Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Muling Humarap ang mga Kristiyano sa Mataas na Hukuman ng Jerusalem

Muling Humarap ang mga Kristiyano sa Mataas na Hukuman ng Jerusalem

Muling Humarap ang mga Kristiyano sa Mataas na Hukuman ng Jerusalem

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ISRAEL

SI Jesus ay tumindig sa harap ng Sanhedrin, ang pinakamataas na hukuman sa Jerusalem, sa paglilitis para sa kaniyang buhay. Sa kabila ng panggigipit na ito, walang-takot na kinatawan niya ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 26:57-68) Pagkaraan ng ilang linggo ng paglilitis kay Jesus, ang pinakamalapit niyang mga tagasunod ay tumayo sa harap ng mataas na hukuman ding iyon. Sila’y nagbigay ng mapuwersang patotoo para sa Kaharian ng Diyos at sa inatasang Hari nito.​—Gawa 4:5-21.

Pagkaraan ng ilang araw, nang ang mga apostol ay minsan pang dinala sa harap ng Sanhedrin, nagkaroon ng di-inaasahang pagbaligtad ng mga pangyayari. Sa kabila ng matinding panggigipit ng mga kasama, si Gamaliel, isa sa lubhang iginagalang na miyembro ng hukuman, ay nagsalita alang-alang sa mga alagad ni Jesus. Bilang resulta ng nakapagtatakang pamamagitang ito, ang mga apostol ay pinalaya.​—Gawa 5:27-42.

Ang mga pagharap na ito sa hukuman ay katuparan ng mga pananalita ni Jesus sa Mateo 10:16-18: “Narito! Isinusugo ko kayo gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo . . . Dadalhin nila kayo sa mga lokal na hukuman . . . Kayo ay dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” Bagaman madalas na may maling pagkaunawa sa kanila, ang mga tagasunod ni Jesus ay naging kilala sa buong Israel. Libu-libo sa mga Judio noong unang-siglo ang tumanggap sa mensahe ni Jesus. (Gawa 4:4; 6:7) Lahat ng ito ay bunga ng masigasig na pangangaral ng Judiong mga alagad ni Jesus, pati na ang kanilang walang-takot na mga pagharap sa hukuman.

Sa Israel ngayon, kakaunti lamang ang nakakikilala sa mga Saksi ni Jehova, na sa kasalukuyan ay wala pang 500 sa isang bansa ng halos 5 milyon. Subalit noong 1993, ang kaso ng isang kabataang Saksi ay hindi lamang nagdala ng malaking pansin sa kanilang gawain kundi itinampok din nito ang isang natatanging makasaysayang ugnayan sa pagitan ng di-matuwid na opinyon at pag-uusig na dinanas kapuwa ng mga Judio at ng mga Saksi ni Jehova.

Paano Nagsimula ang Kontrobersiya?

Si Ariel Feldman, isang 17-anyos na Judiong Ruso na nandayuhan sa Israel, na nakatira sa Haifa, ay isang honor student at lubhang kinagigiliwan kapuwa ng mga kawani sa paaralan at ng kaniyang mga kapuwa estudyante.

Bunga ng isang di-pormal na pagpapatotoo sa lansangan noong panahon ng Digmaan sa Persian Gulf, si Ariel at ang kaniyang pamilya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Si Ariel ay gumawa ng masusing pagsusuri at paghahambing ng relihiyosong mga turo ng Judio at ng mga paliwanag ng Bibliya na iniharap sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova. Seryoso ang pag-iisip, si Ariel ay gumawa ng mabilis na pagsulong sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya at ang unang miyembro ng kaniyang sambahayan na nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.

Lahat ng ito ay hindi nagdala ng problema sa kaniyang mga pag-aaral sa paaralan. Gayunman, noong huling taon niya sa high school, ang kaniyang paaralan ay nagpasiyang magdagdag sa kurikulum ng isang eksperimental na programa upang ihanda ang mga estudyante para sa paglilingkod sa hukbo. Mga sundalo ang nagturo, at kasama sa programa ang pagsasanay ng mga posisyon at mga paraan ng pakikipaglaban. Inaakalang ang aktibong pakikibahagi sa kursong ito ay lalabag sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya at sa kaniyang neutral na paninindigan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, si Ariel ay gumawa ng makatuwirang pagsisikap na ipaliwanag ang kaniyang katayuan sa prinsipal. (Isaias 2:2-4) Magalang na ipinaliwanag niya na handa siyang makibahagi sa anumang ibang gawain ng paaralan sa panahong ito subalit hindi siya maaaring kumilos na laban sa kaniyang mga paniwala.

Bagaman ang prinsipal sa paaralan niya ay dati nang nagpakita ng pang-unawa sa kaniya, ipinasiya ng prinsipal na ang kahilingang ito ay hindi niya mapapayagan. Binigyan niya siya ng isang ultimatum: Alin sa aktibo siyang makibahagi sa panimulang pagsasanay sa militar o mapaalis sa paaralan. Hindi maaaring labagin ni Ariel ang kaniyang budhi. Noong Enero 31, 1993, mga ilang buwan lamang bago ang kaniyang huling pagsubok, siya ay pormal na pinaalis sa paaralan nang walang mapagpipilian.

Pagtatanggol Mula sa Isang Di-inaasahang Pangkat

Si Ariel ay nagtungo sa Samahan Para sa mga Karapatang Sibil sa Israel. Handa nilang hawakan ang kaniyang kaso, nag-aalok ng libreng legal na tulong. Ang modernong-panahong Estado ng Israel ay isang demokrasya. Bagaman wala itong konstitusyon na gumagarantiya ng karapatan ng mga indibiduwal, ang deklarasyon ng kalayaan ng Israel ay nagtataguyod ng kalayaan ng pagsamba at kalayaan ng budhi. Wala pang naunang legal na kaso sa Israel na nagsasangkot ng pagpapaalis sa paaralan dahil sa relihiyosong mga paniwala.

Ang mga pahayagan ay nagkaroon ng interes sa kuwento. Sinusunod ang legal na payo, si Ariel ay hindi nagpapahintulot na siya ay kapanayamin ng mga reporter, pinipiling ang kaniyang kaso ay pagpasiyahan sa loob ng hukuman sa halip na sa “hukuman” ng opinyon ng publiko. Gayunman, agad na binigyan-matuwid ng prinsipal ng paaralan ang kaniyang mga pagkilos sa isang panayam. Sa pahayagang Hadashot ng Pebrero 9, 1993, hindi lamang niya ipinahayag ang kaniyang palagay na ang relihiyosong paninindigan ng estudyante ay panganib sa Estado ng Israel at sa lahat ng umiibig dito kundi ginamit rin niya ang pagkakataon na magsalita laban sa mga Saksi ni Jehova bilang isang organisasyon, sa pagsasabing: “Ang kanilang gawain ay mapagpanggap, marumi, pailalim. Sila’y nagpapadala ng mga galamay at talagang hinahanap ang mahihina.”

Nauunawaan ng maraming Israeli na ang pangmalas ng prinsipal ay kumakatawan ng isang di-matuwid na pangmalas. Si Tom Segev, isang peryudista-mananalaysay na Israeli na nakagawa na ng maraming pananaliksik tungkol sa Holocaust, ay lalo nang nabagabag ng panayam. Ipinagunita nito sa kaniya ang tungkol sa isang saloobin na ipinakita ng ilan sa Alemanyang Nazi, na, pinukaw ng maling mga paratang laban sa mga Judio, ay ibinunton ang kanilang di-matuwid na opinyon sa isa sa pinakamasamang malawakang krimen sa kasaysayan ng tao. Ang opinyon ni Segev ay na ang mas malaking panganib sa Estado ng Israel ay, wala sa matapat na paninindigan ng kabataang estudyante, kundi, bagkus, nasa halimbawa ng pagkapanatiko na ipinakita ng prinsipal ng paaralan. Siya’y naudyukang sumulat ng isang artikulo na nagtatanggol sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova. (Tingnan ang kahon, pahina 15.)

Pagkatapos ng artikulo ni Segev, ang iba pa ay nagsalita rin. Isang residente sa Jerusalem, na dahil sa pagiging isang Judio ay naging isang bilanggo sa isang kampo noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ay sumulat ng isang liham sa editor na ginugunita ang mahusay na pag-uugali ng mga Saksi ni Jehova na nasa kampo ring iyon dahil sa kanilang pagtangging maglingkod sa hukbong Aleman.

Yamang ang kabataang Saksi ay hindi tumatanggap ng mga panayam, ang mga reporter ay bumaling sa ibang mga miyembro ng kongregasyon. Bagaman hindi espesipikong nagkokomento sa kalagayan ni Ariel bago ito napunta sa hukuman, sila ay maligayang nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova at sa kanilang gawain sa Israel. Ito’y humantong sa ilang paborableng mga artikulo sa mga pahayagan sa Israel gayundin ang mga panayam sa radyo sa isa sa lokal na matatanda. Marami ang nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon bunga ng publisidad na ito na hindi hiniling.

Ang Araw sa Hukuman sa Jerusalem

Paulit-ulit na sinikap ng sangay sa Haifa ng Samahan Para sa mga Karapatang Sibil sa Israel na magpaliwanag sa prinsipal, sa Lupon ng Edukasyon, at sa Ministri ng Edukasyon sa Jerusalem. Gayunman, lahat ng pagsisikap na ito ay walang kasiya-siyang pagtugon. Noong Marso 11, 1993, isang petisyon ang iniharap alang-alang kay Ariel Feldman sa Korte Suprema sa Jerusalem, ang pinakamataas na hukuman sa modernong-panahong Israel.

Marso 15, 1993, ang itinakdang petsa para sa panimulang pagdinig ng kaso. Ang mga abugado mula sa Samahan Para sa mga Karapatang Sibil sa Israel ang kumatawan sa kaso ni Ariel laban sa Lupon ng Edukasyon, sa prinsipal ng paaralan, at sa munisipyo ng lungsod ng Haifa. Masusing pinag-aralan ng tatlong Israeling mga hukom sa Korte Suprema ang panimulang pagdinig ng kaso.

Iniharap ng abugado ng Estado ang usapin bilang isa na maaaring sumira sa awtoridad ng paaralan kung ang estudyante ay papayagang “magdikta” kung anong klase ang kaniyang kukunin o hindi kukunin. Hiniling nila sa hukuman na suportahan ang kanilang pasiya na sa ilalim ng anumang kalagayan ang estudyante ay hindi dapat payagang makabalik sa paaralan.

Iniharap naman ng mga abugado ng mga karapatang sibil ang usapin bilang isang paglabag ng paaralan sa pangunahing karapatan sa kalayaan ng pagsamba at kalayaan ng budhi sa paraan ng pangangasiwa nito sa bagay na ito. Ang mga hukom ay nagtanong tungkol sa mga simulain o mga turo ng mga Saksi ni Jehova upang maunawaan ang dahilan ng paninindigan ng kabataang estudyante. Iniharap din sa kanila ang maraming impormasyon sa nasusulat na petisyon tungkol sa katulad na mga kaso sa buong daigdig kung saan ang mataas na mga hukuman ay nagpasiya na pabor sa mga Saksi ni Jehova.

Sa kanilang paglalagom binanggit ng mga hukom na ipinaglalaban ng magkabilang panig ang isang simulain. Gayunman, nang pagtimbang-timbangin kung aling panig ang higit na mapipinsala sa pagpapanatili sa kalagayan, tiyak na ito ay ang estudyante. Ipinahayag ng mga hukom ang pag-aalinlangan sa paggawi ng prinsipal at ng Lupon ng Edukasyon, binibigyan sila ng sampung araw upang magbigay ng nasusulat na paliwanag sa kanilang pagkilos. Ang hukuman ay naglabas ng panggitnang utos na humihiling na si Ariel Feldman ay tanggaping muli sa paaralan upang tapusin ang taóng paaralan at na siya’y huwag hadlangan sa pagkuha ng kaniyang huling pagsubok.

Mga ilang araw bago ang huling pagdinig, na itinakda noong Mayo 11, 1993, ibinaba ng Lupon ng Edukasyon ang kanilang mga demanda laban kay Ariel Feldman. Bunga nito, ang huling pagdinig ay kinansela, ang mahalagang mga usapin tungkol sa kaso ay hindi kailanman napagpasiyahan ng hukuman, at walang may-bisang legal na pamarisan ang naitatag. Bagaman iniwan nito ang bagay na ito na bukás para sa higit pang legal na debate, pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang makatuwirang saloobin na ipinakita ng mga hukom sa Korte Suprema ng Israel.

Mga Aral na Natutuhan

Mula noong panahon ni Jesus hanggang sa ngayon, nakaharap ng mga Saksi ni Jehova ang pagsalansang at di-matuwid na opinyon na nagdala sa kanila sa pinakamatataas na hukuman sa maraming lupain. Ang mga kasong ito ay naging ‘isang patotoo sa mga bansa.’ (Mateo 10:18) Kahit na kung ang kaniyang mga Saksi sa isang bansa ay kakaunti, tinitiyak ni Jehova na ang kaniyang pangalan ay mapabantog. At gaya ng kaso noong unang siglo kung saan kataka-takang namagitan ang iginagalang na miyembro ng Sanhedrin na si Gamaliel, ang Diyos sa ngayon ay maaaring maglaan ng tulong para sa kaniyang bayan mula sa di-inaasahang pangkat.

[Kahon sa pahina 15]

“Kung Ano ang Nalalaman ng Prinsipal ng Paaralan Tungkol sa mga Saksi ni Jehova”

(Mga halaw mula sa artikulo ni Tom Segev sa Ha’aretz, Pebrero 12, 1993)

“Sa isang bansa na mayroon ng lahat ng bagay, mayroon ding ilang Israeling mga Saksi ni Jehova. Hindi sila marami, at kaunti lamang ang nakarinig tungkol sa kanila, sa kabila ng bagay na sa Israel, gaya sa bawat bansa, sinisikap nilang magkaroon ng mga tagasunod sa kanilang mga simulain, sa pamamagitan kapuwa ng nasusulat na salita o bibigan. Sa paano man ay nag-iwan ito ng impresyon sa estudyanteng iyon sa paaralan ng Hugim. Yamang ikinapit niya ang mga simulain ng kilusan, tumanggi siyang makibahagi sa mga leksiyon sa kakayahang pangkatawan na pagsasanay sa militar sa paaralan. Ang prinsipal ay hindi pumayag na ilibre siya sa mga leksiyong ito. Kung tama ang pagkaunawa ko sa kaniya, nakikita niya si Ariel bilang isang banta sa kinabukasan ng Zionismo. Itong linggong ito sinabi niya sa akin: ‘Kami’y isang Zionistang paaralan; itinuturo namin sa mga bata ang katapatan sa Estado at sa bansa.’ . . .

“Si Rina Shmueli, ng Samahan Para sa mga Karapatang Sibil sa Haifa, ay nagsikap na kumbinsihin ang prinsipal na kilalanin ang karapatan ng estudyante na sundin ang kaniyang budhi at ilibre siya mula sa pagsasanay sa militar; ito sana ay maaring maging isang napakaangkop na leksiyon sa pagpaparaya at demokrasya. Subalit ang prinsipal ay nanindigan sa kaniyang opinyon. Ang kaniyang opinyon ay na kami ay nakikitungo sa isang mapanganib na sekta na nagkakaroon ng mga miyembro sa pamamagitan ng pang-aakit. . . .

“Ipinagunita nito sa akin ang isang bagay na nakasásamâ. Kaya tinawagan ko sa telepono ang prinsipal at tinanong siya kung ano ang aktuwal na nalalaman niya tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niyang wala siyang gaanong nalalaman subalit narinig niya na sila rin ay aktibo sa ibang bansa, at na nakatagpo niya mismo sila sa Canada at sa Alemanya. Tinanong ko siya kung alam ba niya kung ano ang nangyari sa mga Saksi sa Alemanya. ‘Hindi ko alam, at ayaw ko ring malaman,’ ang sagot ng prinsipal.

“Marahil ang Hugim High School ay may aklatan, at marahil sa aklatang iyon ay mayroon silang The Encyclopedia of the Holocaust, na inedit ni Israel Gutman. Kung wala silang kopya nito, dapat silang bumili ng isang kopya. Sa ilalim ng pamagat na ‘Earnest Bible Students,’ masusumpungan ng prinsipal na ipinadala ng mga Nazi ang mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan.”