sa mga May AIDS.” (Marso 22, 1994) Ako’y may HIV at hindi ko matanggap ang sinabi ng artikulo. Naiyak ang pamilya ko sa sama ng loob.
B. J., Estados Unidos
Kami ay nahahabag sa lahat ng nagdurusa. Sinikap ng aming artikulo na gawing timbang ang kanilang mga pangangailangan taglay ang pagmamalasakit ng karamihan. Yamang ang Batas ng Diyos sa Israel ay gumawa ng mahihigpit na paraan upang ingatan ang kalusugan ng bansa sa kabuuan, inaakala namin na angkop na imungkahi ang makatuwirang mga pag-iingat sa kalusugan. (Ihambing ang Levitico 13:21, 33.) Batid namin na “hindi kailangang labis na matakot na makahalubilo sa mga taong may AIDS.” Pero, marami ang patuloy na natatakot sa kabila ng mga katiyakang ibinigay ng mga doktor. Kaya aming hinihimok ang mga taong may AIDS na igalang ang damdamin ng iba na maaaring asiwa na magpakita ng pagkamagiliw. Anuman ang pinili ng mga taong walang AIDS sa bagay na ito ay kanilang sariling pagpapasiya. Ang lahat ng Kristiyano ay dapat na magkaroon ng marubdob na pagnanais na magpakita ng kabaitan at habag sa mga pinahihirapan nito.—ED.
Totoong napalakas ang loob ko na ang gayong mahabagin at napakahusay na pagkasulat na artikulo ay inilaan. Higit kong pinahalagahan ang mga mungkahi na bagaman tayo ay gumawa ng “panlahat na mga pag-iingat,” dapat tayong magpakita ng habag at magbigay ng tulong.
M. H., Estados Unidos