Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Krisis sa Tubig
Sinabi ng pinakahuling ulat ng FAO (Food and Agriculture Organization ng United Nations) na makakaharap ng humigit-kumulang 30 bansa sa buong mundo ang malubhang kakulangan sa tubig sa taóng 2000. Ayon sa FAO, dahil sa patuloy na pag-uunahan sa limitadong mga pinagkukunan ng tubig, daan-daang milyong tao ang hindi makatatanggap ng pinakakaunting dami ng tubig na kailangan upang sila’y mabuhay. Ang mga tao na pinakananganganib ay ang mga nasa kahilagaan at sub-Sahara ng Aprika, ang Near East, at Hungary. Sinabi ng ulat, na lumabas sa pahayagang Le Monde sa Paris, na ang agrikultura ang gumagamit ng halos 70 porsiyento (90 porsiyento sa nagpapaunlad na mga bansa) ng suplay ng malinis na tubig sa daigdig para sa irigasyon. Tinataya ng FAO na hanggang 60 porsiyento ng tubig na ito ang nasasayang dahil sa di-mahusay na mga paraan sa irigasyon.
Isang Namamatay na Tradisyong Hapones?
Ang taimtim na paggalang ng mga Hapones na dating ipinakikita sa kanilang matatanda ay waring nababawasan na. Ang pag-abuso sa pisikal at sa isip sa mga may edad na ay dumarami. Ipinaliliwanag ng Mainichi Daily News na ayon sa isang dalubhasa, nasumpungan ng maraming modernong mga pamilya ang kanilang sarili na di-handang mag-alaga sa kanilang may edad nang mga kamag-anak at hindi kayang magbata sa kaigtingan. Kalimitang bumabaling sila sa karahasan at pagpapabaya. Ayon sa Mainichi Daily News, sa isang kaso ay “nakaugalian na [ng isang lalaki] na bugbugin ang kaniyang 75-taóng-gulang na ama hanggang sa magkapasa-pasa ito kailanma’t tumanggi siyang ibigay ang kaniyang pensiyon.” Lakip sa iba pang karaniwang halimbawa ay ang pagtatali ng mga bisig at binti ng ulianing magulang at pagkatapos ay ikulong siya sa isang silid at ang pagpapasak ng basahan sa bibig ng isang matandang babae.
Babala sa Aerobics
Iniulat ng The Times ng London na “ang pagkahumaling sa high-impact (mabibigat na gawain sa) aerobics” ay maaaring magbunga ng mga pinsala sa loob ng tainga. Waring ang napakaraming sesyon ng mapuwersang pagtalon ay maaaring permanenteng makapinsala sa maseselan na butil sa loob ng tainga. Ang ilan sa karaniwang sintoma ay pagkahilo, kawalan ng timbang, pagkalula, at paghiging sa mga tainga. Isiniwalat ng kamakailang surbey sa kababaihan na nagtuturo sa mga klase ng high-impact aerobics nang dalawang beses sa isang araw na 83 porsiyento ang nagkaroon ng mga problema na nakaririnig ng matitinis na tunog. Ang isa pang sanhi na dapat ikabahala ay waring ang ilang babae ay nagkakaroon ng “exercise bulimia,” pagkasugapa sa labis na mabibigat na pag-eehersisyo. Ang mga biktima nito “ay hapong-hapo, na may masasakit na kalamnan, mga bali dahil sa puwersa at, kapag sila’y sumasali sa mga klase na may mabibigat na ehersisyo, ang problema ng pagiging timbang,” sabi ng The Times.
Kung Bakit Kakaunti ang mga Kotse sa Tsina
May populasyon na mahigit sa isang bilyong tao, ang Tsina ay mayroon lamang 50,000 pribadong pag-aari na mga kotse. Gayundin, ayon sa China Today, kinakatawan ng bilang na ito ang “isang napakalaking pagdami.” Noong 1983 mayroon lamang 60 pribadong kotse sa bansang iyan! Ang bilang ng mga may-ari ng kotse ay inaasahang lalago sa hinaharap. Gayunman, dapat kalkulahin ng isang nagbabalak na bumili ang gastos. Sa Tsina ay may mahigit na 40 iba’t ibang uri ng buwis na nagpapataas sa halaga ng isang kotse. Halimbawa, ang “isang kotse ay maipagbibili sa halagang 300,000 yuan (mga US $37,000) sa Tsina, subalit hindi pa nagkakahalaga ng US $10,000 sa ibang bansa.” Kumusta naman ang halaga ng pag-aaral sa pagmamaneho? Ang isang paaralan sa pagmamaneho ay sumisingil nang “doble sa taunang kita ng isang katamtamang sumusuweldo,” sabi ng China Today.
Malaki ang Nagagawa ng mga Kamera
Iniuulat ng Kagawaran ng Transportasyon sa London, Inglatera, ang napakalaking kabawasan sa bilang ng mga paglabag sa pagpapatakbo nang mabilis sa mga lugar kung saan inilagay ang mga kamera upang kunan ng larawan ang mga plaka ng mabibilis na sasakyan. Naglalaan ang mga kamerang ito sa mga awtoridad ng mga larawan na ginagamit upang usigin ang kaskaserong mga tsuper. Ang mga ito’y makapaglalaan din ng mapanghahawakang katibayan laban sa mga hindi humihinto sa pulang mga ilaw sa trapiko. Iniulat ng magasing New Scientist na sapol nang ikabit ang mga kamera, “ang bilang ng mga taong malubhang nasusugatan sa mga daan na napiling lagyan ng mga kamera ay bumaba nang sangkatlo.” Minsang gumana ang mga kamera, ang katamtamang bilang ng mga sasakyan na lumalampas sa pinakasukdulang legal na hangganan ng bilis na 32 kilometro bawat oras ay bumaba mula sa 1,000 tungo sa 30 kotse sa isang araw. “May kabawasang 40 porsiyento sa bilang ng mga tsuper na nagpapasibad agad bago magberde ang ilaw at 60 porsiyentong kabawasan sa bilang ng mga aksidente sa mga sangandaan,” sabi ng New Scientist.
Ang Salinlahi ng 1914
Tanging 272,000 mula sa 4,743,826 mga lalaki’t babae sa E.U. na nakasali sa Digmaang Pandaigdig I ang nabubuhay
noong 1984. (Gumising!, Abril 8, 1988) Sa ngayon ang bilang na iyan, ayon sa Department of Veterans Affairs, ay umunti hanggang sa tinatayang 30,000, at ang katamtamang edad ay 95. Gayunman, sa buong mundo noong 1992 ay may nabubuhay pang 61,486,000 tao sa lahi na isinilang noong 1914 o bago nito.Iligtas ang mga Insekto
Kung walang mga insekto at ibang hayop na walang gulugod, “babagsak ang pandaigdig na sistema sa ekolohiya, ang mga tao at iba pang nilikhang may gulugod ay malamang na tumagal lamang ng ilang buwan, at ang planeta ay mauuwi sa mga lumot at fungi,” sabi ng The New York Times. Salig sa kamakailang pagsusuri, nagbabala ang artikulo ng Times na ang karaniwang pagkabahala sa pagliligtas ng mga balyena, tigre, at iba pang nanganganib na uri ng buhay ay dapat na humangga upang ilakip ang mga nilikhang walang gulugod. Ang maliliit na nilalang na ito ang may pananagutan sa napakaraming mahahalagang proseso sa ekolohiya, pati na ang pag-ubos sa nabubulok na bagay, pamumulo (pollination) sa mga halaman, pagkakalat ng mga binhi, at pag-aalis ng dumi. Sa Estados Unidos lamang, ang mga tao ay nakapaglalabas ng halos 130 milyong tonelada ng dumi sa bawat taon, at sa mga hayop naman ay karagdagan pang 12 bilyong tonelada. Ayon sa isang dalubhasa, 99 porsiyento ng duming ito “ay inaakalang binubulok ng mga nilikhang walang gulugod.”
Naglalahong mga Wika
Ang ilang wika ay nanganganib na maglaho sa maraming nagkakaiba-ibang wika na bansang Papua New Guinea. Limang wika na ang naglaho sa nakalipas na 40 taon. “Iniiwan [niyan] ang bansa na may 867 wika na lamang,” ayon sa Post-Courier ng Papua New Guinea. Ang “pagkakaiba-iba ng wika [sa bansa] ay dahil sa heograpikong pagkakahiwalay ng maraming tribo sa mabundok, magubat na lupain sa pinakasentro ng bansa,” paliwanag ng Post-Courier. Sinabi pa ng pahayagan na may “22 wika na wala pang 100 ang nagsasalita nito, pitong wika na wala pang 20 ang nagsasalita nito at 10 wika na wala pang 10 ang nagsasalita nito.” Ang isa sa mga nanganganib na wika ay ang Uruava, na sinasalita ng limang tao. Ang Bina at Yoba ay sinasalita ng tig-dadalawang tao lamang.
Ang Nagsangang Dila ng Ahas
Ano ba ang gamit ng nagsangang dila ng ahas? Ayon sa isang ulat ng International Herald Tribune, ang dila ay tumutulong sa ahas na tuntunin ang pinagmumulan ng masarap na amoy kung paanong ang ating dalawang tainga ay tumutulong upang tuntunin ang direksiyon ng isang tunog. Kapag ito’y naghahanap ng masisila o ng kapareha nito, paulit-ulit na inilalabas ng ahas ang dila nito, ibinubuka hangga’t maaari ang magkabilang dulo. Sa ganitong paraan, sinusubukan ng ahas ang tindi ng amoy sa dalawang dulo, nagpapangyari rito na malaman ang kinaroroonan ng hayop na hinahanap nito.
Seksuwal na Pagsasamantala ng mga Pasyente
Isiniwalat ng kamakailang pagsusuri na ang seksuwal na pagsasamantala sa lugar ng trabaho ay isang malubhang problema para sa maraming doktor na babae. Sa surbey, 77 porsiyento sa mga tumugon ang “nag-ulat ng ilang anyo ng seksuwal na pagsasamantala mula sa mga pasyente,” paliwanag ng The Medical Post. Inaakala ng marami na ang solusyon sa problemang ito ay nakaatang sa balikat ng mga doktor mismo. Sila’y hinihimok na kumilos nang pormal at propesyonal, isuot ang damit panlaboratoryo, at isuot ang pangkasal na singsing kapag gumagamot ng mga pasyente. Gayunman, inaakala ng iba na wala nang magagawa upang iwasan ang seksuwal na pagsasamantala sa mga babaing doktor. Ipinahayag ng Post ang opinyon nito nang sabihin nito na “ang mga babaing doktor ay bahagi ng lipunan kung saan ang seksuwal na pagsasamantala at pangamba nito ay likas na bahagi ng pagiging babae.”
Nasusunog na mga Cornea
Iniulat kamakailan ng isang medikal na magasin na maraming kabataang babae ang di-sinasadyang nasusunog ang kanilang mga cornea kapag naduldol sa kanilang mga mata ang pangkulot na bakal habang inaayos ang kanilang buhok. Ayon kay Dr. Dean Ouano ng Scheie Eye Institute sa University of Pennsylvania, ito “marahil ang pinakakaraniwang pinsala sa cornea dahil sa init.” Ipinakita ng isang pagsusuri na sa karamihan ng kaso ay wala namang pangmatagalang pinsala sa mata, at karamihan sa kaso nang nasunog na mata ay gumagaling sa loob ng tatlong araw. Gayunman, inilalarawan ni Dr. Albert Cheskes ng Bochner Eye Institute sa Toronto ang uring ito ng aksidente bilang isa na maaaring maging “napakapanganib.” Sinabi pa niya na ito’y nangyayari “sapagkat parami nang paraming pangkulot na bakal ang ginagamit at ang mga babae ay nagmamadali.”
Mga Krimen sa Bakuran ng Paaralan
“Ang mga karahasan sa paaralan ay napakasama, palasak at nagiging pinakamainit na usaping napapaharap sa mga tagapagturo at mga pulitiko,” sabi ng The Toronto Star. Ang bilang ng mararahas na gawa ay dumarami sa bawat taon na lumilipas. Noong 1993, ang mga krimen sa bakuran ng paaralan sa Toronto ay naglakip ng 810 pambubugbog, 131 panghahalay, at 7 panlalason gayundin ang kasindami ng 141 mapanganib na pagdaluhong na may mga armas. “Nakumpiska [ng mga pulis] ang totoong napakaraming baril, panaksak, patpat, pamalo ng bola at iba pang mga armas mula sa mga estudyante,” sabi pa ng Star. Minamalas ng balisang mga magulang ang paaralan bilang mapanganib na lugar para papasukin ang kanilang mga anak. Ang mga paaralan ay dating kanlungan para sa karunungan, “subalit ngayon ay may mga gang na ito, panggigipit ng mga grupo, at mga sandata,” ulat ng Star.