Muling Nakita ang Ibong “Lipol Na”
Muling Nakita ang Ibong “Lipol Na”
ANO itong kasinlaki ng isang inahing manok, may pulang tulad-lorong tukâ at muradong-asul na balahibo, hindi lumilipad, at itinuring na lipol na mula noong mga 1900 hanggang 1948? Isa pang himaton: Ito’y masusumpungan lamang sa New Zealand at may Maoring pangalan. Ito ang takahe, o Notornis mantelli hochstetteri.
Ginugugol ng maiilap na ibong ito ang karamihan ng taon sa paltok na mga hanay ng bundok Murchison at Kepler ng Fiordland sa timog-kanluran ng South Island ng New Zealand. Gayunman, ang ilan ay naiingatang nakakulong, gaya ng isang nakalarawan dito sa maliit na parkeng pampubliko sa Te Anau. Ang The Illustrated Encyclopedia of Birds ay nagsasabi na ang malaking ibong ito (halos 63 centimetro ang haba) “ay dumanas ng kapaha-pahamak na pag-unti ng bilang dahil sa kompetisyon at paninila ng mga hayop na dinala rito mula sa ibang lugar.” Sa kabila ng pagpaparami sa mga ibon na nakakulong at pagsupil sa paninila, isa pa rin itong nanganganib malipol na uri ng ibon.
Binabanggit din ng aklat na iyon na “ito ay kumakain ng mga ulo ng binutil at malalambot na pinaka-punò ng mga damo.” Subalit kailangan nitong makipag-unahan para sa pagkain nito “sa usa na galing sa ibang lugar at karaniwang natatalo sa paligsahan.” Asahan natin na ang natatanging ibong ito ay hindi maglalaho mula sa talaan ng pambihirang mga nilikha sa New Zealand.